KABANATA 6:
SIMULA nga noon ay mas nagpursige ako sa work out at diet. Ilang linggo na kong panay ang jogging at push-up. Nanuod ako ng video sa Youtube paano magkaroon ng abs at iyon din ang ginagawa ko maski sa bahay. Talagang dumayo pa kami ni Patricia sa computer shop dahil hindi ako marunong gumamit ng computer. Kaya nagpasama ako sa kanya.
Mas naging maalaga ako sa sarili. Kahit na nagtatrabaho na si Dana sa Manila ay tuloy parin ang benta nito sa sabon na Cocoberry. Pumusyaw naman talaga ang kulay ko doon at kuminis.
Dahil hindi lang katawan ko ang gusto kong pumuti. Gusto na pati ang mukha ko ay gumanda din. Inalok niya ko ng mga skincare set. Iyong galing pa daw sa Korea. Pa... pax... nakalimutan ko na iyong buong pangalan ng brand.
Pero sabi ko kukuha ako kahit na paisa-isa lang. Kaya inipon ko ang sobrang pera sa panininda para makabili ng facial wash at face mask sa kanya. Ang kaso mas napahamal ako dahil hindi naman siya umuuwi pa ng Cavite. Dahil sa kagustuhan ko na magamit na at may pambayad na ko. Pumayag na lang akong bumili sa shopee store niya. Nagdagdag pa tuloy ako ng 57 pesos para sa shipping fee. Sayang pambili na sana ng pagkain. Pero dahil tiwala ako sa mga brand na binibenta ni Dana. Sa kanya ko paring nabiling bumili.
Dana Olivenza: Nakita mo na. Shopee ko?
Kinalabit ko si Patricia para replayan niya si Dana. Siya kasi ang ginawa kong taga-type dahil may kabagalan ako sa pagtipa sa keyboard. Dapat magmadali dahil ang limang piso na hulog namin sa Piso Net ay matatapos na. Gumawa pa kasi kami ng account sa shopee para makabili sa kanya.
“Sabihin mo wait lang kamo. Hinahanap pa.”
Nagtipa si Patricia sa keyboard. Sumagot ulit si Dana.
Dana Olivenza: Hanapin mo nga itong shop. SMD Online Shop. Mayroon ako niyan. Check out mo na. Para ma-ship ko na bukas.
“Sabihin mo okay.”
Tumango si Patricia at sinunod ako. Nagpunta kami sa shopee at nahanap din agad ang store. Nagcheck-out na din at okay na lahat aantayin ko na lang. Hindi ko nga nasundan paano nagawa ni Patricia ‘yon, e.
Kapag yumaman kami bibili ako ng computer at pagaaralan ko paano ba iyang magfacebook. May sss ako pero kagagawa lang. Wala pa ngang picture. Ginawan pa ko ng kapatid. Hinayaan ko na lang siya. Wala din naman akong naintindihan.
Naglalakad na kami pauwi ng tanungin ko si Patricia.
“Sigurado ka? Aantayin ko na lang ‘yon? Walang bayad?” tanong ko. Manghang-mangha kasi ako na pwede palang umorder kahit hindi pa nagbabayad. Ano ba tawag don? COD?
“Oo nga. Paulit-ulit ka naman ate, e,” yamot na sagot sakin ni Patricia. Natawa na lang ako.
“Hindi kasi ako makapaniwala. Ang galing pala ano. Excited na kong gamitin ang facial wash na ‘yon. Galing pang korea! Imported diba! Ano nga ba pangalan ‘non?” Sumulyap ako sa kanya habang nakangiti.
“Paxmoly, ate! Tandaan mo na kasi. Nakailan ka ng tanong niyan sakin, e.”
“Aba, ikaw. Patricia, ate mo ko, ha!” Pinandilatan ko siya ng mata.
Itong mga kapatid ko iritable sa pagiging ignorante ko sa mga bagay-bagay. Hindi ko naman kasi talaga alam. Tsaka isa pa. Kaya ko nga sila pinagaral para hindi sila matulad sakin. Tapos simpleng ganito lang napipikon na.
Mabilis na dumating ang order kong facial wash at face mask. Dalawang face mask ang binili ko pero may libre pang isa. Freebies daw niya. Kaya iyong sobra binigay ko kay Esmeralda. Hati na kami sa facial wash dahil nagsabi siyang gusto din niya ‘non.
Kaya sa mga sumunod na linggo. Ganoon nga inatupag ko. Naubusan na ko ng Cocoberry kaya bumili pa ko ulit sa kay Dana.
Sumapit ang katapusan. Nakitawag pa ko kay Ate Azul para lang makausap si Mr. Randy. Nagsabi si Sir na kulang pa din daw ang mga nakuha niyang modelo kaya tumawag na lang sa susunod na linggo at magpatuloy daw ako sa pagpapa-sexy.
Iyon na nga ang ginawa ko. Kapag nasa bahay nagwo-work out ako. Pagdating ng weekends. Nagtitinda pero pagkauwi mage-exercise ulit.
Paulit-ulit na routine. Hanggang sa sumapit ang sumunod na linggo. Nakitawag muli ako kay Ate Azul.
“Ate, ba’t tootoot lang? Wala akong naririnig na ring?” takang tanong ko. Noon kasi natumawag ako ay narinig ko agad ang pagring sa kabilang linya.
“Ha? Patingin nga.” Kinuha nito ang touchscreen na china phone. Kuntodo ang pindot niya dahil kung hindi didiinan hindi mapipindot ang numero.
Nilagay niya iyon sa tainga. Nakatunghay lang ako sa kanya habang abala ito sa pagkontak kay Mr. Randy. Maya-maya pa ay binaba niya iyon.
“Out of coverage iyong number mo, Rica. Iyan ba ang tinawagan mo nung nakaraan?” tanong niya pero ang mata ay nasa cellphone.
Inatake ako bigla ng kaba sa hindi malamang dahilan.
“O-oo, pero baka lobat? Mamaya kaya pwede ulit ako makitawag?” tanong ko sa kanya. Tumango lang ito. Mabait si Ate Azul. Kaya naman bumalik ako sa kanila para makitawag ulit pero ganoon parin daw ang nangyayari kapag tinatawagan si Mr. Randy.
Kinakabahan na ko. Nagsimula ng magtanong si Ate Azul kung ano ba ang nagyayari at gustong-gusto ko makausap iyong tinatawagan ko. Umiling lang ako dahil ayokong pag-usapan iyon. Basta sabi ko mahalagang tao iyon.
Umuwi akong lumong-lumo. Hindi ko nakausap si Mr. Randy at hindi iyon alam nila Mama. Baka nagpalit ng number? Baka may nangyari sa kanya? Kaya hindi siya makontak na? Siguro kung hindi ko parin makausap ay dapat ko ng puntahan bukas. Sa susunod na linggo na ang event pero wala parin akong balita kung saan at kailan kami magpa-practice.
Mabuti nga hindi ako tinatanong nila Mama tungkol doon kaya hindi nakakadagdag ng pressure sa parte ko. Gamit ang naipong pera galing sa pagrampa muli sa mga mall. Magisa akong bumiyahe sa Guadalupe. Araw ng Huwebes iyon. Alam kong bukas ang kanilang opisina. Pasalamat na lang at kabisado ko parin kung paano pumunta sa opisina ni Mr. Randy.
Nagpaalam lang ako kay Mama na pupunta kila Dana. Pero ang totoo nagpa-Maynila na ako. Ayokong sabihin na aalis ako at pupunta sa office. Alam kong mae-excite siya kahit na wala naman dapat ika-excite dahil si Mr. Randy hindi ko pa nakakausap at wala pang sinabi tungkol sa practice at sa event na pupuntahan ko.
Pagdating sa Maginhawa Building ay ganoon parin ang sitwasyon sa labas. Nagtakip pa ko ng ilong dahil mapanghi ang daan!
Pagdating ko sa 3rd floor. Inatake ako ng panibagong kaba ng makitang sarado iyon! Parang gusto kong umiyak. Nanlamig ang aking tiyan. Teka ba’t ako kinakabahan. Mamaya sarado lang ngayon pero bukas open naman sila.
Nanghihina akong tumalikod at bababa na sana ng makasalubong ko ang babaeng may hawak na walis at paakyat sana.
“Ate! Nasaan po si Mr. Randy?” lakas loob kong tanong sa kanya. Impit na nagdadasal na sana makarinig ako ng positibong balita.
“Randy?” Kunot ang noo nito at napaisip kung sino ba ang tinutukoy ko.
Tinuro ko ang saradong opisina ni Mr. Randy. “Iyong may-ari ng office diyan.”
Nagliwanag ang mukha nito ng maintindihan ang sinabi ko.
“Ah! Si Roberto! Roberto pangalan ‘non. Hindi Randy. Naku! Isa ka rin sa naloko niya ano? Umalis na nung nakaraang araw pa. Kasi sinugod na ng mga niloko niyang tao. Nagaalok ng trabaho na wala naman siyang maibigay. Kinukuhanan pa niya ng placement fee.” Napailing-iling ito at nagsimula ng humakbang paakyat ng hagdan.
Nalaglag ang aking balikat sa narinig. Nanghihina ako at pakiramdam ko mahihimatay ako anumang oras. Hindi pa ko nakaka-kain. Wala akong gana dahil nga kinakabahan ako at hindi ko makontak si Mr. Randy.
“Umuwi ka na lang kasi hindi na iyon babalik. Malaki din ba ang nakuha sayo?” usisa niya pa sakin. Hindi ako nakasagot at nanatiling nakatulala lang. Parang ayaw tanggapin ng utak ko iyong narinig ko kay Ate. Hindi ako makapaniwala. Lalo na iyong utang ko kay Dana. Limang libo! Inutang ko pa ‘yon. Tapos mawawala?!
Naglakad ako pababa ng wala sa sarili. Naiiyak ako dahil natatangahan sa sarili. Anong sasabihihn ko kila Mama? Sa mga kapatid ko? Kay Dana? Paano ang utang ko sa kanya?
Bakit ba nagpasilaw ako sa twenty thousand! Tapos ngayon wala naman pala. Bakit ako naniwala na totoo ‘yon. Sa sobrang kagustuhan ko na kumita ng malaki at mabilhan ang mga kapatid ko ng bagong gamit. Nagpa-uto ako. Ngayon nadagdagan pa utang namin. Gumastos pa ko ng bongga sa sarili para lang mapaganda ko ang kutis ko. Nagpaganda para pala sa wala.
Tulala ako at tahimik na umiiyak habang nasa biyahe pauwi na sa Tanza Cavite. Hindi ko alam paano ko talaga sasabihin sa kanila. Nahihiya ako na malaman nilang nagpa-uto ako. Iyong Ate nila na madiskarte at tinitingala nila dahil masipag at maraming pangarap sa kanila ay naloko.
“Ate, pugo?” alok ng bagong pasok na tindera ng itlog pugo at mga chicharon. Hindi ko siya pinansin. Tamad akong tumingin sa labas ng bintana. Ayokong magsalita. Para akong nakalutang at wala sa sarili dahil sa mga nalaman.
“Ang sungit. Pwede namang sabihing ayaw. Hindi namamansin!”
Pinabayaan ko ang tindera at sinandal ang ulo sa bintana ng bus. Sinibukan kong ipikit ang mga mata para matulog pero hindi ko magawa. Paulit-ulit na pumapasok sa isip ko iyong masamang nalaman ko ngayong araw na ‘to. Gusto ko tuloy magsisigaw at magwala sa galit. Hindi ko rin alam paano ba hahabulin iyong limang libo na nawala sakin.