KATRINA
Naging malamig ang pakikitungo sa akin ni Angkol Rayker. Hiyang-hiya tuloy ako sa kaniya, kaya hindi ko nasabi ang tungkol sa pag-aaral ko. Nalulungkot ako, pero hindi ko naman puwedeng hingin sa kaniya na pag-aralin ako dahil hindi naman niya iyon responsibilidad.
Maswerte pa rin ako na sa edad kong ito, may bahay akong matutuluyan at may pagkain araw-araw, kaya nahihiya na rin akong magsabi sa kaniya ng personal na mga pangangailangan ko.
Maghapon akong mag-isa dito sa bahay. Pagod ako sa paglilinis ng buong bahay at paglalaba ng mga kurtina, pero magaan ang aking pakiramdam dahil kahit sinabi ni Angkol Rayker sa akin na huwag ko itong gawin ay ginagawa ko pa rin dahil gusto kong makatulong sa kaniya sa ganitong paraan.
Gabi na, pero wala pa siya. Lumamig na rin ang niluto kong nilaga para sa hapunan namin, kaya iinitin ko na lang iyon kapag dumating na siya.
Lumipas ang oras, pero sumapit na ang alas-onse ng gabi ay hindi pa umuuwi si Angkol Rayker. Nagugutom na rin ako, kaya tumayo ako sa sofa at naglakad papunta sa kusina dahil hindi ko na kayang tiisin ang nararamdaman kong gutom.
Sumapit ang alas-dose ng hatinggabi, pero hindi pa nakakauwi si Angkol Rayker. Dala na rin ng pagod, nakatulog ako sa paghihintay sa kaniya dito sa sala. Hindi ko alam kung gaano katagal akong nakatulog. Namalayan ko na lang na may tumatapik sa balikat ko, kaya nagising ako.
“A-angkol—”
“Bakit dito ka natulog?” pormal ang ekspresyon at masungit niyang tanong sa akin.
“Ah, pasensya na po, hinintay kasi kitang dumating,” nahihiyang sagot ko.
“Next time, huwag mo na akong hintayin. May sarili akong susi ng bahay, kaya makakapasok ako kahit hindi mo ako pagbuksan ng pintuan.”
“Sige po.”
Nahihiyang bumangon ako sa sofa at tumayo na kahit ramdam ko ang panginginig ng aking mga tuhod dahil pakiramdam ko ay para bang nanunuot hanggang sa kaibuturan ko ang kaniyang mga titig nang suriin ng kaniyang mga mata ang aking mukha, pababa sa aking dibd*b.
“Kumain ka na ba, Katrina?”
“Opo,” mabilis kong sagot. “Nagluto po ako ng nilagang baka para sa hapunan natin. Puwede kong initin iyon kung gusto mong kumain ngayon.”
“Okay,” tipid niyang sagot.
“Sige, sandali lang, ipaghahanda kita ng mesa.”
Hindi ko na hinintay ang isasagot niya. Dali-dali akong umalis sa sala at naglakad papunta sa kusina dahil hindi ko kayang manatili ng matagal sa harap niya at baka bigla na lang akong bumagsak sa sahig dahil nakakaramdam talaga ako ng panginginig ng mga tuhod at binti ko.
Mabilis kong binuksan ang gas stove at agad pinainit ang ulam. Kumuha na rin ako ng kutsara, tinidor, plato, at baso para kay Angkol Rayker at mabilis itong dinala sa dining room.
Palagi ko naman itong ginagawa kay Tito Rayban noong nabubuhay pa siya, pero bakit kakaiba ang nararamdaman ko ngayong si Angkol Rayker ang pinagsisilbihan ko?
Napabuntonghininga ako at pilit inalis ang mga bagay na laman ng isipan ko. Matapos kunin ang pitser na may lamang orange juice at makapaglagay ng kanin at ulam sa mesa, tinawag ko na si Angkol Rayker.
“Madaling araw na, huwag mo na akong hintayin na matapos kumain,” sabi niya sa akin habang nakatayo ako ilang hakbang ang layo sa kaniya.
“Sige po, Angkol.”
Gusto ko na sanang umalis, pero hindi ko maigalaw ang mga paa ko, kaya napayuko ako nang makita ko siyang nangunot ang noo habang nakatingin siya sa akin.
“May sasabihin ka ba, Katrina?”
“Ano po kasi—”
Kinagat ko ang aking ibabang labi dahil nahihiya talaga akong magsabi sa kaniya.
“Don't waste my time, Katrina.”
Tila nauubusan na siya ng pasensya, kaya mabilis akong nag-angat ng ulo at nahihiyang ngumiti sa kaniya.
“Angkol, puwede po ba akong mag-aral?” lakas-loob kong tanong sa kaniya.
Inilapag niya ang hawak na kutsara at tumingin sa akin, kaya lalo lamang akong nakaramdam ng malakas na pintig ng aking puso.
“Kailan?”
“Tatapusin ko lang po sana itong semester ngayon. Malapit na po kasing matapos ang school year. Sayang naman kung titigil na po ako at uulit na naman sa susunod na pasukan kung makapag-aral pa ako.”
“Okay,” narinig kong sagot ni Angkol Rayker.
Ang haba ng sinabi ko, pero ito lang ang narinig kong sagot mula sa kaniya, kaya muli akong nagtanong.
“Ano po ang ibig mong sabihin?”
“Puwede mong ituloy ang pag-aaral mo, pero sa isang kondisyon, Katrina.”
“Ano po ‘yon?” kinakabahan kong tanong kay Angkol Rayker, pero hindi niya ito sinagot.
“May boyfriend ka na ba, Katrina?”
“Wala po,” agad kong sagot.
“Manliligaw?”
“Po?” naguguluhan kong tanong dahil hindi ko agad nakuha ang ibig niyang sabihin.
“Sabi ko, kung may nanliligaw sa iyo sa campus?”
Napalunok ako dahil ramdam ko ang talim ng mga mata ni Angkol Rayker habang nakatingin siya sa akin. Nakaramdam tuloy ako ng takot at labis na kaba, kaya sandali akong natigilan.
“Answer my question, Katrina,” mariin na utos ni Angkol Rayker sa akin.
“May nanliligaw po, pero hindi ko po sila sinasagot dahil hindi po ako nagpapaligaw.”
“Mabuti kung ganoon,” narinig kong sagot ni Angkol Rayker.
Nahihirapan akong malaman kung ano ang iniisip niya sa akin dahil napakaseryoso ng ekspresyon niya. Para bang natural na wala siyang emosyon at bihira lang ngumiti, kaya kinakabahan talaga ako kapag kausap ko siya.
“Kung gusto mong mag-aral, papayag ako, pero…”
Hindi niya itinuloy ang gustong sabihin. Nag-angat siya ng ulo at tinitigan ako ng diretso sa aking mga mata.
“Pero kung papasok ka, gusto kong ako lang ang lalaking maghahatid at susundo sa iyo sa paaralan na pinapasukan mo. Maliwanag ba, Katrina?”
Mabilis akong tumango habang pinoproseso sa aking isipan ang narinig kong kondisyon ni Angkol Rayker dahil ramdam ko ang malakas at mabilis na pintig ng aking nagwawalang puso.