Chapter 6

2152 Words
Elise Kung minsan, may mga bagay na akala natin ay tama ngunit mali pala. Kung minsan, lubos tayong nagmamahal sa maling tao na hindi kayang suklian ang pagmamahal natin. Akala ko talaga noon ay magiging masaya ang buhay sa oras na ako ay pumasok sa buhay may asawa. Alam ko namang hindi ito magiging madali at alam kong hindi ito puro saya, ngunit hindi ko inakala na ganito ang aking mararanasan sa pagpasok ko sa buhay may asawa. Walang saya. Tila mabibilang ko lang sa aking daliri ang mga araw na nagkaroon ng ngiti ang aking labi. Tila mabibilang ko lang ang mga araw na sinabihan ako ni Bryan ng I love you, marahil ay noong kasal at honeymoon lang. Malas ba talaga ako? Isa akong babaeng pinanganak na may gintong kutsara sa bibig, isang heredera, ngunit kahit ganoon, hindi ko pa rin nakuhang maging masaya. "We did our best pero hindi siya naka-survive. Malakas ang impact ng pagkakabangga ng ulo niya sa manibela. Kung nailigtas man namin siya, maaari ring maging lantang gulay ang kanyang katawan." Narinig ko ang mga salitang ito mula sa paligid. Ang totoo, hindi ko alam kung nasaan ako ngunit ramdam kong nakahiga ako sa isang kama at nakapikit ang mga mata. Nais ko man itong imulat, tila may kung anong bagay ang nakabalot sa aking mukha. Dahil gising na ang aking diwa, pinilit kong igalaw ang aking kamay, ngunit tanging daliri lang ang naitaas ko. Hindi naman ako nabigo sa nais kong mangyari dahil mukhang nakuha ko ang atensyon ng mga taong nag-uusap sa paligid. "Gising na siya?" gulat na wika ng isang lalaki. "Mis, 'wag ka munang gumalaw at kailangan mo pang magpahinga," wika naman ng isa. Mukhang dalawang lalaki ang nandito ngayon sa kinaroroonan ko at wala akong ideya kung sino ang mga ito. Nais ko mang magsalita, maging ang mga labi ko ay tila nababalot ng benda. Dahil wala akong magawa, sinunod ko na lang ang nais nila at pinagpatuloy ang pagpapahinga. Ngunit pakiramdam ko ay may kung anong mabigat na bagay ang nasa aking puso. *** Makalipas ang dalawang araw, unti-unting umaayos ang aking pakiramdam. Nakukuha ko nang igalaw nang maayos ang aking kamay at paa ngunit balot pa rin ng benda ang aking katawan. Ang sabi ng doktor, dala raw ng matinding sugat na natamo ko. "Good morning, gising ka na pala?" Marahan kong nilingon ang aking ulo nang makarinig ang tinig ng isang lalaki na pumasok sa loob ng silid. Tinaas ko ang gilid ng aking labi at ngumiti upang ipakita ang pagbati ko sa kanya. Maya-maya lang, narinig ko ang kanyang paglakad palapit sa aking kinaroroonan, saka ito umupo sa tabi ng aking kama. "Bago ang lahat, magpapakilala muna ako sa 'yo. Ako si Marco Ashford, isang cosmetic surgeon. Nakita ko kung paano ang aksidente na nangyari sa 'yo and luckily, I manage to take you off the car at the right time, but..." Sandali siyang natigilan sa pagsasalita, dahilan upang mariin akong mapalunok dahil sa naramdaman kong kaba. "Hindi ko na nailigtas ang isa mo pang kasama, I'm sorry," pagpapatuloy niya sa kanyang sinasabi. Kahit nakatakip ng benda ang aking mukha, ramdam ko ang pamamasa ng aking mga mata. Nagsimulang bumigat ang aking balikat at sumikip ang dibdib. Halos hindi ako makahinga nang marinig ang bagay na sinabi niya. Nais ko mang sumigaw ay hindi ko magawa. Nais ko mang magwala ay pinipigilan ako ng mahina kong katawan. Hindi! Hindi ito totoo, hindi ba? Hindi si Erika. Hindi ang best friend ko, naghihinagpis kong wika sa aking isip. Mariin kong kinuyom ang aking kamay. Alam kong sa mga oras na ito, nahahalata na ng lalaking kasama ko na naghihinagpis ako sa likod ng bendang nakabalot sa akin. "I want you to know na tinanong ko muna ang doktor mo kung kakayanin mo ba ang sasabihin ko. As per him, your body is now stable, except from your burned skin." Tila ang mga bagay na sinasabi niya ay hindi pumapasok sa aking isip. Sa pagkakataong ito, lugmok na sa kalungkutan ang aking sarili. "Huwag ka sanang magugulat pero, the woman in the car is dead." Nanlaki ang aking mga mata dahil sa kanyang sinabi. Sa pagkakataong ito, hindi ko na napigil ang aking sarili. "N-No! Sabihin mong nagbibiro ka lang!" Kahit masakit ang aking labi, nagawa ko itong ibukas at sumigaw nang malakas. "Please calm down, Mis." "Paano ako mapapanatag? Wala na ang best friend ko! Gusto ko siyang makita! Nasaan siya?!" muli kong sigaw at tuluyang nagwala. Pinilit kong itayo ang sarili. Halos hindi ko na rin nararamdaman ang sakit ng aking katawan. Dahil sa galit, halos mag-hysterical ako sa loob ng silid na iyon. Sumigaw na rin ang lalaking si Marco at tumawag ng nurse upang ako ay pakalmahin, dahil kahit hawakan niya ako sa magkabilang balikat ay hindi niya kinakaya. Nagmamadaling pumasok sa loob ng silid na iyon ang mga nurse at isa-isa nilang hinawakan ang aking katawan upang ako ay pigilan. Hanggang sa maya-maya lang, naramdaman kong may tinusok na karayom sa aking balikad at kung anong likido ang pumasok sa aking sistema. Ilang minuto lang ay nakaramdam ako ng pagkahilo at nagsimulang kumalma ang aking katawan. Hanggang sa tuluyang bumigat ang talukap ng aking mga mata. Kasabay sa pagpikit nito ay ang paggapang ng aking luha. *** Pakiramdam ko ay kahapon lang ang mga nangyari. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin matanggap na wala na ang kaibigan kong si Erika. Siya na lang ang nag-iisa kong pamilya at nag-iisang tao na sumusuporta sa 'kin. Kung hindi siguro dahil sa katangahan ko, buhay pa sana siya ngayon. Hindi ko namalayan kung ilang araw na ako sa ospital na ito, ang alam ko lang, isa itong mamahalin na ospital sa Manila. Sa paglipas ng araw, unti-unti na ring gumagaling ang mga pilat sa aking katawan, naiwan na lang ang sunog kong balat na sumira sa aking mukha, ngunit pakiramdam ko, wala na rin naman akong pakialam kahit masira pa ang mukha at katawan ko. Pakiramdam ko, ayaw ko na ring mabuhay sa mundong hindi patas ang pagtingin sa tao. Marahan kong minulat ang aking mga mata. Tuluyan na ring inalis ang benda na nakabalot sa aking mukha at katawan. Sa paglingon ko sa aking ulo, nakita ko ang bintana na nagbibigay liwanag sa paligid, umaga na naman pala. Isang umaga na wala namang patutunguhan. Sa araw-araw ay ganito na lang ang bagay na aking ginagawa, ang matulog, kumain, gumising, at matulog na lang muli. Kung minsan napapa-isip na rin ako na sana, hindi na lang ako nabuhay kasi para na rin akong patay sa mga bagay na ginagawa ko. Marahan akong umupo at sinandal ang likod sa headrest ng kama. Hinawakan ko ang aking puson at wala akong naramdaman. Nitong nakaraan lang, pinagtapat din sa akin ng doktor na nawala ang batang dinadala ko. Tumaas na lang ang gilid ng aking labi nang marinig ko iyon. Hindi ko man lang namalayan na buntis pala ako at maging ang anak ko ay nawala dahil sa aksidenteng iyon. Marahil ay may dahilan kung bakit nawala siya sa akin. Marahil ay mabuti na rin iyon kaysa malaman niya na demonyo ang kanyang ama. Dahil kung sakali mang nabuhay ang bata at maging kamukha lang ni Bryan, baka hindi ko na rin kayanin pang makitang muli si Bryan araw-araw. Sa isang pagkakamaling naganap, isang buhay ng inosente ang nawala. Naputol ang mga bagay na aking iniisip nang marinig ko ang pagbukas ng pinto, dahilan upang mapatingin ako sa direksyon nito. Niluwa ng pintong iyon ang lalaking si Marco – ang lalaking nagligtas sa akin. "Maayos na ba ang pakiramdam mo, Mis?" "Elise. Tawagin mo kong Elise," walang emosyon kong wika saka diretsong tumingin sa pader na nasa aking harapan. Tumango-tango naman si Marco nang sabihin ko ang aking pangalan. "Nice to meet you, Elise. By the way, 'wag mo nang problemahin ang bills sa ospital, ako na ang bahala." "Kaya ko namang bayaran." "No. It's okay. After all, pag-aari ko ang ospital na to." Nagulat ako sa kanyang sinabi, dahilan upang mapatingin ako sa kanya. Hindi ko akalain na ang lalaking ito ay mayaman pala, mukha kasi siyang binata, ngunit sa tingin ko ay kasing edad ko lang siya. "You are much better now. Sabihin mo lang sa 'kin kung handa ka nang umalis sa ospital na to," muli niyang wika saka nagbigay ng ngiti sa akin. "Excuse me, may pupuntahan pa ako." Tumalikod siya at hinawakan ang pinto, ngunit nang akmang lalabas na siya, agad akong nagsalita. "S-Salamat, Marco," pagbanggit ko sa kanyang pangalan kahit hindi kami ganoong magkakilala. Gulat naman ang nababakas sa kanyang mukha nang lumingon siyang muli sa akin, ngunit napalitan din ito ng ngiti. Sa paglabas niya, marahan naman akong tumayo at lumakad patungo sa salamin na nandoon sa aking silid. Pinagmasdan ko ang sarili na ngayon ay punong-puno ng pilat sa mukha at katawan. Ang mga pilat na ito ang magsisilbing alaala sa akin ng trahedyang iyon. Maya-maya lang, tumama ang aking mata sa isang news paper na nakapatong sa sofa na nandoon. Kumunot ang aking noo nang makita ang mukha ni Bryan sa newspaper. Nilapitan ko ito at kinuha, saka binasa. Nakasaad dito na pumanaw na ang kanyang asawa. Sa litratong nandoon, pinapahiran pa niya ang kanyang luha. Mariin kong naikuyom ang aking kamay, dahilan upang malukot ang papel na iyon. "Ang hayop na 'yon! Ipapakita ko sa kanyang buhay pa ako!" galit kong wika. Kahit alam kong bawal, nagtakip ako ng mukha upang makatakas palabas ng ospital. Pinili kong pumunta sa kompanya ni Bryan at hinihintay siya. Ngunit nagulat na lang ako nang makitang lumabas si Bryan mula sa gusali na animoy kinakabahan pa at palingon-lingon sa paligid. Nagtungo siya sa isang restaurant at lihim ko siyang sinundan. Nandoon ang kabit niyang si Samantha at naghihintay sa pagdating ni Bryan. Umupo ako 'di kalayuan sa kanilang kinaroroonan, sapat lang upang marinig ko ang usapan nila. "Mabuti naman at nawala na sa landas natin ang babaeng iyon." "Samantha, hinaan mo ang boses mo! Baka may makarinig sa 'yo," "I'm sorry," wika ni Samantha, saka hininaan ang kanyang tinig. "Masaya lang ako, Bryan. Malaya na nating maisisigaw sa mundo ang pagmamahalan natin. Wala na si Elise." Sumilay naman ang pagngisi sa labi ni Bryan. "Tama, mabuti na lang at malinis trumabaho ang inupahan ko." Ang mga bagay na nakita at narinig ko mula sa loob ng restaurant na iyon ay ang bagay na tumatak sa aking isip, dahilan upang magsimula ang pag-apoy ng aking damdamin. Bumalik ako sa ospital na may tulalang mata. Halos wala sa sarili akong naglalakad pabalik sa aking silid at sa pag-upo ko sa tabi ng kama. Nagsimulang bumigat ang aking balikat at bumalik sa aking alaala ang lahat. Ang mga hayop na 'yon. Bakit hindi ko naisip na sila ang may pakana nito? Kung gano'n, sinadaya nila ang aksidenteng nangyari sa 'kin? Sinadya nilang isabotahe ang preno ng aking kotse upang ako ay maaksidente. Ngunit imbes na ako ang mawala, ang kaibigan ko ang mas napahamak. Sunod-sunod ang pagpatak ng luha sa aking mga mata. Napakasakit malaman ang katotohanan. Akala ko ay aksidente lang ang lahat. Akala ko ay wala akong dapat sisihin, ngunit nagkamali ako. Sila! Sila ang may pakana ng lahat ng ito. Sila ang dahilan ng lahat. Mga hayop sila! Mariin kong kinuyom ang aking kamay at nangninisik ang mga matang tumingin sa mukha ni Bryan na nasa newspaper. Maya-maya lang, narinig ko ang pagbukas ng pinto at pumasok sa loob ang lalaking si Marco. "Lumabas ka raw ng ospital?" kunot-noong tanong ni Marco. Hindi ako sumagot, bagkus tiningnan ko siya nang diretso na animoy walang emosyon. "Umiiyak ka? Bakit umiiyak ka na naman?" muli niyang tanong nang makita ang mga luha sa aking pisngi. Tumama ang aking paningin sa name pin na nasa kaliwa niyang dibdib. Dr. Marco Ashford. Bigla ko na lang naalala na isa siyang surgeon, isang cosmetic surgeon. "Magaling ka bang surgeon?" diretso kong tanong. "Ha?" "May I ask you a favor?" muli kong wika na nagpagulo sa kanya. "Anong favor?" "Pwede mo ba akong tulungan? Pakiusap, tulungan mo ko, Marco." Nagsimulang pumatak muli ang maraming luha sa aking mga mata. Sa pagkakataong ito, desperada na ako. Gagawin ko ang lahat upang maipaghiganti ang aking kaibigan. Gagawin ko ang lahat upang mabawi ang lahat ng dapat ay sa akin, lahat-lahat. Mariing napalunok si Marco dahil sa aking sinabi. Hindi man niya sabihin sa akin, alam kong naguguluhan siya at handa akong ipagtapat ang buong kwento nga aking buhay upang malaman niya kung saan nanggagaling ang galit na nararamdaman ko. Ayoko na! Ayoko nang maging tanga! Ayoko nang maging alipin ng nakaraan at pagmamahal na hindi tama. Sa pagkakataong ito, babangon ako. Babalikan ko ang mga taong nanakit sa akin. Hinding-hindi ako papayag na hindi sila magdusa tulad ng pagdurusang dinanas ko. Sa muli kong pagbabalik, matitikman nila ang matamis kong paghihiganti.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD