KABANATA 3:

3055 Words
KABANATA 3: NAUBOS KO NA ANG PANDESAL NA KINAKAIN KO pero hindi manlang siya kumuha maski isa. Ilang beses ko na siyang inalok pero ewan, hindi yata kumakain ng pandesal 'tong babaeng 'to. Mukha rin kasing yayamanin at hindi sanay sa dos pesos na pandesal. `Yon nga lang ang ipinagtataka ko, iyong kapeng tinimpla naman ni Mama para sa kaniya, kanina pa nasimot! Ano ba talagang trip ng babaeng `to? Gusto niya bang mas lalo siyang kabahan? “Wala na, naubos ko na ang pandesal puro ka kasi mamaya e,” sabi ko pagkatapos ay sinubo ang huling kagat ng pandesal. Tumango lang siya at saka ngumiti, “Wala kasi akong ganang kumain, e.” Ang ganda ng ngiti ng babaeng 'to, maamo at mahinhin. Hindi kataka-takang magkagusto sa kaniya kahit na ang ibang nilalang. Dumighay ako at saka ikinrus ang mga braso sa ibabaw ng dibdib ko. Nagsuot na ako ng damit at baka biglang maglaway siya sa katawan ko, mahirap na at baka maging isa pa siya sa mga die hard fan ko. Sayang ang ganda niya kung ilalaan niya lang sa isang lalaking dapat pharmacist ngunit mas piniling maging albularyo nang dahil lang trip niya. “Paano at kailan ba 'yan nagsimula?” kaagad na tanong ko matapos kong kumain. Yumuko siya at napasuklay sa mahaba niyang buhok. Tumaas ang kilay ko, hindi ko alam kung nang-aakit ba siya pero ang ganda ng buhok niya. Makintab, mahaba at itim na itim. Napaismid sko, mukhang buhok na naman nito ang kinaaakitan ng nilalang na 'yon, ah? Ano ba kasing mayro'n sa mahabang buhok at gustong-gusto ng mga babae? Pwede namang average length lang, hindi ba sila naaalibadbaran kapag nagsusuklay sila? Hindi ba sila naiinitan sa ganito kainit na bansa pagkatapos ganyan pa kahaba? Ang aarte ng mga kerengkeng 'naknamputs! “Nakikita ko na siya bata pa lang ako. . .” panimula niya. Kumunot ang noo ko't napaayos sa pagkakaupo. “Ano? Teka hindi kita maintindihan.” “Kalaro ko na siya noon pa,” paglilinaw niya. Umawang ang labi ko’t pinakatitigan kung nagsasabi ba siya ng totoo. Ngunit parang totoo naman ang sinabi niya dahil walang halong kaba ang ekspresyon na ipinapakita niya. Marahan akong tumango pagkatapos ay muling nagtanong. “Okay sige, pero kailan nagsimulang ano, uh—” “Pinagsasamantalahan niya ako? Nito lang nang mag-eighteenth birthday ako. Pagkatapos no'n halos gabi-gabi na. . . Pakiramdam ko, totoong-totoo ang bawat gabi kahit pa panaginip lang 'yon.” Napangiwi ako at napakamot sa noo. “Ilang taon ka na?” “Twenty-three,” sagot niya. Nanlaki bigla ang mga mata ko. Teka nga, tama ba 'tong naririnig ko? “Ibig mong sabihin, mula no'ng 18 years old ka hanggang ngayong 23 ka na, gabi-gabi ka na niyang ginagalaw tapos hindi ka pa rin gumawa ng paraan? Hindi kaya, baka gusto mo rin ang ginagawa niya?” Pinanliitan ko siya ng mga mata sabay galaw ng magkabila kong kilay. Sino ba namang tanga ang magpapagalaw sa loob ng limang taon kung hindi niya gusto? Tangina, hindi na ako makapaghintay na matawas 'tong babae na 'to at nang malaman ko. Medyo curious na ako sa pagkatao niya, eh. Biglang lumukot ang mukha niya. “Hindi ko 'yon gusto! Kahit noong una hindi ko na ginusto! Ilang albularyo na ang pinuntahan ko. Hindi naman as in gabi-gabi, lalo na kapag pumunta ako sa albularyo at sinusubukan nilang paalisin. Ang kaso, sa umpisa lang nila napapaalis si Chen pero hindi—” “Teka lang, Chen? Chen ba kamo ang pangalan niya?” Hindi ako makapaniwala. “O-oo, bakit?” tila kabadong tanong niya. Napasinghap ako, “Pinangalanan mo ang isang engkanto?” Kagat-labing napatango siya, mababakas na ang kaba sa kaniyang mukha. “Hindi ko alam ang pangalan niya noong bata pa ako. Binigyan ko siya ng pangalan, ano bang masama kung papangalanan ko siya?” Napailing na lang ako, “Noong nakilala mo siya, malaki na siya 'di ba? Hindi na siya bata?” Inosenteng tumango siya ulit. Walang kaalam-alam ang babaeng 'to sa mga pinaggagawa niya. Sa bagay, sino nga ba naman ang makakaalam no'n kung bata ka pa? Kahit sinong walang kamalay-malay. Ang mga alagad talaga ng dilim, malupit kung gumalaw pailalim. Mukhang kilala ko na kung anong klaseng nilalang ang gabi-gabing nagpapaligaya— este nagpapahirap sa kaniya. “Okay ganito, kanina pa tayo nag-uusap pero hindi ko alam ang pangalan mo,” sabi ko. “Sorry, Nomi po pala ang pangalan ko.” Tumango ako, “Okay Nomi, gusto kong sagutin mo ako ng honest na sagot sa lahat ng itatanong ko sa 'yo. Kapag nagsinungaling ka, pwedeng magkamali ako. Honesty is the best policy. 'Di ako manghuhula, albularyo ako pero ang kaya ko lang ay sulyapan ang nakaraan mo. Kaya 'di ko alam kung nagsasabi ka ng totoo, dapat makisama ka sa akin.” Sumang-ayon siya sa gusto ko. Kailangan kong ipaliwanag sa kaniya kung anong pinasok niya. “Ganito, nakipagkaibigan ka sa isang engkanto. Ang pagbibigay ng pangalan sa isang katulad niya ay mas nagpalalim sa ugnayan ninyo. Sa totoo lang, hindi ko gets kung bakit nakipagkaibigan ka sa engkanto e, ang dami-daming batang pwedeng maging kalaro.” “Hindi mo rin kasi ako maiintindihan. . .” Bumuntong-hininga ako, “Okay, sa bagay wala naman akong alam sa 'yo. Kaya sige ganito na lang muna. Tatanungin kita, nagkaboyfriend ka na ba?” Umiling siya, “H-hindi pa.” “Sasagutin mo ako ng totoo, Nomi. Kapag nagsinungaling ka, hindi natin siya mapapaalis.” “Hindi pa ako nagkakaboyfriend dahil ayaw niya!” pumiyok ang boses niya 'tsaka nag-angat ng tingin sa akin. “Kapag mayroong nanliligaw sa akin, pinipigilan niya!” “So virgin ka pa?” Umawang ang labi niya sa itinanong ko, tila hindi makapaniwala. Bahagya ring namula ang pisngi niya. Nahihiya siguro. “A-ano? B-bakit kailangan pang tanungin 'yan?” “Kailangan kong malaman 'yon, pero halata namang oo.” “Oo! Oo nga, totoong wala pa akong experience sa pisikal pero sa mga panaginip ko. Sa lahat ng ginawa niya sa akin, pakiramdam ko nababoy na ako!” Nagsimula na naman siyang humikbi at naluha. Napahilamos ako sa mukha ko. “Parang awa mo na, maraming nakapagsabi sa akin na magaling ka kaya dito ako pumunta. Tulungan mo ako, pakiramdam ko binaboy na niya ako nang husto. Habambuhay na ba akong magiging ganito?” Tumango ako, “ Oo, kapag nabuntis ka niya. Siguradong dadalhin ka niya sa mundo n’yo.” Natigil siya sa pag-iyak. “A-ano? P-posible ba 'yon?” “Posible, kaya habang hindi pa nangyayari, pipigilan natin.” Tumayo ako sa silya at inayos ang suot kong boxer kasi baka biglang lumitaw. “Maliligo muna ako at magbibihis tapos puntahan natin ang bahay n’yo. Titingnan ko kung saan namumugad ang bastos na 'yon.” Dumiretso ako sa kwarto ko, naroon si Mama sa papag ko, nakade-kwatro at naka-krus pa ang braso sa ibabaw ng dibdib. “Pupuntahan mo sa bahay?” “Ma. . .” “Anak, umayos-ayos ka ha!” “Mama ha! Ayan ka na naman. Kapag babae ang gustong magpatulong sa akin tapos maganda inaakusahan mo na kaagad ako. Grabe ka na Ma!” Nagkibit-balikat siya. “Aba malay ko, sa edad mong 'yan baka mamaya. . .” Napakamot ako sa ulo ko, “Anong baka mamaya, Ma? Nako naman! Ewan ko sa 'yo!” Kumuha na kaagad ako ng damit at tuwalya, at saka ako lumabas ulit para dumiretso sa banyo. Kaya hindi ako nagkakaroon ng girlfriend dahil bantay-sarado ako ng Mama ko, e. Isa talaga 'yon sa mga rason. Habang naliligo, naalala ko 'yong nakita ko sa mga mata ni Nomi. . . Nakita ko kung paano siya ginahasa noong masamang elementong 'yon. Nakita ko kung paano siya nagpumiglas at nagmakaawa na huwag siyang galawin. Mukhang tao lang din iyong engkanto, nagbabalat-kayo. Nakita ko pa nga ang hubad na katawan nilang dalawa! Hay putsa, sabi ko na dapat hindi ko nakita 'yon, e! Umiling ako at nagpatuloy na lang sa paliligo. Bago ito sa akin, kailangan ko pang pag-aralan sa nakatagong libro ni Lola. Sa ngayon, kailangan kong tulungan iyong babae. Kailangan kong tingnan ang bahay niya dahil may pakiramdam ako na malapit lang sa kaniya iyong engkantong 'yon. Na kaya bumabalik-balik 'yon sa kaniya ay dahil kaya lang nitong makabalik kaagad. — PAGKAKATAON KO NA SANA, pagkakataon ko nang makaranas na isakay ang babae sa motor ko. Pero pagkalabas namin ng bahay, nagtaka ako nang may nakaparadang mamahaling kotse roon. “Sa 'yo ba iyan?” tanong ko sa kaniya kahit obvious naman. Ang bobo ko para itanong pa 'yon! Ang ganda ng kotse, BMW 5 na kulay itim. Kung naging mayaman siguro ako, ganitong klaseng kotse rin ang bibilhin ko. Ang ganda, ang kintab kailangan ng maintenance! Kailan pa kaya ako yayaman kung pagiging albularyo ang pinili kong propesyon? Tumango siya, “Opo, halika na.” Paanyaya niya. Medyo nahihiya pa siya nang sagutin niya iyon. Ikinahihiya niya bang sa kaniya iyong kotse. Ibig sabihin totoong mayaman 'tong babae na 'to? "Ganda ng kotse mo," puri ko. Lumabas iyong driver ng kotse at pinagbuksan ng pinto si Nomi. Nang makapasok na siya'y susubukan ko sanang buksan ang pinto sa kabila pero hindi ko mabuksan! Sinubukan ko pang hanapin ang pwedeng pindutin sa handle pero 'di ko talaga mabuksan. Mayamaya pa'y lumapit sa akin ang driver at diretsong tumingin sa mga mata ko, para bang naiignorantehan sa akin. Mabilis lang na binuksan niya ang kotse pagkatapos inilahad ang kamay para ipakitang kaya niyang buksan ang kotse tapos ako hindi ko kaya. Nakakahiya putsa! "S-salamat." Nahihiyang pumasok ako sa loob pagkatapos ay pabagsak na isinara ng driver ang pinto. Kung hindi lang mabait si Nomi, baka sinigawan ko na 'yong driver niya. Nakakahiya kasing manigaw at baka himatayin itong si Nomi. "Teka, saan nga ang bahay mo?" tanong ko. Para naman kahit papaano ay may mapag-usapan sana kami kaso. . . "D'yan lang naman sa kanto," sagot niya. Kaso mukhang ayaw makipag-usap dahil tipid kung sumagot. Nanahimik na lamang ako at palihim na namangha sa mamahalin niyang kotse. Ang ganda kasi talaga, mabango pa at malinis. Halatang masyadong maarte ang may-ari lalo na't halos mag-amog alcohol na sa loob nito. Ilang minuto lang ang lumipas, nakarating kami sa bahay nila. Mas lalo akong napamangha dahil sa laki ng bahay. Nakalulula ang taas, nakamamangha ang modernong disenyo nito pero. . . Imbes na ma-enjoy ko ang pagkamangha, natigil ang mata ko sa malaking puno ng mangga pagbungad pa lang pagkapasok mula sa gate nila. At nang tuluyan kaming makapasok, mas lalo akong kinutuban. Unti-unting nag-flashback sa utak ko ang mga pinagdaanan ng punong 'to. Sa nakaraan, nakita kong doon pumasok iyong engkanto. Matangkad siya at moreno. Kung titingnan ay mukha lang talaga siyang normal na tao, ngunit iyon ay pagbabalat-kayo lamang dahil hindi iyon ang totoo niyang itsura. Sinasabi ko na nga ba, kaya mabilis lang siyang nakababalik ay dahil malapit lang siya sa bahay. Hindi lang malapit, halos nakadikit na mismo sa bahay. Itong bahay nila, ilang beses nang ni-renovate. Pagmamay-ari pa ng ninuno nila. “Ilang taon na ang punong 'yan?” tanong ko kay Nomi. Nilingon niya ako, “Lagpas isang daang taon na. Ang Lolo pa ng Lolo ko ang nagtanim niyan,” sagot niya. “Mabunga pa rin 'no?” Nagtiim-bagang ako. Ito ang madalas na ginagawang lagusan ng mga engkanto at ng kung ano pang lamang lupa papunta rito. Hindi dapat pinapaabot ng ganyang edad ang isang puno. . . “Pasok tayo,” aya niya. Pumayag akong pumasok. Gusto kong makita ang kwarto niya. “Miss, sama po ba kami sa inyo?” tanong ng isang kasambahay na sumalubong sa amin. Masyadong malaki ang bahay nila para sa iilang taong nakatira. Ang lungkot ng aura ng buong bahay, walang kabuhay-buhay. Kaunti lang din ang mga gamit at halatang vintage na kaya mas lalong nakalulungkot ang aura. “Nasaan ang mga magulang mo?” tanong ko ulit. “Nasa ibang bansa sila. Madalas talaga silang mag-out of town,” sagot niya. “Business gano’n.” Kibit-balikat niya. Tumango ako. 'Di bale na lang na mahirap ako, at least lagi kong nakikita si Mama. Hindi bale na ring sabihang Mama's boy ako, mas masarap kayang kasama ang magulang mo kaysa malayo sila. Kaya rin siguro malungkot ang babaeng 'to, ramdam ko ang lungkot na nararamdaman niya makita ko pa lamang ang kaniyang mga mata. Umakyat kami sa pangalawang palapag. Akala ko sasama 'yong mga kasambahay pero hindi niya 'yon pinasama. Okay lang naman sa akin, pero medyo naiilang ako lalo pa't hindi pa ako nakapapasok sa kwarto ng ibang babae na ako lang ang kasama, maliban s'yempre kay Mama. “Ayos lang sa 'yo na ako lang ang kasama mo sa kwarto?” takang tanong ko sa kaniya. Nabigla siya sa tinanong ko. “Ah? May problema po ba 'ron?” Napangiwi ako at saka umiling. “W-wala.” Mukhang wala rin talaga siyang alam at mukhang ako lang naman ang naiilang. Hinayaan ko na lang, wala rin naman akong masamang balak sa kaniya. Iniisip ko lang na hindi magandang magkasama sa iisang kwarto ang isang babae at lalaki lalo na at hindi pa lubos na magkakilala. Nang makapasok ako sa kwarto niya, unang pumukaw ng atensyon ko ang malaking bintana kung saan kitang-kita ang puno ng mangga. Napamura ako sa aking isip nang ilang beses. Punyemas, kaya naman pala balik nang balik kasi halos mag-live show na siya rito sa kwarto niya. Kitang-kita kung saan nakaupo palagi iyong engkanto! “Kaya siya nakakapasok kaagad rito,” hindi ko na napigilan pa. Lumingon ako sa may dingding at nakita iyong graduation picture niya, nakatoga—Noella Mira De Vega. Iyan ang pangalan niya. Kaya pala Nomi. . . “Ha? Bakit?” tanong niya na nagpabalik ng tingin ko sa bintana. Diretsong tinuro ko iyong puno sa kaniya, “D’yan siya nakatira, kaya mabilis siyang nakakabalik sa 'yo ay dahil nand’yan lang siya.” “Alam ko. . .” Nilingon ko siya at takang tinitigan siya. “Ano pang alam mo? Mukhang alam mo na ang lahat tungkol sa kaniya pero nagbubulag-bulagan ka lang.” Hindi ko mawari kung ano ang nasa isip ng babaeng 'to. Siya ang kauna-unahang pasyente kong halos alam na ang lahat. . . Alam na niya pero wala naman siyang ginagawa! “Alam ko na halos lahat, sa dami ng albularyong puntahan ko. Pero kasi, kahit na alam ko na ang mga 'yon, hindi ko naman alam kung paano siya paaalisin.” Napabuntonghininga siya, yumuko siya at saka nilaro ang mga daliri. Halatang may itinatago pa siya sa akin, nakikita ko 'yon sa kilos niya. 'Di ko alam kung paano ko palalabasin 'yong tinatago niya. Iyon ang dahilan kung bakit hindi tumatalab ang ginagawang panggagamot ng mga albularyo sa kaniya. Dahil hindi siya nagsasabi nang totoo. Para lang 'yang sumangguni ka sa doctor, dapat maging honest para malaman ang totoong sakit. Ang kaso mukhang hindi niya alam na honesty is the best policy. “Hindi mo siya mapapaalis, d’yan siya nakatira. Pero may pwede tayong gawin,” sagot ko. Nag-angat siya ng tingin sa akin, “A-ano?” Halatang umaasa ang mga mata niya, ngunit hindi 'yon 100% sure. May pag-aalinlangan pa rin. “Magsabi ka sa akin ng totoo. Iyan ang natatanging paraan.” “P-pero nagsasabi naman ako sa 'yo ng totoo, e.” Bumuntonghininga ako at muling sumulyap sa bintana. Naglakad ako palapit roon. Ilang beses kong sinulyapan ang puno pero hindi siya nagpapakita. Alam kong nariyan lang siya, nagmamatyag. Ramdam ko ang presensya niya, kanina pang pagpasok pa lamang namin. Halatang sanay na siyang magtago sa tuwing may albularyong sisilip dito sa bahay nila. “Magpakita ka sa akin,” tawag ko sa kaniya. Mariin kong pinakatitigan ang gawi kung saan madalas siyang nakatambay. “A-anong ginagawa mo?” gulat na tanong ni Nomi. “Tinatawag ko siya, usap kami,” sagot ko. “Ano?” takang tanong niyang muli. “Psst hoy! Labas d’yan!” tawag ko pa ulit pero wala talaga, ang tigas. Hinawakan ako ni Nomi sa balikat. “Epektibo ba ang ginagawa mo? Sigurado ka ba?” Lumingon ako sa kaniya at napaatras naman siya dahil doon. “May tiwala ka ba sa akin? Dapat mayro'n kasi nagpapatulong ka sa akin e.” Napayuko siya, “M-may tiwala naman ako pero kasi—” “Nakikita ko sila, Nomi. Hindi ako katulad ng mga albularyong nakilala mo. Ako, kaya ko silang makita. Kaya kong maramdaman kung nar'yan sila at nagtatago lang. Siguro naman may nakapagsabi sa 'yo kung saang pamilya ako nanggaling. Hindi kami basta-basta albularyo lang.” Umismid ako. Natahimik siya roon. Lumingon ako ulit sa puno at sinubukang tawagin siya. Pumikit ako at sinubukang tawagin ang engkanto gamit ang lenggwahe nila. Oo, tinuro sa akin iyon ni Lola. May alaga siyang sigbin noon. Regalo raw ng amo niyang aswang. Alam ni Lola na nakakakita ako ng ibang nilalang, si Mama lang naman ang pinaglihiman ko. Madalas kaming nagkukwentuhan ni Lola, sa tuwing natatakot ako sa mga nakikita ko, sa kaniya ako nagkukwento. Ang buong akala ni Mama, wala akong kakayahan. “Hindi ako magpapakita sa 'yo. . .” bulong ng engkanto sa akin. Dumilat ako at naiinis na napakamot sa ulo. “Ayaw mong magpakita ha!” Nilingon ko si Nomi na ngayon ay halata ang pag-aalala sa mukha. “Huwag ka sanang magagalit. . .” Kunot-noong napatitig siya sa akin, “A-ano? Bakit?” Hinawakan ko ang kamay niya at hinila siya palapit sa akin. Nanlaki ang mga mata niya nang mabilis na hinawakan ko siya sa bewang at inilapit siya sa akin. Mas inilapit ko ang mukha ko sa kaniya kung saan nagdikit na ang tungki ng mga ilong namin. Inaamin kong maganda siya, nakakaakit ang natural na mamula-mula niyang mga labi. Ang mapupungay niyang mga matang may makakapal na pilikmata. Shit! Kalma, putangina. Ano ba 'tong puso ko, ba't parang ako pa ang kinakabahan? Dapat 'di ako kabahan e! At mas lalo pang nangunot ang noo ko nang. . . Pumikit si Nomi! Anak ng putsa naman o! Feel na feel pa yata!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD