Kabanata 6

1356 Words
Vicente Hanggang ngayon nahihirapan pa rin akong tanggapin ang mga pangyayari. Paulit-ulit kong binibigkas sa aking sariling narito ako sa hinaharap ngunit hindi talaga ako makapaniwala. Wari ko ba’y na nanaginip lang ako. Panaginip na hindi ko alam kung paano tatakasan. Makakabalik pa kaya ako sa panahon ko? Pilit kong pinakalma ang aking sarili samantala sina Benson at Patricia ay nanatili lang sa aking tabi para damayan ako. Nang mahimasmasan tumugon na ako sa paanyaya ni Benson. “Mabuti pa po humayo na tayo. Ngunit bago ‘yon saan ho ba tayo pupunta?” “Sa bahay namin, hahanap tayo ng mga kasagutang pwedeng makatulong sa ‘yo,” tugon nito. Sabay haplos sa likod ko para palakasin ang loob ko. Sumama ako sa dalawa. Hindi ako madaling magtiwala sa mga taong hindi ko kilala, ngunit para sa akin sapat na ang kanilang mga pinakitang kabutihan upang pagkatiwalaan. Idagdag pa ang talaarawan ni Solidad, at ang pagsasabi nilang nasa hinaharap ako. Kung kanina nahihirapan akong intindihin ang bagay na tungkol sa hinaharap. Ngayon, unti-unti ko nang natatanggap subalit hindi ko pa rin maalis sa aking sarili ang manibago sa namamataan sa paligid. Mas dumami ang nasilayan kong bagay na nagpapatunay sa sinasabi ng dalawa, gaya ng punong Akasya, na sa pagkakatanda ko ay mababa lang ito ngunit kabigla-biglang mabilis na lumaki at tumaas. Ang isa pa ay ang lugar na napakadilim kung saan halos wala na akong makita kanina, na ngayon ay napakaliwanag na at may nakatayo pang isang malaking bahay na mukhang napakatibay. Mayroon din akong nakitang napakagarang sasakyan, hindi ito tulad ng mga minsanang naliligaw na sasakyan ng mga sundalong Hapon sapagkat napakakinang ng katawan nito at nakikita ko ang sarili kong repleksyon sa sobrang kinis. Kakaiba rin ang bintana nito dahil may nakaharang na mga itim na salamin na dahilan upang hindi makita ang loob. Ilang sandali pa ay nakarating na kami sa isang bahay. Habang pinagmamasdan ito, bigla kong naalala si Solidad. “Vicente, anong hitsura ng bahay na nais mo para sa atin?” bulong niya habang nakahiga sa aking binti at nilalaro ang isang bulaklak. Nakasilong kami noon sa isang malaking puno habang nakaupo sa damuhan. Maingat kong kinuha ang bulaklak sa kanyang kamay at isinangat ito sa pagitan ng kanyang buhok at tainga. “Ang gusto ko ay ikaw.” “Ano ka ba?!” Napansin ko ang pamumula ng kanyang pisngi at pag-iwas ng tingin na para bang nahihiya. “Iyong seryoso mahal! Ano’ng hitsura kamo?” “Aaahh…hitsura ba? Syempre ‘yong maganda, gaya mo,” sambit ko habang naniningkit ang mata sa pagkakangiti. “Vi–Vicen…Vicente naman!” Tinakluban niya ang kanyang namumulang mukha gamit ang mga kamay upang hindi ko makita ang ngiti niyang hindi maikubli, samantala pilit ko naman itong inaalis. “Vicente seryoso na,” sambit niya habang nagpipigil pa rin ng ngiti. Napakaganda niya lalo na sa tuwing namumula ang kanyang pisngi. Habang tinititigan ang kanyang mukha sinagot ko na siya ng seryoso. “Siguro… Kahit ano. Ang mahalaga lang naman sa akin ay ikaw ang kasama ko sa bahay na iyon.” “Hay naku mahal, napalabis ka naman sa pagiging seryeso,” natatawa niyang sambit. Bumangon siya sa pagkakahiga at tumabi sa ‘kin. Isinandal niya ang kanyang ulo sa balikat ko habang nakatitig sa malayo. “Ako, ang gusto ko hindi masyadong malaki. Iisa lang ang palapag. May sala, silid-kainan, palikuran at syempre may dalawang silid-tulugan.” “Bakit naman dalawa?” tanong ko na may pagtaas ng kilay. “Huwag mong sabihing tig-isa tayo?” “Baliw ka, malamang hindi! Syempre isa para sa atin at ‘yong isa pa ay para sa magiging anak natin.” Tumingin ako sa mukha niya at nakita ko ang panginginang ng kanyang mata. Dahil sa mga alaalang bumisita hindi ko napigilan ang mapangiti ngunit mabilis din itong nawala lalo na nang mapagtanto kong malabo ng mangyari ang mga iyon. Nanatili akong nakatulala at nabasag lang ito nang tawagin ako ni Benson. “Pasok ka Vicente.” Binuksan na niya ang pinto ng bahay. Bago sa aking paningin ang ganitong klase ng pinto. Kakaiba ang kulay nito at may pinipihit na hawakan sa gawing kanan. Natanaw ko ang napakadilim na loob nito ngunit labis akong namahangha nang ilapat ni Benson ang kaniyang kamay sa tagiliran ng pintuan at himalang nagliwanag ang loob. Pagpasok namin nasilaw ako sa liwanag, wari ko ba’y tanghaling tapat na. Nagmasid ako sa paligid, lahat ng kasangkapang aking nasisilayan ay talagang kakaiba at kamangha-mangha. Ngunit ang lubos na pumukaw sa aking pansin ay ang isang mahabang upuan. Maingat akong lumapit doon at aking hinawakan. Hindi ko alam kung saang materyal ito gawa, ang alam ko lang ay talagang napakalambot ng upuang ito. “Vicente maupo ka,” luhog ni Benson. Tinanggap ko naman ang kaniyang paanyaya. Naglakad ako sa harapan nito at marahang inilapat ang aking katawan. Bahagya akong lumubog dahil sa labis lambot. Napapikit ako sa kakaibang pakiramdam na hatid ng upuang ito. Ngayon ko lang ito naramdaman at para bang makakatulog ako. Nang iminulat ko ang aking mata, bumungad sa aking harapan ang isang lamesa na ngayon ko lang napansin. Kakaiba ang lamesang ito sapagkat hindi ito gawa sa kahoy dahil ito ay babasagin. May kakaibang bulaklak ding nakapatong dito, maganda ngunit mukhang hindi totoo. Dahil sa bulaklak na iyon, mayroon akong naalala. At iyon ay ang araw kung kailan ibinigay ni Solidad ang kanyang ‘matamis na oo’. Simula nang iligtas ko si Solidad sa mga batang nangungutya sa kanya noong bagong salta pa lang siya sa amin ay naging magkaibigan na kami. Lumalim ang aming pagkakaibigan dahil sa madalas naming pagsasama. Kahit tutol ang kanyang mga magulang ay parati kaming gumagawa ng paraan upang magkita. Apat na taon ang lumipas nagtapat ako kay Solidad ng pag-ibig ngunit naging mailap ang pagsagot niya sa akin. Umabot ng kalahating taon ang panliligaw ko sa kanya. Inilahad niya sa akin na may nais siyang bulaklak at mabibili lang ito sa kabilang bayan. Upang makuha ang inaasam niyang sagot bumili ako sa kabilang bayan ng bulaklak na iyon, gamit ang salapi na nakuha ko sa pagsasaka. Dahil limitado lang ang sahod na aking natatanggap, minabuti ko na itanim ang bulaklak na iyon, sa halip na ibigay na agad ito sa kanya. Sa tulong ni Itay Lume, naging matagumpay ang pagpapalaki ko rito. Namulaklak ito kaya naman araw-araw kong nabibigyan ang mahal ko ng nais niyang bulaklak. Ngunit isang araw, ang tanim ko ay tila ba sinabotahe. Hinugot ito ng kung sino at pinagsisira ang mga bulaklak. Habang tinititigan ito at halos manlumo ako sa sama ng loob. Noong mga oras na ‘yon hindi ko alam na nasa likod ko na pala si Solidad. “Vicente?Ayos ka lang?” Nakita niya ang aking tanim na bulaklak na mukhang sinalanta ng bagyo. “A—Ano ‘yan?” “Pasensya na Solidad, hindi na kita maaalayan ng nais mong bulaklak,” nakasimangot kong sambit. Nilapitan niya ang gutay-gutay na tanim. “Vi—Vicente? Nag–nagtanim ka nito pa–para sa akin?” “Oo, wala kasi akong pambili. Kung kaya’t pinilit kong bumuhay ng ganiyang bulaklak nang sa gayon ay mabigyan kita araw-araw. Ang kaso malabo na kitang mabigyan kasi wala na lahat.” Napansin ko ang namumuong luha sa kanyang mga mata sa hindi malamang dahilan. “Solidad? Ayos ka lang ba?” “Salamat Vicente. Mahal na mahal mo talaga ako.” Ang nalulungkot kong mukha ay kagyat na napangiti dahil sa kanyang nasabi. Marahil nakita niya ang ginawa kong paghihirap para lang mapasaya siya. “Oo! Mahal na mahal kita. Hindi masusukat ang pagmamahal ko sa’yo Solidad.” Tuluyan nang bumagsak ang kanyang mga luha at walang anu-ano’y mahigpit siyang yumakap sa akin. Niyakap ko rin siya at ipinaramdam ang aking umaapaw na saya. “Vicente, mahal din kita at sinasagot na kita. Sa iyo na ako Vicente. Sa’yo na ‘ko,” bulong niya habang nakasubsob sa aking balikat. Naramdaman ko ang pag-init ng aking mukha at hindi ko sinasadyang maluha sa labis na kasiyahan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD