Hindi mapakali si Vicente, nako-confuse pa rin siya sa mga nangyayari. Nanlalamig ang kanyang mga kamay dahil sa nerbyos. Halata ito base sa kanyang panginginig. Nilapitan ito nina Beson at Patricia para kamustahin. Napaatras siya pero hindi naman tumakbo. Marahil ginawa niya lang yun bilang pag-iingat lalo na’t hindi naman niya kilala ang dalawa.
“Vicente kumalma ka,” sambit ni Patricia.
Napatingin sa kanya si Vicente at nang maaninag ang mukha niya, halos mamilog ang mga mata nito. “Sol—Solidad?”
“Hindi siya si Solidad,” sangat ni Benson.
“Anong bang lugar ito? Paano ninyo nalaman ang pangalan ko?” tanong ni Vicente habang nagmamasid sa paligid.
“At sino kayo?”
Nagkatinginan sina Benson at Patricia, sunod nun e muling ibininalik ang atensyon sa kaawa-awang binata.
“Hayaan mo kaming pormal na magpakilala. Ako si Benson.”
“At ako naman si Patricia.” Halatang halata sa mukha ni Patricia ang excitement. Hindi siguro siya makapaniwala sa mga nangyayari. Sino ba naman ang makakapaniwala?
“Huwag kang mabibigla Vicente, pero may kailangan kang malaman,” maingat na sambitni Benson.
“A–Ano ‘yon?” tugon niya na may paggaralgal ang boses bilang kinakabahan sa mga nangyayari.
“Ako na ang magpapaliwanag Benson,” sabat naman nin Patricia. Tumango naman ito bilang pagsang-ayon.
“Ang totoo Vicente nandito ka pa rin sa bayan mo, I think mas okay kung itanong mo kung ano’ng panahon ito.”
“Ha? Ano?” tanong ni Vicente na mas lalong naguluhan.
Pasimpleng lumapit si Benson kay Patricia para bumulong. “Wag kang gumamit ng ibang language, mas lalo siyang maguguluhan n’yan.”
Napangiwit naman ang ito. “Hanga ‘no, sorry sorry.”
“Sa tingin mo Vicente anong petsa ngayon?” pagpapatuloy ni Patricia.
“Ha para saan?” nagdadalawang isip niyang tugon. “Ang alam ko Ika-13 ng Pebrero ngayon, taong 1942.”
“Mali,” Si Patricia na may matipid na ngiti. “2015 ngayon.”
“2015 ang ano?” Kumimis nang pagkahigpit ang mga kamay ni Vicente dahil sa sobra-sobrang kaguluhang bumabagabag sa kanya.
“2015 ang taon ngayon, nandito ka sa panahon namin. Na para sa iyo ay ang hinaharap.”
Nasa hinaharap ako?Ginagago ba ako ng mga ‘to?! tanong ni Vicente sa sarili. “Ano bang sinasabi n’yo?! Nasaan si Solidad at paano n’yo nalaman ang tungkol sa pagtatanan namin?! Marahil kasamahan n’yo ang mga Hapon ano?!”
Tuluyan nang nilamon si Vicente ng kaguluhan na naging dahilan para maging agresibo. At dahil doon, mabilis na hinila ni Benson si Patricia at inilagay sa kanyang likuran. “Vicente, kumalma ka, pakiusap.”
“Nasaan ba si Solidad?!”
“Wala na siya Vicente, patay na raw si Solidad,” sambit ni Benson na may kalakasan ang boses dahil sa namumuong tensyon.
Hinablot ni Vicente ang damit ni Benson gamit ang kanyang kaliwang kamay. Kahit na payat si Benson, matikas siyang tumayo kung kaya’t hindi siya basta-basta mahila nang nagngangalit na binata. “Bawiin mo ang sinabi mo?!”
Malakidlat na humagupit ang kanang kamao ni Vicente sa mukha ni Benson, pero hindi ito tumama matapos hawiin ng braso ni Benson na halos hindi na makita sa sobrang bilis. Sunod noon, hinawakan ng huli ang mga braso ni Vicente at mala-nijang lumiban sa likod nito. Pinagdikit niya ang bisig at likod ng nagwawalang binata kaya naman hindi ito nakagalaw. “Pakiusap Vicente kumalma ka!”
“Tumigil ka! Ito oh!” Si Patricia habang hawak ang Diary ng lola. Bakas ang takot at pag-alala sa kanyang mukha dahil sa pag-aaway ng dalawa.
Natigilan bigla si Vicente nang makita ang Diary. Kilala niya kung sino ang may-ari nito, at iyon ay walang iba kung hindi ang kanyang pinakamamahal na si Solidad. “Pa–Paano napunta sa inyo ‘yan?”
“Mabuti pa tingan mo na lang ito nang maniwala ka sa ‘min.” Maingat na inabot ni Patricia ang Diary. Binitawan na naman ni Benson ang binata matapos kumalma.
Tinitigan ni Vicente ang notebook. Binuklat niya ito at sinulyapan ang mga pahina. Nang makompirma na kay Solidad nga iyon, napaluhod siya kasabay nang pagbabadya ng luha. Kilang kilala ni Vicente ang kanyang kasintahan, kahit pa ang sulat kamay nito. “Pap—Paano napunta ito sa inyo?”
“Sa lola ko ‘yan,” mahinang sambit ni Patricia.
“Lola? A–Apo ka…Apo ka ni Solidad?” tanong niya habang namimilog ang naluluhang mata.
“Oo, alam kong masakit para sa’yo. Pero…natuloy ang pagpapakasal ni Lola kay Lolo Itchiro.”
Tila ba nalunok ni Vicente ang kanyang boses dahil sa narinig kung kaya’t tuluyan na ring bumagsak kanyang mga luha. Umagos ito sa mukha na parang tubig sa ilog. Naramdaman niya ang pagbigat ng dibdib na parang pinatungan ng sampong sako ng palay. Dahil sa Diary at sa kakaibang kapaligiran, napagtanto niyang totoo nga ang sinasabi ng dalawa. Totoo siyang nasa hinaharap…totoo siyang nasa 2015.
Nagtagal ng ilang minuto ang pananahimik ni Vicente hanggang sa nagbalik ang kanyang boses.
“A—anong gagawin ko? Paano na–nangyari ang lahat ng ito? Gulong gulo na ako!” Hindi siya makapagsalita nang maayos dahil pilit niyang pinipigilan ang hindi nagpapawat na luha.
“Sa ngayon Vicente, misteryo pa rin ito para sa amin,” Si Benson habang nakahawak sa likod ng binata.
“Huwag kang mag-alala, hahanapan natin ng kasagutan ang lahat ng ito. Susubukan naming tulungan ka,” dugsong pa niya.
Samantala si Patricia naman ay hindi na nagsalita nang makita ang pagdadalamhati ni Vicente. Nauunawaan niya ang sakit na nadarama nito kaya naman hindi niya sinasadyang maluha na rin. Inalalayan ni Benson ang nanlulumong si Vicente sa pagtayo. Nang makatindig na ito, kinuha naman niya ang mga gamit nito at iniaabot.
“Mabuti pa sumama ka muna sa amin. Huwag kang mag-alala, magiging maayos din ang lahat.”