Chapter 2

2815 Words
MAAGANG pumasok si Aleah sa opisina para mas mabilis niyang matapos ang nabinbing trabaho. Hindi nai-turn over nang maayos ng nag-resign na secretary ni Tyler ang mga papeles ng agency, kaya para siyang nangangapa sa dilim at hindi malaman kung saan siya magsisimula. Makalipas ang halos isang linggo na hindi pagpapakita ni Mr. Sancho Sebastian, ang sixty-two years old na ama ni Tyler, sa wakas ay nag-report na ito. Nasa fourth flour ang opisina ng presidente at doon din nag-o-opisina si Aleah. Karugtong ng five-story building ang construction company office. At ang opisina naman ng Security Agency ay nasa second at first-floor ng gusali. Nag-report kaagad si Aleah sa opisina ng presidente. Detalyadong sinabi niya ang naging flow ng operasyon ng kumpanya sa loob ng isang linggo. Pero habang nagsasalita siya sa harapan ng ginoo ay parang wala itong kausap. Nakatitig lang ito sa kuwintas na hawak nito. “Sir?” tawag niya sa atensiyon nito. Tumitig ito sa kanya. Malaki ang ipinayat nito. Nahumpak ang dating matabang pisngi nito. Nanlalalim ang mga mata nito at namumutla. “Ang gusto kong marinig ay ang magandang balita tungkol sa anak ko,” sabi nito. Parang may pumiga sa puso ni Aleah. Nagsisimula na naman siyang usigin ng kanyang konsiyensiya. Naaawa siya sa ginoo. Alam niya na mahal na mahal nito ang anak. Kahit noong bago pa lang siya sa kumpanya nito ay bukam-bibig na nito ang abogadong anak. Marami na raw naipanalong kaso si Drake. Tumutulong daw sa mga mahihirap si Drake na walang kakayahang magbayad ng abogado. Napakabait daw ng anak nito. Kahit sinong ama, hindi ganoon kadaling tanggapin ang pagkawala ng mabuting anak. “Sorry po, hindi ko po alam kung ano na ang nangyayari sa kaso,” sabi na lang niya. “Kilala mo ba ang anak ko? Isa siyang responsableng lalaki. Wala siyang inaapakang tao. Napakabuti niyang mamamayan. Kaya hindi ako pabor na sabihing may kaaway ang anak ko kaya nagawa ang kapangahasan sa kanya. Pinalaki ko siya nang maayos. Wala akong laban sa krimeng ni isa ay walang witness. Hindi ko alam kung sino ang makakapitan ko. Napakalinis ng ginawang krimen. Walang naiwang ebidensiya mula sa suspect. Wala rin naman akong kaaway para gawin ito ng mga walanghiyang iyon sa pamilya ko. Kung meron man, bakit ang anak ko pa? Inosente siya,” mahabang sintemiyento ng ginoo. Nanginginig ang mga kamay ni Aleah habang nagsusulat sa kaperasong papel. Isinusulat niya roon ang schedule ng ginoo sa mga susunod na meeting na kailangan nitong daluhan. She doesn’t know how to handle her emotions. Her conscience suddenly triggered her. Paglabas niya ng opisina ng presidente ay dumeretso siya sa banyo. Doon niya inilabas ang bigat sa kanyang. Gusto niyang tulungan ang matandang Sebastian pero hindi niya alam kung paano. Hindi rin niya direktang maituturo ang suspect dahil hindi niya nakikita ang mga ito. Isa lang sa mga suspect ang namukhaan niya. At ang isa, tanging tattoo sa kanang braso na naglalarawan sa dragon at ahas. Pero hindi niya alam kung ilang tao sa mundo ang may ganoong tattoo. Pero kung gugustuhin niya, maari niyang ilarawan ang hitsura ng isa sa suspect. Ang problema, nadadaig siya ng takot. Nakaharap siya sa malaking salamin habang pinapalaya ang kanyang mga luha. Mamaya ay tumigil siya sa pag-iyak nang maramdaman niya na may dumaan sa kanyang likuran. Pagtingin niya sa kanyang paligid ay wala namang ibang tao. Bigla siyang kinilabutan. Dinampot niya ang kanyang portfolio saka nagmamadaling lumabas. Pagkatapos ng lunch break ay pumunta si Aleah sa opisina ng security agency para ayusin ang files sa computer. Wala sa opisina nito si Tyler. Hindi niya mahanap ang ibang files kaya hinagilap niya ang administrator na si Jarren. Natagpuan niya ito sa lobby at may kausap na matangkad na lalaki. Naghintay siya ng tamang pagkakataon para makausap ito. Habang nakatingin siya sa dalawang lalaki na parehong nakaupo sa sofa, napatingin siya sa kanang braso ng lalaking kausap ni Jarren. Para siyang natuka ng ahas nang makita ang nakaguhit na dragon at ahas sa braso nito. Parehong-pareho ang tattoo nito sa tattoo ng isa sa mga suspect sa kaso ni Drake. Matipuno ang pangangatawan ng lalaki, maputi at guwapo. Army cut ang buhok nito. Parang ganoon din katangkad ang lalaking nakita niya. Ang mali lang niya noon, hindi niya nakunan ng video ang nangyaring krimen dahil sa takot na baka mahuli siya. “Hi, Miss Aleah!” bati sa kanya ni Jarren pagkatapos makipag-usap sa bisita nito. Nakatingin lang sa kanya ang lalaking may tattoo. “Pasensiya na sa istorbo. Itatanong ko lang kung may nai-save kang files ng agency. Hindi ko kasi makita sa computer,” sabi niya. “Ah, oo, meron. Mamaya ibibigay ko sa ‘yo ang flash drive ko. May pupuntahan lang kami sandali ni Detective Troy,” anito. Detective? Hindi na siya sigurado sa hinala niya na maaring isa ang lalaking ito sa mga suspect sa kaso ni Drake. “Sige. Hihintayin na lang kita sa office,” sabi niya. Dumaan sa harapan niya si Troy. Nginitian at kinindatan pa siya nito. Naiinip si Aleah sa office ng agency. Wala kasi siyang makausap. Tiningnan niya ang pintuan ng surveillance room. Tumayo siya at lumapit sa pinto. Kumatok siya pero walang nagbukas. Hindi naka-lock ang pinto kaya pumasok siya. Tumambad sa kanya ang sandamakmak na monitor na nakapaligid sa kanya. Nakabukas lahat. Nakikita pala lahat ng sulok ng gusali maging sa labas. Pati sa rooftop parking lot. Nang maalala ang krimeng nasaksihan ay umupo siya sa main monitor kung saan nakikita lahat ng area ng building. Binuksan niya ang files ng surveillance na naka-hide lang. Hinanap niya ang mga naunang records, noong petsa kung kailan niya nasaksihan ang krimen sa garahe. Nakita niya lahat ng video sa lahat ng area. Pero ang video sa rooftop ay hanggang 9 pm lang. Wala nang video na nakuha may limang oras na nakalipas. Ang kasunod ay madaling araw na. Imposibleng pinatay ang footage sa garahe pagpatak ng alas diyes. Twenty four hours bukas ang CCTV. Malinaw para sa kanya na may sumabutahe sa CCTV. At walang ibang makagagawa niyon kundi isa sa mga surveillance staff or admin officer. Sila lang ang maaring pumasok sa area na iyon. Tamang-tama paglabas ni Aleah ng surveillance room ay dumating si Jarren. Kasama na nito si Red, ang isa sa surveillance staff. “Oh, bakit nanggaling ka sa loob, Miss Aleah? Bawal ang unauthorized person d’yan,” ‘takang tanong sa kanya ni Red. Bakas sa mukha nito ang iritasyon. “Ah, akala ko kasi may tao. Wala kasi akong makausap. Hindi naka-lock ang pinto kaya pumasok ako,” sagot niya. Hindi naman siya maaring magsinungaling dahil may camera sa loob ng kuwarto. “Nagbukas ka ba ng files?” untag ni Red. Naging uneasy na ito. “Ah, ni-replay ko lang ang ibang video. Baka kasi may awkward moment akong nakuha,” nakangising sabi niya. Tumawa si Jarren. “Actually, ikaw lang ang inaabangan ni Red sa CCTV, Aleah,” pambubuko nito. Siniko ni Red si Jarren. “Huwag ka ngang gumawa ng kuwento riyan,” napipikong sabi nito sa kasama. “Totoo naman, eh,” giit pa ni Jarren. “Crush mo si Aleah.” “Gago!” Pahalipaw nitong sinuntok si Jarren. Natawa siya sa dalawa. “Bumalik na nga kayo sa trabaho. Akin na ang flash drive mo, Jarren,” apela niya. Pumasok na si Red sa surveillance room. Si Jarren naman ay kinuha ang flash drive at ibinigay sa kanya. “Bakit biglang nag-resign si Annalyn, Jarren?” tanong niya sa kasama habang nakaharap siya sa computer. Nasa kabilang table nakaupo si Jarren, sa kaliwa niya. “Hindi ko masyadong maintindihan. Nagulat na lang ako noong umaga. Nagpaalam si Annalyn kay Sir Tyler na aalis na, without filing a resignation letter. May emergency raw sa pamilya. Ewan ko lang, ha. Pero feeling ko may iba pang dahilan,” kuwento ni Jarren. Tiningnan niya si Jarren. “Hindi ba dito siya nag-o-opisina?” tanong niya. “Oo. Pero napansin ko, magmula noong pinagalitan siya ni Sir Tyler, hindi na siya naglalagi rito sa office. At iyon nga, bigla siyang nagdesisyon na umalis.” “Ano ba ang kasalanan niya?” “Ewan, hindi ko alam.” Kumibit-balikat ito. Wala siyang makuhang eksaktong impormasyon kay Jarren kaya hindi na niya ito kinausap. Pagkakuha ng mga importanteng files ay bumalik na siya sa opisina niya. Nagulat si Aleah nang maabutan niya si Tyler sa opisina niya. Katulad ng dati, nakaupo ito sa harap ng lamesa niya. “Busy ka ba?” untag nito. “Palagi naman,” walang siglang sagot niya. Pag-upo niya sa swivel chair sa tapat ng lamesa niya ay maagap na hinawakan ni Tyler ang kanang kamay niya. Nagtataka siya sa higpit ng pagkakahawak nito. “Dadagdagan ko ang sweldo mo, Aleah, basta mag-full-time secretary ka sa akin,” deretsong sabi nito. “Ano?” kunot-noong sabi niya. “Yes. Hindi magtatagal ay ako na ang hahalinhin kay Daddy. Inamin niya sa akin na hindi na niya kayang i-monitor lahat ng kumpanya. Nagkakasakit na siya. Plano kasi niya na sa akin ipagkatiwala ang agency. Hindi na kami maghahati ni Kuya Drake. About sa real estate developer, construction, gusto ni Daddy na si Victoria ang mamahala, kayong dalawa. Ayaw niyang ibigay sa akin ang real estate at construction dahil para raw iyon kay Kuya Drake. Pero ang gusto ni Kuya ay ang agency. Kapag sinabi mo kay Daddy na sa agency ka na lang, si Tanya ang ipapalit sa ‘yo,” sabi nito. Halatang hindi ito natutuwa sa desisyon ng ama nito. “Bakit naman gan’on?” naguguluhang tanong niya. Bumuntong-hininga ang binata. “Nahihibang na si Daddy sa kakahintay kay Kuya Drake. Kung buhay pa si Kuya, dapat nakabalik na siya rito, ‘di ba? Pero sisikapin ko pa ring makuha ang construction. Iyon ang nakakainis, engineer ako pero walang tiwala sa akin si Daddy. Kahit si Mommy, ayaw niya pagkatiwalaan na mag-manage ng real estate at construction. Para ano pa’t pinauwi niya kami rito sa Maynila?” Bumuga ng hangin si Aleah. Magulo talaga mag-isip ang matandang Sebastian. Pero nag-aalala siya ngayon kay Tyler. Nagmumukha na itong ganid. Dati naman ay hindi ito naghahabol sa kayamanan ng ama nito. Noong nasa Pangasinan pa sila ay simple lang ang pangarap nito, ang maging mahusay na engineer. Pero magmula noong kinuha na ito ng tatay nito, unti-unti nang nagbabago ang kaibigan niya. Magmula elementary ay magkaklase na sila, hanggang high school, kaya kilalang-kilala na niya ito. “Puwede ko namang pagsabayin ang trabaho ko sa real estate at sa agency, eh,” sabi niya pagkuwan. “Pero gusto nang ibukod ni Daddy ang agency. Masyado na raw magulo ang management at nadadamay ang iba niyang negosyo. Nakaiinsulto ‘di ba? Nawala lang si Kuya Drake, magulo na ang agency. Ako ang humahawak nito ngayon, so ako ang nagpagulo? E ayaw naman niya na hawakan ko ang construction. Samantalang iyon ang forte ko. Ano pa’t pinag-aral niya ako ng engineering? Nag-e-enjoy lang ako sa agency dahil challenging,” nagrereklamong pahayag ni Tyler. “May sama ka ba ng loob sa daddy mo, Tyler?” usig niya. “Hindi naman dapat sasama ang loob ko, Aleah, eh, kung naging patas lang sana ang pagmamahal niya sa aming dalawa ni Kuya. Anak niya kami pareho. Kahit anak niya ako sa labas, may karapatan ako. He must be fair.” “Baka may mga dahilan lang ang daddy mo.” “Anong dahilan? Dahil anak lang niya ako sa labas?” Tumayo si Tyler at lumapit sa bintana. Naaawa naman siya ngayon kay Tyler. Mahirap maging anak na nanlilimos ng atensiyon at pagmamahal sa sariling ama. Pero hindi niya puwedeng sundin ang gusto nito. Mas masaya siya bilang secretary ng presidente. Four years na siya sa trabaho kaya napamahal na siya rito. Wala naman siyang naging problema sa boss niya. Sobrang bait ng matandang Sebastian. Noon pa man ay iniiwasan na niyang magtrabaho sa agency dahil palaging nababalita na may nag-aaway. Sobrang pressure rin daw ang trabaho. Baka masangkot pa siya sa away ng mga staff. May sarili talagang secretary ang agency dahil ito ang business na mas mabusisi at maselan ang operations. NANG gabi lang na iyon muli hindi nakasabay ni Aleah sa hapunan si Tyler. May importante raw itong lakad. Inabot na naman siya ng gabi sa opisina. Dahil sa nakakikilabot na karanasan niya noong isang gabi sa garahe sa rooftop, sa harap na ng building niya ipinarada ang kanyang kotse. Wala na siyang oras para magluto kaya nagpa-take out na lang siya ng pagkain. Binuksan niya ang stereo ng kotse habang nagmamaneho. May isang minuto na siyang nagmamaneho nang maramdaman niya na parang may nakasakay sa backseat. Hindi siya tumingin sa rearview mirror. Para mapawi ang kaba niya, sinabayan niya ng kanta ang music na medyo luma na. She loves old songs. “Baby I don’t know what is love… Baby, I don’t know what is love. To love somebody…” awit niya. Hindi siya tumigil sa pagkanta hanggang sa makarating siya sa condo. Pagbaba niya ng kotse ay wala naman siyang nakitang tao sa backseat. Pinaglalaruan na naman siya ng imahinasyon niya. Pagdating sa unit niya, binuksan niya ang DVD player. Tinitigan niya ang tuyot nang nag-iisang stalk ng rosas na nakatulos sa flower vase na nakapatong sa center table. Nilapitan niya ito at huhugutin sana ang tuyong bulaklak pero kaagad niya itong nabitawan nang matinik ang daliri niya. Mabilis na dumaloy ang dugo mula sa sugat. “Aw!” aniya. Pumasok siya sa kusina at hinugasan sa lababo ang nasugatan niyang daliri. Pinisil pa niya ang nasugatang daliri para lumabas ang dugo. Maya-maya ay parang grounded ang ilaw at bigla na lang namatay-sindi. Palagi na lang ganoon. Pamilyar sa kanya ang ganoong eksena. Ginupo ng kilabot ang pagkatao niya. Pinatay niya ang gripo. May narinig siyang yabag malapit sa kanya. Nahihilo na siya dahil sa patay sinding ilaw. Pagharap niya sa likuran ay napaatras siya nang mamataan ang bulto ng lalaki na humahakbang palapit sa kanya. Nangapa siya ng kahit anong bagay pero babasaging baso lang ang nadampot niya. Pagkakuha sa baso ay akmang ihahampas niya ito sa ulo ng lalaki ngunit mabilis nitong nahawakan ang kamay niya. Biglang lumiwanag. Para siyang nakakita ng multo, o talagang multo ang kanyang kaharap. Kusang dumulas sa kamay niya ang hawak na baso. Pero bago iyon humilagpos sa sahig ay nasalo na iyon ng lalaki. Pakiramdam niya’y binuhusan siya ng nagyeyelong tubig. Parang nag-lock ang mga panga niya at huminto sa pagtibok ang puso niya nang makita sa kanyang harapan si Drake Harvey Sebastian. Nakasuot ito ng itim na jacket at itim na pantalon. Pero bakit ito naroon? Minumulto ba siya nito? Umiling-iling siya. “Hindi ka totoo. Panaginip lang ‘to. Nananaginip lang ako, Diyos ko!” nanginginig ang tinig na palatak niya. “It’s not a part of your dream, lady. I’m real,” he said in a baritone voice. Kamuntik nang himatayin si Aleah. Pero nahimasmasan siya nang lumingkis sa baywang niya ang isang kamay ni Drake. Napayakap siya rito. Bumalik sa tamang huwisyo ang isip niya nang malapitang matitigan niya ang mukha ng lalaki. Kumurap-kurap siya at kulang na lang ay sampalin niya ang sarili para maniwalang hindi siya nananaginip. Halos lumuwa ang mga mata niya habang titig na titig sa guwapong mukha ng lalaki. “Huwag kang matakot, wala akong gagawing masama sa ‘yo,” wika nito. Nang maramdaman niya ang unti-unting pagbitiw nito sa kanya ay kusa na siyang lumayo rito. Kumapit siya sa gilid ng lababo. “P-patay ka na. May sumaksak sa ‘yo!” nangangatal pa rin ang tinig na sabi niya. “Yes, I’m dead and I know you know who killed me.” Napanganga si Aleah. Hinigpitan pa niya ang kapit sa lababo dahil parang matutuluyan siyang himatayin. Totoo ba ang narinig niya? Patay na nga itong lalaki? Pero bakit nakakausap niya ito at nahahawakan? She didn’t really believe in ghosts but Dake seemed to want to prove to her that ghosts was exist. Sa pagkakataong iyon ay sinampal-sampal na niya ang sariling pisngi. “Wake up, Aleah, wake up!” utos niya sa sarili. “Kahit saktan mo ang sarili mo, hindi ka magigising dahil gising ka na,” sabi pa ni Drake. Ngumisi ito. Tumigil siya sa pagsampal sa sarili. Tinitigan niya muli ang lalaki. Hindi naman ito mukhang bangkay. “I-Imposible. Sabi mo patay ka na pero bakit ka narito? Bakit nakakausap kita?” nalilitong tanong niya. “Mahirap ipaliwanag. Ang alam ko patay na ako pero bigla akong nagising sa isang kuweba. Wala akong sugat. Pero may nagbago sa katawan ko…” Isinalaysay nito ang nangyari.    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD