KABANATA 1:

1607 Words
KABANATA 1: KANINA PA AKO NAPAPAHILOT sa sentido ko dahil sa inis. Kung hindi ba naman makikire ang mga babaeng 'to, sa sobrang kakirehan, nagpapanggap na may sakit para lang makapagpagamot sa akin. “Ajax, totoong makati ang mga ito. Tingnan mo, ang dami kong pula-pulang pantal sa katawan!” reklamo ng babaeng pasyente kuno pero dibdib ang itinuturong may pantal. Halos lumuwa na ang dibdib sa higpit ng push up bra'ng suot niya. Sumulyap ako sa haba ng pila. Nakakainis at may lakad pa ako mamaya tapos mayroong nagkukunwaring may sakit lang. “Wala ngang lumabas sa pagtatawas ko sa 'yo. Huwag mo nga akong lokohin. Hindi ko hahawakan iyang dibdib mo huwag kang mag-inarte.” Napapailing na sabi ko. “Sunod na po!” “Pero Ajax, subukan mong ulitin ulit baka—” Hindi ko na siya pinatapos sa pagsasalita. Ako na mismo ang nagtulak sa kaniya paalis sa harapan ko. Dumaing siya pero hindi ko pinansin dahil hindi naman malakas ang pagkakatulak ko. Hindi naman ako gano'n kagarapal para itulak siya nang malakas. Humarap sa akin ang isang medyo may edad nang babae karga ang batang lalaki na nasa edad walong buwan. Bumaba ang tingin ko sa papel na pinagsulatan ng pangalan ng bata. “Wxyz Cunanan?” takang tanong ko. Ano ba namang klaseng pangalan 'to? “Wixizey po ang basa r’yan sir, pasensya na po,” sagot ng matandang babae. “Kaninong anak ho siya? Sa anak n’yo po?” tanong ko ulit. Napatango naman ang matanda. Napailing na lang ako at kinuha iyong kandila at tumalikod sa kanila. Talaga nga naman, mag-aanak, papangalanan nang hindi mabasa tapos ipapaalaga sa nanay. Ang mga kabataan nga naman ngayon, kaya ayaw ko pang mag-asawa, e. Sa maliit na plangganang stainless na may tubig—hindi iyon basta-bastang tubig dahil may kasamang dasal at langis. Pinatakan ko iyon ng kandila, dinasalan at binanggit ang pangalan ng bata. Unti-unting nabuo ang imahe ng isang duwende sa likod-bahay nila. Rumehistro sa akin ang senaryo. Habang naglalaro iyong bata sa ibabaw ng papag, nakita kong nagse-cellphone lang ang nanay niya sa tabi ng bata. Mayamaya’y nahulog ang bata sa papag dahil sa kaaabot ng laruan nito. Habang umiiyak iyong bata, nakita niya iyong duwende sa likod-bahay nila mula sa bintana. Isang duwendeng may pangit na mukha, hindi ito iyong klase ng tumutulong sa tao, isa siyang duwendeng mahilig mang-asar ay makipaglaro sa mga batang walang muwang na dahilan para magkaroon ito ng sakit. Matagal nang nangyari, madalas na umiiyak ang bata, pinaglalaruan ng maliit na nilalang pero ngayon lang nilagnat dahil mas napapadalas ang pang-aasar ng duwende sa kaniya. Humarap ako sa matandang babae, “Nay, pakitalikod po si Wyxz, hihilutin ko ho ang likod at may pilay.” “Pero tawas lang po ang—” Itinaas ko ang damit ng bata, “Matagal na po itong pilay niya, anim na buwan pa lang siya nito. Bantayan ninyo po ang apo n’yong maigi, hangga’t maaari huwag n’yo na pong ipaalaga sa anak n’yo kasi pinababayaan lang. At saka may duwende sa likod-bahay ninyo, alayan n’yo iyon ng pagkain.” “Hala. . .” Minsan hindi ko makontrol ang mga sinasabi ko. Dahil sa inis kung minsan. Sabi ng iba, masungit daw ako, na kesyo masyado raw akong masakit magsalita. Pero bakit bumabalik pa rin sila sa akin? Kasi totoo ang mga sinasabi ko. Lahat ng mga nakikita ko, hindi 'yon biro. Gumagaling din sila. Hindi ako isa sa mga budol na hindi naman totoo ang panggagamot. Ako, totoo ang lahat ng 'to. Nasa lahi namin ang may kakayahang ganito. Kahit aswang kaya naming gapiin, nitong nakaraan nga lang ay gumawa ako ng orasyon para sa mga aswang ng Sitio Valiente. Hindi naman sa nangingialam ako sa mga problema nila, napag-utusan lang. Si Lola at si Mama, pareho nilang nakikita ang mangyayari sa hinaharap, habang ako, nakikita ko naman ang mga nangyari na. Hindi ko alam kung paanong naging baliktad iyon para sa akin pero ganoon talaga siguro. Dati, hindi ko pinapansin ang kakayahan kong 'to. Lalo na noong bata pa ako, pakiramdam ko panaginip lang ang lahat ng 'yon. Hanggang sa lumaki ako at natutong magresearch. Wala sana akong balak sabihin kay Mama, pero napagtanto kong kailangan. Akala nga ni Mama, wala akong kahit anong kakayahan. Nasa college na kasi ako noong sinabi ko sa kaniya. Halos pagsasampalin ako ni Mama 'non, pinakaba ko raw siya. Akala niya talaga, mana ako sa Papa ko na gwapo lang ang mayro'n. Matapos ang tatlumpung pasyente na ginamot ko. Mabilis na pumasok ako sa loob ng bahay namin at patakbong dumiretso sa papag para mahiga. “Ajax! Kumain ka muna! Lintek, ayan ka na naman ha!” sigaw ni Mama sa akin. Madalas ko 'tong gawin, ang matulog pagkatapos manggamot. Nakakapagod kaya! “Maya na Ma! May pupuntahan ako mamaya, tulog muna ako. . .” sagot ko pero unti-unti na akong hinahatak ng antok. Hindi ko na narinig ang mga sinabi ni Mama, hinatak na ako ng antok at nakatulog. Hindi ko alam kung ilang oras akong nakatulog pero basta nagising na lang ako sa pag-alarm ng cellphone ko. Kaagad naman akong bumangon kasi kailangan ko na nga palang umalis at puntahan iyong isang kaibigan ko. Nagpalit ako ng damit at kaagad na lumabas ng kwarto. Si Mama, sinigawan na naman ako at sinabing kumain muna pero hindi ko siya pinansin, tumakbo na kaagad ako palabas. Sumakay ako sa kulay pulang motorsiklo ko at pinaandar iyon. Ilang beses nang nag-vibrate sa bulsa ko iyong cellphone ko pero hinayaan ko lang. Sigurado akong tumatawag na 'yong kaibigan ko. Mag-aalas-otso na. Halos limang minuto lang, narating ko na ang bahay nila. Oo, pwede lang lakarin pero kasi emergency 'to. “Chell! Nasaan na ba si pareng Ajax?!” narinig kong takot na sigaw ni Patricio. Mabilis na binuksan ko iyong pinto ng bahay nila at bumungad nga sa akin si Patricio habang hawak ang asawa niyang halos wala nang malay. “Chell!” sigaw ni Patricio, “Ajax, tulungan mo ako! Hindi ko na alam ang gagawin ko!” mangiyak-ngiyak na pagmamakaawa niya sa akin. “Oo, teka!” Lumapit ako at hinawakan si Chell sa braso para sana tulungan si Patricio, pero hindi pa man ako bumebwelo, nakita ko na. “s**t!” mura ko. “Nagalit siya!” “Ano?” Kinarga ko si Chell at mabilis na inihiga sa papag nila. Habang si Patricio ay walang humpay ang pagkalabit sa akin. “P're, p're sinong nagalit? Iyon bang nakabantay kay Chell?” Pagkalapag ko kay Chell, nilingon ko si Patricio. “Alam mong may nagbabantay sa kaniya? Bakit hindi n’yo muna kinausap 'yong bantay bago kayo nagpakasal?” naiinis na tanong ko. “H-hindi ko naman kasi alam na kailangan pa 'yon!” “Sabi mo 'di ba, mag-iisang linggo na 'to? P're, tatapatin na kita pero baka hindi ko na kayanin. Payat na si Chell. Sabi mo tuwing alas otso ng gabi siya inaatake nang ganito, bakit hindi mo sinabi kaagad sa akin?” “Akala ko kasi simpleng sakit lang, at akala ko buntis siya. . .” Napailing na lang ako at muling tiningnan si Chell. Pero nagulat ako nang nakadilat na ito at itim ang mga mata. Ngumiti si Chell nang malaki, napaatras ako lalo na nang humalakhak ito na parang pang-demonyo. Nagtaasan ang mga balahibo ko! Lintek na, sumapi na! “Hindi mo ako kaya! Tao ka lang! Akin si Chell! Akin siya!” sigaw nito at mas humalakhak pa. Kinapa ko si Patricio sa tabi ko pero hindi ko na siya nakapa. Pag-lingon ko, nakita ko na siyang nakahandusay sa sahig. Kahit nanginginig ang buo kong katawan, mabilis na tinakbo ko ang distansya namin ni Chell at hinawakan ang noo niya hanggang sa naihiga ko siya. “Umalis ka na! Kasal na si Chell wala ka nang magagawa. Hindi mo na siya makukuha!” sigaw ko. “Gago siya! Gago silang dalawa! Akin si Chell! Ako ang nakauna sa kaniya! Akin siya! Akin!” sigaw nito na galit na galit. “Anong gusto mo? Ibibigay ko.” “Wala! Si Chell lang ang gusto ko! Siya lang!” Dumukot ako sa bulsa ko ng madalas kong panlaban sa mga ganitong sitwasyon. Hindi ko alam kung gagana pa 'to sa ganitong klaseng demonyo pero sinubukan ko pa rin. Winisikan ko siya ng holy water at dinasalan ko siya, “Egredimini de medio corpore eius. Relinquam illam corporis, in nomine Jesus.” Nagpupumiglas ang katawan ni Chell, unti-unting tumubo ang mga ugat sa kaniyang leeg kasabay ng mga halakhak mula sa kaniyang bibig. “Egredimini de medio corpore eius. Relinquam illam corporis, in nomine Jesus.” Inulit ko ang sinabi ko pagkatapos ay dinukot sa bulsa ang krus, inilagay iyon sa kaniyang dibdib. “Akin lang si Chell! Akin!” sigaw niya sabay halakhak. “Egredimini de medio corpore eius. Relinquam illam corporis, in nomine Jesus.” Mas nilakasan ko pa ang mga salita. Tagaktak na ang pawis ko, lumakas ang hangin sa paligid na mas lalong nagpapatindig sa balahibo ko. Pero mas kailangan ko ang pananampalataya. Ang takot ay hindi ko dapat hinahayaang mamutawi sa akin. Hanggang sa, umalis siya. Pero alam kong panandalian lang. Hindi iyon magtatagal, babalik din siya. Mas kailangan niya ng pari dahil hindi na sakop ng kakayahan ko ang ganito. Hindi naman ako exorcist. Ito ang responsibilidad na noon, ayaw kong pasukin. Responsibilidad na minsang ginusto kong takasan kaya hindi ko kaagad sinabi kay Mama. Pagpapagaling ng mga nagkasakit dahil sa mga masasamang elemento. Pagpapaalis ng mga espiritu sa katawan na sinapian. Marami pang iba. Dapat ordinaryo lang ang buhay ko, pero dahil kusa itong lumalabas sa pagkatao ko, wala akong choice kundi ang tanggapin. Kailangan ko na yata tanggapin, 32 years old na ako, single since birth at virgin. Sa sobrag busy ko, nakalimutan ko na ang para sana sa sarili ko. Mukhang matitigok na yata akong kinakalawang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD