Kinabukasan late siyang nagising dahil hindi naman siya halos makatulog sa kaiisip kay Harvey. Napansin rin niyang mula sa kanyang veranda natatanaw niya ang hardin ng bahay ni Harvey kung saan naroon ang swimming pool. Hindi rin kasi niya napigilan ang sarili na sumilip roon para sana matanaw si Harvey, pero dahil sa dami na rin ng tao at gabi hindi niya natanaw si Harvey. Hindi na niya alam kung anong oras umuwi ang Mama at Papa niya pati na kapatid galing sa party ni Harvey. Hindi na kasi niya kinaya ang kilos ni Harvey kaya umuwi na lang siya.
Inaantok pa siya nang maligo siya, hanggang sa mag ayos siya ng sarili para sa pagpasok sa opisina.
Agad na rin siyang lumabas ng silid at nagtuloy sa pagbaba para mag almusal na muna bago pumasok sa opisina.
Sa sala pa lang siya nang makasalubong ang Kuya Juancho niya na nagmamadali ng umalis. Hindi tuloy niya ito nakausap tungkol kay Harvey. Dating magkaibigan ang dalawa.
Sa komedor naman naroon pa ang Mommy at Daddy niya. Si Avie daw tanghali pa ang pasok kaya hindi pa bumababa.
"Good morning po," bati niya sa mga magulang at naupo na sa bakanteng upuan kung saan may malinis na plato. Agad na ring lumapit ang kasambahay sa kanya para lagyan ng mainit na kape ang kanyang tasa.
"Salamat," pasalamat niya sa kasambahay.
"Bakit ka umalis kagabi sa party?" Tanong ng Daddy niya nang magsimula na siyang kumain.
"Ah.. Eh.. Dad...," simula niya at sinulyapan ang ina na seryoso ang mukha.
Alam ng mga ito ang dahilan ng kanyang pag alis nang maaga sa party, dahil iyon kay Harvey. Hindi lang siya sure kung alam ng mga ito na hindi siya kilala ni Harvey.
"Dahil ba kay Harvey?" Tanong ng ama.
"Dapat hindi ka umalis at hinayaan mong makita ka niya. Sino ba siya sa akala niya ngayon. Hindi porke isa na siyang bilyonaryo eh pupwede na siya sa iyo!" May galit ang bawat pananalita ng ama.
"Joaquin! Huwag mo namang pagsalitaan ng ganyan si Harvey. Tapos na rin iyon, limang taon na ang lumipas. Naka move on na lahat tayo," saad ng Mommy niya.
"Sa ginawa kasi nitong anak mo, parang nagpahalata pa na may epekto pa ang lalaking iyon sa kanya," inis na saad ng ama.
'Joaquin!" Mariing sawa ng Mommy niya.
"Kung ako ang tatanungin balewala sa akin ang pag angat ni Harvey sa buhay. Wala akong pakialam kung isa na siyang bilyonaryo ngayon. Anong malay ko kung saang ilegal niya galing ang yaman niya. Para sa akin siya pa rin ang Harvey De Guzman na mahirap at pilit sinisiksik ang sarili kay Ava!' Mahabang litanya ng ama at sinulyapan siya.
Nanatili lang siya tahimik. Sa tuwing si Harvey naman ang pinag-uusapan kahit noo pa ay hindi na lang sita kumikibo. Hindi naman kasi siya mananalo sa Daddy niya. Ano man ang sabihin niya ay mali pa rin para sa ama, dahil ito ang laging tama.
"May agenda iyang lalaking iyan kung bakita nagpatayo siya ng mansyon sa tabi natin..Nais niyang ipamukha sa atin na ka level na natin siya o kaya niya tayong higitan pa," patuloy ng Daddy niya.
Hindi siya sigurado kung iyon nga ang dahilan ni Harvey sa pagbabalik nito sa San Juan. Weird kasi ang ikinilos nito sa kagabi. Isama pang may babaing tumatawag ritong babe. Baka may girlfriend o asawa na ito. Kaya baka hindi na sila ang dahilan ng pagbabalik ni Harvey sa San Juan. Baka sadyang nagkataon lang ang lahat, lalo na't hindi naman siya makilala nito.
"Ano ba iyang pinagsasabi mo Joaquin. Ano naman ang magiging agenda niya para makipagkapit bahay pa sa atin?" Tanong ng Mommy niya.
"Revenge," tugon ng Daddy niya.
Napalunok siya sa narinig niyang sinabi ng ama. Hindi imposibleng maghiganti si Harvey sa pamilya nila, dahil sa ginawa ng Daddy niya kay Harvey para lang hiwalayan siya nito at umalis na ng San Juan.
Hindi na rin nakuha pa ng Mommy niya ang magsalita. Sinulyapan siya nito, napansin niya ang lungkot ea mga mata nito.
"Walang duda na kaya nagbalik ang Harvey na iyan ng San Juan ay para maghiganti,' saad ng Daddy niya at sinulyapan siya nito.
"Kaya kung ako sa iyo Ava, huwag mo nang papasinin pa ang lalaking iyon, kahit lapitan ka niya," saad pa nito.
Humugot lamang siya ng malalim na paghinga at tinuloy ang pagkain. Mas gusto pa niyang ituon na lang ang atensyon sa pagkain kesa sa galit ng Daddy niya kay Harvey. Limang taon ang lumipas pero parang hindi man nabawasan ang galit ng Daddy niya kay Harvey, kahit wala namang kasalanan si Harvey sa nakagisnan nitong buhay. Bata pa si Harvey noon, at hindi naman niya pinili ang maging mahirap ito.
"Dapat kase sinagot mo na ang anak ni Mr. Martinez na si Philex, para wala ng babalikan pa ang Harvey na iyon,' saad pa ng ama na may gigil sa kanya.
Si Philex ay anak ng kaibigan at kasosyo ng ama niya sa ilang negosyo. Gwapo at kasing edaran niya si Philex. Last year nang magsimulang manligaw sa kanya si Philex pero hindi rin nagtagal huminto ito, dahil sinabi niya rito na wala itong aasahan sa kanya. Bagay na kinagalit pa noon ng Daddy niya. Ano ba ang magagawa niya kung hindi naman niya gusto ang lalaking iyon. Hindi niya kayang pilitin ang sarili na gustuhin ang isang taong hindi naman niya talaga gusto.
"Ano ka ba naman Joaquin! Huwag mo nang pakialaman pati ang personal na buhay ng anak mo!' Saway ng Mommy niya sa Daddy niya.
"Sinasabi ko lang sa anak mo kung ano ang dapat niyang gawin. Baka kase sa pagbabalik ng lalaking iyon, isipin niya na may second chance para sa kanila, dahil wala!" Mariing saad ng ama sa kanya. Kahit hindi ito nakatingin sa kanya, ramdam niya ang bawat bitiwan nitong salita.
"Tapos na po ako," anunsyon niya at uminom ng tubig. Hindi pa siya tapos kumain pero nawalan na siya ng ganang kumain. Kesa sa tuluyang masira ang kanyang araw dahil sa Daddy niya, mabuti pang umiwas na lang siya.
"Wala ka pa halos nakakakain," saad ng Mommy niya nang tumayo na siya mula sa kinauupuan at magpaalam na sa mga ito na aalis na. Tahimik naman ang Daddy niya na patuloy sa pagkain.
"Aalis na po ako," saad niya at mabilis ng lumakad palayo sa mesa. Alam niyang pag alis nita magbabangayan pa rin ang mga magulang niya.
Masyado kasing matigas ang kanyang ama. Lahat sila sinasakal nito, ang gusto nito ito lagi ang nasusunod kahit mali naman na ito. Isa pa sa pinaka ayaw niya sa Daddy niya ay ang hindi nito pagtanggap ng kamalian sa sarili. Ang gusto nito lagi itong tama.
Maingat siyang nagmaneho palabas ng kanilang gate at nang liliko na sana siya may lumabas naman sa katabing gate na sasakyan, kaya kailangan niyang huminto muna para magbigay daan.
Napakunog ang noo niya nang makitang si Harvey ang nagmamaneho sa magarang sasakyan. Nakababa ang bintana nito kaya nakita niya ito at ang kasama nitong babae sa passenger seat. Hindi niya napigilang mapasimangot nang makita ang kasamang babae ni Harvey.
Tinted ang kanyang sasakyan kaya hindi siya makikita sa loob ng mga ito. Para tuluyan nasira ang kanyang araw nang makita ang dalawa.