Huling taon ko na sa High School at bukas na ang Prom Night. At tamang pagkakataon ito, para maisakatuparan ko na ang plan A ko.
Kung noong nakaraang taon ay wala akong ganang um-attend ng Prom, ngayong taon na ito ay pinagplanuhan ko talaga itong mabuti.
Doble ang tuwa ng Nanay ko nang malaman nitong a-attend ako ng Prom Night. Mabilis pa sa alas-kuwatrong nagpatahi ito ng damit na isusuot ko. In fairness, nagustuhan ko naman ang style ng pinagawa ni Nanay. Vintage style ito, at simple lang ang pagkakayari. Dark color din ito, kaya pasadong-pasado sa akin.
At least hindi pa-girl ang dating….
Ang mga Kuya ko naman ay nag-ambagan para sa pa-hair and makeup, at pambili ng sapatos na gagamitin ko. Nagkaroon pa nga ng pagtatalo sa pagbili ng sapatos ko. Ang gusto nila ay stilleto na four-inch na heels ang isuot ko. Pero sinusukat ko pa lang sa department store iyung sapatos ay hindi ko na ito maihakbang man lang.
"Sorry, mga Kuya... hindi ko talaga kaya itong pinapasuot nio. Pwede bang huwag na muna nating pilitin?" nakangiwi kong tanong.
"O siya, siya. Huwag nating madaliin. Hintayin na lang natin iyung araw na makakaya na niyang magsuot ng ganyan," sabi ni Kuya Erold.
Para namang iisa ang pag-iisip, kanya-kanyang pulasan ang iba ko pang Kuya at saka naghanap ng iba pang style ng sapatos.
Pag-ikot ko sa kabilang aisle ay may nakatawag ng pansin ko. Agad ko itong dinampot at saka isinukat sa paa ko. Nahahawig ito sa glass slipper ni Cinderella. Ang kaibahan nga lang, open- toe sandals ito.
At isa pa, malapad ang heels nito kaya hindi ako kakabahang matatapilok ako pag inilakad ko ito. Nagpaikot-ikot ako sa harap ng maliit na salamin habang suot ko ang sandals nang mapatalon ako sa gulat.
"Ayan na lang!!!"
Hawak ang dibdib ko na pinandilatan isa-isa ang mga Kuya kong nakapalibot sa akin na may mga malalapad na ngiti.
"Bagay na bagay sa paa mo, bunso!" sabi ni Kuya Ethan.
Napangiti ako. Sa wakas, makakauwi na din kami.
INILABAS ko mula sa kabinet ko ang tatlong malalaking garapon na may lamang mga barya. Hindi ko mapigilang mapangiti habang pinagmamasdan ko sila.
Sa wakas....
Isa-isa kong binuksan ang takip at saka ibinuhos ang mga laman sa ibabaw ng kama ko at saka nagsimulang bilangin ang mga barya.
Halos nangangawit na din ako pero nangangalahati pa lang ako sa pagbibilang. Pero kapag naiisip ko kung para saan ang mga baryang ito ay nawawalang bigla ang pangangalay ko.
Two thousand pesos!
Nagmamadaling inayos ko ang mga barya. Inilagay ko ito sa mga plastic na lagayan ng yelo. Nang natapos ko na ay agad ko itong inilagay sa bag ko at saka lumabas ng bahay. Dumerecho ako sa bahay ni Ate Marina.
"Ate Marina..." tawag ko sa labas ng pintuan nila.
Ngumiti naman agad si Ate Marina nang makitang nakatayo ako sa labas.
"Oh, naka-magkano ka?" tanong nito, habang binubuksan ang mababa nilang gate.
"Dalawang libo, Ate... talaga bang okay lang sa yo?" tanong ko dito.
"Oo naman. Kesa naman iyan ang ibayad mo dun. Baka pagtawanan ka pa nila,” nakangiti pa ding sabi nito.
"Tara. Pasok ka muna sa loob. Kukuha lang ako ng pera sa itaas."
Sumunod ako dito papasok, at saka naupo sa sofa nila. Hindi naman nagtagal si Ate Marina at saka nag-abot sa akin ng dalawang lilibuhing papel.
"Sige na. Umalis ka na, at baka gabihin ka pa," pagtataboy sa akin nito.
"Hindi mo na ba bibilangin Ate?" tanong ko dito.
"Okay na. Andyan ka lang naman. Sabihan na lang kita pag mali ang bilang. Alam ko namang excited ka na," malapad ang ngiting sabi nito.
"Sige Ate, ha. Balitaan mo na lang ako, ha," at saka nagmamadaling lumabas na ako ng pinto.
Sumakay ako ng traysikel at nagpahatid sa destinasyon ko. Hindi naman nagtagal at narating ko na ang destinasyon ko. Pumasok ako sa loob. Nakita ko ang sarili kong repleksiyon sa harap ng salamin.
Inalis ko sa pagkakatali ang buhok ko. Napahawak ako sa medyo mahaba-haba ko nang buhok na walang ka-style-style. Halos tumuntong na iyon sa balikat ko.
Goodbye old Hannah. Mamaya lang, makikita mo na ang bagong Hannah. Si Hannah Erin Alcantara version 2.0!
“Ate, magpapa-rebond po.”
EXCITED akong bumaba mula sa kotseng hiniram ni Kuya Enzo sa officemate niya. Sa isang restaurant ang venue ng Prom Night kaya nakiusap si Kuya sa officemate niya na ihahatid lang ako sandali.
“Mag-enjoy ka lang, Bochok ha?” pahabol pa sa akin ni Kuya nang pababa na ako. Tipid ko lang itong nginitian. Hindi na kasi ako makapagsalita sa kaba.
Nanlalamig ang mga kamay ko habang papasok ako sa venue. Naikuyom ko ang kanang kamay ko katulad ng nakagawian ko para sana pakalmahin ang pakiramdam ko pero agad ko din itong ibinuka nang maalala kong bagong manicure nga pala ang mga kuko ko.
Sa halip ay napabuga na lang ako ng hangin. Isang tao lang naman ang gusto kong makita kung ano ang magiging reaksiyon sa itsura ko ngayon. Sa bagong Hannah Erin.
Sinuyod ko ang mga taong naroroon habang nakatayo ako sa may entrance. Agad ko naman itong namataan, kausap ang barkada niya - si Chad, Klarence at Judd.
Huminga muna ako ng malalim at saka inumpisahang ihakbang ang aking mga paa. Naglakad ako kung paano ang pagkaka-practice namin ni Ate Marina. Iyung lakad-babae, iyung may class, may finesse. Tinungo ko ang lugar na kinatatayuan nila Adam.
Habang naglalakad palapit sa puwesto nila Adam, ay binubuo ko na sa isip ko kung paano ko babatiin si Adam sa pinaka-kaswal na paraan.
Ano bang sasabihin ko? Hi, Adam.. bagay ba sa ‘kin? O.... Hi, Adam...this is the new me. Hay naku... bahala na nga!
Ilang dipa na lang ang layo ko kay Adam nang bigla itong lumingon sa gawi ko.
"Bes?" kunot-noo nitong sabi, na tila hindi makapaniwala sa nakikita niya ngayon.
Pagkakita ko sa paunang reaksiyon niya ay malapad akong napangiti. Bakit nga hindi? Kitang-kita ko ang pagkamangha niya base sa pagkakatingin niya sa akin.
"You look great!" sabi pa nito nang makalapit na ako. Pati iyung tatlong kaibigan niya na si Chad, Klarence at Judd, ay nakangiting nakatingin sa akin.
Pakiramdam ko ay pinamulahan ako ng mukha. Yun lang ang sinabi ni Adam, pero pakiramdam ko ay nasa Cloud 9 na ako.
Pakiramdam ko ay ako si Belle ng Beauty and the Beast o si Aurora ng Sleeping Beauty. At nasa harapan ko ngayon ang aking Prince Charming.
Ngayon ko lang naramdaman iyung feeling na parang ang ganda-ganda ko!
Pero biglang nagbago ang pakiramdam ko nang bigla itong kumambiyo. Lumampas sa akin ang tingin niya sabay sabi na—
"Andun sila Mitch sa banda dun, bes. Puntahan mo na. Sasalubungin ko lang si Gracie."
Ang kaninang masaya kong mundo ay biglang gumuho. Sinundan ko ng tingin si Adam habang nagmamadaling pumunta sa may entrance, kung saan nakatayo ang mala-prinsesang si Gracie.
Hindi ko alam kung paano ako nakalabas ng lugar na iyun na walang nakapansin sa akin mula kina Mitch.
Pumara na lang ako ng taxi at saka lakas-loob na nagpahatid sa bahay namin. Takang-taka naman ang buong pamilya ko nang dumating ako sa bahay namin.
"Oh, Hannah? May nakalimutan ka ba?" salubong sa akin ni Nanay.
Imbes na magsasalita ako para sumagot sa tanong ni Nanay, hindi ko napigilang hagulgol ang lumabas mula sa bibig ko.
Agad na nagtayuan ang mga Kuya ko at saka parang iisang taong lalapit sana sa amin ni Nanay. Pero itinaas ni Tatay ang mga kamay niya para patigilin sila. Agad naman silang huminto.
Niyakap naman ako ni Nanay at saka hinagod-hagod ang likod ko. Nagpatangay na lang din ako nang igiya ako nito papasok sa kuwarto ko.
~CJ1016