KABANATA 4:

2087 Words
KABANATA 4: HUMIGPIT ANG PAGKAKAHAWAK ko sa beywang ni Nomi nang unti-unti nang lumalamig ang paligid. Nakapikit pa rin itong si Nomi na akala yata'y hahalikan ko talaga. Hindi ko alam kung matatawa ako o ano sa itsura niya pero isinantabi ko na lang dahil mas kailangan kong mag-focus sa paparating na siraulo. Hanggang sa mas lumakas ang ihip ng hangin, hindi lang ihip, halos tangayin na kami. Mabuti na lang at kahit papaano'y madalas akong mag-gym sa mini gym na itinayo ni Pareng Edgar doon sa may bayan. Matigas ang muscles ko at hindi ko basta-bastang mabitiwan si Nomi. Napalunok ako nang maramdaman kong tuluyan na siyang nakarating. Luminga ako sa paligid kahit patuloy pa rin ang ihip ng hangin hanggang sa. . . "Punyemas! Aray!" sigaw ko. Halos mapunit ang anit ko nang isang kamay ang humablot sa aking buhok. Hinatak niya ako palayo kay Nomi kaya kaagad kong binunot ang krus mula sa bulsa ko saka iyon tinapat sa kaniya. Kaagad naman niyang nabitiwan ang buhok ko kasabay ng malakas niyang hiyaw. “Argh! Wala kang karapatang halikan si Noella!” malaki ang tinig na sigaw niya. “Excited ka? Hindi ko pa nahahalikan hoy!” Humarap ako sa kaniya, hinarangan ko si Nomi para sana ilayo ngunit napakunot-noo ako nang wala na siya roon! “Sigurado akong babalik siya mamayang gabi! Sa oras na matulog na ako,” malungkot na ani Nomi. Muling umihip ang hangin nang malakas. Hindi pa siya tuluyang nakaaalis, narito pa siya at nagmamasid. Hinawakan ko ang braso si Nomi dahil mas lumalakas ang hangin, mukhang galit na galit siya. Napakurap ako't isang eksena ang rumehistro sa aking utak. Napamura ako sa aking isipan nang makita kung anong klaseng engkanto siya! “Putangina, magpakita ka!” sigaw ko. Pero hindi pa rin siya nagpakita, nanatili lang ang malakas na hangin mula sa bintana. Humigpit ang hawak ni Nomi sa akin, sa pagkakataong 'to, alam kong natatakot na siya. Nanlalamig ang mga kamay niya at nanginginig. “H-hindi siya magp-papakita. . .” bulong ni Nomi. Hindi ko siya pinakinggan, akala ko hindi iyon totoo kaya naghintay ako hanggang sa may bumulong sa tenga ko. “Hindi ako aalis, kahit anong gawin mo, hindi,” mariing aniya. Nawala ang malakas na hangin hudyat na umalis na siya, saka ko lang ipinaharap sa akin si Nomi. “Hindi natin siya kaagad mapapaalis, mahirap,” direktang sabi ko. Ayaw kong umasa siyang kaya kong mapaalis ang engkantong ‘yon. Siguro, oo kaya ko. Pero kailangan kong dumaan sa butas ng karayom para gawin ‘yon. . . Nanginig ang labi niya dahil sa sinabi ko. Hindi ko alam kung bakit naaawa ako sa kaniya, hindi ako ganito kung maawa sa isang tao. . . Lalo na't sa dami ng taong humihingi at humihingi ng tulong sa akin. Sanay na akong nakakaawa ang ipinapakita nilang ekspresyon. Pero ngayon, sa kaniya, sobrang pagka-awa ang nararamdaman ko kahit pa taliwas sa kwento niya ang ibang visions na nakikita ko. “P-paano na?” naiiyak na tanong niya. Marahas na napalunok ako habang nakatitig sa kaniyang mga mata. “Gagawan natin ng paraan.” “P-paano mamayang gabi? Anong gagawin ko para hindi niya ako dalawin?” Ngumiti ako. “Gagawan kita ng proteksyon dito sa kwarto mo. Huwag kang mag-alala.” Pinalabas ko na muna siya sa loob ng kwarto. Pagkalabas niya'y kaagad kong sinara ang bintana. Pumikit ako at pinakiramdaman ang paligid kung may presensya pa ba ng engkantong iyon. Nang makasigurong wala na, kinuha ko iyong maliit na librong pamana pa sa akin ni Lola. Hinanap ko roon ang orasyon na ginagamit ko rin para sa mga bracelet o kaya kwintas. Proteksyon ito. Pero para sa buong kwarto, hindi ito magtatagal. Kung bibigyan ko kasi siya ng bracelet, maaaring putulin lang iyon ng engkantong gumagahasa sa kaniya dahil. . . Malakas ang isang 'to. Alam kong hindi siya basta-bastang engkanto. “Haec orationis protegere in circuitu. Da locum mali impedimentum elementum.” Binanggit ko iyon at binasbasan ko ng banal na tubig ang bawat sulok ng kwarto. “Haec orationis protegere in circuitu. Da locum mali impedimentum elementum.” Paulit-ulit kong binanggit hanggang sa matapunan ng tubig ang bawat gilid. At saka ko ihinuli ang kama. Ang epekto nito, magiging invisible ang kwartong ito para sa engkanto. Hindi niya makikita ang buong kwarto, kahit na anong gawin niya, hindi siya makararating dito. Huwag lang bubuksan ang bintana. Sa tuwing matutulog si Nomi, dinadala niya ito sa ibang dimensyon, kung saan sila nakatira. Hindi pwedeng gahasain ng engkanto ang isang tao sa mundo ng mga tao. Hindi 'yon maaari. Kaya dapat na nasa loob lang siya ng kwarto niyang ito at hindi siya madadala ng engkanto sa lugar nila. Pagkatapos ng ritwal na ginawa ko, pinapasok ko na si Nomi. “Kahit na anong mangyari, huwag mong bubuksan ang bintana. Dahil sa oras na buksan mo 'yan, makikita ka niya,” paalala ko. Tumango siya at saka bumuga ng malalim na hininga “S-salamat,” aniya. “P-pwede ba akong magtanong?” “Oo naman, ano ‘yon?” “B-bakit h-hahalikan mo ako kanina?” Umawang ang labi ko. Mayamaya lang din ay napaismid ako. “Hindi ko planong halikan ka, ginawa ko lang 'yon para magpakita siya.” Marahan siyang tumango, “A-ah, g-gano'n ba?” Napangiwi ako, bakit parang disappointed 'to? Ang bata-bata pa, masyadong makire. Ay ewan! Matapos naming mag-usap, nagpaalam na akong uuwi. Akala ko nga maglalakad ako pauwi, buti na lang mabait 'yong si Nomi at pinahatid ako sa driver niya. Manghang-mangha talaga ako sa kotse pero pinipigilan ko lang dahil baka isipin nilang ignorante ako. Na totoo naman! Nang makauwi ako sa bahay, naabutan ko agad si Mama na nakatambay sa harap ng bahay. Parang inip na inip, nakatayo roon, nakakrus ang braso sa ibabaw ng dibdib habang nakanguso pa. “Ma!” tawag ko sa kaniya. “Ba’t nakatambay ka r’yan? Maraming lamok!” “Hinihintay kita!” sagot niya. “At baka mamaya naakit ka na sa babaeng 'yon.” Napailing na lang ako at lumapit kay Mama. Umakbay ako sa kaniya at saka dinala siya papasok sa loob ng bahay. “Ayaw mo talaga akong pag-asawahin Ma? 32 na ako, maawa ka naman sa anak mo, virgin pa ako hanggang ngayon.” “Ha! At sa tingin mo maniniwala nga ako na virgin ka pa? Malay ko ba naman.” Bumitiw ako sa kaniya nang tuluyan kaming makapasok sa loob. “Alam mo Ma, may pangarap din akong magkapamilya pero paano ko mahahanap 'yon kung lagi mo akong pinipigilan?” “Anak, hindi kita pinipigilan. Sadyang alam ko lang kung sino ang babaeng para sa 'yo, at 'yong babaeng 'yon, ayaw ko sa kaniya. May kakaiba akong nararamdaman!” “Mama! Aasawahin ko ba 'yon? Mapaghinala ka talaga, e!” Inis na dumiretso ako sa kwarto habang napapailing-iling. Hindi ko alam kung anong klaseng babae ba ang hinahanap ni Mama. Ang dami ko nang nakasalamuhang babae, pero never pa siyang nagsabi na gusto niya iyon. Nagkibit-balikat ako, baka natatakot lang talaga si Mama na mawala ako sa kaniya. Si Mama talaga. . . Pagkapasok ko sa kwarto, kaagad kong hinanap iyong mga librong ipinamana sa akin ni Lola. May hahanapin ako, hindi ko pa 'yon nababasa. Kasi naman, hindi ko inakala na makatatagpo ako ng ganoong klaseng engkanto. Hindi ko inakalang darating ang panahon na kailangan kong kumalaban ng isang. . . Prinsipe ng mga engkanto. Shit naman, o! Bakit ba kasi ako naawa sa babaeng 'yon? Oo, maganda siya at mukhang mabait, nakikita ko ring malungkot ang mga mata niya pero. . . May kakaiba akong nararamdaman. Hindi ko alam kung iyon ba ang sinasabi sa akin ni Mama, na kakaiba. Kung ano man iyon, bahala na. . . Deserve naman ng lahat ng tao ang matulungan, may itinatago man sila o wala. Napailing na lamang ako at inilabas mula sa baul na nasa ilalim ng papag ko ang makapal na libro. “Kaya ko 'to!” buntonghininga ko. Binasa ko ang unang pahina ng librong iyon—Mga dugong-bughaw na engkanto. Ito na nga 'yon, bahala na. . . — Martes at may nagpapalista na kaagad kahit kagigising ko pa lang. Kagaya ng senaryo tuwing Martes at Biyernes, may nakaaway na namang babae si Mama dahil nagpapanggap na namang may sakit o kaya nama'y dadaan, sisilip at tatanungin kung gising na raw ba ako. Mabilisang bumangon ako sa higaan para dumiretso sa kabinet at magsuot ng damit at shorts. Tuwing ganitong araw, hindi ko kinalilimutang magsuot ng damit bago lumabas ng kwarto dahil minsang kamuntikan na akong pagsamantalahan ng baklang magpapagamot sana sa akin dahil nabarang daw siya. Galit na galit tuloy si nanay, pinagmumura iyong bakla at sinabi na kung hindi pa aalis ay siya mismo ang magdadagdag ng kulam sa baklang iyon. 'Di ko alam kung anong klaseng karisma ba ang mayro'n ako para maakit nang ganito ang mga kababaihan at bakla. Hindi sa pagyayabang pero gwapo kasi talaga ako. Nagmana sa tatay kong campus hearthrob daw sabi ni nanay. Ewan ko kung totoo pero sa palagay ko'y totoo naman dahil nakita ko ang litrato ni tatay noong binata pa siya, ang gwapo, kamukha ko. Matapos kong magbihis, diretso na kaagad ako sa kusina kung saan kapapasok lang ni Mama at may kung ano-anong ibinubulong. "Ano na naman ba 'yon, Ma?" natatawang tanong ko. Hinila ko iyong silya at mabilis na dumampot ng pandesal. "Wala! Sabi ko sisirain ko na 'yang pagmumukha mo at nang hindi na dayuhin ng mga bruha!" ani Mama. "Bakit ba kasi nag-asawa ako ng gwapo? Ang hirap tuloy bakuran ng anak ko." "Swerte mo nga't nagkaanak ka ng gwapo, e. Hindi ba dapat proud ka?" "Anong nakakaproud ro'n? Iyong araw-araw ganito ang eksena? Dinadayo ka ng mga pokpok!" "Araw-araw ba?" "Oo, araw-araw! Hindi mo lang alam dahil wala kang pakialam. Nangangawit na ang bunganga ko kadadakdak sa kanila na tumigil na pero bumabalik pa rin!" dire-diretso at walang hingahang reklamo niya. Napahagalpak na lang ako nang tawa. Hindi na yata talaga ako makapag-aasawa, ganito ba naman ako bakuran ng nanay ko e. Matapos kong mag-almusal ng pandesal at kape na madalas pa sa usual na ganito ang almusal, naligo na ako't naghanda para sa alas tres ng hapon. Alas syete pa naman ng umaga kaya nagpaalam na muna ako kay Mama na sisilipin si Jelay sa may botika at baka bugahan na naman ako ng apoy ng babaeng 'yon. Binilisan ko lang ang pagpapatakbo ng motorsiklo hanggang sa makarating ako sa bayan kung saan naroon nakatayo ang botikang binuksan ko pagkatapos kong magresign bilang pharmacist. Nang maiparada ko na sa labas ang motor, nasulyapan ko kaagad ang nakataas na kilay ni Jelay. "Ang aga-aga, ganyan na mukha mo!" bungad ko sa kaniya. Binuksan ko ang pinto at pumasok habang siya'y hindi manlang ako binati. Ikinrus niya ang mga braso sa ibabaw ng dibdib niyang walang laman. "Bwiset ka talaga, kahit hindi naman Martes at Biyernes, M.I.A ka pa rin talaga rito!" sumbat niya. "Kapal ng mukha mo 'no? Kumikita ka kahit hindi mo ako tulungan dito. Tandaan mo, hati tayo sa pinangpuhunan dito sa botika. Baka gusto mong ibalik ko na lang ang puhunang ibinigay mo tapos akin na 'tong botika!" "Huwag naman, ito naman hindi na lang ako intindihin e. Huwag kang mag-alala, tutulungan kita hanggang mamayang alas tres." Ngumiti ako nang malapad pero imbes na magandang sagot ang makuha ko, binato niya ako ng napkin na nadampot niya mula sa isang pantry na naroon. Mabilis na dinampot ko iyong isang balot ng napkin pagkatapos ay patakbong ibinalik 'yon sa pantry. "Sa dinami-rami ng pwedeng ibato, bakit napkin pa?" Iiling-iling na tanong ko. "Ewan ko sa 'yo, Ajax! Kapag talaga hindi ka umayos-ayos, itutuloy ko na ang banta ko sa 'yo!" Hindi na lang ako sumagot. Takot din naman ako sa pagbabanta niya kasi dito sa botikang 'to kami kumukuha ng panggastos sa bahay. Kaya hindi pwedeng mawala ito sa akin. Nagbihis na ako ng uniform namin pagkatapos ay tinulungan na siya sa loob ng pharmacy. Alas dos y media ng hapon nang tumunog ang cellphone ko. Dinukot ko iyon mula sa aking bulsa pagkatapos ay mabilis na sinagot at tinapat sa aking tenga. Napalingon sa akin si Jelay at nagtanong kung sino, pero hindi ko rin alam kaya nagkibit-balikat ako. "Hello? Sino 'to?" "S-sir Ajax, ako po ito. . . Nakapila po ako rito sa labas ng bahay n'yo."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD