PABALING- BALING ang ulo ni Georgia, gusto niyang takpan ang kanyang mga tainga upang hindi marinig ang mga sinasabi ni Chona.
"Ako ang nauna, Georgia! Kami ang unang ikinasal at isa iyong secret wedding noon! Ayaw lang namin sabihin dahil alam naming masasaktan ka!" sabi ni Chona.
"No! Sana noong una pa lang sinabi mo na! Mas matatanggap ko siguro kaysa hinayaan mo akong malugmok sa relasyong mayroon kami ni Nicholai! Anong klase kang kaibigan Chona? Imbes na ilayo mo ako sa maaaring makasakit sa akin pero hindi! Hinayaan mo lang akong maniwala sa isang malaking kasinungalingang ginawa ni Nicholai! You are there, ikaw ang saksi sa aming nabuong relasyon. Naroon ka sa ups and downs ng aming relationship, may papayo- payo ka pang nalalaman pero ano? Pinagmukha mo lang akong tanga!" punong-puno ng emosyon si Georgia.
She just can't believe it! Hindi niya kayang tanggapin, na sa mismong harapan niya ay magkaulayaw ang kanyang bestfriend at lover.
"Georgia, I'm so sorry! Nakita ko kasing ang saya mo kaya hindi na ako nagkaroon ng lakas na loob upang magtapat sa'yo! Pero I tried pero sa tuwing nakikita kong you are very happy with him, umuurong ang dila ko." Pahayag ni Chona.
"Tama na! Huwag mo na akong bolahin pa Chona! Nagsisisi ako noong araw na nakilala kita at naging kaibigan pati na si Nicholai! Sana may kabayaran itong ginawa niyo sa akin mga walang hiya kayo!" singhal ni Georgia saka ito tumalikod.
"Georgia wait!" habol namang tawag ni Chona subalit hindi na lumingon pa ang dalaga.
Walang humpay itong umiiyak, nanlalabo na ang kanyang paningin dahil sa kanyang mga luha. At wala siyang pakialam kung pinagtitinginan na siya ng mga taong nakakasalubong niya sa daan. Basta ang alam niya, gusto niyang makalayo sa lugar na iyon. Sa lugar kung saan sinampal siya ng katotohanang, pinaglaruan lang pala siya at niloko ng dalawang taong mahalaga sa kanyang buhay. Nagbalik lahat sa kanya noong unang araw na nagkakilala sila ni Nicholai hanggang sa naging magkasintahan kahit na sikreto lamang. At saksi si Chona sa kanilang nabuong relasyon, na may lihim din palang ugnayan kay Nicholai. Nakakagulat, ngunit ang pinakamasakit, kapwa mahalaga sa kanyang buhay ang dalawang taong dumurog sa kanya. Sukat- dooon ay napasigaw si Georgia sa sakit na kanyang nararamdaman. Hanggang sa bumalikwas ito ng bangon at natagpuan ang sariling nasa isang kwarto siya. Isang unfamiliar room, luhaan siya at humihikbi.
Siya namang pagbukas ng pinto at iniluwa mula roon si Keandrix na nag- aalala ang mukha. Agad itong lumapit kay Georgia na nanginginig at umiiyak.
"What happened?" tanong ng binata agad.
Nag-angat nang mukha si Georgia at noon lang niya napagtantong panaginip lang pala ang lahat. Bumalik lang pala sa kanyang panaginip ang huling pangyayaring sa pagitan nilang tatlo nina Chona at Nicholai. Mas lalong napaiyak si Georgia saka siya yumakap kay Keandrix sabay hagulhol.
"Ssshhh! Tahan na, nanaginip ka yata!" alo ng binata.
"Bakit ganoon? Pinipilit ko namang mag- move on na! Bakit nagsusumiksik pa rin sila sa aking panaginip!" umiiyak na sabi ni Georgia.
Hinaplos naman ni Keandrix ang likod ng dalaga.
"Tahan na! Panaginip lamang iyon indikasyon lamang na kailangan mo na silang palayain at kalimutan." Sagot nito.
"Ang mga walang hiya! Niloko nila akong dalawa! Niloko ako ng aking matalik na kaibigan at lalaking minamahal! At mismong mga mata ko ang nakahuli sa kanila habang nagtatalik sa harapan ko!" panay pa rin ang iyak ni Georgia na parang kahapon lamang nangyari ang lahat.
"Okay, tahan na! Huwag mo silang iyakan tapos ka na sa ganyan. Learn to hold your tears and be brave Georgia." Saad ng binata.
Hindi nagsalita si Georgia, nanatili itong nakayakap kay Keandrix. Hanggang sa unti-unting kumalma ang dalaga at marahang bumitaw sa pagkakayakap nila ng binata. Tumayo naman si Keandrix at agad na inabot ang bottled water sa may lamesita at binuksan iyon. Pagkatapos ay iniabot nito kay Georgia upang mas lalong maginhawaan ang dalaga.
"Natural lang na bumabalik ang nakaraan sa'yo kasi maaaring hindi ka pa nag- let go sa mga memories ninyo. Alam kong sobra kang nasaktan at naapektuhan kaya nga I'm willing to help you. Para mas makalimutan mo na sila at maghilom na ang sugat sa iyong puso. Patience is the key, and honesty is the best policy!" pahayag ni Keandrix.
Huminga nang malalim si Georgia habang nakatungo pa rin ito. Hindi ito makatingin ng diresto kay Keandrix dahil naistorbo na naman niya ito. Ang mas nakakahiya pa, hating-gabi na and Keandrix should be resting by now. Lintek naman kasi ang kanyang panaginip dahil kung nangyari na nga, napanaginipan naman niya ang lahat.
"Talagang mahirap sa una pero papasan ba at masasanay ka ring kalimutan sila. Tiwala lang sa iyong sarili na kaya mo silang kalimutan. Para kapag nagkaharap- harap kayong tatlo balang araw, ay kaya mo na silang harapin na may tapang at taas ng noo. Mare- realize ni Nicholai na worth it kang mahalin but too bad because it's already too late. Dahil by that time, naka-move on ka na at masaya sa panibagong chapter ng iyong buhay." Saad ni Keandrix.
Tumango- tango naman si Georgia saka ito kiming nag-angat ng mukha at tumingin kay Keandrix.
"Maraming salamat at humihingi ako ng pasensiya ulit dahil naistorbo na naman kita. Pasensiya ka na talaga!" Sagot ng dalaga.
"Walang anuman iyon! Sabi ko naman sa'yo ako lang ang puwedeng tumulong on your hard time and I'm willing." Tugon ni Keandrix.
Tipid namang ngumiti si Georgia kahit na nahihiya nga ito. Nag-usap silang dalawa ni Keandrix ng ilang minuto bago muling sinabi ng binata na back to bed na si Georgia. Mga nakakatawa na ang kanilang pinag-usapan upang hindi na naman maalala ni Georgia ang mapait nitong nakaraan. Na hanggang sa mga sandaling iyon ay pati sa panaginip nagpapaalala pa rin ang mga nakaraan paminsan-minsan. Hanggang sa nagpaalam na si Keandrix kay Georgia nang makitang inaantok na muli ang dalaga.
Kinabukasan. Napalikwas ng bangon si Georgia. Sinipat niya ang wall clock na nasa kanyang tagiliran, nanlaki ang mga mata nito nang makitang tanghali na pala. Kung kaya't dagli itong bumangon at nagsaklay papuntang banyo. Naghilamos muna ito bago nagpasyang lumabas ng kanyang kwarto. Pagkalabas ng dalaga ay siya namang paglabas ni Keandrix sa kwarto nito. Saglit silang nagkatitigan saka sabay ding nagbawi nang tingin.
"Good morning!" bati ni Keandrix sa dalaga nang matapos itong tumikhim.
"Good morning kahit na tanghali na!" kiming sagot ng dalaga.
Natawa naman si Keandrix sabay lapit kay Georgia.
"Okay lang naman! Bisita ka namin dito hindi bilang isang tauhan. Halika na, mag- almusal na tayo pagkatapos ay sasamahan kitang mag- ehersisyo!" sabi nito.
"Ha? Kakagising mo rin? Saka, huwag na siguro kaya ko na alam ko namang busy ka masyado." Turan ni Georgia.
Napangiti naman si Keandrix.
"Oo! Halos sabay lang tayong gumising! And about sa busy, tapos na ako sa aking pinagkakaabalahan. Kaya matutulungan na kita sa exercise at therapy mo." Aniya.
"Eh...napuyat yata kita kagabi tapos peperwisiyuhin na naman kita ngayong umaga, pasensiya ka na ulit." Nahihiyang wika ng dalaga.
"Wala iyon! Halika na!" yakag ng binata saka nito inalalayan ang dalaga.
Namula naman ang pisngi ni Georgia hindi niya mawari pero para itong nakuryente sa pagkakadampi ng kanilang mga balat ni Keandrix. Hindi tuloy alam ni Georgia kung bibitaw na ba siya sa kanyang pagkakahawak sa braso ng binata. Nag-iinit siya na nauuhaw at saka nalulutang sa kanilang sitwasyon. Gusto sanang sabihin ni Georgia na huwag na siyang alalayan at samahan pero baka isipin ni Keandrix na tinutulungan na nga siya pero nag-iinarte pa. Kung kaya't pilit na iwinawaksi ni Georgia ang kakaibang nadarama niya nang mga sandaling iyon. Hindi naman yata tamang kung anu-ano ang kanyang mga naiisip at nararamdaman gayong willing si Keandrix na tulungan siyang muling makabangon at maka- move on. Alam niyang mahirap sa una subalit makakalimot din siya sa sakit na kanyang naranasan hindi man ngayon but soon.