HINGAL NA HINGAL na si Prix. Ngunit wala pa siyang nakikitang bahay na maaari niyang pakiusapan na tuluyan muna niya.
Hanggang sa may makita siyang matanda na naglalakad sa may pilapil ng bukirin.
Hinintay niya iyong makalapit sa kaniyang kinaroroonan.
Naglakad na siya kanina nang masiraan ang taxi na kinasasakyan niya. Hindi na iyon umandar pa. Hindi naman siya marunong magkumpuni ng sasakyan kaya binayaran na lamang niya ang taxi driver na siyang naiwang mag-aayos sa taxi nito.
“Manong,” wika pa niya sa matanda. “May malapit po bang bahay rito?” magalang pa niyang tanong.
Mataman pa siyang pinagmasdan ng matanda. “Ikaw ay dayo lang dito,” wika pa niyon.
Tumango siya at hindi na nagsinungaling pa. “Opo. At pagod na pagod na po akong maglakad. Wala pa akong kain. Baka po may puwedeng tuluyan dito? Magbabayad ho ako.”
Oh, s**t! Hindi nga pala siya roon puwedeng umakto na mayaman.
“May… may natitira pa naman ho akong pera dito. Baka naman po puwedeng makituloy po muna sa inyo? Malapit na pong magdilim. Uhaw na rin po ako,” pagmamakaawa pa niya. Bawal rin siyang magsalita ng wikang Ingles dahil magmumukha siyang mataas ang pinag-aralan. Kailangang hindi rin siya para bang bakwit sa salitang Tagalog.
For the first time in his entire life, ngayon lang siya nakaranas ng ganoong kalayong lakarin. Uhaw na uhaw na siya at kay sakit pa ng mga paa. Kulang na lamang ay lumawit na pati ang dila niya sa sobrang pagod. Malay ba niya na sobrang layo pa ng kaniyang lalakarin?
Kanina ay ganadong-ganado pa siya. Hanggang sa makaramdam na siya ng pagod. Hindi na naman siya makakabalik pa sa kaniyang pinanggalingan dahil malayo na rin iyon.
“Mabait po ako,” dagdag pa ni Prix para lamang hindi magduda pa sa kaniya ang matandang kausap.
Nagpa-tan talaga siya ng kulay ng kaniyang balat nang manatili siya sa Alager Hotel Beach and Resort sa Pagbilao City para hindi makita ang totoo niyang kulay. At nang magmukha siyang ordenaryong tao lang. Ngunit litaw na litaw pa rin ang kaniyang kakisigan at kagandahang lalaki. Mukhang sa parte na iyon ay hindi na niya magagawa pang itago. Madali na namang magdahilan kung sakali.
“Kung hindi ka naman masamang tao, sumama ka pauwi sa bahay at ng makainom ka ng tubig,” anang matanda na nagpatiuna na sa paglalakad.
Hindi sementado ang kalsada roon. Mabato at malupa. Kaya naman ang sapatos niya na kulay puting rubber shoes ay puro gabok na. Isa rin sa nagpasakit sa paa niya ang paglalakad sa hindi pantay na daan.
Minabuti na ni Prix na sumunod sa matanda at baka magbago pa ang isip nito kung kukupad-kupad siya.
Sa hindi kalayuan ay lumiko sila sa isang palikong daan na hindi rin sementado. Ano pa ba ang aasahan niya sa simpleng baryo na iyon?
Dumaan pa sila sa kakahuyan bago narating ang dampa na siguro ay siyang tinitirhan ng matanda.
Tahimik doon. Mukhang walang kasama ang matanda. May nakataling aso sa may labas ng bahay na agad siyang tinahulan nang makita siya.
“Chocho, ‘wag kang maingay at mayroon tayong bisita,” saway pa ng matanda sa aso.
“Kayo lang po ba ang mag-isa rito na nakatira?” hindi pa niya napigilang itanong.
“Kasama ko ang aking asawa. Siguro ay nangunguha lang siya ng panggatong sa gubat. Uuwi rin ‘yon mayamaya. Ang mabuti pa ay maupo ka muna riyan sa upuang kawayan. Ikukuha lamang kita ng maiinom,” anang matanda na pumasok na sa binuksang pinto na yari din sa kawayan. Lahat ng naroon ay yari sa kawayan. Maliban sa bubungan ng dampa.
Napakasimpleng bahay lang. Inilibot niya ang tingin sa paligid. Puro puno. Wala bang kapitbahay ang mga ito?
Inalis muna ni Prix sa kaniyang balikat ang bag na dala at nag-inat ng kaniyang mga braso. Bukod sa tubig ay gusto na rin ni Prix na humilata ng higa.
Naisip niya ang malambot na kama sa hotel na kaniyang tinuluyan.
May parte niya ang nagsisisi dahil sa mga naiisip niyang gawin sa kaniyang buhay. Para bang gusto na niyang umuwi sa siyudad. Pero naroon na siya. Wala ng balikan pa.
Hindi rin naman niya gugustuhing umuwi sa bahay ng kaniyang ama’t ina dahil natitiyak niya na ipapadala lang ulit siya ng kaniyang ama sa Italy.
Ipinilig ni Prix ang ulo nang makini-kinita sa kaniyang isipan ang pagngisi pa sa kaniya ng kaniyang Uncle Aries kung babalik siya sa Italy, pangalawang kapatid ng kaniyang Daddy Philip.
Once bumalik siya sa Italy, baka ipagkanulo na talaga siya ni Uncle Aries sa babaeng naghahabol sa kaniya na gusto siyang pakasalan. Gusto rin daw niyong magkaanak sa kaniya dahil natitiyak niyon na magandang lahi ang maibibigay niya. Anak ng business partner ng kaniyang Uncle ang naturang babae.
Nag-iisa lang din siyang anak ng kaniyang ama na lalaki. Siya ang magtutuloy ng apelyido nito kaya kung maaari din ay nais na rin ng kaniyang ama na mag-asawa na siya katulad ng bunsong kapatid nito na si Uncle Karzon na kaedad lamang niya. Pero hayon at may asawa na.
Arranged marriage rin ngunit mukha namang gusto rin talaga ng kaniyang Tiyuhin dahil kilala niya ito. Hindi ito iyong tipo ng lalaki na basta na lamang papasok sa isang bagay na ayaw nito. Napaka-possessive din pagdating sa asawa na tila ba ayaw malalapitan ng kahit na sinong lalaki. Ang Uncle niyang in denial sa feelings nito.
Ayaw siyang patirahin ng kaniyang Tiyuhin sa penthouse nito. Mas lalong ayaw naman niyang mag-stay sa Cebu or Davao para asikasuhin ang negosyo ng kanilang pamilya roon. Baka puntahan pa siya roon ng kaniyang ama…
“Nakakasawa ring maging mayaman paminsan-minsan. Dahil easy lang ang lahat at kaya kong makuha, minsan, wala ng thrill. Mag-experiment kaya ako?”
Nagsalubong ang mga kilay ni Karzon nang sabihin iyon ni Prix. “What do you mean?”
“Magkunwari kaya akong mahirap? Tingin mo, may tatrato sa akin nang maayos?”
“Are you kidding me?”
“I’m not kidding you, Uncle. Ang dami kong naiisip gawin. Pero labas ‘yong pera.”
Mukhang kailangan talaga niyang panindigan ang kalokohan niyang iyon. Dahil naroon na siya sa ganoong sitwasyon.
Nagpapasalamat siya dahil may taong nagbigay ng tulong sa kaniya.
Experiment pa, Prix, aniya sa kaniyang isipan.
“Heto ang tubig. May kalamigan ‘yan dahil galing sa tapayan namin.”
“T-tapayan? Ano ho ‘yon?” taka pang tanong ni Prix nang tanggapin ang baso na bigay sa kaniya ng matanda. “Salamat po pala sa tubig,” aniya na wala ng kaarte-arte pa na ininom iyon. May kalamigan nga iyon at hindi mainit.
“Lagayan ng maiinom ang tapayan dito sa amin. Hindi mo ba ‘yon alam?”
“Ah. Opo. Alam ko na,” aniya kahit na ang totoo ay hindi niya alam ang hitsura niyon. “Ako nga po pala si Prix. Kayo ho? Ano ho ang inyong pangalan?” pag-iiba pa niya.
“Lino.”
“May anak po ba kayo?” tanong pa niya.
Tumango ang matanda. “Apat ang naging anak namin ni Inday. Pero may mga kani-kaniya ng pamilya. Mga nag-alisan dito sa amin nang magsiasawahan na. Mukha ngang wala ng balak pang bumisita rito sa amin. Siguro ay dahil masyadong malayo.”
Kung ganoon, dalawa na lang sa buhay ang mga ito sa bahay na iyon?
“Ano po ang pinagkakakitaan ninyo rito?”
“Magsasaka ako. Magsasaka na walang sariling lupa,” dagdag pa ni Tatay Lino.
“Kung wala po kayong kasama rito sa dampa ninyo. Baka po puwedeng dito muna ako? Tutulong po ako sa inyo sa bukid. At magbabayad din po ako ng bawat gabing pagtulog ko rito sa inyo.”
Piping hiling niya ay pumayag na ang matanda dahil hindi niya alam kung gaano pa kalayo ang susunod na bahay mula roon.
“Kung tutulong ka naman sa mga gawain, bakit kailangan mo pang magbayad?”
Ikinatuwa niya ang sinabing iyon ni Tatay Lino kaya napatayo pa siya at nayakap ito sa sobrang tuwa. “Ibig po bang sabihin ay pumapayag na kayo?” masaya pa niyang tanong nang bumitaw na siya rito.
“Mukha ka namang mabait at hindi masamang tao.”
“Salamat po, Tatay Lino. Okay lang po ba na tawagin ko kayong Tatay?”
Napakurap-kurap pa ang matanda sa kaniyang sinabi. Para bang sa pakiwari ni Prix ay naalala pa nito ang mga anak nitong tumatawag ditong ‘Tatay’ noon.
Tumango si Tatay Lino. “S-sige. Kung ‘yon ang gusto mo.”
“Marami pong salamat. ‘Wag po kayong mag-alala, sisipagan ko po. Basta po tuturuan ninyo ako dahil hindi po ako sanay sa trabahong bukid. Kargador ho kasi ako sa pantalan ng barko kaya wala ho akong alam sa bukid,” paghahabi pa niya ng kuwento.
“Kaya naman pala maganda ang pangangatawan mo. Batak sa trabaho.”
Ang totoo niyan ay alagang gym lang ang katawan niya. Pero hindi naman niya iyon puwedeng sabihin sa matanda.
“Pagpasensiyahan mo nga lang ang dampa namin,” ani Tatay Lino nang ayain siya nitong pumasok sa loob ng dampa para mailagay niya ang kaniyang gamit.
“Okay lang po.”
Maliit man ang dampa, malinis naman iyon. Dalawa ang silid doon na ang sahig ay yari sa kawayan. May tatlong baitang pa na hagdan para makaakyat sa silid. Ang isang silid ay may kakiputan. Pero sakto lang kung hihiga siya roon. Malinis at walang ibang gamit na naroon. Ang kabilang silid daw ay ang mismong silid ng mag-asawa.
“Dito ka matutulog. Mamaya ay magpapalabas ako ng banig, kulambo at isang unan sa aking asawang si Inday.”
“Marami pong salamat. Okay lang po ba na humiga muna ako? Sobrang napagod lang po ako sa mahabang lakarin.”
“Sige. At ihahanda ko lamang ang paglulutuan ng pagkain sa likod-bahay.”
“Salamat po, Tatay Lino,” aniya bago nahiga sa sahig ng kaniyang munting silid na tutulugan. Inunan muna niya sa kaniyang ulo ang kaniyang bag na dala.
Matigas man ang kinahihigaan ni Prix pero hindi iyon naging balakid para hindi siya igupo agad ng antok dahil sa pagod.
NANG MAALIMPUNGATAN si Prix ay napaungol pa siya nang bahagya dahil ramdam niya ang p*******t ng kaniyang likuran dahil sa matigas na hinigaan. Ganoon din ang kaniyang mga binti na napalaban sa lakarin kaninang hapon.
Nang imulat niya ang kaniyang mga mata ay may kadiliman na ang paligid. Munting ilaw mula sa labas ng maliit na silid ang kaniyang nasilayan.
Napilitan na siyang bumangon at bumaba sa tulugan. Ang munting ilaw ay galing sa gasera. Iyon ang source ng ilaw ng mga ito.
Parang isang pitik lang din ay nasa sitwasyon na agad siya katulad ng sinabi niya sa kaniyang Uncle Karzon na nais niya.
“Gising ka na pala,” anang isang tinig ng babae.
Nalingunan ni Prix ang babaeng may edad na rin. Puro puti na rin ang buhok pero mababakas din ang pagiging malakas pa ng katawan.
“M-magandang gabi ho,” magalang na wika ni Prix. “Kayo po ba si Nanay Inday? Ang asawa ni Tatay Lino?”
Maging ang matanda ay natuwa sa pagtawag niya rito na Nanay Inday. Tumango si Nanay Inday.
“Ako nga, Utoy. Siguradong nagugutom ka na. Maupo ka na riyan sa bangko at ikukuha kita ng makakain mo,” anang Ginang.
“Sige ho,” aniya na naupo na sa bangko na nasa munting kusina ng mga ito. May kalakihan siyang tao dahil sa kaniyang katangkaran ngunit siya na ang nag-adjust sa sarili niya. “Kayo po, ‘Nay? Kumain na po ba kayo?” tanong pa niya.
Tumango si Nanay Inday. “Oo. Tapos na kami ni Lino.”
Napalunok pa si Prix nang hainan siya ng isang bowl na Tinolang Manok. Umuusok pa iyon. Dinulutan din siya ng kanin at maiinom na tubig.
“Marami pong salamat. Kain po tayo.”
“Naku, Utoy, ‘wag kang alok nang alok na kumain na at baka mauna pang sumubo sa iyo ang mga maligno sa paligid.”
“H-ho?”
“Biro lang,” nangingiting wika ni Nanay Inday. “Nasa labas si Lino kung gusto mo siyang puntahan pagkatapos mong kumain. Aayusin ko lang ang hihigaan mo sa kuwarto na gamit mo. Magkakabit na rin ako ng kulambo para hindi ka lamukin sa pagtulog.”
“Sige po. Marami pong salamat,” wika pa niya bago siya tinalikuran ng matanda.
Nasundan pa niya ng tingin si Nanay Inday nang hayunin nito ang silid nito.
Maligno? ulit pa niya sa kaniyang isipan.
Kaysa mag-isip pa ng kung ano-ano ay minabuti na lamang ni Prix ang atupagin na ang kaniyang pagkain.
Matapos niyang kumain ay dinala na rin niya sa munting kusina ang kaniyang pinagkainan. Pagkuwan ay pinuntahan niya si Tatay Lino sa may labas ng bahay. Nasa may labas ng pinto lang naman ito. May kawayang upuan doon na pahaba. Doon ito nakaupo at nakasandal sa dingding ng dampa. May gasera doon na siyang nagbibigay ng liwanag.
“Magandang gabi ho, Tatay Lino,” bati pa niya rito.
“Nakakain ka na ba?” sa halip ay tanong nito sa kaniya nang makita siya. “Halika rito at maupo ka muna.”
Tumango siya at naupo sa tabi nito. “Opo. Kumain na po ako. Marami pong salamat.” Tumikhim siya. “May sapat pa po ba kayong bigas? Kung wala po, bili po tayo. Nakakahiya po kung palamunin ako rito.”
“Malapit na ngang maubos,” nangingiting wika ng matanda. “Wala namang kaso sa aming mag-asawa dahil marami naman kaming tanim na kamoteng kahoy sa bundok. Masipag magtanim ng mga gulay si Inday. Kaya wala kaming problema sa kakainin namin dito. Kaso, baka hindi ka sanay sa kamoteng kahoy.”
“Kumakain po ako,” aniya kahit na wala siyang ideya sa tinutukoy ng matanda na kamoteng kahoy. “Kahit ano naman po ay kaya kong kainin. Hindi naman po maarte ang tiyan ko.”
“Kung ganoon, ‘wag mo ng problemahin pa ang bigas. Mayamaya ay matulog ka na at bukas ako’y samahan mo sa bukid.”
“Sige ho,” nakangiti pa niyang wika.
Medyo na-excite siya sa pagpunta sa bukid. Bago iyon sa kaniya.
Siguro naman ay marami siyang matututunan sa lugar na iyon at sa pamumuhay ng mga simpleng tao lamang sa lipunan.
Pagkatapos niyang manatili roon, pangako niya sa sarili na babalikan niya ang mag-asawa at susuklian ang kabutihan ng mga ito sa kaniya.