Chapter 8
Sashna’s pov:
“Anong kailangan niyo sa apo ko?” agad na tanong ni lola sa tatlong lalaki na nasa harap naming.
“May nagpapasundo lamang sa kanya,” sagot ng lalaking pinakabata sa kanila.
Nakatali ang buhok nito at hindi mapagkakailang may angking kagwapuhan din. Ang dalawa naman nyang kasama ay mas matanda sa kanya. Matangkad at malaki ang pangangatawan ng lalaking hindi ganoon kaputian at ang isa naman ay medyo payat at nakasuot ng salamin.
“Nagpapasundo? Sino? Si Aizen ba? Bakit hindi siya ang pumunta dito? Siya ang may kailanagn siya ang pumarito!” matapang kong sabi.
“Marahil ikaw si Sashna? Inaasahan ko kasing maganda at matapang na babae ang pinasusundo nila, mukhang hindi ako nagkamali!” nakangising sabi ng lalaking nakatali ang buhok.
Sa tingin ko ay babaero ang lalaking ito dahil masyadong matamis sya kung magsalita pero, huh! Hindi ako papauto sa kanya!
“Hindi ako sasama! Ayaw ko!” pagmamatigas ko.
Nagtinginan naman silang tatlo at maya-maya ay tumango sa isa’t isa na para bang may pinagkasunduan sa kani-kanilang mga isip. Hindi maiwasang tumaas ng isa kong kilay sa pagtataka kung anong pinaplano nila hanggang sa—
“Ahh!!! A-anong ginagawa mo! Bitiwan mo ako! Ibaba mo ako!” hiyaw ko ng bigla akong buhatin at isampa sa balikat ng lalaking malaki ang pangangatawan.
“Saan niyo dadalhin ang apo ko? Naku po! ibaba nyo siya,” pag-aalala ni lola.
Hinarang at pinigilan naman siya ng lalaking nakasalamin kaya hindi nakalapit sa akin si lola. Sa laki ng bumuhat sa akin ay napakadali lamang para sa kanya na bitbitin ako papunta sa kanilang sasakyan.
“Ibaba nyo ko! Ayokong sumama!!!” patuloy ko sa pagpupumiglas ngunit hindi ako nakawala sa kanya.
“H’wag kayong mag-alala, hindi siya masasaktan,” sabi ng lalaking nakasalamin at sumunod na din pabalik ng kanilang sasakyan.
Naiwan lamang doon si lola na nakatanaw at tila nanalangin habang palayo ang sasakyan. Nasa loob naman ako ng kotse katabi ang lalaking mahaba ang buhok at ang dalawa pa niyang kasama ay magkatabi sa harapan. Pasalit-salit ang tingin ko sa kanila habang halos nakadikit ang mga kilay ko dahil sa iritasyon.
Saan ba nila ako dadalhin? Bakit kailangan nila akong kunin ng sapilitan? Si Aizen ba may gawa nito? Lagot siya sa ‘kin!
“Sino ba ang nagpasundo sa akin? Si Aizen? Bakit hindi siya ang pumunta para sunduin ako?!” galit kong tanong.
Alam kong mga Mafia ang kasama ko sa loob ng sasakyan at alam ko rin ang kaya nilang gawin pero… pero… basta! Naiinis ako! Hindi ako nakakaramdam ng takot dahil malakas ang kutob kong si Aizen talaga ang may pakana nito dahil kung may masama silang balak sa akin ay siguradong igagapos nila ang aking mga kamay at tatakpan ang aking bibig ngunit hindi naman nila ginawa.
Tahimik lamang sila at tila wala silang balak na sagutin ang mga katanungan ko. Nakakainis talaga! Hindi ako tatahimik na lang hangga’t hindi nila sinasabi ang mga gusto kong malaman!
“Isa! Ayaw nyo ba talaga akong sagutin? Sisigaw ako dito! Tulon—”
“P’wede bang tumahimik ka? Wala naman kaming maisasagot sayo dahil hindi namin kilala ‘yang Aizen na sinasabi mo!” biglang sabi ng katabi kong lalaki.
Napatanga ako sa sinabi ng lalaki unti-unting nakaramdam ng kaba. Anong hindi nila kilala si Aizen? Hindi ba si Aizen ang nagpasundo sa akin? Teka, ligtas pa ba ako?
“H-hindi nyo kilala? Totoo ba ‘yan? K-kung gano’n, sino ang nagpasundo sa akin?” kinakabahan kong tanong.
“Si Dylan,” maiksing sagot nya.
Dylan? Sinong Dylan? Hindi kaya… hindi kaya nagsinungaling na naman ang nakakairitang lalaki ‘yon ng kanyang pangalan? Urgh!!! Bakit ba kasi nagtiwala pa akong magiging mabait sya sa ‘kin! Nakakainis talaga siya!!!
“Ibaba nyo ko! Ibaba nyo ko!” hiyaw ko habang kinakalampag ang bintana ng sasakyan at pinipilit itong buksan.
“Ang ingay mo naman, hindi ko akalain na maingay na babae ang mga tipo ni Dylan!” tila yamot na sabi ng lalaking katabi ko.
“Sabihin nyo sa Dylan na ‘yan bwiset sya! Ibaba nyo ako!” at patuloy pa rin ako sa pagkalampag ng bintana.
Sa tingin ko talaga ay iisa lamang ang Dylan at si Aizen, sinungaling siya!
“Kung gusto mo ay ikaw ang magsabi n’yan sa kanya mamaya pero siguradong hindi ka na gigising pa pagkatapos niyong mag-usap!” natatawang sabi niya.
Natigilan naman ako dahil sa sinabi niya. Naalala ko na naman’yong nakakakilabot na tingin ng nakakairitang lalaki na ‘yon. Kung gano’n ay kayang kaya nya ngang pumatay ng tao tulad ng ibang Mafia!
“A-ang… Ang Dylan na ‘yon, amo nyo ba siya?” nauutal kong tanong.
“Si Dylan? Mas mataas ang posisyon nya sa amin. Kaming mga nakasuot ng silver charms ay ang mga tauhan o sundalo ng Mafia, sila Dylan naman na mga gold charms ang suot ay tinatawag na Class- S kung saan sila ang namamahala sa Mafia Organization at tinatayang pinakamagagaling na miyembro ng organisasyon,” paglalahad niya.
Naguluhan ako bigla sa sinabi niya. Kung gano’n ay may iba pa palang ibig sabihin ang mga hikaw nilang ‘yon pero… ang ipinagtataka ko ay silver ang nakita kong suot ni Aizen at hindi gold na kagaya ng sinasabi nilang suot ng Dylan na ‘yon! Posible kayang magkaibang tao talaga sila? Pero ano naman ang kinalaman ko sa Dylan na ’yon kung hindi siya si Aizen?
“P-posible bang magpalit kayo ng suot na hikaw?” paniniguro ko.
Umiling ang lalaki bago muling sumagot, “Ang hikaw na ito ay natatanggal lang kapag tinapyas ang mga tenga namin o kaya naman kapag tinanggal ng Mafia Lords.”
“Mafia Lords?” kunot-noo kong tanong.
“Oo, ang Mafia Lords ay ang mga pinuno ng Mafia at ang anak nito na siyang nakatakdang pumalit sa kanya. Malalaman mong sila ang Mafia Lords sa suot nilang itim na dyamanteng hikaw na may simbolo din ng Mafia!” patuloy na pagkukwento ng lalaki.
“Aeb! Tama na, masyado ka ng maraming sinasabi,” pigil sa kanya ng lalaking nakasalamin.
“Ahahaha, pasensya! Napakamatanong kasi nya! Ahahahah,” sagot ng lalaki na tinawag nilang Aeb.
Napaisip ako ng malalim. Kung gano’n ay magkaibang tao nga sila? Pero sino ang Dylan na ‘yon at paano niya ako nakilala? Anong kailangan niya sa ‘kin? May kinalaman ba dito si Aizen?
Halos isang oras din ata ang naging byahe. Hindi ko alam kung nasaan na ba kami hanggang sa pumasok ang sasakyan sa isang malaking tarangkahan. Ang daanan ay napapalibutan ng napakaraming puno at sa kaliwang bahagi ay may natatanaw akong tila isang malaking lawa o ilog.
Inabot pa ng limampung minuto bago huminto ang sasakyan sa tapat ng isang napakalaking mansyon! Halos mahulog ang panga ko kasi pakiramdam ko ay nananaginip ako. Napakaganda ng napakalawak nitong hardin at ang mansyon ay napakaeleganteng tignan! Teka, ano palang ginagawa ko dito?
“Nasaan tayo?” tanong ko kay Aeb.
“Ito ang Mansyon ng Mafia! Pumasok ka na at malamang na kanina ka pa hinihntay ni Dylan,” sagot niya tapos ay sinenyasan niya ang isang babaeng nakasuot ng uniporme ng isang kasambahay. “Samahan niyo siya kay Dylan.”
“Masusunod po! Sumunod po kayo binibini,” sabi ng babae at nagsimula na siyang maglakad papasok ng mansyon.
Nag-aalangan naman akong sumunod. Nilingon ko pa si Aeb pero nginitian nya lang ako. Hayyy! Bahala na nga!
Sumunod ako sa babae at naiwan na sila Aeb sa labas. Bukod sa kanila ay may ilan pang gwardya at tauhan ng Mafia akong nakitang nasa paligid at nagmamasid. Habang naglalakad kami sa pasilyo ay hindi ko maiwasang humanga sa laki at ganda ng mansyon. Grabe! Hari ba ang nakatira dito?
“Narito na po tayo,” sabi ng babae at binuksan ang pinto.
Halos mahulog ang panga ko sa napakalaking sala kung sala man ang tawag nila dito! May mahabang sopa at sa gitna nito ay isang parisukat na mesa na may magagandang bulalak sa gitna. Isang malaking pintuang salamin na may dalawang pinto ang nasa kaliwang bahagi nito na may mahabang puting lace na kurtina at sa labas nito ay ang malaking beranda kung saan matatanaw ang magandang hardin ng mansyon. Sa kanang bahagi ay ang mataas at mahabang hagdan papuntang ikalawang palapag.
Napapapikit-pikit na lang ako ng aking mga mata. Hindi pa rin ako makapaniwala sa mga nakikita ko. Umalis ang babae at ako naman ay marahang naglakad papuntang sopa para maupo. Napakalambot nito na tila bai sang ulap ang aking inuupuan! Totoo ba talaga ito?
“Hey, chill!” said of a familiar voice, Aizen!
“Chill mo mukha—” napahinto ako ng pagsasalita nang lingunin ko ang inaakala kong si Aizen. “Sh*t!”
Naidilat ko ng husto ang aking mga mata nang makita ko ang isang lalaki na pababa ng hagdan. S-sandali, hindi siya si Aizen! P-pero akala ko talaga ay si Aizen ang nagsalita dahil halos magkaboses sila!? Sino siya?
“Galit ka ba? I’m sorry for being rude. Hindi ko sinasadyang takutin ka,” sabi niya nang makababa at makalapit sa akin.
Hindi ko maiwasang mahiya at mamula ang mukha ko dahil sa kanyang ngiti. Napakagwapo nya din at parang ang bait-bait, napakalayo sa bastos at sira-ulong si Aizen! Pero ang unang dinig ko talaga ay boses ni Aizen? Marahil ay dahil sa may pagkakapareho sila ng pananalita pero kung pakikinggang maigi doon lang maririnig ang pagkakaiba.
“H-hindi! Akala ko lang kasi ikaw si… uhmn,” hindi ko itinuloy ang sasabihin ko at naikunot ko na lang ang aking noo.
“Ahahaha, si Aizen ba? Akala ko pa naman ay magkaibigan din kayo, pero mukhang kabaliktaran ang tingin mo sa kanya!? Ahahaha,” tawa ng gwapong lalaki.
Hindi ko alam pero magaan ang loob ko sa kanya. Teka, kilala nya nga si Aizen!
“Kilala mo talaga ang sira-ulong ‘yon? Sabi ko na nga ba siya ang may pakana nito! Nasaan siya? Lagot siya sa ‘kin,” tuloy-tuloy kong sabi at halos magdikit na ang mga kilay ko dahil sa inis.
Natawa ulit ang gwapong lalaki at bigla akong napatikom. A-ano ba ‘tong ginagawa ko? Nakakahiya! Haayyy, bakit ba hindi ko mapigilan ang inis ko kay Aizen!?
“You know what?” he said then looked at me with his tantalizing emerald eyes.
“Ha?” I wondered.
“I like you already,” he smiled sweetly.