KABANATA 2: MGA NGITI SA KABILA NG UNOS

1212 Words
Ala-singko na ng hapon. Tuluyang nilamon ng mabigat at maitim na kalangitan ang buong Maynila. Sa isang maliit na simbahan malapit sa tinitirahan nina Cassandra, nagsumiksik sila upang maging ligtas sa nagngangalit na bagyo. Kahit na walang masyadong gamit na naisalba, hindi na nila inisip pa iyon dahil ang importante sa kanila ngayon ay ang kanilang kaligtasan. Niyakap ni Cassandra ang kaniyang dalawang maliliit na kapatid upang mabawasan ang ginaw na nadarama. "Pa, gutom na ako," tawag pansin ni Jekjek, anim na taong gulang. Kinalkal ni Fakundo ang kaniyang bag upang maibigay sa kaniyang pamilya ang binili niyang kakanin, ngunit noong mapagtanto niyang kulang ang kanyang nabili para sa kanyang apat na anak, pinagmasdan niya si Cassandra na agad namang nakuha ang gusto nitong sabihin.  Tanging mahinang lunok lang ang nagawa ng panganay na anak ni Fakundo noong ilabas na nito nang tuluyan ang kakanin. Noong makarating kay Toto ang pagkain, hinatian niya ang kanyang Ate upang makatikim din. Labis na natuwa si Fakundo sa inasal ng kanyang panganay na lalaki. "Pasensya na kayo mga anak, sapat lang ang kinita ngayon ng Papa niyo. Wag kayong mag-alala, sa susunod, sisiguraduhin kong tig-iisa na kayo," pangako ni Fakundo sa mga anak. Ngumiti sina Cassandra at Toto habang 'yong dalawang paslit ay masayang inuubos ang kakaning ibinigay. Isang oras ang nakalipas at mas lalong binalot ng lamig ang loob ng simbahan. Kahit gaanong pagsusumiksik ang gawin nila upang hindi ginawin, nanunuot pa rin sa kanilang katawan ang malakas na hangin na dala ng bagyo. "Ito po, Pa, may nadala naman kaming kumot, magsalo na lang po kayo ni Mama," alok ni Cassandra habang iniaabot sa kanyang Ama ang kumot na punong-puno ng tagpi. Nag-aalinlangan man, kinuha na ito ni Fakundo dahil nag-aalala siya sa kanyang asawa na pinipilit na hindi ipakita na siya'y labis na giniginaw. Sina Pampam at Jekjek ay tuluyan nang nakatulog habang marahang tinatapik-tapik ni Cassandra ang mga pwet nito. Si Toto ang siyang nagsisilbing harang sa kanyang tatlong kapatid upang mabawasan ang lamig na tatama sa kanila. "To, dito ka na rin mahiga katabi ni Pampam. Wag ka riyan, baka magkasakit ka," saway ni Cassandra. Sumunod naman si Toto sa utos ng kanyang kapatid at sama-sama nilang nilabanan ang mahaba at malamig na gabi.  Pasado alas nuebe, naalimpungatan si Cassandra dahil sa sunod-sunod na kalabit. "Neng, ito oh, lugaw. Gisingin mo muna rin ang mga kapatid mo," sabi ni Pastor Rommy habang inilalatag sa sahig ang anim na baso ng lugaw. "Maraming salamat po, Pastor," tugon ni Cassandra. Pagkaalis ni Pastor Romy, mabilis na niyugyog ni Cassandra ang kanyang pamilya upang makakain na ng lugaw.  "Wow! Lugaw!" bulalas ni Pampam. Tinakpan ni Toto ang bibig ng kanyang kapatid dahil ayaw niyang makaistorbo sa iba. "Ohh, bago kainin, manalangin muna tayo para sa pagkaing ito," ani Cassandra. Sabay-sabay nilang ipinikit ang kanilang mga mata at mataimtim na nanalangin. Sa kakaunting lugaw, masaya nila itong pinagsaluhan at labis ang pasasalamat dahil matutulog sila ngayong gabi na may laman ang sikmura. Pagkaubos, nagpresinta si Toto na siya na lang ang magbabalik no'ng mga baso na kanilang pinagkainan. Pagbalik nito, may dala-dala na siyang isang kumot at dalawang unan na ibinigay sa kanya ng asawa ni Pastor Romy. "Nagpasalamat ka ba, To?" tanong ni Cassandra. Tumango ang munting binata tapos masaya niyang binuklat ang makapal at malaking kumot. Ibinigay niya rin sa kanyang Ina ang ang isang unan upang hindi na nito gamitin ang bag na pagmamay-ari ng kanilang Ama na saksakan ng tigas dahil sa mga kagamitang laman noon. "Oh, kayo rin ni Ate mo, mag-unan din kayo," ani ni Fakundo.  Umalingangaw ang malalakas na ugong ng hangin at sa paglalim ng gabi, mas lalong nag-igting ang pagbuhos ng ulan. Ang bawat-isa na nananalagi sa simbahan ng Ephata ay may iisang panalangin. Nawa sa kanilang pag-uwi sa kanilang mga tahanan kinabukasan, ay may tahanan pa silang mauuwian. CASSANDRA Paglaki ko, gusto kong maging Doktor para mapagaling ko ang sakit ni Mama. Tutulungan ko si Papa para hindi na siya pumupunta pa sa malayo para maghanap ng pera at hindi na rin siya sisigawan pa ni Ante kapag pumupunta siya sa tinadahan. Mag-aaaral ako nang mabuti katulad ni Ate Cassandra para may maisasabit akong maraming medalya sa dingding. Magiging masipag ako katulad ni Kuya Toto. Hahakutin ko ang mga kahoy na gatong kasama niya para may magamit kami sa pagluluto. Aalagaan ko si Pampam dahil siya ang aming bunso at mahal na mahal ko siya.  "Seryoso ba, Jek? Ikaw ang nagsulat nitong liham na ito?" tanong ko sa aking kapatid na nahihiyang itinatago ang kanyang mukha gamit ang dalawa niyang kamay. "Opo. Tingnan niyo, pefect ang score na ibinigay sa akin ni Teacher. Ang sabi niya, ipabasa ko raw sa inyo para matuwa raw kayo," ani 'to. Niyakap ko ang maliit na katawan ng aking kapatid habang hinahagod ang likod nito. "Maraming salamat, Jekjek. Wag kang mag-alala, kapag dumating na si Papa, ipapabasa natin ito sa kanya, huh?" sabi ko. Tumango ito at nagpaalam sa akin na maglalaro lang sila ni Pampam sa labas ng bahay. Tulog ang aming Ina at si Toto naman ay naghahanap ng kalakal na maaaring ibenta sa junkshop.  Pagkatapos humagupit ang bagyong  Ising, giba na bahay ang tumambad sa amin pag-uwi. Halos manlumo kami dahil wala kaming ibang matutuluyan no'n. Kahit na mahigpit na ipinagbabawal, wala kaming ibang nagawa kun'di ang manalagi sa ilalim ng tulay at doon gumawa ng maliit na barong-barong para lang may matuluyan.  "Ma? May luto na po rito, kumain na po kayo," alok ko noong maalimpungatan si Mama. Maingat ko itong inalalayan upang makaupo tapos inihanda ang plano nito. Mariin kong kinuskos ang aming kaldero upang masimot ang kaning sunog. Inubos ko na rin ang natirang ulam na sabaw ng talbos ng kamote at dinurog na rin ang kanin para hindi na mahirapang ngumuya si Mama. "Ma, ubusin niyo po 'yan para magkaroon kayo ng lakas. Mamaya po pagdating ni Toto, pupunta po ako sa clinic para manghingi ng libreng gamot tapos bibili na rin po ako ng gas dahil wala na pong laman 'yong gasera natin," ani ko. Hindi ito nagsalita at dahan-dahang kinuha ang platong nakalapag sa sahig na gawa sa tagpi-tagping kahoy na inanod noong bumaha. "Ate! Ate!" tawag ni Toto. Kaagad akong tumayo at masayang sinalubong ito. Bago siya tuluyang makalapit, tinanggal nito ang kanyang damit na nakapulupot sa buo niyang mukha upang ipahid sa kanyang katawan na may bahid ng grasa at uling. "Isandaan lang ang kinita ko, Ate. Okay na ba 'yan? Marami kasi kaming nangalakal ngayon, Tapos naunahan pa kami no'ng mga naghahakot ng basura kaya kakaunti lang ang nakuha namin," paliwanag nito. "Ano ka ba! Sapat na 'to para makabili ng mga gagamitin dito sa bahay. Ikaw na muna ang magbantay kay Mama tapos sina Jekjek at Pampam, mamayang alas kwatro ay pauwiin mo na dahil malamok. Sige, aalis na rin ako para makabalik na kaagad," tugon ko 'saka kinuha sa kamay nito ang isang marungis na isangdaang papel. Pumasok na sa loob si Toto at ako naman ay nagmadaling maglakad pataas sa maputik na lupa upang mag-abang ng masasakyang traysikel.  Pagkarating ko sa sementadong kalsada, ipinagpag ko ang aking tsinelas dahil nakakahiya naman kung ipapasok ko iyon sa loob ng traysikel. Baka hindi ako hintuan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD