TAGAKTAK ang pawis ni Cassandra habang binabagtas niya ang kalsada patungo sa paaralan. Kalagitnaan na ng tanghali at hapon, tatlumpong minuto na lang at tutunog na ang balingaw ng eskwelahan.
Lakad-takbo ang kaniyang ginagawa habang hawak-hawak nang mahigpit ang kaniyang bag sa takot na baka mapigtas nang tuluyan ito. Malapit na siya, malapit na ring bumigay ang kaniyang munting mga binting kinalyo na dahil sa pagbabanat ng buto.
Walang dalang panyo si Cassandra kaya noong makapasok na siya sa tarangkahan ng paaralan ay dumiretso muna siya sa malaking puno ng akasya, naupo sa d**o upang punasan ang kaniyang mukhang naliligo na sa pawis gamit lamang ang kamay. Dahil walang sapat na pambili, ang panyo lamang nila sa kanilang bahay ay tatlo. Ang isa ay gamit-gamit ng kaniyang ama, ang dalawa naman ay para sa dalawa niyang bunsong kapatid.
Habang nagpapatuyo ng pawis si Cassandra, pinagmamasdan niya ang mga kaklase niya na naglalaro. Gustuhin man niyang makisali, nahihiya siya. Baka kasi kutyain na naman siya ng mga ito na mabaho. Nagpakawala na lang ng buntonghininga ang paslit bago tumayo.
Malungkot ang mukha ni Cassandra habang nakayukong naglalakad sa pasilyo. "Ewww, pumasok ka na naman Cassandra baho?" tukso ng babaeng may malinis na uniporme't maganda ang tali ng buhok. Inangat ni Cassandra ang kaniyang ulo at hindi na lang pinansin ang sinabi ng kaniyang kaklase.
"Ang baho mo talaga! Dapat di ka na pumapasok!"
Masakit sa dibdib ng bata ang narinig. Kahit paulit-ulit nang pumasok sa tenga niya ang ganoong pasaring, hindi pa rin sanay ang kaniyang puso. Imbes na patuln, dumire-diretso na lang siya sa paglalakad. Tumunog na ang batingaw, kailangan na niyang magmadali dahil maliliban siya sa klase kapag di siya nakaabot sa takdang oras. Pagdating niya sa tapat ng silid-aralan, sinilip niya muna mula sa bintana kung nandoon na ang guro. Noong makita niyang wala pa ito, sunod niyang binalingan ng tingin ang kaniyang mga kamag-aral na masayang nakukwentuhan. Pumasok sa isip ni Cassandra na huwag na lang tumuloy dahil baka masira niya pa ang kasiyahan ng kaniyang mga kaklase kapag naamoy siya ng mga ito.
Napagpasyahan niya na lang na umupo sa landscape na semento, kinuha ang bag at niyakap ito. Makikinig na lang siya sa ituturo ng kaniyang guro. Sa labas na lang din siya magsusulat. Ang importante naman sa kaniya ay mayroong mauwing karunungan. Titiisin niya ang sitwasyon niya, ang pangungutya ng iba para sa edukasyon na pinaghirapang ibigay sa kanila ng kanilang mga magulang.
Palagi niyang iniisip ang paalala sa kaniya ng kaniyang ama na mag-aral nang mabuti dahil ito lamang ang maibibigay niyang kayamanan sa kanilang. Naniniwala siya sa sinabi nito na kapag mayroong edukasyon ang tao, kailanman ay rerespetuhin siya ng mga taong nakapaligid sa kaniya at iyon ang pangarap niyang maabot... ang dumating sa punto na hindi na nila kailangan pang makarinig ng masasakit na salita para lamang makakuha ng maliit ng pabor.
FACUNDO
"Ano na naman? Hapon pa lang, haya'n ka na naman, Facundo. Araw-araw ka na lang bang mangungutang sa tindahan ko? Aba naman, kahit naman sa isang araw ay magbayad naman kayo. ang haba na ng listahan ng utang niyo sa akin. Anong gusto mong mangyari sa pamilya ko, ha? Maging pulubi kagaya niyo? Aba, Facundo! Pasensyahan muna tayo ngayon, ha at hindi kita mapapautang ngayon. Bakit hindi mo na lang kasi pagtrabahuhin iyong panganay mo? Tutal naman ay hayskul na siya, pwede na siyang mamasukan bilang katulong. Mayroon akong kakilala na pwede niyang mapasukan nang hindi naman kayo nakakaperwisyo sa kapwa niyo, ha."
Napailing na lang ako sa sinabi ng pinsan ko. "Sige, salamat na lang," matipid kong tugon.
"Haysss! Hina-high blood mo ako, Facundo! Siya, alis na! Sa susunod, magpunta ka rito kapag magbabayad ka na ng utang niyo, ha?!"
Tumango na lang ako bago tumalikod. Tanging pagkamot na lang sa ulo ang nagawa ko habang naglalakad pauwi na sa bahay. Ala singko na ng hapon, paniguradong nakabalik na si Cassandra. Anong sasabihin ko sakanila? Wala akong nabiling ulam ngayon... naubos sa gamot ng kanilang ina. Papasok pa si Toto bukas, wala siyang pambaon.
Kapag minamalas talaga... ngayon pa ako natanggal sa trabaho. Kakatiting na lang nga ang kinikita, nawala pa.
"PAPA!" masayang tawag ng dalawa kong bunsong anak. Kahit na namomroblema ako ngayon, nagawa ko pa ring ngumiti, kahit iyon na lang ang pasalubong ko sa mga anak ko.
"Pasensya na kayo, ha... walang dala ngayon ang papa," pangunguna ko. Hindi ko na hinintay na hingian nila ako ng regalo dahil ang sakit no'n sa puso. "Ayos lang po, marami naman pong biniling kendi si ate. Mayaman na po tayo tatay! Marami po siyang perang naiuwi ngayon," kwento ni Jekjek. Ginulo ko ang kaniyang ulo. "Talaga ba? Marami? Nasaan ang ate niyo?" tanong ko.
"Pinapakain na po si mama. Masarap din po ang ulam natin papa, tuyo po! Peyborit ko po 'yun," sabi ni Pampam.
"Wow! Paborito natin 'yang lahat. Siya, pasok na't malamok," aya ko sa dalawa kong anak.
Nauna na silang tumakbo pabalik sa aming munting tahanan. Huminga muna ulit ako nang malalim bago magpatuloy sa paglalakad. Mukhang hindi na naman pumasok si Cassandra para mangalakal...
"Pa, mano po.", "Nasaan ang ate mo?" tanong ko sa pangalawa kong anak na si Toto. "Nasa loob po. Ate! Tawag ka ni papa!"
Hindi ko na hinintay pang makalabas si Cassandra dahil pumanhik na rin ako sa bahay. "Umulan ba? Mayroong palanggana sa sahig?" tanong ko. "Kanina po umulan. Medyo malakas," sagot ng panganay kong anak.
"Edi nabasa ka pag-uwi mo?" tanong ko. "Opo. Naligo naman na po ako. Kain na po kayo, tay. May ulam pa po dyan," aya niya. nakatuon ang kaniyang atensyon sa kaniyang ina na nahihirapan nang ibuka ang kaniyang bibig.
"Saan mo nakuha ang pera, anak? Di ba sabi ko sa iyo--"
"Wag po kayong mag-alala, tay, pumasok po ako. Kalahating araw lang pero nakapagpaliwanag naman na po ako sa teacher ko. Inuwi ko na lang po ngayon iyong test po na ibinigay niya kanina sa mga kaklase ko," sagot niya sa akin. Matalino ang anak ko, masipag din. Naaawa ako sa kaniya dahil kailangan niya pang isakripisyo ang kalahati ng kaniyang araw para magkayod kesa sa ituon niya na lang iyon sa pag-aaral.
"Pasensya na kayo... makakabawi rin tayo, ha? Matatapos din 'tong paghihirap natin," sabi ko sa kanila. Huminga ako nang malalim, nnagmamadaling pumasok sa maliit naming kwarto upang di nila makita ang pagtulo ng aking luha.
Hindi ko dapat ito maramdaman... dapat masaya ako at nagpapasalamat dahil hindi magdidildil ng asin ang pamilya ko ngayong gabi ngunit... naawa ako sa sarili ko. Napakawalangkwenta kong ama. Kahit ano naman pinapasok ko pero bakit minamalas pa rin? Ginagawa ko naman ang lahat pero talagang ang hanap na ng mga nagpapasweldo ay may pinag-aralan. Hindi na sila tumitingin sa masipag, sa kakayahan ng tao... Paano naman kaming mga hindi nakapagtapos ng elementarya? Wala na ba kaming karapatang mabuhay? Makapagsustento sa aming pamilya?
Kaya hangga't maaari, ayaw kong lumiliban sa klase si Cassandra dahil kabilin-bilinan ko sa kanila na ang makapag-aral sila at makatapos lang ang kaya kong ibigay. Pahalagahan nila iyon dahil iyon ang mag-aahon sa kanila sa kahirapan. Iyon ang magiging sandata nila para hindi sila matulad sa akin, sa amin ng nanay nila na mga walang tinapusan kaya heto... halos lumuhod na ako para lang magkaro'n ng trabaho.
"Tay?" Napasinghot ako nang wala sa oras noong marinig ko ang boses ni Cassandra.
"Bakit, nak?" tanong ko sa kaniya. "Kain na po kayo," aya niyang muli. "Magbibihis muna ako. Lalabas na rin naman ako maya-maya."
"Tay, bakit po kayo umiiyak?" tanong nito. "Wala, napuwing lang ako gawa ng mga agiw," pagdadahilan ko. Nakatalikod pa rin ako sa aking anak, nahihiya ako na makita niya akong nagpupunas ng luha.
"Salamat nga pala nak, pero sana sa susunod wag ka nang lumibang muli sa klase, ha? Alam mo naman kung ano ang rason ni tatay."
"Pa naman. Naiintindihan ko kung bakit hindi niyo po ako pinagtatrabaho pero gusto ko pong tumulong sa inyo. Natutuwa po ako kapag nakakatulong ako sa inyo kaya hayaan niyo po sana ako. Hindi ko naman po pinapabayaan ang aking pag-aaral, pa. Naaawa rin po ako sa inyo, baka kayo naman po ang magkasakit."
Hindi na ako kumibo pagkatapos marinig ang paliwanag ni Cassandra. Ngumiti na lang ako nang pilit tapos tumango. "naiintindihan ko anak... pasensya na kung kailangan mo pang magkayod."
"Wala po kayong dapat na ihingi ng paumanhin, pa. Labas na po kayo pagkatapos niyo pong magbihis dyan."
"Oo, anak..."
Noong sumara nang muli ang pinto, napaupo na lang ako sa sahig. Sapo-sapo ko ang aking bibig upang hindi makagawa ng ingay.
Ako na lang ang maghirap, wag lang ang pamilya ko. Simple lang naman ng hiling ko ngunit bakit ipinagdadamot sa akin iyon? Kailan kami maghihintay ng kaginhawaan? Panginoon... may lugar ba ang katulad namin sa inyo? Naririnig niyo po ba ang hinaing ko? Hindi naman para sa sarili ko ang hinihiling ko sa inyo... para sa pamilya ko. Sana naman, kung tunay na gulong ang buhay, kami naman sana ang mapunta sa itaas.