Chapter 5 - Prix Montejero: The Former Playboy

2019 Words
MALAYA. Iyon ang nararamdaman ni Ayah habang nagpapakasawa sa paglalangoy sa malinaw at masarap liguan na tubig sa ilog. Sa buong buhay niya, ngayon lamang ulit siya nakaramdam ng pagiging malaya. Napakasarap sa pakiramdam. Tipong sa lugar na iyon ay walang ibang magmamando sa mga dapat at hindi niya dapat gawin. Nagpatuloy siya sa pagsisid sa ilalim ng ilog na kapag tumayo naman siya ay hindi aabot sa kaniyang leeg. May nakita siyang mga binti na nakatayo sa dereksiyon na kaniyang pupuntahan. “Ate Ayah, palagi kang magpapatabi po nuno. Nasa probinsiya ka po kasi at wala sa Maynila kaya kakaiba ang mga paniniwala rito sa amin. Lalo na at naniniwala kami sa mga lamang lupa. Siguro po ikaw, baka tawanan mo. Pero mas mainam na po ‘yong maniwala kaysa balewalain. Kailan ka pa po maniniwala? Kapag tinamaan ka na ng sakit na dulot nila?” “Totoo ba talaga ‘yon? Hindi ba ‘yan myths lang?” ani Ayah habang naglalakad sila ni Ibyang papunta sa ilog. “Totoo po, Ate Ayah. Sampu ng mga daliri ko sa kamay. Isama na po ang sa paa. Maraming kababalaghan dito sa probinsiya. Kaya ‘yong asin na nasa maliit na supot na inilagay ko sa bulsa ng suot mo po ay huwag mo pong aalisin.” “Aanhin ko ba ‘yong asin? Wala naman akong lulutuin sa tabi ng ilog,” biro pa niya. Ayaw naman ni Ayah na sirain ang paniniwala nina Ibyang. “Pangontra po ‘yang asin sa mga hindi natin nakikita.” “Katulad ng?” “Maligno, engkanto at kung ano-ano pang lamang lupa.” “Engkanto…” bulalas pa niya. “Mukhang tao po ‘yon. Sabi ng lola ko na nakaengkuwentro na po ng engkanto noon, para talaga silang totoong tao. Guwapo po talaga. Tapos, kapag nahulog ka na sa kanila dadalhin ka sa kanilang kaharian.” “Kaharian?” “Opo. Kaharian sa mundo nila.” Napatawa naman si Ayah. “Ibyang, baka noong unang panahon pa ‘yon,” aniya na iniba na ang usapan. Ayaw niyang magkaroon ng kinatatakutan habang mag-isa lang sa may ilog mamaya. Isa pa, ayaw niyang maniwala sa mga engkanto kung hindi pa nakikita mismo ng kaniyang mga mata… Ngunit nang makita ni Ayah ang dalawang binti na nakatayo sa hindi kalayuan sa kaniya ay unti-unting bumibilis ang kabog sa kaniyang dibdib. At nang mas malapit na siya roon ay napatunayan niyang binti nga iyon ng isang tao. Pero mag-isa lang naman siya sa lugar na iyon. Kaya naman napilitan na siyang umahon para makita kung may tao nga roon? Baka kasi mamaya, pag-ultaw niya sa tubig ay wala naman palang tao. Ganoon pa naman ang napapanood niya sa mga horror movie. At sa pag-ultaw ni Ayah ay tumabing pa sa kaniyang mukha ang kaniyang buhok kaya inalis muna niya iyon. Sunod niyon ay tumambad sa kaniya ang isang guwapong mukha ng lalaking walang suot na pang-itaas. May abs din at… at hindi talaga maiikaila ang kakisigan niyong tinataglay. Matangkad din iyon. Kung ganoon may kasama nga siya roon. Ganoon na lang ang pagtili niya habang tinatakpan ng mga braso ang kaniyang dibdib na nahantad sa lalaki nang umahon siya sa tubig. Agad namang lumapit sa kaniya ang lalaki at tinakpan ang kaniyang bibig. Masamang tao ba ang lalaking ito? Paano kung gawan siya ng masama? Wala pa naman siyang suot na kahit na ano sa kaniyang katawan. “Miss, ‘wag kang maingay,” agad niyong saway sa kaniya. Nakaramdam ng takot si Ayah para sa kaniyang sarili. Wala siyang laban sa lalaking mas matangkad pa sa kaniya at mas higit na malakas sa kaniya. Para pakawalan ng kamay ng lalaki ang kaniyang bibig, kaya naman kinagat niya iyon. Nang bitiwan siya ay umatras siya palayo rito. Inilubog din niya sa ilalim ng tubig ang kaniyang katawan. Ulo lang niya ang nakaultaw. “Sino ka?!” she hissed. “‘W-wag kang lalapit sa akin. Sisigaw ulit ako ng sobrang lakas at sisiguraduhin kong maririnig ako ng mga tauhan namin dito.” Itinaas naman ng lalaking napapangiwit pa, dahil sa natamong kagat sa kamay, ang dalawa nitong kamay. “Hindi ako masamang tao,” agad niyong wika na nag-iwas ng tingin sa kaniya. Dahil hindi nakatingin sa kaniya ang lalaki, kaya naman napagmasdan iyon ni Ayah. Matipuno talaga ang katawan ng lalaki na para bang alaga sa gym kung ito lamang ay nasa siyudad. Kitang-kita pa ang abs sa tiyan. At ang mukha, guwapo talaga na walang binatbat ang nakatakda niyang pakasalan na si Caleb. Bagay na bagay rin sa lalaki ang kulay ng katawan nito. Lalo lang itong tumikas. Ayah! Wake up! Baka mamaya ay engkanto nga ‘yan katulad ng sinasabi sa iyo ni Ibyang kanina na nagkatawang tao lang! Napalunok si Ayah sa kaniyang naisip. Paano kung engkanto nga ang lalaki? Lalo siyang nakaramdam ng panlalamig ng katawan. “Hey,” agaw niya sa atensiyon ng lalaki. “Look at me. Tumingin ka sa akin,” ulit pa niya. Saka lang tumingin ang lalaki kay Ayah. “Ano ‘yon?” tanong pa nito. Damn his voice! Kay sarap ding pakinggan. “T-takot ka ba sa… sa asin?” naisip niyang itanong. Kumunot naman ang noo ng lalaki. “Bakit naman ako matatakot sa asin?” Ayah, careful. ‘Wag kang masyadong katiwala sa lalaking ‘yan. Baka naman nagmamaang-maangan lang para maisahan ka. Careful! “Dahil… dahil lamang lupa ka,” agad niyang depensa. Maigi na iyong maunahan na niya ito at mahuli kung lamang lupa nga ito. Ngunit ganoon na lang ang buhay na buhay na tawa ng lalaki na halos ikalambot ng mga tuhod ni Ayah. Kitang-kita niya ang perfect set of teeth nito na para bang commercial model ng isang toothpaste brand. Nangingiti pa rin ang lalaki nang muli siyang tingnan. “Mukha ba akong lamang lupa sa paningin mo?” Bakit kung makatitig ang mga mata nito sa kaniya ay para bang unti-unti siyang tinutunaw? Sino ba talaga ang lalaking ito? Bakit kakaiba ang tinataglay nito? Ganito ba talaga ang mga engkanto? Kakaiba? Para kasing daig pa nga niya ang na-e-engkanto ng mga sandaling iyon dahil hindi niya mapigilan ang sarili na hindi pagmasdan ang lalaki. “Paano ba akong makakasiguro na hindi ka nga engkanto? Alam ko, asin lang ang katapat mo. Ang mabuti pa, bumalik ka na sa pinanggalingan mo. Dahil hinding-hindi mo ako makukuha para dalhin sa kaharian mo.” Napailing-iling ang lalaki. “Kakaiba ka,” bulalas pa nito. “Oo,” aniya na halos taas-noo pa. Ayaw niyang magpasindak dito para hindi siya nito basta-basta makuha sa mahika nito. “Kaya hindi mo ako basta-basta madadala sa kung ano mang—” “Miss, hindi ako engkanto,” sawata sa kaniya ng lalaki. “Hindi ko alam kung saang lupalop ng mundo mo nakuha na engkanto ako. How—ibig kong sabihin,” agad nitong bawi na tumikhim pa. “Paano mo nasabi na isa akong engkanto?” anito na nagsalubong na ang kilay. “Nililinlang mo ba ako?” sa halip ay balik-tanong niya. “Ang mabuti pa, umalis ka na. Kung ayaw mong pasabuyan ko ng asin ang buong kagubatan. Sabi ni Ibyang, mapanlinlang din kayo. Gagamit kayo ng mga mukhang hindi na halos kapani-paniwala sa paningin namin. Para ano? Makuha ninyo ang loob? No way. Hindi ako mapapabilang sa mga kukunin ninyo at dadalhin sa kaharian ninyo.” “Miss, nasosobrahan ka na yata sa mga kuwento ng sinasabi mong Ibyang. Hindi ako engkanto. At hindi rin ako masamang tao. ‘Wag kang mag-alala. Hindi kita para gawan ng masama kahit na para kang…” huminto ito sa pagsasalita bago muling nagpatuloy. “Hindi ko alam kung bakit naliligo ka sa ilog na ito na wala man lang saplot sa katawan. Nasa tamang katinuan ka pa ba? Paano kung ibang tao ang nakakita sa iyo? Baka nagawan ka na ng masama dahil sa paghuhubad mo. Puwede ka namang maligo na may suot na panloob. Pero tingnan mo ‘yang ayos mo,” paninita pa nito sa kaniya. Lalong kinipit ni Ayah ang kaniyang dibdib. Siya naman itong nag-iwas ng tingin sa lalaki. “Malay ko ba na may biglang susulpot na iba sa lugar na ito?” “Kahit na. Sana hindi mo ibinibilad sa lugar na ito ang katawan mo. Paano kung may iba palang nanonood sa iyo?” “Sandali nga,” aniya na muli itong tiningnan. “Ikaw itong bigla na lamang sumulpot. Ano’ng gagawin mo? Namboboso ka?” “Ikaw? Bobosohan ko?” “Bakit? Hindi ba kaboso-boso ang katawan ko? Baka nga kanina ka pa riyan naglalaway, eh. Ano ba ang malay ko sa takbo ng utak mo?” “Miss, hindi ako katulad ng iniisip mo. At hindi rin kita bobosohan katulad ng sinasabi mo. Ano’ng tingin mo sa akin? Ngayon lang nakakita ng katawan ng babae? Ang dami ko ng nakitang katawan ng babae. Kaya ‘wag kang mag-alala dahil hindi ako mamboboso sa iyo.” Nainis man sa sinabi nito ay sinarili na lamang niya iyon. “Kung ganoon, ano ang ginagawa mo rito? Bakit bigla ka na lamang sumulpot?” “Galing ako sa pangangahoy nang mapadaan ako rito sa ilog. Gusto ko sanang maligo muna, kaso pagsisid ko sa ilalim, may naaninag akong gumagalaw. Ikaw pala ‘yon. Kung nauna ka sa akin sa lugar na ito ngayong umaga, sa iyo na ulit ang lugar na ito. Hindi ko naman para angkinin dahil hindi naman sa akin. Sa ibang araw na lang ako babalik, ‘yong wala ka,” anito na isang tingin pa sa kaniya bago siya nito tinalikuran. Muli itong naglangoy sa tubig at sa hindi kalayuan ay muling tumayo. Ni wala na itong lingon-likod sa kaniya nang tumayo ito at maglakad palayo. Hanggang sa pumasok ito sa kagubatan at hindi na niya matanaw pa dahil sa mga puno at damong ligaw na nakaharang. Pinigilan niya ang sarili na sundan ito at tingnan kung saan ito pumunta. Kung pumasok ba itong bigla sa isang puno ng kahoy o bigla na lamang naglaho na parang bula? Ipinilig ni Ayah ang kaniyang ulo dahil sa kung ano-anong naiisip niya. Kinontra naman kanina ng lalaki ang kaniyang sinabi na isa itong engkanto. Dahil hindi raw ito engkanto. Ngunit ang kaguwapuhan nitong tinataglay, tunay na para bang hindi kapani-paniwala na mayroong kasing guwapo nito sa ganoong klase ng lugar. Kulang na lang kasi ay mag-artista ito o isang male model. At kung masama itong tao katulad ng sinabi nito kanina sa kaniya? Dapat ay may ginawa na itong masama sa kaniya. Bakit hindi? Palay na ang lumalapit sa manok. Lalo niyang nayakap ang sarili at napalunok pa. Dapat ba siyang magpasalamat dahil walang ginawang masama sa kaniya ang naturang lalaki? Huminga nang malalim si Ayah. Isang tingin pa sa pinuntahan ng estrangherong lalaki bago siya pumihit patalikod doon. “Nanay, parang aparisyon ‘yong lalaki kanina. Baka naman engkanto ‘yon?” hindi rin makapaniwalang wika ni Ibyang. “Kung engkanto ‘yon, kailangan nating magbaliktad ng damit…” naalala ni Ayah na wika ni Ibyang nang mamalengke sila habang sakay ng kotse. “Tama,” bigla ay bulalas niya. Ang lalaking iyon ay ang lalaking nakita nila nang pumunta sila sa palengke. Lalaking animo engkanto nga dahil sa kaguwapuhang tinataglay. Para itong isang aparisyon. “Tao ka ba talaga o ano?” mahina pa niyang anas. Lumingon ulit siya. Wala pa rin ang lalaki. Nagbawi na siya ng tingin at lumangoy na palapit sa kinaroroonan ng kaniyang mga gamit. Pagkaahon sa ilog ay kinuha na niya ang tuwalya at agad na itinapis sa kaniyang katawan. Nang makapagtuyo ay agad din siyang nagbihis. Gustuhin man niyang puntahan ang sinuotang lugar ng lalaki kanina ay hindi naman niya magawa dahil mababasa siya ng tubig sa ilog. Nasa kabilang side pa kasi iyon ng ilog. Habang kumakain at habang nagbabasa si Ayah ng libro ay pabalik-balik ang tingin niya sa kabilang bahagi ng ilog. Pero bigo siya na muling makita ang lalaki kanina. Mukhang umalis na nga iyon. Napabuntong-hininga siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD