Chapter 1 - Prix Montejero: The Former Playboy

2313 Words
PANAY ang hinga nang malalim ni Shanayah Villafuerte o mas kilala bilang Ayah. Nalalapit na ang pagkikita nila ng lalaking nakatakdang ipagkasundo sa kaniya. Ikatatlo siya sa magkakapatid na anak nina Dolor at Javier Villafuerte. Isa ang ama niya sa kapitag-pitagang businessman na nakabase sa Maynila. Hindi basta-basta ang kaniyang ama. May pagkamatigas din ang awra nito kahit na sa kanilang magkakapatid man. Kaya naman medyo ilag si Ayah sa kaniyang ama na kinalakhan niya na bawal magkamali. Silang apat na magkakapatid ay takot magkamali. Kahit ang mga kuya niya na sina Aga at Raymart. Ganoon din ang bunso niyang kapatid na si Zeb. Lahat din ng gusto ng kanilang ama ay sinusunod nila. Minsan nga, pakiramdam ni Ayah ay wala man lang silang karapatan na sundin kung ano ang gusto talaga nilang gawin sa buhay. Mukhang hanggang pangarap na lamang ang bagay na iyon. Gusto niyang magtayo ng business. Ngunit hindi naman siya payagan ng kaniyang ama. Dahil nag-iisa siyang babae, kaya naman nararapat lang daw na ang pag-aralan niya ay ang pagluluto para kapag dumating ang araw na pag-asawahin na siya ng kaniyang ama ay marunong siya sa kusina. Pagdating sa babae, ang tingin ng kaniyang ama ay sa bahay lang. Ganoon din ang ginawa nito sa kaniyang ina na sa bahay lang. Isang magandang display sa bahay, ganoong ilarawan ng kaniyang ina ang sarili sa kaniya. Palamuti sa madaling salita. Twenty-one na si Ayah. Tapos na rin siya sa college. Ano pa nga ba ang ipapakuhang kurso sa kaniya ng kaniyang ama? Walang iba kung ‘di ang kursong related sa pagluluto. Maging ang tamang etiquette ng isang babae ay pinag-aralan din niya. Ang mga kapatid naman niyang panganay ay nagtapos ng kurso na related sa business. Ang bunso lang nilang kapatid na si Zeb ang naiiba ang kursong kinukuha. Pagdo-doktor ang nais nito na sa huli ay pinaburan din ng kanilang ama. Tanging si Zeb lang ang bukod tangi na nasunod ang gusto na kurso. Palibhasa ay bunso kaya naisip na lamang ni Ayah na mas napagbibigyan talaga ang kapritso. “Señorita, pinabababa na po kayo ng inyong ama,” anang kawaksi na pinuntahan pa si Ayah sa kaniyang silid. “Susunod na po ako, Manang,” aniya na tipid pa itong nginitian. Nang mapag-isa sa kaniyang silid ay muli niyang pinagmasdan ang kaniyang sarili sa kaniyang vanity mirror. Maging siya ay aminado na walang tulak-kabigin ang kaniyang kagandahan ng mga sandaling iyon. Ngunit sa likod ng maganda at kaakit-akit niyang hitsura, hindi maiaalis ang lungkot sa loob ng kaniyang pagkatao. Mangyayari na kasi ang ayaw niyang mangyari. Iyon ay ang makasal sa lalaking ni hindi naman niya gusto. Para lang siyang ibon na nakakulong sa isang hawla. Walang karapatang lumipad sa sarili niyang mga pakpak. Ilang sandali pa ay ipinasya na ni Ayah na lumabas sa kaniyang silid at babain ang kaniyang pamilya sa mansiyon nila. May bisita sila nang gabing iyon kaya naman bihis na bihis siya. Animo isa siyang babasaging kristal. Karaniwan na niyang naririnig sa lahat. Lalo na kung may dadaluhang party ang kanilang pamilya. Para daw siyang hindi makabasag pinggan sa sobrang bining kumilos. “It’s been a while, Shanayah, hija,” ani Mr. Trivorcio Consunji. Ang ama ng nakatakda niyang pakasalan. “Napakaganda mo talaga,” anito na beneso pa si Ayah. “Thank you, Mr. Consunji.” “Soon, you will call me Daddy,” nakangiti pa nitong dagdag. Gustong tumabingi ng ngiti ni Ayah ng mga sandaling iyon. Maging ang asawa nitong si Constancia ay giliw na giliw rin sa kaniya. Mayamaya pa ay dumating din si Caleb Consunji. Ang bunsong anak ng mga ito. Gustong tumikwas ng isang kilay ni Ayah nang makita ang binata na gustong ipakasal sa kaniya ng kaniyang ama. Alam naman niya ang totoo kung bakit gusto ring ipakasal ng mag-asawang Consunji ang bunsong anak ng mga ito. Iyon ay dahil sakit ito ng ulo ng pamilya dahil nasobrahan sa pagiging happy-go-lucky. “Good evening,” nakangiti pang bati ni Caleb sa kanilang lahat. Nang tumutok pa ang tingin nito sa kaniya ay hindi pa nakaligtas kay Ayah ang bahagya nitong pag-iling. She wondered why. Para bang disappointed ito sa kaniya. At ito pa nga ang ma-di-disappoint sa kaniya? The nerve of this guy, bulalas pa niya sa kaniyang isipan. Ni hindi man lang siya nakaramdam ng kakaiba sa lalaking nakatakda niyang makaisang dibdib. Hindi man lang bumilis ang t***k ng kaniyang puso. Ni wala siyang spark na nararamdaman dito. Sa halip? Disgusto ang nangingibabaw sa kaniyang puso. Ayaw niyang maniwala sa kasabihan na… the more you hate, the more you love. Sa iba siguro, oo. Pero sa kanila ni Caleb? Malabo pa sa putik. “IKAW PA NGA, Shanayah Villafuerte. Ang babaeng apo pa yata ni Maria Clara. If it came in bed, I wouldn't be surprised at how boring you are,” wala man lang filter na wika sa kaniya ni Caleb nang makasalubong niya ito pagkalabas niya ng banyo. Tiningnan pa siya mula ulo hanggang paa pabalik sa kaniyang mukha. “Ngayon pa lang ay gusto ko ng linawin sa iyo na ni hindi man lang ako natuwa nang malaman ko na ikaw pa ang ipapakasal sa akin. Tsk. Wala talagang ka-taste-taste ang magulang ko.” Kulang na lang ay kumulo ang dugo ni Ayah ng mga sandaling iyon. Sa halip na magpaapekto sa sinabi ni Caleb ay nginitian pa niya ito. “Alam mo, Caleb, tama ka. Sobrang boring ko pagdating sa kama. Ganyan din ang sabi ng mga nakatabi ko na,” aniya na muli itong nginitian na ikinatigilan naman nito. Palibhasa ang alam nito sa kaniya ay animo apo nga ni Maria Clara sa hinhing kumilos at pambahay lamang. Pero wala namang katotohanan ang sinabi niya kay Caleb. Gusto lang niyang inisin ito. “What did you say?” “Nabingi ka yata? Nasa iyo na kung sasabihin mo rin ‘yan sa iyong ama. Sa akin naman ay walang kaso ‘yon. Dahil mas lalong ayaw ko naman sa iyo. Pero natitiyak ko na maeeskandalo ang mga magulang mo kapag nalaman ang sinabi ko sa iyo. Pero quits lang naman tayong dalawa, ‘di ba? Hindi ka na rin naman sariwa. Sa edad mong ‘yan, natitiyak kong para ka ng isda na bilasa sa palengke. Hindi na fresh,” mahinhin pa siyang tumawa bago naglakad palayo. Naiwan namang nagngangalit ang panga ni Caleb habang habol siya ng tingin. Napairap pa si Ayah nang makalayo sa kinaroroonan ni Caleb. Saka lamang siya nakahinga nang maluwag. Natigilan pa siya. Paano na lang kung sabihin nga ng lalaking iyon sa mga magulang nito ang kaniyang sinabi? “Imposible,” anas pa niya. “Isa pang takot sa mga magulang niya ang Caleb na ‘yon.” Iyon ang impormasyon na nakarating sa kaniya mula sa kaibigan niya na nakakakilala sa isang Caleb Consunji. Lalo na ang pagiging babaero nito. Isang matinik pagdating sa babae. Animo damit kung magpalit. Napakalaking ekis sa kaniya. Ayaw niya sa mga ganoong klase ng lalaki. Tipong ginagawang parausan lang ang mga babae. Malungkot siyang napabuntong-hininga. Napakamalas naman niya sa kaniyang mapapangasawa kung sakali man. Lumabas si Ayah sa may sliding door na konektado sa may back porch ng kanilang bahay. Doon ay tumingala siya sa kalangitan na may mangilan-ngilang bituin. “Lord, gising ka ba ngayon? O tulog na dahil gabi na?” Malungkot siyang ngumiti. “Baka naman po puwede pang mabago ang kapalaran ko? ‘Wag ‘yong ganito. Ayaw ko po sa lalaking itinakda sa akin ng aking mga magulang. Pakiramdam ko, lalo akong hindi makakahinga. ‘Wag ang isang Caleb ang ipagkaloob ninyo sa akin. Pangarap ko pa rin pong makaranas ng pagbilis ng tahip ng aking dibdib. Katulad ng mga kuwento sa akin ng aking kaibigan na nakakaranas ng ganoon. Ang sarap daw pong ma-in-love. Totoo po ba ‘yon?” Ngunit paano pa ba niya iyong mararanasan kung itatali siya sa isang lalaking hindi niya gusto? May hitsura naman si Caleb kung tutuusin kaya napakayabang din ng hilatsa ng binata. Bukod sa yaman ng pamilya nito ay may hitsura ding tinataglay. “Narito ka lang pala, Ate Ayah,” ani Zeb na nineteen years old na. Lahat ng kaniyang kapatid ay matatangkad. Ngunit mas higit na matangkad si Zeb kaysa sa mga kuya nila. “Pinahahanap ka ni daddy.” “Pupunta na rin ako sa may lanai, Zeb.” “Sumunod ka na.” “Yes, Doc,” nakangiti niyang wika sa kaniyang kapatid bago siya nito iwan. Muling ibinalik ni Ayah ang tingin sa kalangitan. Isang hinga pa nang malalim bago niya ipinasya na balikan ang mga magulang nila at kanilang bisita sa may lanai kung saan nagkukuwentuhan ang mga iyon matapos nilang kumain ng hapunan. Iniwasan niyang mapatingin sa kinaroroonan ni Caleb na tiyak niyang nayurakan niya ang p*********i kanina. Baka hanggang ng mga sandaling iyon ay nanggigigil ito sa kaniya. May dalawa pang kapatid si Caleb. Isang babae at isang lalaki. Ngunit may mga asawa na ang mga iyon at si Caleb na lamang ang wala pa. Kahit sinong matinong babae ay hindi ito gugustuhing mapangasawa. Siguradong kunsumisyon lang ang dulot nito. Mukhang wala namang pakialam ang ama niya kahit kilala nito ang karakas ni Caleb. Ang mahalaga lang dito ay ang kahihinatnan ng kanilang negosyo. NILAPITAN NI AYAH ang kaniyang ina na abala sa paggagayat ng rekado para sa espesyal nitong lulutuin sa hapunan. Nagluluto rin naman ang kanilang mga tagapagluto sa bahay na iyon. Pero nagluluto rin ang kaniyang ina kapag may gusto itong lutuin para sa kaniyang ama. Yumakap siya buhat sa may likuran nito. Ganoon siya kapag naglalambing siya sa kaniyang ina. Ito lang naman ang nayayakap niya ng ganoon at hindi ang kaniyang ama na ayaw ng clingy. “May kailangan ka ba, anak?” tanong pa sa kaniya ng kaniyang ina. “Wala po, Mommy. Gusto lang po kitang yakapin. Baka sa mga susunod ay hindi ko na ito magawa pa.” “Bakit naman hindi?” Huminga siya nang malalim. “Dahil ipapakasal ninyo ako sa lalaking…” hindi niya halos magawang ituloy ang kaniyang sasabihin. Napahinto naman sa paggagayat ng gulay ang kaniyang ina at minabuting pumihit muna paharap sa kaniya. “May problema ba, anak?” Umiling siya bago nagbaba ng tingin. Sinapo naman ng kaniyang ina ang magkabila niyang pisngi. “Nararamdaman ko na ayaw mo sa ideya ng daddy mo na ipakasal ka.” Sa puntong iyon ay nag-init ang bawat sulok ng mga mata ni Ayah. Totoo naman kasi ang sinabi nito na ayaw naman talaga niya sa ideya na ipagkakasundo siya sa isang Caleb Consunji. “Mommy, hindi ko po itatanggi ‘yan. Simula nang ianunsiyo ni daddy ‘yong tungkol sa pagpapaksal ko kay Caleb, hindi po ako masaya. Naninikip po ‘yong dibdib ko.” Hinaplos ng isang kamay ni Mommy Dolor ang kaniyang pisngi. “Ayah, anak, malay mo naman ay mag-workout ang pagsasama ninyo ni Caleb. Katulad ng sa amin ng iyong ama.” Right. Produkto rin ng arranged marriage ang kaniyang ama’t ina. Kaya para bang wala lang sa kaniyang ama ang kaniyang mararamdaman kung isabak din siya nito sa isang arranged marriage. “I don’t know, Mommy. Siguro po ay kung magkakaroon ng himala.” “Gusto mo bang magpagaan muna ng namimigat mong dibdib sa San Diego?” tukoy ng kaniyang ina sa bayan kung saan mayroon silang pag-aaring malaking lupain. Originally ay pag-aari iyon ng kaniyang ama. Namana nito sa mga magulang nitong sumakabilang buhay na. San Diego, kay tagal na rin niyang hindi nakakatuntong sa bayang iyon. Noong mga bata pa sila ng kaniyang mga kapatid ay palagi silang umuuwi roon tuwing bakasyon. Ngunit nang lumaki na sila ay hindi na naulit pa. Lalo na at mas naging busy rin ang kaniyang ama sa lumalaki lalo nilang negosyo. Maayos pa naman ang ancestral mansion nila roon. Alaga kasi iyon ng caretaker nila roon. “Kung gusto mong umuwi roon ay ipapaalam ko mamaya sa iyong ama na gusto mo munang umuwi roon para magbakasyon.” “Mommy, kung papayag po si daddy,” sang-yon niya sa suhistiyon nito. “Na-mi-miss ko rin po ang buhay sa probinsiya. Tahimik lang. At presko ang hangin.” “Makatulong sana ang lugar na iyon para sa paghahanda mo sa nalalapit ninyong engagement party ni Caleb.” Alam ni Ayah na iimbitahan ang lahat ng kilalang tao sa high society ng kaniyang ama at ama ni Caleb. Sana nga, pumayag ang kaniyang ama na makahinga naman siya kahit saglit lamang. SA HALIP NA UMUWI SA bahay ng mga magulang si Prix, matapos niyang makabalik sa Pilipinas ay mas minabuti niyang umuwi sa bahay ng kaniyang Tiyuhin na si Uncle Karzon sa Pagbilao City. Sa lahat naman kasi ay ito ang nakakaintindi sa kaniya. Magkaedad man sila ng kaniyang Tiyuhin ngunit mas aminado siya na mas matured ito sa kaniyang mag-isip. Matured in a way na seryoso at maraming alam sa buhay. Nakakagulat lang talaga na lumagay na sa pag-aasawa ang kaniyang Tiyuhin na wala sa karakter nito simula nang mag-for good na ito sa Pilipinas. At siya? Hindi pa rin niya alam kung saan ba talaga siya mag-stay for good? Kung sa Europe ba kasama ang Uncle Aries niya o dito sa Pilipinas? Kahit saang bansa naman ay walang kaso sa kaniya. Ngunit para bang wala pang dahilan para mag-stay siya for good. Heto nga at tinakbuhan pa niya ang kaniyang Uncle Aries. May hindi sila pagkakaunawaan kaya napauwi siya ng wala sa oras. Kauuwi lang niya nitong nakaraan sa Pilipinas nang mag-birthday ang kaniyang Daddy Philip. Hindi rin naman siya nagtagal pa at bumalik din sa Italy. Pero heto siyang muli ngayon, balik na naman sa Pilipinas. Habang sakay ng isang taxi ay ibinaling pa ni Prix ang tingin niya sa labas ng bintana niyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD