KABANATA 3: AKO'Y YAGIT SA ILALIM NG TULAY

1580 Words
Busina ng mga sasakyan ang araw-araw na nagpapagising sa pamilya Cabrera. Hindi pa man sumisikat ang amang araw ay dilat na ang mga mata ni Cassandra. Nakapagsaing na siya bago pa man mag-ala-singko ng umaga, nakapaghanda na rin ng mauulam at kasalukuyan nang naliligo sa posong de bomba. Maraming mag-aaral ang gustong-gusto ang araw ng Lunes dahil muli na naman silang mabibigyan ng baon ng kanilang magulang at makikita na naman nilang muli ang kanilang mga kaibigan. Ngunit pagdating kay Cassandra, ang Lunes ay panibagong araw ng karunungan. Sabik siya dahil may mapupulot na naman siyang aral na maibabahagi niya rin sa mga kapatid. Sa isang linggo, salit-salitan sila ni Toto sa pagbabantay ng kanilang ina. Lunes hanggang Myerkules papasok sa paaralan si Cassandra, Huwebes at Byernes naman si Toto. Sinimulan na nilang gawin iyon noong magsimula na ring pumasok sa elementarya ang dalawa pa nilang kapatid. Dahil walang mapag-iiwanan sa ina, silang dalawa na lamang ang umisip ng paraan. "Jekjek, Pampam! Pagkatapos niyong kumain ay maligo na kayo ng makapaglakad nang maaga!" tawag ni Cassandra. Ipinilipit niya ang tuwalya sa kaniyang katawan bago tanggaling ang tapis na tinahi ng kaniyang ina. Dahil dalawa lamang ang tuwalyang pagmamay-ari nila, kailangan hintayin no'ng isang matapos ang nauna. "Huwag ligong uwak, maliwanag? Ayusin niyo ang pagkuskos sa inyong katawan," payo ni Cassandra. Naghubad na ang dalawang bata, masaya silang nagsalit-salitan sa pagbobomba ng tubig. "Ate wala na tayong shampoo," wika ni Jekjek. "Iyang sabong bareta na muna ang gamitin niyo.Mamaya kapag nakabenta ako ng kalakal ay bibili ako ng shampoo," tugon ni Cassandra tapos naglakad na siya pabalik sa kanilang tirahan. "Umalis na ba si papa, Jek?" "Oo, kakaalis lang. Kumain ka na te," alok ni Toto sa kaniyang ate. "Hindi, sige na ubusin mo na iyang ulam. Alam kong hindi ka pa kumakain. May madadaanan naman akong puno ng bayabas, iyon na lang ang babaunin at kakakinin ko habang naglalakad." "Sigurado ka ba, te? Noong dumaan ako ro'n maliliit pa ang mga bunga." "Ayos lang iyon. Ang importante naman ay mayroong makain. Sige na at magbibihis na ako." Mabigat ang dibdib ni Jekjek noong kunin niya ang kutsara at magsimulang sumandok ng kanin. Para sa kaniya, masyado nang maraming sakripisyo ang ginawa ng kaniyang ate para lamang hindi sila mahirapan. Hindi lingid sa kaalaman ng pangalawang supling ang ginagawa ni Cassandra. Tuwing umaga lamang ito pumapasok sa eskwela dahil pagkatanghali hanggang hapon ay ginugugol nito ang kaniyang oras sa paghahanap ng bakal at bote para maibenta sa junk shop. Hindi iyon alam ng mga magulang nina Jekjek dahil paniguradong magtatampo ang kanilang ama. Nais nitong tuwing may pasok ay tanging ang pag-aaral lamang ang kanilang iisipin. Ngunit kung karunungan o obligasyon ang pag-uusapan, alam ni Jekjek na mas matimbang sila sa kaniyang ate. "Oh? Bakit ka naman umiiyak diyan? Toyo't mantika naman ang iyong ulam kaya, maanggang ba iyan?" tanong ni Cassandra noong matapos na ito. "Napuwing lang ako. Tawagin mo na 'yong dalawa, te para hindi ka mahuli sa klase mo. Malayo pa naman ang paaralan mo," suhestyon ni Toto. Ginulo ni Cassandra ang buhok ng kaniyang kapatid tapos nagwika, "Masyado kang nag-aalala sa akin, To. Wag kang mag-alala, tatakbo ako kapag alam kong mahuhuli na ako. Hayaan muna natin 'yung dalawa at nagsasaya pa sa tubig." CASSANDRA "Jekjek, Pampam, hintayin niyo ang isa't isa, ha? Huwag kayong uuwi na kayo lang. Sige kayo, kukunin kayo no'ng nangunguha ng bata tapos isasakay kayo sa puting van," pananakot ko para tandaan nitong dalawa ang aking bilin. "Opo ate. Si Jekjek kasi laging naglalaro ng jolens sa mga kaklase niya kaya nagagabihan kami umuwi," sumbong sa akin ni Pampam. Kaagad na dinipensahan naman ng isa ko pang kapatid ang kaniyang sarili at ayon, nagtatalo na silang dalawa. Hinawi ko silang pareho kasi magugusot ang kanilang damit. "Ganito. Kapag hindi kayo sabay na umuwi mamaya, wala kayong chocolate na pasalubong. Si kuya Jekjek niyo lang ang bibigyan ko mamaya, gusto niyo ba 'yon?" Kaagad na sumagot 'yong dalawa at nangakong magkasama silang uuwi ng bahay. Bago sila pumasok sa gate, hinalikan ko muna sila sa kanilang noo. "Mag-iingat kayo, ha? Makinig lagi sa teacher niyo. Sige na, bye!" Tumayo na ako't hinatid ang dalawa ng tingin. Bago umalis, siniguro ko munang makakapasok sila sa kani-kanilang silid-aralan. Tumalikod na ako't naglakad na rin. Naghanap ako ng malaking puno para mapagtaguan. Napagpasyahan ko kasi na huwag pumasok ngayon at gugulin na lang ang buong araw sa pangangalakal. "Magpapaliwanag na lang ako kay Teacher Mylene. Sigurado naman akong maiintindihan niya ang aking sitwasyon," bulong ko sa aking sarili. Pagkatapos hubarin ang uniporme, dumiretso na ako sa pinakamalapit na malaking tindahan sa pwesto ko. Isang 7 11 convenient store ang kaagad kong nakita. Dala-dala ang malaking plastic, kinalkal ko iyong basurahan. Inuna ko 'yong may mga lamang plastic bottle. Wala akong tinira kahit isa. Swerte ko na't naka-sampu ako kaagad. Sunod kong hinagilap ay mga karton. Mababa lang ang presyo niyon sa junk shop pero mainam na rin iyon. Pasasaan naman at baka makauwi ako ng 150 pesos nito sa buong maghapon. Swerte na kung may makita akong mga sirang appliances, t'yak jackpot! Nakaipit sa aking kilikili iyong napulot na karton, hawak naman ng isa kong kamay iyong malaking plastik. Naghanap pa ako ng basurahan na pwedeng kalkalin. Wala na sa akin ang mabahong amoy ng mga bulok na pagkain. Minsan pa'y nahahawakan ko iyon dahil hindi naman iyon maiiwasan, pero sanay na ako. Pagkatapos naman ng nakakadiring trabaho, pera at maayos na pagkain ang kapalit. "Te! Bak gusto mo ilagaya sa kariton namin 'yang bitbit mo, tutal nangangalakal din naman kami," alok no'ng batang lumapit sa pwesto ko. Tatlo sila, mga kasing edad ni Jekjek. Punit-punit ang suot na pang-itaas, iyong isa ay wala talagang saplot. Marusing ang kanilang mukha, puno ng uling ang braso't binti. "Ayos lang ba sa inyo?" nag-aalangan kong tanong. Mapapayat sila kaya ang karitong puno ng kalakal ay pinagtutulungan nilang tatlo na itulak. "Oo naman ate. Basta pa-share kami rito sa paghahanap sa basurahan," wika no'ng bata. Tumango ako dahil malaki at marami naman iyong basura. Mabuti na rin na may mapapatungan ako ng kalakal ko kesa buhatin buong maghapon. "Tutulong na lang ako sa pagtutulak para di na rin kayo mahirapan. Nga pala, taga-saan kayo?" tanong ko. "Wala kaming permanenteng bahay, Ate. Dito lang kami sa kariton natutulog tuwing gabi. Bata pa lang kasi kami inabandona na kami ng mga magulang namin." Nalungkot ako sa narinig. Sa musmos nilang edad, nagawa silang iwan ng kanilang mga magulang sa magulong mundo nang mag-isa lang. Anong klaseng mga tao sila? "Magkakapatid ba kayong tatlo?" tanong kong muli. "Hindi po. Ako po nakita ko lang po sila na nangangalakal din. Tapos ayon nagsama-sama na po kaming tatlo. Ito po si Benjie tapos po si Jarred nakatira po sila sa gilid po ng riles. Eh, ang kwento po naman nila, napatay po ng pulis 'yung papa nila kasi po magkapatid po silang dalawa. Napaghinalaan pong nagtutulak ng droga." "Wala ba kayong mga kamag-anak na pwede sa inyong kumupkop?" tanong ko ro'n sa dalawa na humahalukay ng basura. "Mayroon po, te. Pero po wala pong may gustong kumuha sa amin pareho. Sabi po nila, isa lang daw po ang kaya nilang alagaan. Ayaw ko naman po ng gano'n kasi po hindi ko po kayang mahiwalay sa kapatid ko." Natigilan ako sa paghahanap ng maaaring maibenta. Mas lalong nadurog ang puso ko no'ng marinig ang salita no'ng bata na walang saplot pang-itaas. Hindi ko inaasahan na may ibang nilalang pa pala na mas mahirap ang sitwasyon na kinalalagyan. Mas nakakaawa sila dahil sila'y mga bata pa lamang. "Mabuti't hindi kayo napapahamak. Napakagulo pa naman ng kalsada araw man o gabi. Bakit mas pinipili niyong maghanap ng kalakal kesa mamalimos? Maraming batang katulad niyo ang gano'n ang ginagawa para mabuhay. Mangangalabit lang kayo tapos may makukuha na kayong pera." "Ayaw namin ng gano'n, te. Gusto namin 'yung perang pinaghirapan namin ang ipambibili namin ng pagkain na ilalaman namin sa aming tiyan. Mas masarap kasi iyon kesa sa pagkain na nabili mo lang dahil sa panghihingi. Isa pa, marami na pong gumagawa ng gano'n. Mainam pang mangalakal, mas maraming perang maiipon kesa po doon," katwiran ni Benjie. "Tama. Oh siya, maghanap tayo nang maghanap nang sama-sama tayong makauwi ng malaking salapi ngayon. Sayang, kung alam ko lang sana kumg saan kayo pumipirme, tuwing mangangalakal ako'y isasama ko kayo. Marami pa naman akong alam na lugar na binabagsakan ng mga bote't bakal," ani ko. Nanlaki ang mga mata nila sa kasabikan. Hindi naman ako araw-araw nangangalakal pero pwede rin namang si Jekjek ang kasama nila kapag hindi ako pwede. "Eh, kayo ba, te? Saan kayo umuuwi? Puntahan na lang po namin kayo kapag mangangalakal po. Dito lang naman kami nagpapaikot-ikot pag natutulog." "Ako'y yagit katulad niyo na nakatira sa ilalim ng tulay. Isa lang naman ang tulay rito kaya kung gusto niyo akong alukin, makikita niyo 'yung bahay namin doon. Kahit anong oras, araw... pwede kayong pumunta roon. Kung umuulan at wala kayong masilungan, open naman ang barong-barong namin para sa inyong tatlo." Lumawak ang kanilang ngiti. Kahit papaano ay gumaan ang puso ko ngayong nakatagpo ako ng mga batang katulad nila. Nakakatuwang isipin na sa mura nilang edad, natutunan na nila kung paano maging responsableng tao. "Ate--", "Cassandra," sagot ko dahil hinihingi nila ang aking ngalan. "Salamat, ate Cassandra." Nginitian ko sila tapos umiling ako. "Walang anuman. Sino ba naman ang magtutulong-tulungan kung hindi tayong mga yagit din."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD