Prologue
11 Years Earlier
Margaux Arevalo
"Magandang hapon po Manang Tinay, dalawang ensaymada nga po at saka dalawang chuckie," nakangiti kong turan sa matanda.
"Oh MayMay ikaw pala, ba't ikaw lang mag-isa?" tanong nito habang nagpupunas ng kamay.
"Nagkasakit po kasi siya kaya di po siya nakapasok," sagot ko saka sumandal sa istante ng mga tinapay.
"Pauwi ka na ba-- tapos na ba'ng klase?" tanong nito habang nagbabalot ng ensaymada.
"Opo, para nga po sa kanya 'yang isang ensaymada at isang chuckie," nakangiti kong turan saka dumukot ng 50 pesos sa bulsa.
"Eh talagang mahal na mahal mo ang boyfriend mo ano't alagang-alaga." Bigla akong namula sa sinabi nito.
"Syempre, mahal na mahal po," abot tenga kong ngiti.
"Susme, kinilig ka naman! Eh ang bata-bata niyo pa-- oh May-may singkwenta'y-sais lahat," sabi nito saka ini-abot sa akin ang supot na may lamang ensaymada at chuckie.
"Ah kayo po talaga, Manang Tinay, wala pong pinipiling edad ang pagmamahal-- eto po sais, dagdag niyo na," inabot ko dito ang sais pesos saka ako tumalikod.
"Oo nga naman, basta ba'y 'wag niyo lang paiinitin ang kama," singit ni Mang Berto na agad namang siniko ni Manang. Ginantihan ko lang ito ng tawa saka sumenyas na aalis na.
"Nasa anong taon na nga kayo, May-may?" pahabol nitong tanong.
"Second year highschool po ako-- siya naman po'y ga-graduate na ngayong taon," baling ko saka kumaway na ginantihan naman nito ng kaway.
Yakap-yakap ang supot ng ensaymada ay dinukot ko ang Nokia 5100 na napulot lang ng papa ko no'ng pauwi siya galing trabaho-- security guard pala ang papa ko sa isang banko.
Napabuga ako ng hangin nang makitang wala ni isang mensahe mula sa kanya, masyado nga sigurong masama ang pakiramdam nito. Bigla kong naalala na ngayong Marso na ang graduation. Hindi pa sapat ang pera ko pambili ng regalo para sa graduation niya. Binuksan ko ang gate ng bahay nito, sinalubong ako ng kasambay nito na si Ate Marta habang karga-karga ang anak nitong tatlong taong gulang pa lang.
"Oh May-may, nando'n si Sir sa itaas," sabi nito nang makapasok ako. Simula nang mamatay ang nanay niya ay si Ate Marta na ang nakasama niya.
"Akyat na lang po ako Ate," paalam ko, nakangiti naman itong tumango. Patakbo ko nang tinungo ang silid nito. Pagbukas ko ng pinto ay isang lumang kanta agad ang bumungad sa akin. Pumasok ako at isinara ang pinto saka inilapag sa mesa ang dala ko, wala siya sa higaan pero naririnig ko ang agos ng tubig sa banyo kaya naupo ako sa upuang nasa gilid ng study table nito.
Luma ang kanta ngunit gusto ko ang himig nito. Gusto ko rin ang lyrics nito ngunit may mga salita itong di ko maintindihan…
Muss i' denn, muss i' denn
zum Staedtele hinaus, Staedtele hinaus
Und du mein Schatz, bleibst hier?
Bumukas ang pinto ng banyo at iniluwa nun ang lalaking mahal na mahal ko. Nanlaki ang mga mata nito dulot ng pagkabigla nang makita ako, maging ako ay nabigla rin dahil tanging ang puting tuwalya lamang ang bumabalot sa ibabang bahagi ng katawan nito. Napatayo ako saka tulalang napatingin sa mga mata niya-- mga matang kakaiba. Kakaiba sapagkat magkaiba ang kulay ng mga ito. He've got a hazel eyes on the left na animo'y gintong kumikinang lalo na kapag natatamaan ng liwanag and he've got that deep blue eyes on the right na animo'y dagat na nag-aasul sa sobrang lalim sa tuwing nasa dilim at tila langit kapag nasa liwanag-- he've got this beautiful mutation called; HETEROCHROMIA.
Agad niyang tinakpan ang kanang mata gamit ang kaliwang kamay saka nag-iwas ng tingin, "what are you doing here?" tanong nito sa mababang tono saka ako tinapunan ng malamig na tingin habang tinatakpan pa rin nito ang kanang mata. Isang magandang kapansanang ikinahihiya niya na minahal ko ng sobra-sobra.
"Ano ka ba, matagal ko ng nakita iyang blue eyes mo-- at saka napakaganda nga ng mga mata mo," mahina kong turan, nakita ko siyang natigilan saka nito dahan-dahang ibinaba ang kamay at tumalikod upang kumuha ng damit. Pinatay nito ang kanta saka siya naupo sa kama, lumapit ako at hinipo ang noo niya, napanatag ako nang di na siya mainit.
"May dinala ako," nakangiti kong turan saka kinuha ang supot sabay upo sa kama kaharap niya, "kain ka," alok ko ng ensaymada, agad naman itong ngumiti saka kumain. "Ahm, paborito mo ba 'yong kanta?" tanong ko. Natigil ito sa pagkain saka yumuko.
"Paborito ni Mama, iyon daw kasi ang palaging kinakanta sa kanya ni Papa," paliwanag nito. Itinusok ko ang straw sa chuckie saka ibinigay sa kanya.
"Talaga? Sa totoo lang maganda naman ang kanta kaso 'di ko maintindihan iyong part na-- muss... mussiden--" tumigil ako sa pagsasalita nang kumanta siya.
Tumango ako matapos marinig ang kanta nito-- napakaganda talaga ng boses niya, "ano ba ang ibig sabihin no'n?" tanong ko. Muli niya itong kinanta sa wikang Ingles.
"I'll have to go, I'll have to go.
And leave this little town. Leave this little town.
And you, my darling dear, stay here."
"Anong language naman 'yan?" tanong ko.
"German Deutsch. That song was actually a folk song in Germany," sagot nito. Bigla kong naalala na Italian-German pala ang papa niya while his mother was a half filipino- half Japanese. Lumapit ako sa kanya nang makitang tinatakpan ng mga buhok nito ang asul niyang mata.
"Maaari mong itago sa iba kapag nahihiya ka pero huwag sa akin-- huwag na huwag mo iyang ikukubli dahil para sa akin iyan na ang pinakamagandang mga mata na nakita ko," nakangiti kong turan saka isinantabi ang mga hibla ng buhok na tumatakip sa mata nito.
"Margaux," bulong nito saka ako hinila palapit sa kanya, napatitig ako sa mga mata nito-- narito nanaman ako sa kakaibang pakiramdam na sa kanya ko lang nararamdaman, "muss i' denn, zum staedtele hinaus, und du mein Schatz bleibst hier," bulong nito habang titig na titig sa mga mata ko.
"Aalis ka?" tulala kong turan nang maalala ang translation nito kanina. Sapat na ang katahimikan upang maintindihan kong 'Oo' ang sagot nito sa tanong ko.
"Ah, sa Manila ka mag-aaral ng college, ok lang after 2 years susunod na lang ako," pinilit kong ngumiti.
Nagpalingo-lingo siya, "sa Europe ako mag-aaral. Kukunin ako ni Papa," napatayo ako saka napaatras.
"Kailan ka babalik?" tulala kong tanong.Hindi ito sumagot.
"Bakit sa Europe pa, ayos na sa akin ang Manila eh dahil kaya kitang sundan-- pero sa Europe, mahirap lang kami paano ako makakasunod sa 'yo?" tuluyan na akong naluha.
"It's up to you now, if you'll wait or forget me, Margaux." aniya.
"Mas mahal mo nga ang pangarap mo," umiiyak kong turan saka tinungo ang pinto.
"Ich liebe dich," rinig kong turan nito bago ako tuluyang lumabas-- ano pang halaga ng mga salitang 'yon kung di ko naman maintindihan at ano pa ang halagang intindihin 'yon kung ako nama'y iyong iiwan.