HANNAH ERIN R. ALCANTARA

1366 Words
        Kakatapos ko lang maligo.  Humarap ako sa tokador. For the first time napagtuunan ko ng pansin yung nakahilerang mga Hello Kitty na suklay sa ibabaw. Halos lahat ng effort ay ginawa na ni Nanay para magpaka-babae lang ako.         Binili ni Nanay ito matagal na pero ni hawakan ay hindi ko nagawa. Sa iksi kasi ng buhok ko, yung daliri ko lang ang ginagamit kong pangsuklay dito. Bukod sa tipid na, wala pa akong dala-dala. Pero this time, nangangati ang mga kamay kong damputin ang isa dito at gamitin.         Dahan-dahan kong dinampot ang isa. Sinuklay ko ang buhok ko. Gaano kaya katagal hahaba itong buhok ko?         Sinusuklay ko ang buhok ko habang nakatingin sa salamin. Tatlong araw na mula nang ma-meet ko si Adam pero hindi na ito maalis sa isip ko. Paano ba niya ako mapapansin?         Patuloy lang ako sa pagsusuklay habang nakatitig sa salamin nang mapagmasdan ko ang suot ko.         Ibinaba ko ang suklay at saka pumunta sa kabinet ko. Binuksan ko iyun pero hindi ko nakita iyong puntirya ko.         Lumabas ako ng kuwarto at saka tinungo ang kusina.         "Nay?"         Wala akong narinig na sagot.         "Nay?"         Nakita ko itong naghihiwa ng rekado sa lulutuin niya para sa hapunan namin.         "Andyan ka lang pala, Nay hindi ka sumasagot. Kanina pa kita tinatawag."         "Eh di naranasan mong kumausap na wala kang napapalang sagot," sagot nito, pero hindi man lang tumingin sa akin at patuloy lang sa paghihiwa.         "Sus....si Nanay naman...di ka pa nasanay sa akin...." nilapitan ko ito at saka inakbayan.         "Hihingi ka na naman ng pera noh? Kaya ganyan mo ko bolahin..." sabi nito na hindi pa din nag-aangat ng tingin sa akin.         "Grabe ka naman, Nay! Ganun ba ang tingin mo sa kin?" kunwari ay nagtatampo kong sagot.         "O siya. Kung hindi mo kailangan ng pera, anong kailangan mo?" tanong ni Nanay.         "Itatanong ko lang Nay...." lumunok muna ako bago itinuloy ang sasabihin ko.         "Yung mga dress na bitbit mo kanina... kung saan mo nilagay. Wala sa kabinet ko eh."         Biglang huminto sa paghihiwa si Nanay at saka nag-angat ng tingin sa akin. Nagsalubong ang mga kilay nito, na para bang may tumubong sungay sa gitna ng noo ko.         "At bakit mo tinatanong, Hannah Erin?" taas kilay nitong tanong.         "W-Wala lang! Gusto ko lang i-try kung bagay sa akin..."         Yung mataas na kilay ni Nanay ay lalo pang tumaas.         Inalis ko ang pagkaka-akbay ko kay Nanay at kunwaring nagtampo. "Yan ang hirap sa iyo, Nay. Nung isang araw, nagagalit ka na ayaw kong isuot. Ngayon namang isusuot ko na, ganyan ang reaksiyon mo." nakanguso kong sabi.         "E bakit hindi magiging ganito ang reaksiyon ko? E pinabenta ko na kay Marina iyung mga damit mo sa online shop niya. Kesa nakatengga diyan sa aparador mo e di pagkaperahan ko!" nanlalaki ang mga matang sabi nito sa akin.         "Nay??" Nanlaki din ang mga mata ko sa narinig ko.         Agad akong tumalikod at saka nagpunta sa kapitbahay namin na si Ate Marina. Nagbebenta ito on-line ng kung anu-ano. Nago-opisina ang asawa nitong si Kuya Viel pero gusto nilang may dagdag na kita sila siguro dahil sa dalawa na ang anak nila.         "Ate Marina..." tawag ko dito habang kumakatok sa pintuan nito.         Bumukas naman agad ang pinto. Ang nakangiting si Ate Marina ang nagbukas ng pinto.         "Hannah! Ang gaganda ng mga dress mo! Pinagkaguluhan agad pagka-post ko!" tuwang tuwang sabi nito.         Patay!         "Eh, Ate....iyun nga kasi...kaya ako nagpunta dito. Eh kasi.... hindi ko naman pinapabenta iyung mga iyon kay Nanay..."         "Ha? Ang sabi ng Nanay mo ayaw mo namang isuot. May mga tag price pa nga yung iba," nagtataka nitong sabi.         "Eh...isusuot ko na," sagot ko.         "Promise." itinaas ko pa ang kanang kamay ko nang nakita ko ang tila pagdududa sa mukha ni Ate Marina.         Nagdududa pa ring nakatingin ito sa akin. Pero ilang segundo lang ay bigla itong ngumiti.         "Siguro, in love ka na noh?" nanunuksong sabi nito.         "Ha?? Ate Marina...a-ano bang sinasabi mo?"         Pakiramdam ko ay kakainin ako ng lupang kinatatayuan ko nang mga oras na iyon. Bakit ba iyun agad ang naisip ni Ate Marina?         "Naku, sige na. Kunin mo na dun sa sofa. Pero yung mga nakabukod naipangako ko na sa mga buyer ko. Iyun na lang hindi ko pa na-oohan ang ibabalik ko sa iyo..."         "Talaga, Ate?" natutuwa kong tanong.         "Oo. Ano itsura? Guwapo ba?" kinikilig na tanong nito.         Pakiramdam ko ay nag-init ang mukha ko. Sapul na sapul ako.         "A-Ano bang sinasabi mo diyan Ate Marina..." kandautal kong sabi.         "Oh, siya. Titigil na ko. Basta pag kailangan mo ng kausap, andito lang ako ha..." nakangiting sabi nito.         Tumango lang ako at saka kinuha na Iyung mga damit na itinuro niya. Pagdating sa bahay ay dinerecho ko na agad sa kuwarto ko para hindi na makita pa ni Nanay. Nagmamadali akong nag-lock ng pintuan at saka isinukat ang isang bestida.         Ganito pala itsura ko pag naka-dress....         Hindi ko napigilan ang mapangiti sa itsura ko sa harap ng salamin. In fairness...okay lang ang kulay...plain pati... hindi masyadong girly ang dating...         Nang bigla akong napasimangot. Nahagip ko kasi ng tingin sa salamin ang maigsi kong buhok na gupit lalaki.    Mukha yata akong bading?!         Nasuklay ko bigla ang buhok ko gamit ang mga daliri ko. Tsk! Ano kayang pwede kong ilagay para mabilis hahaba itong buhok ko?         Ngayon ako nagsisisi kung bakit ko pinagupit ng ganito kaigsi ang buhok ko!         Hinubad ko na yung damit at nagpalit uli nung t-shirt at pantalon na hinubad ko. Pahagis akong naupo sa kama at saka sumandal sa pader. Kahit anong lalim ng pag-iisip na gawin ko wala akong maalala na may pwedeng gawin para mabilis hahaba ang buhok ko. Hanggang sa makatulugan ko na lang.           NASA tambayan kami ngayon nila Amy, Mitch at Becca. Sa ice cream parlor sa tapat ng school. Wala pa din ako sa mood dahil sa problema ko sa buhok ko.         "Hannah, tititigan mo na lang ba yang ice cream?" tanong ni Mitch.         Hindi ko siya pinansin. Ni tingin ay hindi ko siya tiningnan. Tinatamad na tinusok-tusok ko lang yung ice cream sa lalagyan.         "Hannah, bakit naman pasan mo ang mundo?" tanong naman ni Becca.         "Huwag nio na lang akong pansinin..."         Kahit naman sabihin ko sa kanila, paniguradong pagtatawanan lang nila ako. Sumandal ako sa pader sa tabi ko. Wala na akong ganang ubusin ang ice cream sa harapan ko. Nang biglang may tumawag kay Mitch, na nakaupo sa tabi ko, na nagpagising sa diwa ko.         "Mitch!"         "Uy, Adam! Si Chad?" sagot dito ni Mitch.         Dahan-dahan akong tumingin kay Adam. Kausap nito si Mitch pero napatingin ito sa akin at saka ngumiti. Mygad! Nginitian niya ako!!!!         Pakiramdam ko ay nag-init ang mga pisngi ko. Bahagya akong lumingon sa likod dahil baka hindi naman ako ang nginingitian niya. Pero bakante naman ang upuan sa likod namin.         Bahagya akong ngumiti at saka iniiwas ang tingin sa kanya. Hindi ko kayang tingnan siya ng matagal. Pakiramdam ko ay mauuna pa akong matunaw kaysa sa ice cream na nasa harapan ko.         Mabuti na lang at busy yung dalawa na si Amy at Becca kaya hindi ako napapansin. Si Amy ay nakatingin sa kanyang cellphone habang si Becca ay may kinukuha sa kanyang bag. Nang muli ko siyang tingnan ay nanigas ako. May katabi na siyang babae at humawak pa sa braso niya.         Maputi ito. Mestisa. Base sa balat nito ay mahahalata mong may lahi itong foreigner. Kumpara mo naman sa kulay mo, Hannah!         Hindi naman ako kaitiman pero hindi din naman makinis marahil dahil sa laging pagbibilad ko sa araw dati nung bata ako. Bigla tuloy akong nanliit.         At base din sa bihis ng babae, halata mong mayaman ito. Mapustura. Parang rarampa lang sa fashion show ang damitan!         Biglang dumating si Chad at naki-grupo kay Adam at sa kasama nito. May inabot si Mitch kay Chad at pagkatapos ay nagpaalaman na silang tatlo. Agad akong yumuko. Inisip kong baka tumingin sa gawi ko si Adam.         Pero hindi ko natiis kasi mayamaya ay unti-unti akong nag-angat ng tingin. Nakita ko si Adam na naglalakad nang palayo. Parang may mabigat sa dibdib ko na mawawala na siya sa paningin ko.         Pero ang mas nakapagpabigat lalo sa dibdib ko ay ang nakita kong pagho-holding hands ni Adam at ng babaeng kasama niya.     ~CJ1016
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD