“MASAYA KA ngayon, ah.”
Hindi pinansin ni Nadja ang sinabi ni Ada, ang nakuha niyang papalit na muna sa kanya sa pagbabantay sa Picka-Picka habang hindi pa siya tapos sa obligasyon niya kay Angelo. Hanggang ngayon kasi, tila lumulutang pa rin ang mga paa niya sa ulap. Dahil kay Ian Jack. Ito ang nag-asikaso sa kanya nang dalhin siya sa clinic para ipagamot ang kanyang sugat. Hindi man ito nagtagal doon, at least sinamahan pa rin siya nito. Sapat na iyon para kalimutan niyang maraming kapalpakang ibinigay sa kanya ang tadhana.
“Huy, mahipan ka ng hangin diyan, sige ka. Ang pangit ng magiging itsura mo sa kabaong.”
“Ada, have you fallen inlove before?”
“Hindi pa. Virgin pa ang puso ko. Bakit, inlove ka?”
Tiningnan niya ito. Not even once na nakarinig siya rito ng pa-opo. Kunsabagay, isang linggo lang naman ito sa kanya at sa Stallion Guesthouse naman talaga ito original na nagtatrabaho bilang recpetionist. Nalaman kasi niya kay Yoanna, ang nightshift manager ng Guesthouse na naghahanap ng mapaglilibangan si Ada para sa isang linggo nitong forced vacation. Kaya kinuha na niya ito sandali para sa kanyang shop. Kaya rin walang dahilan para sa formalities.
“Oo.” Nagpangalumbaba siya sa counter. “Si Ian Jack, ipinaalala ko lang sa iyo, he’s off limits.”
“Naku, hindi ko type ang mga lalaking ayaw magpatali. Iyong-iyo na si Ian Jack.”
“Good to hear that. Si Polly na lang ang kailangan kong idispatsa. Sa tingin ko, kung magkakaroon lang kami ng pagkakataon ni Ian Jack na magkasarilinan ng mga isang linggo, magbabago na iyon. Eventually, he’ll learn how to surrender his freedom and his heart. To me.” Binuntutan pa niya iyon ng malutong na halakhak. “I can’t wait!”
“Ganyan ba talaga ang mga inlove? Parang baliw. Ayoko na yatang ma-inlove—“
Sabay silang napalingon ni Ada nang marinig ang pagbukas ng pinto ng Picka-Picka. Si Angelo iyon, kasama ang isa sa kambal. Ngunit mas napatutok ang atensyon niya kay Angelo. Seryoso ang mukha nito nang magtama ang kanilang mga mata. May kung ano sa mga tingin nito na tila ba nakapagpapa-guilty sa kanya.
Bakit ako magi-guilty? Wala naman akong kasalanan sa kanya.
Dumiretso ang isa sa kambal sa mga nakahilerang bulaklak at kumuha ng iba’t ibang kulay ng mga rosas. Samantalang naupo naman sa couch na para sa mga customers si Angelo at dumapot ng magazine.
“Nadja, sa tingin mo, si Trigger iyan?”
“Ha? Ewan ko. Tanungin mo siya para makasiguro ka.”
“E, kahit kailan naman hindi nagsabi ng totoo nilang pangalan ang dalawang iyon, eh. Kapag tinanong ko iyan, siguradong magsisinungaling lang siya.”
“Iyon naman pala, eh.”
“Sayang. Crush ko kasi si Trigger, eh.”
“Pwwede na iyan tutal naman magkamukha sila.”
“Nge! Ayoko nga. Siyempre kung sino ang type ko iyon ang lalandiin ko. Teka…” Itinaas nito ang isang kamay at pumikit. “Mag-i-internalize lang ako.”
“Para?”
“Para malaman ko kung si Trigger ba siya o si Jigger.” a few seconds later… “Si Trigger iyan.” Lumabas na ito ng counter at nilapitan ang binata. “Hello, Sir. Can I help you?”
Napailing na lang siya. Kanina parang ikokondena siya sa kabaliwan niya dahil nagmahal siya. Pero mas malala pa pala ito dahil crush pa nga lang, nalulukring na ito. Napalingon uli siya sa direksyon ni Angelo. He was still busy reading the magazine. Nagkaroon tuloy siya ng pagkakataon uli na pagmasdan ito. Ang sabi sa mga nababasa niya tungkol dito, he was the ultimate model of the generation. Hindi na siya nagtataka kung saan at paano nito nakuha ang titulong iyon. Dahil kahit tulog, nasa harap ng camera o nagbabasa lang ng magazine, walang dudang deserved nito ang ganoong titulo. Sa suot nitong uniporme ng Stallion Riding Club, he had managed to become more than just ordinary club member. Napaka-elegante naman kasi nitong kumilos at sa pagkakaupo nito ngayon sa sofa niya, tila ito prinsipe roon. Napakaganda nitong panoorin, hindi nakakasawang tingnan. Nakadagdag pa sa karisma nito ang mga nakapaligid ditong mga bulaklak sa likuran nito. Pati ang nananahimik na fireplace ay nakapag-enhance din sa dating nito. O sige na nga, lahat na lang ng nasa paligid nito, tila ba nakakakapag-enhance sa taglay nitong karisma nito.
Naramdaman marahil nitong may nakatingin dito kaya bumaling ito sa kanya. At may kung anong bumundol sa dibdib niya at bigla na lang siyang sinalakay ng kakaibang kabang iyon. Ilang beses na niyang nararamdaman iyon kaya kahit paano ay pamilyar na rin siya. Although hanggang ngayon ay hindi pa rin niya maintindihan kung ano ang ibig sabihin niyon.
“How’s your wound?” tanong nito.
Pati ang boses nito, hindi niya akalaing ganito ang magiging reaksyon niya. Na para bang…na-miss niya ito. “Okay naman…salamat.”
“Kaya kay Ian Jack ka magpasalamat since siya ang hinayaan mong tumulong sa iyo.” He turned to his magazine again.
Oo nga naman. “Nakapagpasalamat na ako sa kanya.”
Hindi na ito sumagot pa. And that was bugging her. Hindi naman sila nito talaga nakakapag-usap noon pa man o matatawag na magkaibigan. In fact, kung hindi pa nga nangyari na nagkaroon sila ng kasunduan ay hindi pa sila magkakaroon ng pagkakataong makapag-usap ng matagal. Kaya nagtataka siya ngayon kung bakit parang big deal sa kanya na hindi siya nito kinakausap ngayon.
Teka, bakit ba ako isip ng isip tungkol sa lalaking ito? “May ipapagawa ka na naman ba sa akin kaya mo ako pinuntahan dito?”
“Hindi mo na dapat itinatanong iyan. You know our deal, Nadja.”
Ewan niya kung bakit pero bigla na lang siyang natawa. Nag-peace sign lang siya rito nang mapatingin ito sa kanya. Now that she felt better, for reason she doesn’t know, nagawa na uli niyang makalapit dito.
“So, ano naman ngayon ang request mo?”
Itinapik nito ang magazine sa sofa. “Maupo ka rito.”
“Bakit?”
“Ang dami mo pang tanong. Basta maupo ka na lang.” Nagkibit lang siya ng balikat at sinunod na rin ito. “Let me see your wound.”
“Ha?”
“Your wound. Let me check it.”
“Bakit?”
“Gusto ko lang makasigurong maayos iyang nagamot sa clinic.”
Nagtataka man ay itinuntong na rin niya sa mesita sa harap niya ang kanyang paa at inililis ang suot na pantalon. “Ang sabi ni Dr. Mondragon, huwag ko raw babasain para hindi mawala ang gamot at maiwasan ang pamamaga.”
“Masakit pa?”
Tiningnan niya ang nakabendang sugat. “Minsan na lang kapag hindi ko namamalayang naisasangga ko sa kung saan-saan.”
“Mag-iingat ka kasi.”
“Opo.”
Tumango-tango lang ito saka tumayo. “Iyon lang.”
“Iyon lang?” Gusto lang nitong malaman ang kalagayan ng pinsala niya kaya ito nagpunta roon? Well, wasn’t that a bit…sweet?
“Dalhan mo uli ako mamaya ng mga bulaklak sa bahay. Gaya ng ibinigay mo sa akin noong nakaraan. Jigger, tapos ka na ba riyan?”
“Yeah.” Nilingon sila nito. “Ikaw, tapos ka ng manligaw?”
“Shut up.” Iyon lang at lumabas na ng shop si Angelo.
Ibinigay na ni Jigger kay Ada ang mga napili nitong bulaklak upang gawing boquet bago siya binalingan. “Kumusta ang kasunduan ninyo ni Angelo? Hindi mo pa rin napapalambot ang puso niya?”
“May puso ba iyon?”
“Magpakabait ka kasi sa kanya.”
“Mabait naman ako, ah.”
“Baitan mo pa. And a little piece of advice…” Kinuha na nito ang mga bulaklak kay Ada. “Kapag magkasama kayo ni Angelo, huwag ka ng titingin pa sa ibang lalaki.”
Palaisipan pa rin sa kanya ang huling sinabing iyon ni Jigger nang umalis ito. Hindi raw siya titingin sa ibagn lalaki kapag kasama niya si Angelo? Bakit?
“Jigger is just so cool,” tila nangangarap na sambit ni Ada sa kanyang tabi. “Speechless ako kanina nang tabihan ko siya! Ako na yata ang pinakamasuwerteng babae sa mundo! Wey!”
“Mukhang hindi ka naman niya kinausap kanina, ah.”
“O, di ba? Astig!”
“Ewan. Teka, akala ko ba si Trigger ang gusto mo?”
“Babae naman ako. Kaya puwede akong magbago ng isip. At puso. Pero Nadja, narinig ko ‘yung huling sinabi ni Papa Jigger. May relasyon ba kayo ni Angelo?”
“Luka-luka!” Pinalo niya ito ng isang tangkay ng rosas. “Wala, ‘no! Parasitiko nga ang tingin sa akin ni Angelo, paano kaming magkakarelasyon?”
“E, bakit ayon sa sinabi ni Papa Jigger, nagseselos si Angelo kapag may ibang lalaki kang tinitingnan?”
Lalong napakunot ang kanyang noo. Kapag magkasama kayo ni Angelo, huwag ka ng titingin pa sa ibang lalaki, iyon ang sinabi ni Jigger kanina. Oo nga, ano? Parang dating nga niyon, nagseselos si Angelo.
“Nadja.”
“O.”
“Hindi pa nababayaran ni Papa Jigger ang mga bulaklak na kinuha niya.”
“Ano?!”
“Sige, sisingilin ko na siya ngayon.”
Nagmamadali na itong lumabas ng Picka-Picka bago pa man siya makapagsalita uli. Ngunit hindi na niya inintindi iyon dahil mas malaking gumugulo sa kanya ngayon ay ang mga binitiwang salita ng mga makukulit na taong iyon.
Nagseselos si Angelo?