“I am a virgin, Dr. Dylan Santillan,” taas-noong sagot niya sa doktor. May pagmamalaki sa tono niya. Karapatan naman niyang ipagmalaki ‘yon.
Tulad ng sinabi ni Doc kanina, iba na ang kabataan ngayon. Pero isa siya sa mga nag-iingat ng dangal. Hindi siya pinanganak kahapon para hindi maintindihan kung bakit nais malaman ni Doc Dylan ang personal na bagay na ‘yon tungkol sa kanya.
Dahil ba pakakasalan siya nito? Gusto ba nitong birhen ang pakakasalan? At pagkatapos ng kasal, kailangan ba niyang isuko ang sarili dito?
Pasimple niyang iniling ang ulo. Masyado nang lumalayo ang iniisip niya. Hindi niya dapat iniisip ‘yon.
“Well, that’s good news na birhen ka pa. Hindi rin kasi maganda sa reputasyon ko kung malaman ng iba na pinakasalan kita, at dadalhin mo ang apelyidong Santillan nang legal,” sabi ni Dylan habang nakatitig sa mga mata niya.
Nailang siyang umiwas. Nakakailang pag-usapan ang ganito kasensitibong bagay sa isang lalaki, lalo na kay Dr. Dylan Santillan. Pero doktor naman ito. Baka wala naman itong malisya sa pag-uusap nila. Huwag na lang niyang bigyan ng kung anu-anong kahulugan.
Muli siyang tumingin dito. Hindi pa rin pala inaalis ng gwapong doktor ang tingin sa kanya. Tila sinusuri siya nito.
“Nabanggit niyo po, Doc Dylan, na legal kong dadalhin ang apelyido niyo?” nahihiya niyang tanong.
“Yes, Hannah. Nakasaad sa iniwang kasunduan ni Lolo na kailangan nating magpakasal nang legal bago ko makuha ang Villa,” sagot nito.
“Bakit naman po kaya ginawa ni Don Victor ang ganyang kasulatan?” naguguluhang tanong niya, hindi naiwasang mapakagat labi habang iniisip kung ano ang tunay na dahilan ng Don. Bakit nito gustong ipakasal ang apo sa isang tulad niyang malayong-malayo kay Doc Dylan?
“Stop that,” mariing saway ni Doc Dylan.
Nagulat siya. Para itong galit. Napanganga siyang napatingin dito.
“Ah?” hindi niya maintindihan kung ano ang pinahihinto nito.
“Stop biting your lower lip,” sagot nito.
“Ah…” tangi niyang nasabi, naguguluhan pa rin. Hindi niya alam kung bakit ayaw nitong kinakagat niya ang labi niya.
“Now, let’s proceed sa pinag-uusapan natin,” sabi nito matapos humugot ng malalim na hininga. Naupo ito sa sofa, paharap sa kanya.
Mas gwapo, mas malinis, at mas mabango si Doc Dylan sa malapitan. Kakaiba ang appeal nito. Tiyak na maraming naghahabol na babae dito. At kung pakakasalan nga siya nito, tiyak na magtataasan ng kilay ang mga babae sa San Sebastian.
Sino ba naman siya para pakasalan nang legal ng isang matagumpay na doktor? Gwapo, matalino, at mayaman pa. Malayong-malayo ang estado nila sa isa’t isa. Wala pa siyang napapatunayan. Isa lang siyang estudyante na nakatira sa duplex ng Villa kasama ang mga tauhan.
Malayo ang level nila ni Doc Dylan. Mahihiya siyang dumikit dito.
“I need to convince you, Hannah. Sabi ng nanay mo, ikaw ang magdedesisyon tungkol dito. And I need your answer within two weeks, Hannah.”
“Two weeks?!” gulat na tanong niya. Nanlaki ang mga mata niyang napatingin dito.
“Yes, two weeks, Hannah,” sagot nito.
Sino naman ang makakapagdesisyon nang ganoon kabilis sa isang kasal? Hindi niya alam kung saan patutungo ‘yon. Oo, hindi siya malulugi. Napakagwapo ni Doc Dylan. Siya pa nga ang lugi kung tutuusin. Maganda siya at may kurba. Pero hindi siguro kasing ganda at kasing-seksi ng mga babaeng nakakasalamuha nito sa San Sebastian.
“I am a busy man, Hannah. Gusto ko na agad matapos ito. Nakasaad din sa liham ni Lolo na kailangang malipat sa pangalan ko ang Villa sa loob ng isang buwan. Kung hindi, kukunin ito ng bangko at ido-donate sa kung kani-kanino,” sabi nito. Tila sumasakit na rin ang ulo nito sa bilin ni Don Victor. Parang panggigipit na rin kasi ‘yon para sa kanya.
“This Villa is nothing kung pera lang ang usapan. Hindi ko ito hahabulin. But I want to keep it, dahil parte ito ng kabataan ko at ng kapatid ko. Alam ko rin na ayaw mawala ng Papa ko ang Villa nang basta-basta. Kaya wala akong choice kundi sumunod sa gusto ni Lolo. At ‘yon ay ang pakasalan ka, Ms. Hannah Flores,” mahaba niyang paliwanag.
Naniniwala siya dito. Hindi pera ang habol nito, kundi ang alaala sa Villa. Kahit siya, gagawin niya ang lahat para hindi mawala ang bahay na puno ng memories.
“But… napakabata ko pa po, Doc, para magpakasal,” tanging nasabi niya. Iyon lang naman ang pwede niyang idahilan. At syempre, ang pagiging anak siya ng kasambahay. Mahirap siya.
“Age is just a number. Eighteen ka na, legal age. Walang mali kung pumayag kang magpakasal sa akin. Twenty-eight na ako, legal age, at kaya kitang buhayin. May pera ako, may maganda akong trabaho. Kaya kong buhayin kahit dalawang dosenang anak,” seryosong sagot nito.
Muntik pa siyang masamid sa huling sinabi nito. Anak? Aabot ba ang pagsasama nila sa ganoong level?
Ayan na naman siya. Lumalayo na naman ang isip niya.
“Anak po ako ng kasambahay, Doc Dylan,” nahihiya niyang sabi at yumuko.
Narinig niyang bumuntong-hininga ito. Hindi ito nagsalita. Baka naghahanap lang ng sasabihin na hindi siya masasaktan.
Hindi naman niya ikinahihiya ang nanay niyang kasambahay. Tanggap niya ‘yon. Dahil sa pagsusumikap ng ina, nakakapag-aral siya at nakakain nang maayos. Marangal ang trabaho ng ina.
Gusto niyang makatapos para mabigyan ng magandang buhay ang nanay niya. Siya ang kakayod para sa kanilang dalawa.
“Pamilya ang turing sa inyo ni Lolo, kaya marahil ganoon ang gusto niyang mangyari sa atin. Hindi kayo tinuring na iba ni Lolo. Parte kayo ng pamilya niya,” sabi nito makalipas ang ilang segundo.
Banayad siyang tumango. Sa paraan ng pagsasalita ni Doc Dylan, halatang mabuti itong tao. Hindi mayabang at hindi nangmamaliit. Katulad ni Don Victor, marespeto si Doc Dylan.
“But seriously, I need your answer within two weeks, Hannah. Pag nagdesisyon ka na, ipapahanda ko ang lahat ng papers para sa agreement natin,” sabi nito.
Napalunok siya at sinulyapan ang gwapong doktor. Sino ba ang makakatanggi kay Doc Dylan? Nasa kanya na lahat. Baliw lang ang tatanggi. Baliw ba siya? Hindi naman.
Iyon nga lang, hindi biro ang papasukin niya. Legal na kasal ‘yon. Magiging Mrs. Dylan Santillan siya.
Muli siyang napalunok. Hindi pa rin siya makasagot.
“Think about it, Hannah. Isipin mo kung ano ang magbabago sa buhay niyo ng nanay mo pag nagpakasal ka sa akin. Una, magiging financially stable kayo. Makakapag-aral ka nang maayos. Hindi na kailangan magtrabaho pa ng nanay mo. Magbabago ang estado niyo,” sabi nito.
Tila kinukumbinsi siya nito. Sino ba naman ang aayaw kung pagkatapos ng kasal ay hindi na kailangan pang magtrabaho ng ina niya para sa kanya? Hindi ba’t ‘yon din ang isa sa mga goal niya?
Paano kung mapapaaga niyang maibigay sa ina ang magandang buhay na ‘yon, kapalit ng pagpapakasal kay Doc Dylan? Lalo pa’t may lihim siyang pagtingin dito. Mas mapapalapit pa siya rito.
Ang problema lang… paano kung tuluyan siyang ma-in love sa doktor?
Napapalayo na naman ang isip niya. Hindi muna ‘yon ang dapat niyang isipin. Ang magdesisyon muna.
“Pag-iisipan ko po, Doc Dylan,” banayad niyang sabi.
“Two weeks, Hannah. I give you two weeks,” seryosong tugon nito.
Tumango siya. Maiksi ang dalawang linggo, pero kakayanin niyang magdesisyon sa loob ng panahong ‘yon.
“You can go now, Hannah. See you after two weeks,” sabi nito.
Napatingin siya sa doktor. Gusto muna niyang mapagsawa ang mga mata sa gwapo nitong mukha. Dalawang linggo pa bago niya ito muling makita.
Matapos masilayan ito, nagpaalam na siya. Inihatid pa siya ni Doc Dylan sa pinto.
“Salamat po, Doc Dylan,” sabi niya.
“Just call me Dylan. Masyadong pormal ang Doc Dylan. Nasa bahay lang naman tayo,” sabi nito.
“Sige po… Dylan,” nakangiti niyang sagot.