“NADJA VILLARAZA!”
Nilingon ni Nadja si Polly na hinihingal pang nakabalandra sa nakabukas na pinto ng Picka-Picka. Katatapos lang niyang maglinis ng shop nang mga oras na iyon para sana maaga siyang makapagsara at nang makapaghanda siya sa kanyang date.
“O, bakit? Napasugod ka yata bigla rito sa Stallion Riding Club—“
“Of course mapapasugod ako rito! I just heard the news!” Pumasok na ito ng tuluyan at tumayo sa harap niya. “You have a date with Ian Jack tonight!”
“A, iyon ba? Oo.” Pinunasan niya ang ibabaw ng mesita. “Niyaya niya ako kanina. Wala naman akong gagawin kaya sumang-ayon na ako.”
“Nadja, ang daya mo!” nagmamaktol na si Polly. “Bakit ikaw lang ang niyaya niya? Bakit ako, hindi? E, ako naman ang lagi niyang kasama. Nakakainis, ha?”
“E, bakit ka naman niya yayayain? Date namin iyon. Siyempre iba ang date ninyo.”
“Date namin?”
“Oo. Nang yayain ako ni Ian Jack kanina, mukhang may gusto lang siyang iwasan. Kaya huwag kang mag-alala. Pagkatapos nitong sa amin, siguradong ikaw naman ang yayayain nun.”
“Talaga?”
“Ikaw naman, parang hindi mo kilala si Ian Jack. Akala ko ba close kayo?”
“Oo nga.” Mukhang kuntento na ito sa mga narinig mula sa kanya kaya mahinahon na uli ito. “Nagulat lang ako nang malaman ko mula mismo sa kanya na may date kayo mamaya.”
“Sinabi niya sa iyo?”
“Oo.” Ngumisi ito. “Sa tingin mo, pinagseselos lang niya ako?”
“Para kang praning diyan, Polly. Hindi bagay sa iyo ang magpaka-cheap, ha?” Sumimangot lang ito. Pagkatapos ay mataman siyang pinagmasdan. “O, bakit?”
“Bakit parang…hindi ka na interesado kay Ian Jack? Samantalang noon, isa ka ring nagkakandarapa sa kanya. Anong nangyari sa iyo?”
“Inlove na kasi iyan sa iba,” sagot ni Ada.
“Huuuuwaattt?”
“Heh!” Binato niya ng pinitas na bulaklak sa kalapit na flower vase. “Asikasuhin mo na lang iyang pagbibilang ng kayamanan ko riyan. Huwag ka ng—“
“Sandali!” singit ni Polly saka lumapit kay Ada. “Totoo ba iyon? Inlove sa iba si Nadja? Kanino? Shucks! Dapat pala araw-araw akong nandito at nang marami akong nakukuhang impormasyon!”
“Polly, tandaan mo, may date kami ni Ian Jack mamaya.”
“Wala akong pakialam. Kung ganyang inlove ka na sa iba, wala na akong ibang dapat na alalahanin sa date na iyan. You could date Ian Jack for all you want. Pero hindi ka na magiging threat sa pagmamahalan namin ni Ian Jack ko. So, girl, sino itong bagong lalaki sa buhay ng dakila kong karibal?”
“Si Angelo.”
“Angelo? As in Angelo Exel Formosa?” Kunot-noo siyang nilingon ni Polly. “Totoo?”
Binalikan na lang niya ang paglilinis. “Ewan ko sa inyo. ang lakas ng imagination ninyo.”
“Hindi imagination iyon, Nadja,” si Ada uli. “Tumingin ka sa salamin minsan, tapos sambitin mo ang pangalan ni Angelo, siguradong makikita mo rin kung paano kumislap ang mga mata mo.”
“Of course not—“
“Tapos sa tuwing pupunta ka rito, lagi pang si Angelo ang baon mong kuwento. Dumudugo na ang ilong ko sa kakabanggit mo ng pangalan niya. Lagi kang nakatunganga sa kawalan at hindi mo na rin ginagalaw itong binocular mo para manilip kay Ian Jack.”
Tatanggi pa sana siya nang makita ang nakapatong na binocular sa ibabaw ng counter. Oo nga, ngayon lang niya napansin na hindi na nga pala niya iyon nahahawakan man lang mula nang magkasundo sila ni Angelo.
“Tingnan mo iyang binti mo,” patuloy ni Ada. “Puro pasa iyan dahil lagi kang nababangga sa mga gamit dito sa sobrang pagkataranta kapag nababanggit ko ang pangalan ni Angelo. Ang pinakamatindi sa lahat, ni wala akong nakitang excitement sa iyo nang yayain ka ni Ian Jack ng date kanina. Alam mo, kung ako ang niyaya ng date ni Papa Jigger, uuwi na ako at magpapaganda nang husto. Hindi gaya ng reaksyon mo na naglinis ka lang nitong shop.”
“Of course not…”
“Nadja, huwag mo ng itanggi,” nakangiting wika ni Polly. “Although natutuwa akong wala na akong karibal kay Ian Jack, siyempre mas natutuwa akong sa wakas ay may totoo ka ng minamahal ngayon. Noon pa man kasi, alam ko ng hindi naman totoo ang nararamdaman mo kay Ian Jack. Kaya nga naging kaibigan kita dahil hindi ako na-threaten sa iyo. I know eventually, you’ll find someone else to love for real.”
Ibinagsak niya ang ginagamit na basahan sa mesa. “I am inlove with Ian Jack! Ano ba! Huwag nyo nga akong diktahan sa kung sino ang mahal ko! Si Ian Jack lang, siya lang ang lalaking gusto ko! Noon at hanggang ngayon! Naiintindihan nyo? Siya lang! And I’m not inlove with Angelo! Nakakainis na kayo!”
Pagbaling niya sa pinto upang ilabas sana ang ginamit na basahan ay nakita niyang nakatayo roon si Ian Jack. Katabi si Angelo. Sa itsura ng mga ito, mukhang narinig ng mga ito ang lahat ng kanyang sinabi. Ian Jack looked uneasy as he threw sideway glances at Angelo who was still silent as he continued looking at her. Siya man ay hindi malaman kung ano ang gagawin. Nakapagtapat siya ng kanyang damdamin sa harap ng lalaking gusto niya. Pero bakit parang mas apektado siya sa kung ano ang maaaring maging reaksyon ni Angelo sa mga narinig nito? Hindi siya makatingin nang diretso rito. Pakiramdam niya, napakalaki ng kasalanan niya ito. Gusto rin niyang lapitan ito at magpaliwanag. Subalit ano naman ang ipapaliwanag niya?
Nang biglang nahawi ang dalawang lalaki at pumasok ang pinsan niyang si Paz Dominique. “Ano ba ang itinatayo ninyo riyan sa pinto? Istorbo kayo, ha? Oh, Nadja, nasaan si Neiji? May itatanong daw kasi sa kanya si Zell ko.”
Nanatiling walang kumikilos o nagsasalita sa kahit na sino sa kanila. At nananatiling na kay Angelo ang kanyang atensyon. May malakas na puwersang nagtutulak sa kanyang i-comfort ang binata. Ngunit ano naman ang idadahilan niya kung sakali? She hated the way she was feeling now. May kasalanan siya kay Angelo at batid niyang kailangan niyang magpaliwanag dito. Sising-sisi siya sa kanyang mga sinabi.
Angelo, I…I’m sorry. I really don’t know…what to say.
“Ah, hello?” untag ni Dominique. “Ang alam ko may itinatanong ako so puwedeng may sumagot sa inyo?” Nagpalipat-lipat ito ng tingin sa kanya at sa dalawang lalaki sa pinto.
Tiningnan din niya ito at lihim itong binigyan ng senyales na kailangan niya ng tulong. Isang beses pa siya nitong tiningnan at ang mga lalaki saka ito napabuntunghininga. Alam na nito ang sitwasyon.
“Ian Jack, Angelo, may meeting ang mga members sa conference hall ng Clubhouse. Kanina pa kayo hinihintay ng mga kasamahan ninyo roon.” Itinulak na nito ang mga lalaki palabas saka ikinandado ang pinto bago siya hinarap. “What the heck is going on?”
“Nagtapat ako ng damdamin kay Ian Jack,” nanghihina niyang wika nang maupo sa sofa.
“Good. Mabuhay ang mga babae—“
“Sa harap ni Angelo.”
“So?”
“I…I think I’ve hurt him.”
“So?”
“Dominique—“
“You love Ian Jack. What’s that got to do with Angelo? Unless…” Binalingan nito sina Polly at Ada.
Nagtaas lang ng kamay ang mga ito saka nagkanya-kanya ng kutingting sa mga Stallion Shampoo sa harap ng mga ito.
“Oh, brother,” sambit ng pinsan niya. “Nadja, are you really inlove with Ian Jack?”
Matagal siyang nag-isip. Pero ang tanging nakarehistro sa utak niya ay ang guwapong mukha ni Angelo, walang anomang emosyong mababakas doon.
“I don’t know,” ang tangi niyang naisagot.
“Okay. Let’s change the question. Are you inlove with Angelo?”
Was she? Napatingin na lang siya kay Dominique. Masyadong biglaan ang kumprontasyong iyon sa kanyang damdamin kaya hindi niya alam kung ano ang dapat na isagot. Masyadong nagulo ang nananahimik niyang puso. Kahit kailan ay hindi niya naisip na magkakaroon siya ng ganong klase ng katanungan sa ganong klase ng sitwasyon.
“I…I don’t know.”
“Ay…por Diyos!” Malakas siya nitong tinapik sa balikat. “Welcome sa club ng mga buang sa pag-ibig.”