KABANATA 2.5

1307 Words
"Saan ka, Ineng?" tanong ng traysikel drayber. "Sa City Hall po," magalang kong sagot. Dali-dali akong sumakay noong tumango ito. Isiniksik ko ang aking sarili sa malamig na katawan ng traysikel dahil mukhang may kaya 'yong katabi ko na babae. Kagat-kagat ang ibabang labi at nakayuko ang ulo, pilit kong isinawalang bahala ang bigla nitong pagtakip ng ilong. Hindi ko mapigilan ang mabahala dahil naligo naman ako bago umalis at maayos naman ang suot kong damit. May kaunting putik lang ang aking paa ngunit hindi naman siguro iyon ang dahilan kung bakit niya biglang tinakpan ang kanyang ilong, 'di ba? "Mama, para po!" malakas na bulalas no'ng babae. Pagkahinto ng traysikel, maingat na lumabas ang babae, nahiya naman ako, kaya pilit kong isiniksik paurong ang aking katawan para hindi siya madikitan. "Ang baho," pahabol nitong ani bago tuluyang makaalis 'yong traysikel. Inamoy ko ang aking sarili ngunit bigo akong makahanap ng rason kung bakit niya nasabi iyon. "Siguro may problema siya sa kanyang ilong," mahina kong bulong sa kawalan. Dahil ako na lang ang mag-isa sa loob, ninamnam ko ang sariwang hangin na yumayapos sa king mukha hanggang sa makarating na ako sa aking patutunguhan. "Para po!" bulalas ko. Mabilis akong bumaba pagkahinto no'ng traysikel at ibinigay ang isangdaan na papel. Pagkaabot ng sukling siyamnapu't lima, ibinulsa ko na iyon at nagtungo na sa loob ng City Hall. "Ineng, saan ang punta mo?" tanong no'ng gwardya na nagbabantay sa labas. "Sa clinic po sana, kukuha po ng libreng gamot po para po sa Mama ko," magalang kong tugon. Kaagad na umiling 'yong gwardya noong nakita ang aking itsura. "Naku, Ineng. Bawala pumasok nang nakaganyan lang. Kailangan magsuot ka ng sapatos o kaya linisin mo muna ang paa mo, tingnan mo nanggigitata sa putik. Nakakaawa naman 'yong maglilinis sa loob," sabi no'ng gwardya. "Sige po. Lilinisin ko na lang po 'yong pa--", "Bukas ka na lang bumalik dahil magsasara na rin ang City Hall. Agahan mo na lang kung gusto mo talagang makakuha ng libreng gamot," pamumutol nito tapos hinawi niya ang kanyang kamay, animo'y sinesenyasan ako na umalis na. "Yes, ma'am. Kayo po? Saan po kayo?" magalang nitong tanong doon sa ginang na nakasuot ng magarang damit at maayos ang itsura. "Ineng, doon ka na. Bukas ka na lang bumalik, huh?" sita nitong muli sa akin no'ng hindi pa ako umaalis sa aking pwesto. Labag man sa loob, mabigat kong inihakbang ang aking mga paa palayo. 'Ano na ang gagawin ko? Masyado pa namang mahal ang gamot ni Mama kung sa botika ako bibili,' bulong ko habang kinakamot ang aking ulo. Nagtungo ako sa malapit na botika at nagbakasakaling makakabili ng gamot ni Mama. "Uhm, Miss. Magkano po kaya sa ganito?" tanong ko tapos iniabot doon sa babae 'yong balat ng gamot na iniinom ni Mama. "D'yan po, ma'am. Ang isang tableta po ay nagkakahalaga ng singkwenta po," mabilis nitong tugon. Isang buntonghininga ang pinakawalan ko dahil nagdadalawang-isip ako ngayon kung bibili ba ako o hindi. "Sige po, Miss. Isa pong tableta," tugon ko. Kinuha ko sa aking bulsa ang lumang singkwentang papel at nanginginig na iniabot sa babae ang pera. Pagkakuha no'ng gamot. Kaagad naman akong nagtungo sa katabing tindahan upang bumili ng isang litro ng gas na nagkakahalaga ng kinse pesos. Bumili rin ako ng dalawang nudols at dalawang itlog para may maiulam bukas ng umaga at tanghali. Ang natirang sukli na lang sa akin ay apat na piso. "Ineng, sakay ka?" tanong traysikel drayber. Nag-aalangan akong tumango dahil kulang ng piso ang aking pamasahe. Isinawalang bahala ko na iyon at sumakay na dahil malapit na ring magdilim. Wala pa namang ilaw sa bahay kaya kailangan ko nang magmadali. Habang binabagtas ang kalsada, nananalangin ako na sana ay hindi ako mapagalitan ng drayber dahil kulang ag pamasaheng dala ko. Ilang minuto pa ang nakalipas, kumagat na nang tuluyan ang dilim. Pagkasigaw ko ng 'para', mabilis akong bumaba at iniabot ang bayad. Nagbabakasakali na hindi na nito mapansin pa na kulang iyon at umalis na. Ngunit noong hahakbang na sana ako palayo, kaagad itong nagmura. "Ano ba naman 'yan, Ineng? Naghahanap buhay rin ako. Kulang itong bayad mo," bulalas nito na halatang naiinis. Humingi agad ako ng pasensya at sinabing iyon na lang ang natitira kong pera. "Sows! Sa susunod, wag kang sasakay kapag kulang ang pera mo, ha? Nakakaperwisyo ka, eh! Imbes na makahanap ako ng tao na sasakay, 'yong buo ang bayad, hindi, eh, kasi akala ko magbabayad ka nang tama," sermon nito. Hindi na lang ako kumibo at nanatiling nakayuko ang ulo. Humingi ulit ako ng pasensya doon sa traysikel drayber bago ito umalis 'saka naglakad pababa upang marating ang ilalim ng tulay. Pagkarating ko sa aming bahay, kaagad kong pinakuha kay Toto ang aming gasera at nilagyan ito ng gas. "Oh, sindihan mo na para may ilaw na tayo," utos ko. Noong magkaroon na kami ng ilaw, kaagad na lumapit sa akin sina Pampam at Jekjek. "Ate, may pasalubong ka?" tanong nito. Isang mapaklang ngiti ang gumuhit sa aking mukha bago guluhin ang kanilang mga buhok. "Pasensya na, walang pasalubong na nabili si Ate. Sa susunod na umalis ako, pangako, mag-uuwi ako ng maraming kendi para sainyo," tugon ko. "Yey! Promise mo 'yan, Ate, ah! Gusto ko 'yong pochi, tapos frutos, tapos, yakee." Pinagmasdan ko ang dalawa na masayang nagbabanggit ng paborito nilang mga kendi. Pumasok na ako sa loob at hinawi ang buhok ni Mama na tahimik na natutulog sa gilid. "Ate, sa susunod, dadamihan ko ang paghahanap ng kalakal para makabili ka ng pasalubong kina Jekjek," mahinang sabi ni Toto. Inilapag ko muna sa lamesa ang plastik na naglalaman ng aking mga pinamili 'saka hinagkan ito nang mahigpit. "Salamat, To," bulong ko. Kaagad itong kumalas at nahihiyang kinuha 'yong plastik at nagdahilan na magsasaing na raw siya. "Pam, pakikuha naman ng plato ni Mama at ipakain na sa aso 'yong pagkain niya," utos ko sa bunso kong kapatid. Mabilis naman itong tumalima na sinamahan pa ni Jekjek sa labas dahil natatakot ito na mag-isa. Sumunod ako doon sa dalawa dahil baka kung anong mangyari. "Wow! Ang daming stars!" bulalas ni Pampam. Tumingala ako sa kalangitan at totoo ngang sinakop ng mga bituin ang kalmadong kalangitan. Habang nilulunod ang mga mata sa ganda ng tanawin sa itaas, napukaw ang aming atensyong magkakapatid no'ng biglang sumulpot ang aming Papa na masayang niyakap 'yong dalawang bata. "May pasalubong si Papa!" masaya nitong bulalas. Hindi mapagsidlan ang tuwa na nararamdaman nina Pampam at Jekjek noong bigyan sila ni Papa ng sundot kulangot na talagang paborito nila. "Mano po, Pa," magalang kong bati. Pagpasok nito sa loob, tinanggal ko ang suot nitong bag at kinuha na rin ang dala nitong ulam na tatlong pirasong footlong. "Buti na lang at may natira pang pang-agahan doon sa pinagtarabahuhan ko kaya ibinigay na sa akin iyan," ani 'to. Tumango ako at inilagay ang ulam sa plato. "Pasok na, Pampam at Jekjek! Sige kayo, may mumu d'yan, hala!" pananakot ko. Nag-unahang pumasok 'yong dalawa habang mabilis na inuubos ang pasalubong na dala ni Papa. "Ate, hain ka na, luto na ang kanin. Ako na lang ang maghahatid-hati nitong ulam," pagpe-presinta ni Toto. Tumayo ako't kinuha 'yong mga plato at inilapag na sa sahig. "Ohhh, dahan-dahan, ahh! Mainit ang kanin. Ako na lang ang sasandok sa inyo, Pampam, baka magkalat pa kayo.", "Ohh, Jekjek, ikaw na ang manalangin para sa pagkain natin ngayong gabi." ani ko. Mariin naming ipinikit ang aming mga mata at nakinig sa panalangin ng aking kapatid. "Panginoon. Maraming salamat po sa simpleng pagkaing nasa hapag po namin ngayon. Salamat po dahil hindi niyo po kami pinapabayaan sa araw-araw. Bigyan niyo po sana kami ng kalakasan sa pamamagitan ng pagkain na aming pagsasaluhan ngayong gabi. At sana po, manatili po kaming masaya at sama-sama hanggang sa dulo. Ito po ang aming samu't-dalangin, sa pangalan ni Hesus, Amen."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD