Matapos ilagay lahat ng gamit sa tela, pinagbuhol ko ang bawat dulo nito. Nagtungo ako sa maliit na silid at sinilip ang aking kapatid na ngayo’y mahimbing na natutulog. Ang bigat sa pakiramdam, nanakit ang aking lalamunan dahil sa pagpipigil ng iyak. Patawad kapatid, ‘wag kang mag-alala babalikan kita kung maaari.
Pikit-mata akong huminga nang malalim, sunod niyon ay inumpisahan ko nang ihakbang ang aking mga paa palabas. Maingat kong itinulak ang pinto naming gawa sa kawayan upang hindi lumikha ng ingay. Muli kong ipinagpatuloy ang aking paglisan ngunit natigilan ako nang may marinig.
“Pangkin, saan ka papunta?” mahinahong tanong ni Tiyo Lando, ngunit hindi nakatingin sa akin. Nakaupo lang siya sa labas, gagap ang isang tasa ng salabat.
“Patawarin mo ako T’yong!” sambit ko at muling iumpisahang humakbang.
“Vicente!” Nagulat ako at hindi napigilan ang sariling huminto sa paglalakad. Ngayon niya lang ako tinawag sa aking totoong pangalan. Kaya naman wala akong nagawa kundi ang lumapit sa kanya at sumikbay.
“Saan ka pupunta?”
“T’yo Lando, patawarin mo po ako. Kailangan kong gawin ito.” Sa pagkakataong iyon ay hindi ko na nagawa pang pigilan ang muling pagbagsak ng luha. “Itatanan ko na po si Solidad. Ikakasal na siya bukas.”
Napasulyap ako sa kanya at napansin ang kanyang matipid na ngiti. “Huwag kang humingi ng tawad Pangkin, hindi ako galit sa‘yo. Naiintindihan kita.”
Tinuyo ko ang aking mga mata gamit ang laylayan ng aking damit at nagpatuloy ang Tiyo sa pagsasalita.
“Tama iyang ginagawa mo Pangkin. Hindi kita pipigilan, huwag kang mag-alala. Marahil nagtataka ka ngayon dahil siguro inaasahan mong sasama ang aking loob.”
“Alam mo Pangkin, mahal ko kayo, kayong magkapatid. Simula nang kinupkop ko kayo ay itinuring ko na rin kayong tunay na mga anak. Magiging masaya ako kung masaya kayo. Kung mapapabuti ka sa pagkikipagtanan kay Solidad, ituloy mo lang iyan. Ayaw kong matulad ka sa akin, sa amin ng Tiya mo. Hindi ko siya nagawang ipaglaban kaya ayun…iniwan niya ako. At sa huli parehas kaming hindi naging masaya.”
Dinampot niya ang tasa, humigop ng salabat at muling nagpatuloy sa pagsasalita. “Huwag mong ipag-alala ang kapatid mo Pangkin, ako nang bahala sa kaniyang magpaliwanag sa desisyong iyong ginawa upang hindi siya magtanim nang sama ng loob.”
“Sa tingin mo T’yong magagalit kaya sa akin ang Itay dahil dito?” mahina kong sambit ngunit sapat na iyon para marinig niya.
“Hindi ‘yon Pangkin. Tulad ko, ang hangad rin niya ay ang kasiyahan mo. Siya pati ang nagturo sa‘yo na maging mapanindigan kaya panigurado akong masaya siya na ipaglalaban mo si Solidad. At kung tungkol naman kay Totoy ang iniisip mo, ‘wag kang mag-alala hindi ko siya pababayaan.”
“Salamat po T’yong.” Matapos naming mag-usap, pakiramdam ko ba ay nabunutan ako ng tinik sa dibdib. Napakagaan ng aking pakiramdam at mas naging buo ang loob ko sa pakikipagtanan kay Solidad.
“Santisimo! Nalalim na ang gabi, T’yong hahayo na po ako.”
“O’sya, ingat. Hanga pala Pangkin, tandaan mo, sa tuwing may suliranin kang kinahaharap at kailangan mo ng karamay o tulong, huwag kang mahihiya at magdadalwang isip na bumalik dito.” Mahigpit kong niyakap si Tiyo. Matapos niyon ay dinampot ko ang kanyang kamay para magmano. “Kaawaan ka ng Diyos Pangkin, dalian mo na, mag-ingat ka.”
Tuluyan ko nang nilisan ang aming tahanan at tinumbok ang madilim na daan patungo sa aming tagpuan. Nagmamadali akong tumakbo. Wala akong bitbit na kahit na anong pangilaw, mabuti na lang at napakaliwanag ng buwan kaya kahit papaano ay naaninag ko ang daan.
Sa ilang saglit na paglalakad ay natumbok ko na ang harapan ng aming tagpuan. Maingat akong pumasok sa loob, nagulat ako nang may maaninag na liwanag. Si Solidad…mahal ko nandito na ako. Nasabik akong makita siya kung kaya’t agad akong dumungaw at nagmasid. Subalit nabigo ako, wala si Solidad.
“Mahal ko? Nandito na ako!” Ang sigaw ko ngunit walang tumugon.
Sinuyod ko ang buong paligid ngunit wala ang babaeng mahal ko. Nasaan ka Solidad? Namanhid ang mga balikat ko, at wari ba ay nais ko nang lumubog sa lupa. Hindi ko maintindihan ang aking ikikilos at may mga bagay na hindi ko mapigilang pumapasok sa aking isip, gaya ng kasal ni Solidad sa sundalong Hapon. Habang nakatulala, napabalikwas ako nang may marinig na ingay. “Si Solidad!”
Matikas akong tumayo at tumungo palabas. Panandalian akong napahinto nang may namataang dalawang tao na may gagap na mga kakaibang pangilaw. Nabigla sila at natakot nang makita ako, kung kaya’t nag-atubili silang tumakbo palabas. Hinabol ko sila, upang magtanong kung nakita nila ang aking kasintahan.
Nang makarating sa bungad sumigaw ako ng pagkalakas. “Sandali!”
Huminto naman sila at maingat na lumingon. Kasabay nito ang pagkakagulat ko sa mga sunod na pangyayari at hindi ko inasahan ang aking mga nakita. May napansin akong isang patay-sinding liwanag na nakakabit sa isang bakal na gaya ng kabitan ng watawat. Mistulang nagbago rin ang harapan ng abandonadong bahay. Hindi na masukal ang mga damo at napakaayos ng daan kumpara kanina na lubhang malubak. Ilang bahay din ang himalang tumubo sa paligid ng aming tagpuan. At tila ba, tulad ng dapit-hapon ang liwanag sa kapaligiran, kumpara kanina na halos madapa ako dahil durong dilim.
Labis akong naguluhan sa mga nangyari kaya naman minarapat kong tanungin ang dalawang taong hawak ang ilaw at nakatutok sa akin. “Nasaan ako?”
Ngunit hindi sila sumagot bagkus ay nagtanong pa ang isa, na sa aking palagay ay babae dahil sa katamtamang tinis ng boses. “Sino ka at anong ginagawa mo d'yan?”
“Ako si Vicente, hinahanap ko si Solidad ang aking kasintahan.”
Natigilan ang dalawa matapos kong sabihin iyon. Nabalot ng katahimikan ang paligid. Naghihintay ako ng matinong sagot ngunit mas lalo akong naguluhan sa kanilang binulong sa isa’t isa.
“Kaya hindi siya nakasipot sa kanilang pagtatanan, kasi naligaw siya rito sa panahon natin.”
Paano nila nalaman ang aming pagtatanan?
Panahon nila?
Sino ba ang mga ito?
Nasaan ba ako?
Anong nangyayari?
Iyan ang mga tanong na nag-uunahang pumasok sa aking isip na mistulang parang mga langaw na nagwawala at nagpasakit ng aking ulo na sinabayan pa ng mga kababalaghang nangyayari sa imahen ng paligid. Noong mga oras na iyon, namamanhid ang aking mukha at wari ko ba ay mawawala na ako sa ulirat.