KABANATA 2:

1352 Words
KABANATA 2: NAKANGITING SINALUBONG AKO ni Patricio nang bumisita ako sa bahay nila. “Hindi na siya makabalik sa katawan ni Chell,” aniya at saka pinag-urong ako ng upuan. Naupo naman ako roon at sinulyapan nga si Chell na nakangiting nakaupo sa kaharap na upuan ng inuupuan ko. “Nakikita ko nga, hindi na siya makabalik,” sagot ko. “Bakit ba kasi hindi mo pinuputol ang buhok mo?” Sa halos isang linggong kalaban ko iyong nagbabantay na kapre kay Chell, nalaman ko kung ano ang dahilan kung bakit gustong-gusto niya si Chell. Iyon ay ang buhok niya, mahaba kasi iyon, maalon at makintab. “Gusto kasi ni nanay, ayaw niyang paputulan ko ito.” Bukod sa pinaputol ko ang buhok ni Chell, binigyan ko rin siya ng pangontrang bracelet. Dinasalan ko 'yon, isang dasal na magbibigay ng proteksyon para kay Chell. “Akala ko talaga hindi mo na kakayanin, bilib talaga ako sa 'yo pare,” dugtong pa ni Patricio. Napangiti ako, “iyan din ang akala ko. Gusto ko na sanang tawagan si Father Epren.” Minsan may mga bagay na akala mo hindi mo kaya, pero kung pipilitin mo at iisipin mong kaya mo, mapapansin mo na lang na unti-unti mo nang nagagawa iyong akala mo hindi mo kaya. Matapos kong dalawin si Chell, umuwi na kaagad ako. Kagagaling ko lang sa simbahan at dumiretso kaagad ako kila Patricio. Hindi pwedeng hindi ako magsisimba, palagi dapat magdasal sa itaas. Si Lola, hindi naniniwala sa Kaniya pero kami ni Mama, tinuruan kami ni Lolo na maniwala. Hindi ko alam kung bakit hindi naniniwala si Lola Ora sa Diyos pero sa tingin ko, dahil 'yon sa mga aswang na naging amo niya noon. Pagkauwi sa bahay, wala roon si Mama. Hindi ko alam kung saan na naman gumala 'yong nanay ko na 'yon. Minsan kasi may pinupuntahan siyang lugar na hindi ko alam. Secret lang ang sagot kapag nagtanong ako. Naupo ako sa papag at dumikwatro at saka kinuha iyong cellphone ko. Ganito na lang ba talaga ang buhay ko? Wala bang ka-challenge challenge? Walang ganang nag-browse ako sa f*******:. Tamang basa lang ng mga toxic na post ng mga sss friends kong walang magawa sa buhay. Tapos tamang inggit lang doon sa mga dati kong mga kaklase noong highschool, kung hindi may mga asawa na, magaganda na ang career. Iyong mga kaklase ko naman no'ng college, halos lahat sila pharmacist na. Ako, ito at pa-albula-albularyo lang. Inis na ibinaba ko ang cellphone ko at nahiga sa kama. Hindi ko alam kung tama pa ba 'tong ginagawa ko. Halos dalawang taon na akong albularyo pero hanggang ngayon, hindi ko pa rin talaga alam kung bakit ko 'to ginawa. Nagsayang lang ako ng panahon para sa pag-aaral tapos ganito lang pala kahihinatnan ko. Ay, ewan ko ba naman sa utak ko. Kung bakit ba naman nagpadala ako sa nararamdaman ko. Hindi ko na namalayan na nakatulog na pala ako, nagising akong sumisigaw na naman si Mama. “Ajax! Gumising ka na! Gabi na, kumain ka na!” galit na sigaw niya. Galit na siya, dapat lumabas na ako ng kwarto kung hindi ay babatukan na ako no'n. “Anong ulam Ma?” tanong ko. “Pritong GG!” sagot ni Mama at saka naupo sa silya. Naupo na rin ako sa katapat niya. “Ano Ma? Lakas na naman ng tama mo?” tanong ko sa kaniya at saka nagsalok ng kanin sa plato ko. “Tigil-tigilan mo ako, Ajax. Naiinis lang kasi ako,” panimula niya. “Kung bakit may mga taong pakialamera? Kesyo bakit daw hinayaan kitang magresign bilang isang pharmacist? Kesyo, nagsayang lang daw ako ng pera pang-paaral sa 'yo! Pakialam ba nila?” Napayuko ako at kumuha ng isang pritong isda. “Totoo naman Ma, nagsayang lang ako ng six years,” natatawang sagot ko. “Huwag kang ganyan! Hindi 'yon sayang anak. Kung ano ka man ngayon, gusto mo 'yan. At saka, bakit? Bawal ka na bang bumalik sa pagiging pharmacist? Pwede namang magliwaliw ka muna, e. Habang nagpapahinga ka mula sa pagiging pharmacist,” sagot ni Mama. Tumango na lang ako. Iniisip kasi ni Mama na nagpapahinga lang ako. Ang totoo hindi 'yon ang dahilan. . . At hindi ko 'yon masabi sa kaniya. Matapos kumain, natulog na naman ako ulit at hinayaan ko ang sarili kong magpahinga sa buong gabing 'yon. “Tao po!” Nagising ako sa malakas na pagkatok na iyon. Mabilis akong bumangon para lumabas ng kwarto at mag-almusal, hindi para pagbuksan kung sino mang kumatok. “Tao po!” Bahala siya r’yan, mukhang babae na naman e. Ayaw ko nga, alam ko na naman ang gusto niyan, ito na namang kagwapuhan ko, tsk! Dumiretso ako sa kusina at nagtimpla ng kape. Kapeng barako ang iniinom ko, ayoko ng 3 in 1 o kaya may creamer, mahapdi sa sikmura. Kakamot-kamot pa ako sa tiyan nang bumalik ako sa sala dala ang mug ng kape na tinimpla ko. “Nandya’n po si Sir Ajax? Baka pwede ko pong makausap?” Ngumuso ako at naupo sa silya. Nandya’n na si Mama. Dumukot ako sa pandesal na nakalagay sa plastic sa ibabaw ng lamesa. 'Tsaka ko lang nilapag ang mug. Gusto na naman nitong magpagamot kuno. Ano na naman kayang makati rito? “Naku, hindi ko alam kung gising na ba 'yon—” “Maawa na po kayo, napapagod na po ako sa gabi-gabing bangungot ko.” Tahimik akong nakinig mula sa loob ng bahay-kubo namin. Si Mama, nasa labas na habang kinakausap ang babaeng gustong magpagamot sa akin. Inaamin kong maganda ang boses niya, mahinhin pero hindi ako sigurado kung nanloloko din siya. “Iha, sa totoo lang hindi na kami halos tumatanggap ng babaeng pasyente na ka-edaran mo dahil madalas, nanloloko lang. Kung hindi naman kritikal ang kondisyon mo, huwag na lang,” ani Mama. Ilang segundong naging tahimik. Akala ko nga umalis na iyong babae o kaya sumuko na pero. . . Narinig ko ang unti-unti niyang paghikbi. Hindi ko tuloy tuluyang naisubo ang pandesal na dapat kakainin ko. “Gabi-gabi niya po akong ginagahasa. Napapagod na po ako, parang awa n’yo na po. Kailangan ko na po siya. . .” Sa hinaba-haba ng usapan nilang dalawa, hindi ko na pinatapos sa pagsasalita si Mama. Kaagad na akong tumayo mula sa silya at sumigaw. “Teka lang Ma!” Pagkabukas ko ng pinto, bumungad sa akin si Mama, kaharap niya ang isang babaeng may itim, diretso at mahabang buhok. Maputi siya, mukhang mahinhin ang mukha at disente kung manamit. Namumugto ang mga mata niya dahil sa pag-iyak. Bahagyang umawang ang labi ko, nakita ko. . . Nakita ko. . . Teka hindi ko dapat makita 'yon! Napailing ako bago tumikhim. “Tutulungan kita,” mabilis na tugon ko. “Pero anak baka niloloko ka na naman nito?” Lumingon sa akin si Mama. “May nakita ako, Ma. Totoo ang sinasabi niya.” Nanliit ang mga mata ni Mama, tila naghihinala pa sa sinabi ko. Tinaasan ko naman siya ng kilay bilang tugon sa kung ano na namang ipinaghihinala niya. Tila naginhawaan ang mukha ng dalaga. Pinunasan niya ang pisngi niyang puno ng luha. “S-salamat po! Pwede na po ba tayong magsimula ngayon? Kasi halos ayaw ko na pong matulog sa gabi—” “Lunes ngayon,” sagot ko. “Oo nga po, Lunes nga po ngayon. Ano pong mayro'n?” inosenteng tanong niya. “Martes at Byernes lang ako nagtatawas, sorry. At saka alas tres pa ng hapon ako nagtatawas. Kasi tingnan mo, wala pa akong damit, nakaboxer pa ako. Ang aga-aga pa nga at alas-sais pa lang oh.” Napakurap siya bigla at napatingin sa katawan ko. Nanlaki ang mga mata niya at mabilis siyang nag-iwas ng tingin. “Pasensya na, pagkagising na pagkagising ko kasi naligo lang ako at dumiretso rito.” Bumuntonghininga ako, nakita ko nga. At mukhang hindi naman 'to kasama sa mga die hard fan ko. Nakita ko kung paano siya ginagahasa ng isang kung anong nilalang. Hindi ko pa masabi dahil hindi ko pa siya natatawas. “Kumain ka na ba? Halika magkainan tayo sa loob—aray!” Nasiko ako bigla ni Mama. “Ajax!” “Ay ano, kumain muna tayo sa loob ng bahay namin tapos sabihin mo sa akin ang problema mo.” Nginitian ko si Mama, nagkamali lang naman ako ng ginamit na salita, napagalitan pa tuloy ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD