Doctor-2

1189 Words
Matapos kumain nina Dr. Dylan at ng abogado ni Don Victor, tumulong siya sa kusina para magligpit ng mga pinagkainan nila. Hindi na rin naman masakit ang paa niya. Salamat kay Dr. Dylan na agad napagaling ng mahiwaga nitong mga kamay ang paa niya. Kanina pa nga siya parang baliw na ngumingiti. Ilang beses na rin siyang nakurot ng nanay niya dahil lutang siya at ngiti lang nang ngiti. Sino ba naman ang hindi malulutang kung isang tulad ni Dr. Dylan ang gumamot sa paa niya? Lalo pa at ang lapit nila sa isa’t isa kanina. “Ako na po ang maghuhugas, Manang Luring,” sabi niya sa tagapagluto ng Villa. Mas may edad ito kaysa sa nanay niya. “Ako na lang, Hannah. Paki-punasan mo na lang ang mesa,” sagot nito. “Naroon na po si Nanay, nagpupunas,” sabi niya. “Wala. Tinawag ni Sir Dylan ang nanay mo. Nasa library sila kasama ang abogado,” sagot ni Manang Luring. “Nasa library din po si Nanay?” gulat na tanong niya. “Oo. Pinatawag siya ni Sir Dylan. Kasama siya sa pag-uusapan,” tugon nito. “Pero bakit po kaya?” nagtataka niyang tanong. Hindi siya makapaniwala na pati nanay niya kasama sa kakausapin ng abogado ni Don Victor. “Ngayon babasahin ng abogado ang huling habilin ni Don Victor. Baka may iniwan para sa inyong mag-ina, lalo na sa ‘yo, para sa pag-aaral mo. Alam mo namang pamilya na ang turing sa atin ni Don Victor,” paliwanag ni Manang Luring. Napaisip siya. Baka nga may iniwan ang Don para sa kanila. Para na rin sa halos walong taon na paninilbihan ng nanay niya dito. Napangiti siya kahit papaano. Naisip na rin kasi nilang mag-ina kung paano na ang pag-aaral niya ngayong wala na si Don Victor. Hindi naman kakayanin ng sweldo ng ina sa Villa ang buwanang gastusin sa pag-aaral niya, lalo na’t nursing ang kurso niya sa San Miguel University. 2nd year college na siya. Dalawang taon pa bago siya makatapos. Mahaba-haba pa at malaki-laki pa ang gagastusin. Sa pagkawala ng Don, nanganganib na hindi siya makatapos. Bigla tuloy siyang nalungkot. Sana nga may kaunting pabuya ang Don para sa kanila, para kahit papaano makapagpatuloy siya. Makalipas ang halos tatlumpung minuto, hindi pa rin lumalabas ng library ang nanay niya. Tapos na sila ni Manang Luring sa mga gawain, pero wala pa rin ito. Sumilip siya sa sala. Nakasara pa rin ang pinto ng library malapit sa hagdan. Napasimangot siya. Iba-iba ang tumatakbo sa isip niya. Baka paalisin na rin sila ni Dr. Dylan sa Villa, lalo na’t wala na ang Don. Wala na silang aalagaan. Pero wala namang mukhang ganun si Dr. Dylan. Baka magkakaroon lang ng pagbabago, dahil siya na ang mag-aasikaso sa Villa. “Ano kayang pinag-uusapan nila?” bulong niya sa sarili. Humugot siya ng malalim na hininga. Bakit siya kinakabahan? Bakit siya natatakot? Bakit hindi siya mapakali? Napapitlag siya nang marinig ang pagsara ng pinto. Agad siyang lumingon sa library. Nakita niyang kakalabas lang ng nanay niya. “Nay,” tawag niya at mabilis na lumapit dito. Malungkot ang mukha ng ina at nakalaylay ang mga balikat. Mukhang hindi maganda ang naging usapan sa loob. Lalo tuloy siyang kinabahan. “Nay, may nangyari po ba?” tanong niya. “Anak—” “Hannah.” Tinig na nagmula sa pinto ng library ang pumigil sa sasabihin sana ng ina. “Can we talk to you?” sabi ni Dr. Dylan sa kanya. “Ho? Ako po?” hindi makapaniwalang tanong niya, sabay turo sa sarili. “Yes, you. Please,” sagot ng doktor. Napatingin siya sa ina. Tumango ito sa kanya bilang pagsang-ayon. “Sige na, Hannah. Sumunod ka na kay Sir Dylan,” malungkot na utos ng ina. “Pero, Nay…” hindi niya alam ang sasabihin. Pinaglipat-lipat niya ang tingin sa ina at kay Dr. Dylan na naghihintay sa labas ng pinto. Sa nakikita niya, may problema. At mukhang damay siya. At sa itsura ng ina, masamang balita ang nalaman nito sa loob. Kung bakit pati siya kailangan kausapin, hindi niya alam. Baka dahil ginagastusan din siya ng Don. At ngayong wala na ito, matitigil na rin. Iniisip pa lang niya ‘yon, nalungkot at kinabahan na siya para sa sarili. Baka hindi na siya makatapos. Wala namang sapat na pera ang ina para pag-aralin siya. Sanay na rin siya sa San Miguel. Kung lilipat pa sila ng bayan para maghanap ng bagong trabaho ang ina, mahihirapan talaga siya sa pag-aaral. Malaking pagbabago ang mangyayari sa kanila ngayong wala na ang Don. Malungkot siyang sumunod kay Dr. Dylan sa loob ng library. Naiwan ang ina sa sala, malungkot at tulala. Pagpasok, naroon ang abogado ni Don Victor. Nakalatag sa mesa ang maraming papeles. “Maupo ka,” sabi ni Dr. Dylan. “Salamat po,” nahihiya niyang sabi, at naupo sa sofa na katapat ng abogado. Umupo naman si Dr. Dylan sa solong upuan, paharap sa kanya at sa abogado na nag-aayos ng mga papel. Kinakabahan siya nang hindi niya maintindihan, lalo na’t panay ang sulyap sa kanya ni Dr. Dylan habang inaayos ng abogado ang mga papeles. Kung kanina malakas na ang kabog ng dibdib niya, mas dumoble pa ngayon. Sana lang walang makarinig. “Hannah Flores, right?” basag ng abogado sa nakakabinging katahimikan. “Opo,” mahina niyang sagot, at sinulyapan si Dr. Dylan. Seryoso ang mukha nito. Nakasandal ito at nilalaro ng daliri ang labi habang nakatingin sa kanya. Napalunok siya. Parang ang sarap halikan ng mga labi nito. Iniling niya ang ulo. Hindi ito ang oras para pag-pantasyaan ang gwapong doktor. Mas dapat niyang isipin ang kinabukasan niya. “Ms. Hannah?” tawag ng abogado. “Ho?” gulat na sabi niya, at nalipat sa abogado ang tingin. “May nabanggit ba si Don Victor sa ‘yo tungkol sa Villa bago siya pumanaw?” tanong ng abogado. “Ah, eh... wa... wala po,” kaba niyang sagot, at sinulyapan si Dr. Dylan. Nakatingin ito sa kanya. Nagtama ang mga mata nila. Agad siyang nag-iwas. Hindi niya matagalan ang mapanuring tingin nito. “May idea ka ba kung bakit namin kinausap ang nanay mo? At ngayon, ikaw naman?” tanong ng abogado. “Wala po,” sagot niya sabay iling. Iyon naman talaga ang totoo. Nagtataka nga siya kung bakit sila kailangan kausapin. “Atty. Fred, ako na lang muna ang kakausap kay Hannah,” biglang sabi ni Dr. Dylan. Napalingon siya rito. Nagtaas pa ito ng kilay sa kanya. “Iwan mo na lang ang mga papeles dito. Ako na muna ang bahala sa kanya. Tatawagan kita pag nagkaintindihan na kami,” dagdag nito. “Sige po, Dr. Santillan,” sagot ng abogado. Inayos nito ang mga papeles na iiwan sa mesa. Napalunok siya nang magpaalam na ang abogado. Tumayo si Dr. Dylan para ihatid ito sa pinto, habang siya naman ay hindi mapakali sa kinauupuan. Maiiwan silang dalawa ni Dr. Dylan sa loob ng library. Ano bang pag-uusapan nila? At bakit mismong si Dr. Dylan pa ang gustong kumausap sa kanya? Lalo tuloy siyang kinabahan sa mangyayari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD