“Wala bang nabanggit sa ‘yo si Lolo about me?” tanong ni Dr. Dylan nang bumalik ito at muling maupo sa sofa na katapat niya.
“Wala... po, Dr. Dylan,” sagot niya, kahit halos sasabog na ang dibdib niya.
“But you know na ako ang magmamana ng Villa, tama ba?” tanong nito.
“Opo,” sagot niya sabay tango, at sinulyapan ito. Nakatingin ito sa kanya.
Wala siyang mapipintas kay Dr. Dylan. Gwapo ito at malakas ang appeal. ‘Yung tipong hindi ka lang isang beses mapapalingon. Paulit-ulit mo itong susulyapan dahil sa kagwapuhan. Lalo pa’t napakalinis at mabango nito. May bigote at balbas ito na lalo pang nagpatingkad sa gwapo niyang mukha.
“Paano mo nalaman na ako ang magmamana ng Villa?”
“Naikwento po kasi ni Don Victor na kayo lang ang nag-iisang apo niyang lalaki. Kaya kayo ang may karapatan sa Villa,” sagot niya, pilit na itinatago ang kaba.
“I see,” sagot nito sabay tango, at hinila ang ilang papeles sa mesa.
“You are 18 years old?”
“Opo.”
“Nursing student sa San Miguel University?”
“Opo.”
“2nd year?”
“Opo.”
Sumasagot pa rin siya kahit nagtataka na sa mga tanong nito. Panay ang tingin nito sa papeles na hawak. Bio data niya ba ‘yon?
“Any boyfriend?”
“Ho?” nagulat siya sa personal na tanong nito.
“Tinatanong kita kung may boyfriend ka,” sabi nito at tumingin sa kanya.
Napalunok siya habang nakatitig sa mga mata nito.
“Bakit po... I mea...” hindi niya alam ang isasagot.
“Meron o wala? Simple as that,” medyo naiiritang sabi nito.
“Wala po,” tarantang sagot niya at yumuko.
“Good,” sabi nito, at ibinaba sa mesa ang hawak na papel.
Sinulyapan niya ito. May picture siya roon. Kumunot ang noo niya. Magtatanong sana siya nang muling magsalita si Dylan.
“Alam na ng nanay mo ang tungkol dito. Dahil bata ka pa, kailangan ng parent’s consent sa mangyayari,” sabi nito.
Lalo pang kumunot ang noo niya at sinulyapan ito.
“Sabi ng nanay mo, ikaw pa rin daw ang magdedesisyon. Pero naipaliwanag na namin ni Atty. Guanzon sa kanya ang lahat kanina. Ang sabi lang niya, ikaw daw ang magdesisyon,” paliwanag nito.
Wala siyang maintindihan sa sinasabi nito.
“Ano po ang ibig niyong sabihin, Doc Dylan?” kunot-noong tanong niya, hindi inaalis ang tingin dito.
Humugot ito ng malalim na hininga, saka tumayo. Lumapit ito sa mesa. Nakasunod lang siya ng tingin dito.
Nagsalin ito ng alak sa baso. Mahilig din pala itong uminom katulad ni Don Victor. At hindi lang basta alak, mamahalin pa.
Matapos makapagsalin, sinulyapan siya nito at uminom habang nakatingin sa kanya. Para siyang mauubusan ng hininga habang hinihintay ang sasabihin nito.
“I need to ask you one more question,” sabi nito matapos inumin ang alak.
Kunot-noo siyang naghintay.
“Hindi ko ito tinanong sa nanay mo. Besides, personal question ito. And I think I have all the rights to know,” sabi nito, saka naupo sa gilid ng mesang kahoy.
“Ano po ba ‘yon?” kinakabahang tanong niya.
“Are you still a virgin?”
Nanlaki ang mga mata niya. Hindi siya makapaniwala na narinig niya ‘yon mula sa doktor.
“Ano po?!” gulat na tanong niya. Masyadong personal ‘yon. Wala siyang ideya kung bakit ganoon ang tanong nito.
“I need to know kung birhen ka pa o hindi. Alam mo naman ang mga kabataan ngayon. Iba na. Mapupusok at hindi na pinangangalagaan ang virginity. Basta nag-init, bibigay agad,” sabi nito, hindi inaalis ang tingin sa kanya.
Hindi niya alam ang isasagot. Naguguluhan siya. Anong kinalaman ng pagiging birhen niya sa paninilbihan ng ina sa Villa?
“Hindi ko po naiintindihan, Doc Dylan. Bakit niyo po kailangan itanong sa akin ‘yang ganyang personal na bagay?” kunot-noong tanong niya. Nanginginig pa ang mga tuhod niya habang nakaupo.
Humugot ito ng malalim na hininga. Inubos muna nito ang alak sa baso bago nagsalita ulit.
“May iniwang kasulatan ang Lolo ko. Nakasaad doon na makukuha ko ang buong Villa pag pinakasalan kita, Hannah Flores.”
Nanlaki ang mga mata niya. Seryoso ang mukha nito. Hindi ito nagbibiro.
“Pakakasalan kita, Hannah, para makuha ko ang Villa. Sayang naman kung sa iba pa ito mapupunta. Wala naman akong nobya na masasaktan kung magpapakasal ako sa batang tulad mo,” sabi nito.
Hindi pa rin siya makakibo. Lutang ang isip niya. Hindi niya maintindihan ang lahat.
Siya, pakakasalan si Dr. Dylan Santillan? Nagbibiro ba si Don Victor? Ipapakasal sa kanya ang matagumpay na apo nitong doktor?
Si Dr. Dylan lang ang nag-iisang apo nitong lalaki, tapos ipapakasal pa sa kanya na bata pa at hindi pa tapos mag-aral. Hindi siya galing sa mayamang pamilya. Hindi siya nababagay kay Dr. Dylan.
Malayo ang estado nila sa buhay. Malayo rin ang agwat ng edad nila. 18 lang siya, 28 naman si Dr. Dylan. Sampung taon ang layo.
Pero hindi naman sa edad nababase ang kasal. Kung may damdamin sila sa isa’t isa.
Aaminin niya, may lihim siyang pagtingin sa gwapong doktor. Pero si Dylan? Malabo ‘yon. Sa itsura at profession nito, siguradong maraming babaeng naghahabol.
Napakaswerte niya kung pakakasalan siya ni Dr. Dylan. Pero imposible ‘yon.
Hindi pa siya nakaka-recover sa tanong nito kanina tungkol sa virginity niya, tapos ngayon pakakasalan daw siya nito para sa mana.
“Hannah, just answer my last question. Are you still a virgin?” tanong muli nito.
“Is that... I mean... kailangan mo pa bang malaman ‘yon?” kabadong tanong niya, ewan kung bakit niya pa natanong ‘yon.
“Yes. So are you, or you are not?”
Napalunok siya at tumingin nang deretso sa mga mata nito.
“I... am... a virgin.”