Chapter 4 - Prix Montejero: The Former Playboy

2154 Words
NIYUKO NI PRIX ang kaniyang suot. Ganoon daw ang isuot niya pagpunta nila sa bukid dahil mainit daw roon mamaya. Isang lumang long sleeve na tama lang sa kaniyang katawan. Pinagsuot din siya ng bota at salakot sa ulo. Mukha na talaga siyang magbubukid ng mga sandaling iyon. Ang kaibahan lang ay guwapong-gwapo pa rin sa kaniya maging si Nanay Inday. Para daw siyang artistahin. Kaya naman tuwang-tuwa ito sa kaniya. Matapos nilang magkape ni Tatay Lino ay pumunta na rin sila sa bukid dala ang alaga nitong kalabaw. Mag-aararo ito ng tataniman ng palay. Aalalay naman siya rito. At kapag marunong na siya ay susubok din siya. Ngunit hindi pala ganoon kadali. Lalo na ang paghakbang sa putik. May time pa na natumba pa siya na ikinatawa lang ni Tatay Lino. “Mukhang kulang ka pa sa kain ng kanin, Utoy,” ani Tatay Lino. “Umuwi ka na muna sa bahay at maligo ka sa palikuran. May poso naman doon.” Pagtataboy na ni Tatay Lino kay Prix. “Sigo po,” pagpayag na rin niya dahil nanlilimahid naman siya sa putik. “Babalik na lang po ako.” Hanga siya kay Tatay Lino dahil kahit may edad na ito ay para bang sisiw lang rito ang trabaho sa bukid. Siguro dahil sanay na sanay na ito. Palapit na si Prix sa may tabing kalsada nang alisin niya ang suot na salakot sa ulo. Pagkuwan ay hinubad naman niya ang suot na long sleeve na putikin na rin. Na-expose lalo ang maganda niyang katawan dahil sa paghuhubad niya. Nagpatuloy na siya sa paglalakad. Malapit na siya sa lilikuang kalye nang may makasalubong pa siyang isang magarang kotse. At nang palampas na iyon sa kaniya ay napatingin pa siya sa babaeng sakay niyon na nakaupo sa may likurang bahagi ng sasakyan. Sandaling nagtama ang mga tingin nila bago tuluyang lumampas ang naturang sasakyan. Kumunot pa ang noo ni Prix. Bumagal din ang paghakbang niya hanggang sa tuluyan siyang mapahinto at lingunin ang dumaang sasakyan. Bakit pakiramdam niya kanina ay nag-slow-motion ang pagdaan ng sasakyan dahil sa nakita niyang babae? Babae na naman, Prix, singhal sa kaniya ng kaniyang isipan. Ipinilig niya ang ulo at nagpatuloy na sa paglalakad. Ngunit ang mukhang nakita niya… hindi maikakaila ang ganda niyon. “SIGURADO KA BANG SASAMA KA PA sa palengke, hija?” hindi pa makapaniwalang tanong ni Manang Salome kay Ayah. Nakangiti pang tumango si Ayah. “Opo. Gusto ko pong makita ang palenke rito sa San Diego.” “Siya, kung mapilit ka,” wala ng nagawa pang wika ng matanda. Kasama rin nila si Kuya Damyan na nakaupo sa may unahan ng kotse. Sila namang tatlo nina Manang Salome at Ibyang ang naupo sa may backseat ng kotse. Nasa may tabi siya ng bintana. “Señorita Ayah,” ani Damyan sa kaniya. “Wala nga ho palang bilihan ng sinasabi po ninyong VCD Player sa bayan. Ang alam ko ho ay sa mga mall pa mayroon niyon. At wala pong mall dito sa San Diego o kahit sa probinsiyang ito. “Ganoon ho ba?” aniya na nanghinayang sa nalaman. Wala naman siyang magagawa kung ganoon man. Habang daan ay binuksan pa ni Ayah ang bintana sa gilid niya upang lasapin ang malamig na hampas ng hangin. Nasisiyahan pa na inilabas pa niya ang kamay habang nasa may kalsada na sila. “Ang sarap ng hangin,” nasisiyahan pa niyang bulalas. Naipasok lang niya ang kaniyang kamay nang may mamataan na lalaking nakahubad. Kumunot pa ang noo ni Ayah. May mala-hunk din palang lalaki sa lugar na iyon? Kapansin-pansin iyon. Lalo na ang abs na kitang-kita. Lihim pang napalunok si Ayah dahil noon lang siya nakakita ng abs sa personal. Pakiramdam niya ay naeeskandalo ang kaniyang mga mata. At nang lalampasan na nila ang lalaking nakakuha sa kaniyang atensiyon ay napatingin pa siya sa mukha niyon na saktong napatingin din sa kaniya. Ang mga mata nila ay sandaling nagtama. Gusto niyang matulala sa kaguwapuhang tinataglay niyon. “Kilala mo ba ‘yon, Damyan?” tanong pa ni Manang Salome kay Damyan. Napapakurap na isinara na ni Ayah ang bintana sa gilid niya. Lihim na naman siyang napalunok. Ang sandaling pagtatama ng kanilang mga paningin ay nagdulot pa ng kakaibang pakiramdam sa kaniya. “Hindi ho, ‘Nay. Ngayon ko lang din ho nakita rito sa atin,” tugon ni Damyan sa ina nito. Ang lalaking mala-Adonis na animo inukit ng isang napakagaling na iskultor ang katawan at kaguwapuhan. Oo, hindi niya itatangging guwapo iyon. Literal na tall, dark and handsome. Nakakatuwang malaman na may ganoong klase ng lalaki sa baryo na kinaroroonan nila. “Nanay, parang aparisyon ‘yong lalaki kanina. Baka naman engkanto ‘yon?” hindi rin makapaniwalang wika ni Ibyang. “Kung engkanto ‘yon, kailangan nating magbaliktad ng damit.” “Ano ka ba naman, Ibyang? Kasama natin dito si Señorita Ayah. ‘Wag kung ano-ano ang pinagsasabi mo,” saway ni Manang Salome sa anak nito. “Patawad ho. Para po kasing aparisyon lang ‘yong lalaki kanina.” “Ano ho ‘yong engkanto?” taka pa niyang tanong. “Señorita… este Ayah, hija, ‘wag mo na lamang pagpapansinin ang sinabi ni Ibyang. Wala ‘yon,” ani Manang Salome kay Ayah. Gustuhin mang lingunin ni Ayah ang nilampasan nilang lalaki kanina ay hindi naman niya magawa. Baka makahalata pa na nagkaroon agad siya ng interes sa naturang lalaki. Nang ganoon kabilis… aniya sa kaniyang isipan. NAKIKINI-KINITA NA NAMAN NI Ayah ang magandang katawan at guwapong mukha ng estrangherong lalaki sa tabing daan. Kahapon pa iyon ngunit hindi pa rin maalis sa isipan niya. “Señorita Ayah, nakahanda na po ang dadalhin ninyo para sa pagpunta sa may tabing ilog,” inporma ni Ibyang kay Ayah na pinuntahan siya sa kaniyang gamit na silid. Napahinto sa pagsusuklay ng buhok si Ayah at nginitian si Ibyang. “Sabi ko naman sa iyo, ‘wag mo na akong tawaging Señorita,” nakangiti niyang wika rito. “A-ano ho ang itatawag ko sa iyo? Paumanhin po ngunit hindi ko po ikaw matatawag sa pangalan mo lamang.” “Ate na lang. Tutal, matanda ako ng dalawang taon sa iyo.” “S-sige po, A-Ate Ayah.” “‘Yan,” nasisiyahan pa niyang wika. “Tara na sa kusina,” aniya na lumapit na rito. Inihatid naman siya ni Ibyang papunta sa ilog na noon ay paborito nilang paliguan ng kaniyang mga kapatid. Habang binabaybay ang papunta sa ilog ay kakaibang nostalgia ang dulot niyon sa kaniya. Old memories… Para bang nakikini-kinita pa niya ang kabataan niya roon na nagtatatakbo pa papunta sa may ilog. Nakikipag-unahan sa mga Kuya niya… Hindi pa rin nagbabago ang ilog na palagi nilang pinupuntahan. Kay ganda pa rin doon at kay tahimik. Para bang solo mo ang mundo kapag naroon ka. Sa ilalim ng isang puno ay inilatag ni Ibyang ang dala nilang banig, isang tuwalya na inilatag din sa banig at doon inilagay ni Ayah ang dala naman niyang unan at libro. May basket din na may lamang pagkain niya at inumin. Doon kasi siya mananatili hanggang tanghali. Safe naman sa lugar na iyon kaya nakakasiguro si Ayah na hindi siya mapapahamak kahit iwan pa siya roon ni Ibyang. Babalik din kasi ito sa bahay. Gusto rin niyang mapag-isa habang nagbabasa lang siya ng libro. “Ate Ayah, sigurado ka po ba na gusto mo na mag-isa ka lang dito?” paninigurado pa ni Ibyang sa kaniya. “Oo. ‘Wag mo akong alalahanin. Balikan mo na lang ako mamayang mga ala una ng hapon?” “Sige po.” “Bye, Ibyang,” paalam pa niya na kinawayan pa ito. Gumanti ng kaway sa kaniya si Ibyang bago naglakad palayo. Hindi nagtagal at nawala na rin ito sa kaniyang paningin dahil sa hindi kalayuan ay matataas ang d**o at marami na ring puno-puno. Muli ay huminga nang malalim si Ayah. Bago magburo sa may banig ay lumapit muna si Ayah sa napakalinaw na tubig sa ilog. Kitang-kita ang ilalim niyon sa sobrang linaw. Sampung minuto naman ang layo mula roon ay mayroong waterfalls. Saka na niya iyon pupuntahan. Sa ngayon, ang lugar muna na iyon ang e-e-enjoy ni Ayah. Ang sarap maligo sa ilog ngunit wala naman siyang dalang panligo. Napatingin siya sa tuwalya na siyang ipinanglatag sa banig para dapaan niya mamaya habang nagbabasa siya ng dala niyang libro. Pagkuwan ay ibinalik niya sa ilog ang kaniyang tingin. Talagang nag-aanyaya sa kaniya ang tubig sa ilog na liguan niya. Sa huli ay nagdesisyon si Ayah. Mamaya na siya magbabasa. Maliligo muna siya sa ilog. Kahit na wala sa plano niya ang pagligo sa ilog ng araw na iyon. Hinubad na niya ang suot na damit at pang-ibaba. Luminga-linga pa siya sa paligid. Wala siyang naririnig na kung ano bukod sa huni ng mga ibon at tunog ng kulilis. Huminga pa siya nang malalim bago sunod na hinubad sa kaniyang katawan ang suot na bra at ang kaniyang panty. Kung mababasa kasi iyon ay mahihirapan siyang magpatuyo agad. Kaya mainam na wala na lang siyang suot. Tutal naman ay mag-isa lang siya roon. Nang wala na siyang saplot pa sa katawan ay bumaba na siya sa ilog. Daig pa niya ang diwata sa ilog ng mga sandaling iyon. Malamig ang tubig. Ngunit hindi niya ininda. Lumangoy siya at pinagsawa ang sarili salugar na iyon. SANDALING HUMINTO SA PAGLALAKAD si Prix nang makarinig ng animo agos ng tubig. Mukhang malapit na siya sa ilog na tinutukoy ni Tatay Lino kanina. Siya na ang nagbuluntaryo na mangunguha ng mga kahoy na panggatong nang umagang iyon. Pumayag naman si Tatay Lino. Basta raw tandaan niya ang daraanan niya. Kapag malapit na raw siya sa ilog ay bumalik na siya at pribadong lugar na raw iyon. Pag-aari ng isa sa pinakamayamang pamilya sa bayan ng San Diego ang bahaging iyon ng baryo. Ikta-iktarya ang lupain ng naturang pamilya roon. Baka matiyempuhan pa siya ng tagapangalaga roon at mapagbintangan na trespasser. Baka mabaril pa siya ng wala sa oras. Ngunit ang laguslos ng tubig sa ilog ay nanghahalina sa kaniyang naiinitang pakiramdam. Kanina pa rin kasi siya lumakad nang lumakad. Marami na nga siyang kahoy na nakuha na tinalian niya ng dala niyang buli, na ipinadala rin sa kaniya ni Tatay Lino para panali niya sa mga tuyong kahoy na makukuha niya. May gulok din siyang dala. Tinuruan pa siya kung paanong gumamit ng mga iyon bago siya umalis sa dampa kanina. Inilagay muna niya sa tabi ng isang malaking puno ang mga kahoy na pinanguha niya. Ganoon din ang gulok na may lalagyan naman na kung tawagin doon ay kalooban. Kapagkuwan ay hinayon ni Prix ang kinaroroonan ng ilog na nasa likuran pala ng mga nagtataasang halaman at d**o. Napangiti pa siya nang makita ang ganda at linis ng ilog. Bumalik siya sa pinag-iwanan niya ng mga kahoy at hinubad ang suot niyang damit. Ganoon din ang kaniyang suot na pang-ibaba. Tanging boxer lang ang kaniyang itinira. Para hindi siya basang-basa na uuwi mamaya sa dampa. Wala naman sigurong masama kung maligo muna siya sa ilog. Hindi rin naman siya magtatagal doon. Agad siyang lumusong sa ilog at sumisid. Para siyang isda na sabik sa tubig. Iminulat pa ni Prix ang kaniyang mga mata buhat sa ilalim. Kumunot pa ang kaniyang noo nang may maaninag siyang pigura. Kaya naman minabuti niyang umultaw muna buhat sa ilalim. Medyo habol niya ang paghinga. Hanggang sa may baywang niya ang tubig sa kaniyang kinatatayuan. May nakita nga siyang pigura buhat sa ilalim na palapit sa kaniyang kinaroroonan. Kay puti niyon. Siguro ay nakita rin siya niyon buhat sa ilalim ng tubig kaya napaahon iyon bigla. Ngunit ganoon na lamang ang pagkabigla ni Prix nang sa pag-ahon ng kung sino mang nasa ilalim ng tubig ay tumambad agad sa kaniya ang malulusog niyong dibdib. Ang buhok niyon ay napatabing pa sa mukha niyon kaya inalis pa nito. Kumunot ang noo ni Prix na animo itinulos na sa kaniyang kinatatayuan ng mga sandaling iyon. Para kasing pamilyar sa kaniya ang naturang babae. Dahil ang mga mata niya ay na-focus na sa magandang mukha niyon. Napakurap lang siya nang tumili ang babae habang ang mga kamay ay nakatakip sa dibdib nito. Sa sobrang taranta niya ay agad niya itong nilapitan at tinakpan ng kaniyang kamay ang bibig nito para patahimikin ito. Kay lakas ng pintig ng kaniyang puso ng mga sandaling iyon. Hindi alam ni Prix kung dahil ba sa takot na baka may makakita sa kaniyang ibang tao roon o dahil sa hubad na katawan ng babaeng nasa harapan niya ngayon na animo isang diwata sa ganda. Natigilan lang siya nang bumalik sa alaala niya ang babaeng sakay ng magarang kotse kahapon. Napatingin siya sa mukha nito. Sigurado siyang ito nga iyon. Ngunit ano ang ginagawa ng babaeng ito sa ilog at naligo pa talaga na wala ng saplot sa katawan?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD