MALALIM na ang gabi gayon din ang buntonghininga ng padre de pamilya ng Cabrera. Pagkarating na pagkarating niya sa bahay, hindi niya inaasahan na bukod sa kaniya ay may dala ring masamang balita ang panganay niyang anak na si Cassandra.
"Hindi. Walang aalis sa bahay na ito hangga't buhay ako!" mariin niyang wika sa dalagita niyang anak. "Pa," tawag ni Cassandra, may pagmamakaawa sa tono ng boses nito.
"Kapag sinabi kong hindi, hindi. Wag matigas ang ulo, Cassandra. Hindi ka titigil sa pag-aaral mo para maging katulong sa ibang bahay. Mahirap man tayo pero kinakaya pa rin naman natin, di ba? Anak, pasensya ka na... naiintindihan ko, maganda ang iyong intensyon pero hindi kita hahayaan. Napakabata mo pa para mamasukan. Hindi ko alam kung saang parte ng Maynila ka dadalhin niyang tiya mo pero ang masasabi ko lang, hindi para sa iyo ang lugar na iyon. Ang Maynila ay kuta ng masasamang tao kaya hindi. Dito ka at mag-aaral. Igagapang ko kayong apat. Kahit pa magkabali-bali ang katawan ko, ipaglalaban kong makatapos kayong lahat."
Hindi na nagkaroon pa ng pagkakataon si Cassandra na mailaban ang kaniyang saloobin dahil hindi na nagpakita ng interes si Facundo sa anumang sasabihin nito. Isa pa, inaya na niya ang kaniyang mga anak na magsipagtulog na dahil may pasok pa sila bukas.
Hindi na rin nasabi ni Facundo sa kaniyang pamilya na hanggang ngayon ay wala pa ring tunatanggap sa kaniya kaya ang bukas para sa kaniya ay napakahalaga. Kapag wala pa rin siyang naiuwing salapi ay baka ni asin ay hindi siya makabili. Idagdag pa na malapit na ring maubos ang inutang niyang bigas sa kaniyang pinsan at alam niyang hindi na siya muling pauutangin nito kapag hindi nabayaran ang anim na raang utang dito.
CASSANDRA
Hindi naging matagumpay ang pangungumbinsi ko kay Papa kagabi. Maaga akong gumising para kausapin siyang muli ngunit hindi ko na siya naabutan, nakaalis na ito ng bahay.
"Anong gagawin ko? Paano ko sasabihin kay Tiya na hindi ako matutuloy sa Linggo?" bulong ko sa kawalan.
Paniguradong magagalit siya't ipa-baranggay kaming mag-anak kapag siningil niya kami sa perang ipinambayad niya sa Hospital. Hindi ko pa naman nasabi kay Papa ang nangyari kay nanay dahil natatakot ako.
"To? Ang aga mo naman. Alas kwatro pa lang, bumalik ka na muna sa higaan, tabihan mo pa iyong dalawa," aya ko sa pangalawa kong kapatid.
Siya muna ulit ang papasok tapos bukas ay ako naman pero maglalakad ako patungo sa paaralan mamaya para kumuha ng modules. Swerte talaga ako sa mga guro ko ngayong taon dahil iniintindi nila ang sitwasyon ko.
"Hindi naman na ako inaantok kaya ayos lang. Anong kakainin natin, te? Naubos na iyong tuyo kagabi. Wala namang iniwan si Papa, pambili ng pagkain ngayong umaga," sabi nito pagkatapos tingnan iyong kalder na nakasabit sa pako sa may kisame.
"Wala na ba? Mangunuta--"
"Wag na, paniguradong kung ano na naman ang sasabihing sulsol sa iyo ni Tiya. Hindi pumayag si Papa kaya hindi ka aalis ng bahay at titigil sa pag-aaral."
Huminga ako nang malalim dahil paano ko maisasantabi ang oportunidad na inalok ni Tiya gayong ngayon ay namomroblema kami kung saan kukuha ng pagkain.
"Anong gagawin natin, To? Paano tayo kakain? Ako ayos lang ako kahit hindi kumain ng buong maghapon, kaso iyong dalawa mong kapatid? Paniguradong maghahanap iyon ng pagkain," sabi ko sa kaniya.
Hindi ko alam kung bakit parang kinukumbinsi ko pa ang kapatid ko na sumang-ayon na sa balak kong pagtatrabaho dahil iyon na lang ang pag-asa namin. Hindi sa binabalewala ko ang pagpapagal ni Papa pero hindi sapat iyong kinikita niya para sa aming lahat.
Gusto kong tumulong...
"Alas nuebe pa naman ang pasok nila Pampam at Jekjek, mangunguha muna ako ng kalakal sa daan para maipangpalit sa junk shop. Tut maaga pa, marami pa akong oras para maghanap," tugon niya.
Muli akong nagpakawala ng hangin. Imbes na bumalik sa tulog, maagang magbabanat ng buto ang kapatid ko upang masulusyunan ang aming problema. Nakaramdam ako ng hiya sa akin sarili dahil ang akala ko wala nang ibang paraan sa problema namin kung hindi ang magtrabaho ako. Ngunit pinatunayan ng aking kapatid na kahit hindi ako umalis at magsakripisyo, malulutas namin ang problema.
Basta't sama-sama kami sa barong-barong naming tahanan... kahit anong unos ay aming malalampasan.
"Mag-iingat ka, To. Dadaan ako kina Tiya para sabihin sa kaniya na hindi na ako matutuloy sa Maynila. Makikiusap na lang din ako sa kaniya na iyong perang ipinambayad niya sa Hospital ay babayaran ko nang paunti-unti. Magdodoble sikap din ako sa pangangalakal para maraming income. Makikiusap na rin ako sa aking mga guro na hindi ako makakapasok sa paaralan at iuuwi na lamang ang mga takdang aralin para buong maghapon ako makakapaghanap ng kalakal," mahaba kong lintanya.
Unti-unting sumilay ang ngiti sa mukha ni Toto. Kumpara kahapon, mas maaliwalas na ang kaniyang mukha. Ganiyan siya katuwa na hindi na ako matutuloy.
"Kaya natin 'to, Te. Magtiwala lang tayo sa Panginoon... dadalhin niya tayo landas ng tagumpay. Habaan lang natin ang ating pasensya sa paghihintay," ani 'ya.
"Uhm, tama ka," tugon ko. Pinulot na niya iyong sako sa ibabaw ng mga gatong tapos nagpaalam na siya na aalis na.
Kinawayan ko siya habang pinagmamasdang maglakad palayo. Kapag nasiguro ko nang nakaataas na siya sa tulay, doon ako aalis ng bahay para magtungo kina Tiya. Siguro naman gising na iyon.
Kumilos na rin ako at naghilamos ng aking mukha. Balak ko sanang magpalit ng damit ngunit natatakot ako na baka magising iyong dalawa kong kapatid tapos si nanay.
Gumayak na nga ako. Naglalakad ako habang pinupunasan ang mukha ko gamit ang laylayan ng aking damit.
Mabilis ang aking mga lakad. Malamig ang hangin ngayon dahil darating na ang tag-ulan. Isa pa iyang kinakatakutan ko. Kapag kasi malakas ang ulan mabilis umapaw ng ilog. Eh, dahil nakatira kami sa ilalim ng tulay, aabutin kami ng baha kapag tumaas ang lebel ng tubig.
Mababa pa naman ang tinitirahan namin kaya hindi na ako magtataka kung bahain kami.
"Kailangan na palang maayos iyong pinto tapos iyong mga butas sa bubong."
Sasabihin ko na rin kay Papa na itali ang haligi ng bahay para di anurin o kaya masira.
Malayo-layo pa man din ako sa tindahan nina tiya ay natatanaw ko na ito na nagbubukas ng kaniyang tindahan. Kinalikot ko muna ang aking mata, sinisipag kung may muta ba dahil nakakahiya namang humarap sa kaniya. Baka isipin niya nagmamadali akong sabihin sa kaniya na hindi ako tutuloy sa kasunduan namin.
Isa pa, kinakabahan ako. Alam kong magagalit siya dahil hindi kaagad makakabalik sa kaniya iyong perang ginastos niya pero anong magagawa ko? Hindi naman kaya ng puso ko na aalis nang hindi sang-ayon ang aking pamilya. Dadalhin ko ang bigat na iyon hanggang sa trabaho ko na maaaring makaapekto sa akin.
Magpapakumbaba na lang ako sa kaniya nang todo. Kung kinakailangang lumuhod, luluhod ako. Kung kinakailangang humingi ako sa kaniya ng tawad, gagawin ko rin. Mas gugustuhin ko pang magalit siya sa akin kesa magalit sa akin ang pamilya ko.
"Tiya... magandang araw po," magalang kong bati. Humarap ito kaagad. Noong magtama ang mga mata namin, mas lalong lumakas iyong kaba sa aking dibdib.
"Anong ipinunta mo rito? Bigas? Noodles? Sardinas? Itlog? Kung anuman ang uutangin mo, pasensya ka na, Cassandra... wala pa akong benta at kakabukas ko pa lang sa tindahan, wag mo namang bwena mano-han ng utang, ha?" sabi nito.
"Ahm, hindi po... hindi po ako nagpunta rito para mangutang."
Ibinaba niya ang hawak niyang walis tingting upang makapameywang nang maayos. "Himala iyan. Kung hindi ka uutang, ano ang dahilan?" walang paligoy-ligoy niyang tanong.
Inipon ko muna ang buo kong lakas ng loob bago magsalita. Noong ayos na, huminga ako nang malalim.
"B-Bale po, kaya po ako nandito ay para sabihin po sa inyo na hindi na po ako tutuloy sa Maynila, pasensya na po."
"Ano?! Aba! Cassandra ako ba'y ginagago mo?! Hindi ka pwedeng humindi! Nasabi ko na sa magiging amo mo na nakahanap na ako ng katulong!"
"Magpapadala na siya ng pamasahe mo mamaya kaya wala na itong atrasan, Cybele," dugtong pa niya.
"Pero po tiya--"
"Hindi! Sasama ka sa akin sa Linggo, ihahatid kita sa kanila sa ayaw mo o sa gusto! Hindi ko matatanggap 'yang sinabi mo!"
"Binabalaan kita Cassandra... ipapakulong ko kayong lahat kapag nabulilyaso ang plano nang magsama-sama talaga kayong lahat habambuhay!"