CHAPTER 1

1969 Words
Lunes ng Umaga... Ito ang unang araw ng Lunes sa buwan ng Hunyo. Maaga akong nagising para maghanda sa pagpasok sa ospital. Halos isang buwan din akong naka-night shift, at talaga namang nakakapagod ang duty sa gabi—lalo na sa Emergency Room, kung kailan mas marami ang pasyente. Habang nagpapawala ako ng antok, biglang tumunog ang cellphone ko. Tiningnan ko ito, nakita ko ang notification message sa social media account ko. Binuksan ko iyon at nakita ko na may nag-chat sa akin. “Hays! Siya na naman!” Kahit alam ko na ang laman ng chat niya ay binasa ko pa rin ito. Simula nang makapagtrabaho ako ay laging may chat sa akin ang lalaki na ito at nagpapanggap na mayaman. Ilang beses ko na rin siyang bina-block, pero gumagawa lang ito ng bagong account para mag-chat ulit sa akin. “Hello! I'm Ryker, the owner of Alder & Co. Boutique Hotel. I saw your photos, and the moment I laid eyes on you, I found you beautiful and became interested. I’d like to make you an indecent proposal. I’ll pay you whatever amount you want. Call me if you're interested." Nang tingnan ko ang profile niya ay nakita ko lang ang larawan ng hotel at ibang lugar, ngunit walang larawan ng lalaki ang nakalagay. “Akala siguro niya ay maniniwala ako sa kanya.” Tuluyan na akong bumangon para sana'y magluto ng almusal. Gusto ko sanang ako naman ang mag-asikaso kina Nanay at Tatay kahit minsan lang. Ngunit paglabas ko ng kuwarto, nadatnan ko si Nanay na tahimik na humihigop ng kape habang may pandesal sa gilid ng platito niya. “Jillian, bakit ang aga mong nagising?” tanong niya, may halong pag-aalala sa tinig. Lumapit ako sa kanya at napansin kong may nakatakip na plato sa mesa. Siguro'y siya pa rin ang naghanda ng almusal. “Gusto ko sanang ako ang magluto ng almusal natin kaya ako napaaga,” sagot ko, medyo nahihiya. “Hindi mo na dapat iniintindi ang ganyang bagay. Tingnan mo nga ang mga mata mo—nangingitim na ang paligid dahil sa puyat mo. Sana nakatulog ka pa nang kaunti para makabawi ka man lang,” sabi ni Nanay, habang maingat akong tinitingnan. Kumuha ako ng plato, nagtimpla ng kape, at umupo sa tabi niya. “Nakapagpahinga naman ako kahapon, 'di ba? Day off ko rin 'yon,” sagot ko habang humihigop ng kape. “Paano mong nasabing pahinga ‘yon? Naglaba ka, naglinis ka pa ng buong bahay.” “Nay, hindi ko naman ginawa lahat 'yon maghapon,” sabi ko, sabay ngiti. Umiling si Nanay. “Jillian, malakas pa kami ng Tatay mo. Huwag mong akuin lahat ng gawain dito sa bahay. Halos wala ka na ngang oras para sa sarili mo.” Ngumiti ako nang mahina, sabay tanong, “Si Tatay po, anong oras ang pasok niya?” “Hindi siya papasok ngayon. Masama raw ang pakiramdam.” “Ganun ba? Kailangan na po niyang magpa-check up para mabigyan agad ng tamang gamot.” “Sige, mamaya sasabihin ko sa kanya.” “Iiwan ko po ‘yung health card ko. Gamitin niyo na lang para wala na kayong bayaran.” “Salamat, Anak,” wika ni Nanay, may ngiting puno ng pasasalamat. Tumango ako. “Sa pinakamalapit na private hospital po kayo magpa-check up. Sakop naman ‘yon ng health card ko.” “Ikaw din, alagaan mo ang sarili mo, ha?” sabi ni Nanay, halos bulong pero dama ang bigat ng damdamin. “Inaalagaan ko naman po. Lagi po akong umiinom ng vitamins,” sagot ko, sinusubukang gawing magaan ang usapan. “Mabuti kung gano'n,” sagot niya, sabay haplos sa kamay ko. Tinuloy ko ang pagkain. Pagkatapos, naghanda na ako ng isusuot, nag-toothbrush, at naligo. Hinintay ko munang bumaba ang kinain ko bago maligo, gaya ng nakasanayan. “Nay, alis na po ako!” tawag ko mula sa pintuan. “Dinala mo ba ang baon mo?” tanong niya, sumisilip mula sa kusina. Tumango ako. “Nandito na po.” “Sige, mag-iingat ka, anak!” habol niyang sabi. Paglabas ko ng bahay, ramdam ko pa rin ang lambing sa tinig ni Nanay. Nakakapagod man ang trabaho, pero bawat salitang puno ng pag-aalala at pagmamahal nila, sapat na para itulak akong magsikap muli. "Balitaan n’yo ako kung ano’ng resulta ng check-up ni Tatay." "Sige, tatawag ako mamaya sa breaktime mo," sagot niya. Isang ngiti lang ang naisagot ko bago tuluyang lumabas ng bakuran. Sumakay ako sa motor para hindi na ako maghintay ng matagal sa daan. Kung sa normal na biyahe kasi, dalawang tricycle at isang jeep pa ang kailangan kong sakyan bago makarating sa ospital. Pero dahil may naka-book na akong sasakyan online, naging mas mabilis at magaan ang biyahe. Pagkalipas ng labinlimang minuto, nakarating na ako sa ospital. Dumiretso agad ako sa nurse station para puntahan ang ka-relieve kong nurse at alamin kung may kailangang i-endorso sa akin. “Good morning, Alma!" bati ko sa kanya sabay ngiti. “Aba, ang aga mo ngayon ah?" tugon ni Alma habang abala sa pag-check ng blood pressure ng matanda niyang pasyente. “Walang naging aberya sa biyahe kaya maaga akong dumating. Kumusta si Tatay?" sabay lingon ko sa matandang pasyente. Halos isang linggo na siyang naka-confine dahil sa diabetes. Naputol na rin ang kanang hita niya, at mula noon ay naging tahimik at malungkot siya. “Normal naman ang BP niya. Bumaba na rin ang blood sugar." “Ayos kung gano’n," sabi ko, sabay lapit sa matanda. "Tay, narinig n’yo si Nurse Alma? Bumaba na raw ang sugar niyo. Konti na lang, makakauwi na kayo." “Naiinip na nga ako rito. Gusto ko nang umuwi at doon na lang magpagaling," sagot niya, may bahid ng pagod sa tinig. “Anong sabi ni Dr. Almiro kay Tatay?" “Kapag naging maganda ang lab results, puwede na siyang i-discharge mamaya. Kakatapos lang ng laboratory test niya kanina." Tumango ako. “Okay. Sana maging maayos ang resulta." “Yung isang pasyente sa kabilang kwarto, mauubos na raw ang dextrose. Pero sabi ng bantay, wala na silang pambili. Naghahanap pa ng anak para makapangutang." “Anong IV fluid ang kailangan? Baka may extra ako." “D5 0.45% NaCl. Binigay ko na yung stock ko, ubos na rin." “Sige, i-check ko sa locker ko. Baka may naitabi ako." “Salamat." Madalas, tinatabi namin ang mga natitirang gamot at dextrose mula sa mga pasyenteng pauwi na. Kaysa masayang, ginagamit namin ito sa mga pasyenteng walang kakayahang bumili. Kung minsan kasi, sobra ang binibili ng mga bantay, o bigla silang pinalalabas ng doktor kapag gumaganda na ang kondisyon ng pasyente. Iniabot ni Alma ang folder ng endorsements. “Ikaw na bahala rito, ha," sabi niya bago umalis. “Ingat sa pag-uwi," tugon ko. Magsisimula na sana ako sa mga gawain nang biglang dumagsa ang mga pasyente. Ganoon talaga tuwing umaga—lalo na kapag may emergency. Minsan, alas-dos na ng hapon, hindi pa kami nakakakain. “Jillian, ngayon ka pa lang kakain?" tanong ni Lora, isa sa mga kaibigan ko sa ward, habang papalapit sa akin sa cafeteria. Tumango ako. “Ngayon lang ako nagka-oras." “Sana tinawag mo ako kanina." Ngumiti ako. "Okay lang, sanay na." "Siya nga pala... nakita ko ang magulang mo kanina. Nagpa-check up sila kay Dr. Biler." “Oo, masama ang pakiramdam ni Tatay kaya pinasama ko kay Nanay." “Nag-request ng biopsy si Dr. Biler." Napakunot ang noo ko. "Biopsy? Bakit?" “May bukol sa paa ng Tatay mo. Tiningnan kanina at may posibilidad na malignant, kaya kailangan i-biopsy para makasigurado." Biglang bumigat ang dibdib ko. Hindi ko maipaliwanag, pero parang nanlamig ang mga kamay ko. “Tatawagan ko si Nanay mamaya," sabi ko, halos bulong. “Ikaw ba ang nurse ni Dr. Biler?" Tumango siya. "Kaya pinauna ko na siya para ma-prioritize ang resultang makuha." "Salamat talaga." Pero kahit pasasalamat ang binigkas ko, halata sa boses ko ang kaba at lungkot na hindi ko maikubli. “Sige, maiwan na kita. Baka hinahanap na ako ni Dr. Biler." Tinapik niya ang balikat ko bago umalis. Pagkaalis ni Lora, agad kong tinawagan si Nanay. Halos hindi ko na maituloy ang pagkain ko dahil sa pag-aalala. “Nay, kumusta ang check-up?" tanong ko pagkasagot niya ng tawag. "Pinababalik kami bukas para sa biopsy." “Ano bang nararamdaman ni Tatay? Bakit hindi n’yo agad sinabi sa akin ang tungkol sa bukol niya?" “Alam mo naman ang Tatay mo, tahimik lang ‘pag may iniinda. Ako nga, ngayon lang din nalaman." Bumuntong-hininga ako. “Sasamahan ko kayo bukas." “Huwag ka na munang lumiban. Kaya na namin ito ng Tatay mo." “Hindi naman ako aabsent. Magpapalipat lang ako ng duty para ako ang nurse na mag-aassist sa inyo." “Ikaw ang bahala." “Sige po, mamaya na lang tayo mag-usap." Pagkatapos ng tawag, muling binalikan ko ang baon kong pagkain. Pero sa bawat subo, kasama ng kanin ang bigat sa dibdib. Hindi lang pasyente sa ospital ang iniintindi ko ngayon, kundi ang sariling ama na posibleng dumaan sa matinding laban. “Jillian!” Tumingala ako. “Ha?” mahina kong sambit, parang gising sa panaginip. Sumimangot si Lora. “Kanina ka pa tulala diyan. Wala ka bang balak umuwi?” “Ha?” Ulit ko, sabay tingin sa relo sa aking pulso. Alas-sais na ng gabi. “Uwian na pala,” bulong ko sa sarili habang kinukuha ang folder ng endorsement para ibigay sa night duty na nurse. “Jillian, saan ka pupunta?” tanong ni Lora, may halong inis at pag-aalala. “Mag-eendorse ako,” sagot ko, pilit na kalmado ang tinig. Bumuntong-hininga si Lora. “Katabi mo na si Nurse Alma at kanina ka pa niya hinihintay. Ano ba'ng nangyayari sa’yo?” Doon ko lang napansin si Nurse Alma na nakatayo pala sa harapan ko, hawak ang clipboard, at may bakas ng pag-aalala sa kanyang mukha. “Pasensiya na,” agad kong sabi. “Okay ka lang ba?” tanong niya, banayad ang tinig, pero ramdam ang pag-aalala. Tumango ako. “Napagod lang siguro,” palusot ko. Pinilit kong bumalik sa wisyo. Kailangan kong mag-focus sa trabaho, lalo na sa pag-eendorse. Buhay ng mga pasyente namin ang nakasalalay dito. Matapos iyon, dumiretso ako sa locker para magpalit ng damit. Habang inaayos ko ang suot, muling lumapit si Lora. “Jillian, iniisip mo pa rin ba ang lagay ng tatay mo?” Tahimik akong tumango. “Hindi ko mapigilan. Lalo na’t hindi ko siya nakikitang gano’n dati...” “Hay naku! Huwag mong masyadong dibdibin. Dapat good vibes lang palagi para hindi mo na-attract ang negative energy,” paalala ni Lora, sinusubukang pagaanin ang sitwasyon. “Alam ko naman... kaso, ang hirap pigilin na hindi mag-alala.” Lumapit siya sa akin at hinawakan ang braso ko. “I-relax mo na ang isip mo at pauwi na tayo. Bukas naman ay ikaw ang mag-aassist sa mga magulang mo. Sinabi naman sa’yo ni Dr. Biller na sila ang uunahin ‘di ba?” Tumango ako. “May sundo ka ba?” tanong ko habang inaabot ang bag ko. “Wala. Night shift ang boyfriend ko, kaya sabay na tayo umuwi.” Ngumiti ako, pilit. “Sige. Ako na magbo-book ng sasakyan natin.” “Nakapag-book na ako. Parating na ‘yon. Lutang ka kasi kanina pa,” sabi niya sabay tawa. Napangiti ako ng bahagya. “Hindi naman.” “Aysus! Kulang na lang, tawagin mo na sina Crispin at Basilio sa sobrang lalim ng iniisip mo!” sabay halakhak. Napailing ako. “Tsk. Tara na nga!” Sabay kaming naglakad palabas ng ospital. Sanay na kaming ganito—kapag wala siyang sundo, magkasama kaming umuuwi. Limang bahay lang ang pagitan ng inuupahan niyang apartment sa amin. Si Lora na rin ang pinaka-malapit kong kaibigan sa buong staff.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD