SITTING PRETTY pa si Sierra habang sinagot ang call of nature nang marinig ang pagpasok sa banyong iyon ng mga kapwa niya empleyado.
“Grabe ‘yung banggaan na nakita ko kahapon doon sa highway na malapit sa amin. Himala na nga na wala man lang namatay sa mga pasahero ng mga sasakyang iyon.”
“Bakit parang nagwi-wish ka pa na sana ay may namatay nga?”
“Hoy, hindi naman. Pero kasi nakakagulat naman talaga, di ba? Head on collision pero walang casualties.”
“Uy, speaking of nakakagulat. May tsismis ako sa inyo.”
“Ano iyon?”
“Remember ‘yung bolerong guy na nanliligaw kay Sierra? I saw him yesterday sa isang fancy restaurant.”
“Ano naman ang bago dun? E di ba nagdi-date naman talaga sila ni Sierra?”
“Ang problema, hindi naman si Sierra ang nakita kong kasama niyang babae. Iba. Seksi kasi iyon.”
Siya man ay lihim na napasinghap sa narinig. Donald was seeing another woman? Who was sexier? Pakiramdam niya ay maka-ilang beses siyang sinampal sa magkabilang pisngi. Ito na nga ang katotohanang pilit niyang itinatanggi. Na kahit medyo malaman siya ay magugustuhan pa rin siya ng lalaki. Naniwala siya sa mga sinabi nito. And for that, nagawa rin niyang seryosohin ang pagpapapayat na ayaw naman talaga niyang gawin kung tutuusin dahil nahihirapan siya.
“Alam kaya ni Sierra ang tungkol dun?”
“Hindi pa siguro. Ang lalaki naman kasing iyon, mukhang napakagaling magtago ng kalokohan.”
“Hay, kawawang Sierra. Akala ko pa naman magkaka-boyfriend na siya.”
“E, kasi naman, hindi niya inalagaan ang katawan niya. Alam naman nating mga babae na mahilig talaga sa mga seksi ang mga kumag na lalaking iyon. Kaya kung gusto mong maka-hook ng lalaki, you better stay fit, girl.”
“Oo nga. Nakakainis pero iyon talaga ang totoo.”
“Halika na. Tapos na ang break time.”
Ilang sandali pang nanatili si Sierra sa cubicle na iyon. Umaalingawngaw pa rin kasi sa isip niya ang sinabi ng mga kasamahan niya sa trabaho. She was fat. She was ugly. And nobody would ever love her. Maaaring wala siyang balak na magpakasal at magkaroon ng sariling pamilya. Pero…kahit paano naman, gusto rin niyang maranasan ang magmahal at mahalin. Kahit minsan lang sa buhay niya. Was that too much to asked? Kaya lang, hindi na talaga yata mangyayari iyon.
Well, okay lang. Ano pa nga ba naman ang aasahan niya sa tadhana na nakakaalam na wala naman itong mapapala kung sakaling bigyan siya ng lalaking mamahalin siya? E hindi rin naman iyon papayagang maging bahagi ng buhay niya habambuhay.
“Mag-o-open ako ng account, Miss Pretty.”
Nakangiting mukha ni Reigan ang bumungad sa kanya ilang minuto matapos siyang makabalik sa kanyang puwesto. Ito pa ang isang nagpapasakit sa puso niya. Aakitin siya dahil lang trip nito. Wala na bang seseryoso sa kanya, just because she’s fat?
“Heto ang listahan ng mga requirement para sa mga opening accounts.”
“Sierra, kung magsalita ka para naman akong stranger sa iyo,” biro ni Reigan. “Hindi mo man lang ba ako ngingitian? Ang alam ko, requirement iyon sa inyo para maaliw naman ang mga kliyente ninyo rito.” Nginitian na rin niya ito. “Sige na nga, huwag ka na lang ngumiti.”
Binawi na rin niya ang ngiti nang hindi ito pinapansin. Tahimik din niyang ibinigay dito ang mga dokumento na kailangan nitong pirmahan.
“Hindi mo na hihintayin na maibigay ko ang mga requirement ko?”
“Iabot mo na lang sa akin sa bahay.”
“Puwede ba iyon?”
“Okay lang iyon. Magkakilala naman tayo. Magkapitbahay pa.”
“Are you alright, Sierra?”
“Oo, bakit?”
“Hindi mo kasi pinapatulan mga jokes ko.”
“Kailan ko ba pinatulan ang mga jokes mo?”
“You have a point. But still, something tells me you’re not yourself today.”
“Baka kasi dahil iyon sa hindi na siya gaanong nadadalaw dito ng masugid niyang manliligaw,” wika ng isa sa mga co-worker niya.
“Sino?”
“Si Donald.”
“Oh, that asshole.”
Everyone who had heard him, even their clients, laughed. Mukhang hindi lang si Reigan ang may ayaw kay Donald. Isang chocolate bar ang sumunod niyang nakita sa ibabaw ng table niya. Galing kay Reigan. Napansin niyang lihim na nagngitian at tumikhim ang mga kasamahan niya.
“According sa research, nakakapagpagaan ng loob ang chocolates sa mga taong medyo masama ang loob sa mundo. Kaya para sa iyo iyan, Sierra. Hmm, kulang na lang ng flowers para kumpleto na ang props ko, ah.” Pinakialaman nito ang nananahimik na artificial na arranged flowers sa gilid ng table niya at pumitas ng isang plastic na bulaklak doon. “Para uli sa iyo, Sierra. Hope you feel better soon.”
She had to give credit to him for his efforts. Ang problema, imbes na makabuti nga sa kanya ang ginawa nito ay mas lalo pa iyong nakadagdag sa sama ng loob na nararamdaman niya. Dahil ganito rin ang ipinakitang ka-sweet-an ni Donald nang unang beses silang magkita. He was even seating on the same chair.
“Bawal ang manligaw dito,” wika niya rito. “Oras ng trabaho.”
“Ayaw mo naman akong pansinin sa subdivision natin. Kaya ngayon, I’ll take every opportunity that I can have para lang mapasagot ka.”
Pinandilatan niya ito. “Ire-reject ko ang application mo for an account kapag hindi ka tumigil.”
“Okay lang. When it comes to you, sanay na ako sa rejection.”
Nag-umpisa na ring magtuksuhan at magbiruan ang mga kasamahan niya roon. Gaya rin noon nang marinig ng mga ito ang ginagawang pambobola sa kanya ni Donald.
“Huwag mo ng pag-aksayahan ng panahon ang Donald na iyon, Sierra. Mas okay naman iyang bagong manliligaw mo.”
“Hindi ako bago. Matagal na akong nanliligaw kay Sierra. Highschool pa lang kami, dumidiga na ako sa kanya. Pero hanggang ngayon, basted pa rin ako.”
“Aba’y bakit?”
“Ewan ko rin. Bakit nga ba, Sierra?”
Ang gusto niyang gawin ay bulyawan ito sa pagbabandera nito ng panliligaw kuno sa kanya. Samantalang alam nilang pareho na nang-aasar lang ito. At iyon ang pinakanakakaasar sa lahat. Napailing na lang siya at hinayaan ito sa gusto nitong gawin. Habang nilalagyan ng mga tsek ang mga part ng papeles na iyon na pipirmahan nito ay nahagip ng tingin niya ang chocolate at artificial flower na nasa ibabaw ng mesa niya. Maaaring ipinapakita ni Reigan ang lahat ng ipinakita noon ni Donald sa kanya. But at least Reigan was trying to fix the damage Donald had given to her pride and ego. At ilang beses na rin iyong ginawa ng binata. Na tinutulungan siya nitong maging mabuti ang pakiramdam kapag nabubuwisit na siya sa mundo.
She looked at the man who had been a part of her past and her present. And recognized immediately that fast thumping of her heart. Iyon ang isa pang bagay na ipinagkaiba nito kay Donald. He never did make her heart beat the way Reigan did. Kung ano man ang dahilan at nagagawa iyon ni Reigan sa kanya, hindi rin niya alam.
Ibinigay na niya rito ang mga papeles. “Fill this up.”
“Susunduin kita mamaya. Okay lang ba?”
Daig pa niya ang sinipa ng kabayo sa sorpresang tanong nito. But she kept her cool. “Bakit?”
“Wala naman. Naisip ko lang na hindi pa kita nasusundo sa trabaho mo kahit kailan.”
“May sundo na ako,” pagsisinungaling niya. She was afraid of this certain feeling that Reigan had aroused in her.
“Who? That asshole guy?”
“Will you quit it? Nakakahiya sa mga clients namin.”
“Client din naman ako, ah.”
Ang kulit talaga. “Tapusin mo na lang iyan.”
“Basta susunduin kita.”
“Bahala ka.”