Elise
KUMUNOT ang noo ni Erika nang makita ang mensaheng iyon sa akin. Hindi ko napansin na nasa likod ko pala siya nang mga oras na iyon at nakikibasa sa aking tinitingnan.
"Eh, ang kapal naman pala talaga ng mukha niyang asawa mo, ano?" malakas niyang wika, dahilan upang mapatingin ako sa kanya sa aking likuran.
Mabilis kong tinakpan ang bibig ni Erika at mabilis na pinaupo sa aking tabi.
"Ssh! Ano ka ba? Ang ingay mo!" mahina ngunit halos sigaw ko nang saad.
Nakita ko ang inis sa mukha ni Erika. Nagulat na lang ako dahil ngayon ko lang nakita ang ekspresyon na ito mula sa kanya at aaminin ko, nakaramdam ako ng takot.
"Halika nga rito!" galit niyang sambit sa akin.
Mariin akong napapikit nang maramdaman ang marahas na pagkapit ni Erika sa aking braso, saka niya ako hinatak patayo sa kinauupuan namin at sabay kaming lumabas sa lugar kung nasaan kami.
Animoy kinakaladkad niya ako patungo sa parking lot.
"E-Erika, saan ba talaga tayo pupunta?" tanong ko habang halos habol-hininga na ako dahil medyo malayo ang aming pinuntahan.
Hanggang sa maya-maya lang, tumigil na siya sa paglalakad. Hinagod ko ang aking kamay dahil ramdam ko pa rin ang masakit niyang paghawak. Sa paglingon ko sa palingid, kumunot ang aking noo nang mapagtanto kong nasa parking lot pa rin kami ngunit nasa tapat ng aking kotse.
"B-Bakit tayo nandito?"
"Elise, ano ba? Hanggang kailan ka ba talaga magpapakatanga?" galit na tonong wika sa akin ni Erika.
Mariin akong napalunok dahil sa kanyang sinabi.
"E-Eka, kasi–"
"Hindi pa ba sapat 'yong litratong pinadala sa 'yo? Ano? Wala kang gagawin? Palalampasin mo na naman? Tanga-tangahan ka na naman?"
Pakiramdam ko ay umurong ang aking dila nang marinig ko ang sinabing iyon ni Erika. Hindi ako makatugon dahil alam ko sa sarili na tama siya. Wala akong magawa kung hindi ang umiyak na lang.
"A-Ano ba ang dapat kong gawin?" tugon ko sabay sa pagtulo ng aking luha.
"Lumaban ka naman, Elise. For once, ilaban mo ang karapatan mo."
Mariin kong naikuyom ang aking kamay at niyuko ang ulo. Hanggang sa maya-maya lang, tinuro ni Erika ang aking kotse at diretsong tumingin sa aking mata.
"Open the door! Ako ang magda-drive! Pupuntahan natin 'yang hayop mong asawa," galit na galit na wika ni Erika.
"S-Sandali, Eka. B-Baka–"
"Tigilan mo na ko sa kaduwagan mo, ha! Open the door, now!" bulyaw niya sa 'kin, dahilan upang mapalundag ang aking balikat.
Dali-dali ko namang kinuha ang susi sa aking bulsa at halos nanginginig pa ang aking kamay nang buksan ko ang pinto ng aking kotse. Agad namang pumasok si Erika sa loob ng driver's seat saka muli akong tiningnan.
"Get in the car, Elise. Bilisan mo, may sasabunutan tayo," aniya.
Wala naman akong nagawa kung hindi ang sumunod sa nais niya. Ang totoo, hindi ako palaban na tao. Ayokong nagkakaroon ng alitan sa kung sino man. Ito kasi ang turo sa akin ng mga magulang ko noon, na kahit kailan, huwag kang magtatanim ng sama ng loob.
Ngunit marahil ay iba na ang sitwasyon ngayon. Ako na ang na-agrabyado at walang pakundangang nilabag ng asawa ko ang sagradong sumpaan sa harap ng altar.
Halos dumugo na ang aking palad dahil sa mariin na pagkuyom ng aking kamay.
Tama si Eka. Sa pagkakataong ito, lalaban ako at haharap sa dalawang iyon. Sa dalawang manloloko na iyon.
***
Matapos ang ilang minutong pagmamaneho, natunton din namin ni Erika ang hotel na nasa litratong pinadala sa akin. Halos hindi na matigil ang aking mga mata sa kaluluha nang mapagtanto ko kung nasaang hotel kami ngayon. Ito ang paborito kong hotel na isa sa pag-aari ni daddy.
Nawala na rin sa isip ni Erika ang opening ng kanyang shop dahil sa galit na pareho ng aking nararamdaman.
Dali-dali kaming pumasok ni Erika sa loob ng hotel at nagtanong sa receptionist. Agad namang pinagtapat ng staff doon na naka-check-in nga ang aking asawa sa hotel.
"Ang demonyong lalaking 'yon!" sigaw ni Erika.
Kahit na pinigilan kami ng ibang staff, dirediretso pa rin kaming pumasok sa loob ng elevator. Nanginginig ang buo kong katawan sa galit at halos hindi na mapakali ang aking katawan.
Sana ay nagkakamali ako ng hinala kung anong unit ang kinaroroonan nila, dahil kung tama ako, baka mandilim na lang ang aking paningin dahil sa panglalapastangan nila sa silid na iyon.
Sa pagbukas ng elevator, una kong tinuro kay Erika ang paboritong silid ng aking mga magulang. Noong bata pa ako, madalas kami ritong tumigil kapag may meeting si daddy.
Nagmadali kaming nagtungo roon, mabuti at nasa wallet ko pa ang spare key ng silid dahil para sa 'kin, kayamanan ko ang susi na iyon.
Ngunit sa pagbukas ng pinto, hindi ko akalain na ang masasayang alaala ng silid na iyon ay mapapalitan ng isang bangungot.
Nanlaki ang aking mga mata nang makitang nagkalat ang mga damit sa sahig. Tila pinasok ng kung sinong masasamang loob ang kwarto at nagkalat ang mga damit sa sahig.
Nagsimula kaming pumasok ni Erika sa loob. Napatakip na lang ako ng bibig nang makita ang mga underwear sa sahig. Sa kusina ay may mga alak at may nagkalat na condom sa sahig.
"F*ck! Mga baboy sila!" wala sa sariling lumabas sa aking labi.
Marahil ay dala na rin ng matinding galit na aking nararamdaman. Tulad ng inaasahan ko, nagsimulang sumabog ang sakit at galit na nararamdaman ko sa puso.
Mabilis akong napalingon sa master's bedroom nang makarinig ako ng sunod-sunod at malalim na pag-ungol.
Walang pakundangan akong lumakad patungo roon at marahas na binuksan ang pinto.
Pakiramdam ko ay tumigil sa pagtibok ang aking puso at maging ang aking paghinga ay hindi ko na maramdaman. Mas dumami pa ang luha na pumapatak mula sa aking mga mata nang makita ko ang dalawang taksil sa ibabaw ng kama ng aking mga magulang.
Kitang-kita ko ang nababakas na sensasyon sa mukha ni Bryan gayon din ang ang babaeng nagtataas baba sa kaniyang ibabaw.
Tila binuhusan ng malamig na tubig ang aking katawan at may kung anong kuryente ang dumaloy sa aking ugat dala ng galit.
"Mga hayop kayo!" malakas kong sigaw, dahilan upang mapatingin ang dalawang demonyong iyon.
"E-Elise? Anong ginagawa mo rito?" gulat na tanong ni Bryan.
Mabilis akong lumakad patungo sa kinaroroonan ng dalawa. Tinaas ko ang aking kamay at malakas na hinampas ang palad sa mukha ng babaeng umagaw sa aking asawa.
"Mang-aagaw! Kabit! Mga demonyo kayo!" sunod-sunod kong pagsigaw sa kanya habang pinauulanan ang babaeng ito ng malalakas na sampal.
"Elise! Stop it!" pagsuway sa akin ni Bryan.
Mariin at marahas niyang hinawakan ang aking braso at pinigilan ang bagay na ginawaga ko.
"Ano bang problema mo? Eh sa ayaw na sa 'yo ng asawa mo!" sigaw pabalik sa akin ng babaeng iyon habang inaayos ang nagulo niyang buhok.
"Ang kapal din pala talaga ng mukha mo ano?" galit na galit na wika ni Erika.
Akmang susungod na rin siya sa kinaroroonan ng babaeng iyon nang iharang ni Bryan ang kanyang braso sa aming dalawa ni Erika.
"I said stop it! Mga bingi ba kayo?!" malakas niyang pagsigaw, dahilan upang mapatingin ako sa kanya at kumunot ang noo.
"Bryan! Magpaliwanag ka. Bakit? Bakit mo to ginawa?"
"I want an annulment, Elise. Hindi na kita mahal. Mahirap bang intindihin 'yon?"
Napako ang aking mga paa sa kinatatayuan ko. Ang mga bagay na sinasabi sa akin ngayon ni Bryan ay tila hindi pumapasok sa aking isip. Nananaig ang nararamdaman kong sakit sa aking puso.
"A-Ano?" natulala kong sabi.
Hinawakan ni Erika ang aking balikat at pinalapit sa kanya, habang ang babae ni Bryan ay lumapit sa kanya saka hinagod ang kamay mula sa likod payakap sa baywang nya.
"Nice to meet you, girl. Akala ko sabi ni Bryan ay hindi ka marunong lumaban. Pwes totoo pala na ang isang tulad mo ay nasa loob ang kulo," wika ng babaeng iyon.
"I'm sorry, Elise. I love Samantha and I will to everything for her so please, maghiwalay na lang tayo."
Animoy ilog na tuloy-tuloy sa pag-agos ang aking mga luha. Hindi ko akalain na mas pipiliin pa ni Bryan ang kabit niya. Hindi ko akalain na ang lahat ng paghihirap at pagsasakripisyo ko para sa kanya ay balewala.
"Sa tingin mo ba kawalan ka kay Elise? F*ck you, Bryan!" sigaw ni Erika saka nagbigay ng middle finger sign sa aking asawa. "Let's go, Elise. Ngayon alam mo na ang totoo, hindi mo deserve ang lalaking gaya ng hayop na to," muling saad ni Erika saka hinablot ang aking braso.
Agad ko namang binawi ang aking kamay dahilan upang magulat si Erika sa aking ginawa. Mabilis akong lumakad palapit kay Bryan, isang malakas na sampal ang aking ginawa sa kanyang mukha. Kitang-kita ko naman kung paano manlaki ang mukha ng babae niya at ni Erika dahil sa aking ginawa. Maging si Bryan ay halos hindi maipinta ang mukha nang maramdaman niya kung gaano kasakit ang sampal na iyon.
"Kulang pa 'yan sa binigay mong sakit sa 'kin. Sa lahat ng paghihirap na naranasan ko."
Matapos kong bitiwan ang mga salitang iyon, lumuwag nang bahagya ang aking pakiramdam at tila nabawasan ang bigat na king nararamdaman.
Isang matalas na tingin ang binato ko sa lalaking taksil na nasa aking harapan. Dahil sa ginawa kong iyon, hindi ko alam kung bakit ngunit pakiramdam ko ay natakot siya sa akin dahil bahagyang nanginig ang kanyang mata.
Sinimulan kong tumalikod at lumakad palayo sa kanila, saka ako lumabas ng unit kasama si Erika.
Sa pagdating namin sa parking lot, tulala pa rin ang aking mga mata habang patuloy na lumalagaslas ang luha.
"May kulang ba sa 'kin, bes?" panimula kong tanong.
Nababakas naman ang awa sa mukha ni Erika nang itanong ko ang bagay na iyon.
"Wala, bes. Walang kulang sa 'yo, sobra-sobra pa nga."
Humihikbi akong lumingon sa kanya at diretsong tumingin.
"Pero, bakit? Bakit kailangan kong masaktan nang ganito? Bakit?" basag ang tinig kong saad.
Hindi nakasagot si Erika sa aking sinabi, bagkus, mahigpit niyang niyakap ang aking katawan sala bahagyang hinimas ang aking likod.
Hindi man niya sabihin, alam kong maging siya ay umiiyak para sa akin. Maging siya ay nasasaktan para sa akin.
***
Matapos lumipas ang ilang minuto, nagdesisyon na rin kaming umalis sa hotel kung saan kami naroroon. Si Erika ang pinag-drive ko ng aking kotse dahil sa tingin ko ay hindi ko kakayanin kung ako ang magmamaneho.
Sa buong byahe naming iyon, nakasandal lang ang aking likod sa headrest ng leather seat ng kotse at malayong nakatanaw sa bintana ang aking mga mata.
Hanggang sa maya-maya lang, napansin ko ang pagiging balisa ng best friend kong si Erika, dahilan upang mapakunot ang aking noo at tumingin sa kanya.
"May problema ba? Bakit parang pinagpapawisan ka?" tanong ko sa kanya.
"Bes, ayaw kumagat ng preno!"
Nanlaki ang aking mga mata dahil sa sinabi ni Erika.
"H-Ha? Paanong ayaw kumagat? Okay naman 'yan kanina," kinakabahan kong wika.
"E-Ewan ko! Ayaw oh!"
Paulit-ulit niyang tinapakan ang preno ng kotse ngunit pansin kong pabilis lang kami nang pabilis sa pagtakbo. Pabulusok pa ang kalsada na aming tinatahak at halos bangin na rin ang nasa tabi.
"Kumalma ka lang, bes. Basta mag-focus ka sa pag-drive," payo ko sa kanya kahit ang totoo ay kabado rin ako.
Ngunit sadyang nabalot na ng dilim ang paligid at imbis na bumagal ang takbo, tila mas lalo pang bumibilis. Hanggang sa maya-maya lang, sabay kaming napasigaw ni Erika nang isang kotse at sumulpot sa aming harapan.
Pasalubong ito sa amin at mas lalong nataranta ang aking kaibigan. Maging ako ay nanlaki na lang ang mga mata dahil sa bilis ng pangyayari.
Kinabig ni Erika ang manibela pakaliwa at tuluyang nawalan ng kontrol sa manibela.
"Aaaah!"
Maririnig ang malakas na pagsigaw mula sa amin nang magpaikot-ikot ang sinasakyan naming kotse.
Sabay naming tinakpan ang aming mga mukha ngunit wala rin itong sibli. Maging ang seatbelt ay tuluyan na ring bumitiw sa lakas ng impak at naramdaman ko ang sunod-sunod na paghampas ng aking katawan sa bawat sulok ng sinasakyan naming kotse.
Tila slow motion ang paligid dahil natamaan ng aking tingin ang hitsura ni Erika na ngayon ay sigaw na rin nang sigaw.
Ngunit maya-maya lang, tumama ang ulo niya sa manibela, dahilan upang magkaroon ng matinding pagdugo sa kanyang ulo. Unti-unting pumikit ang talukap ng mga mata ng aking kaibigan.
"Eka!" malakas kong sigaw bago pa muling humampas ang aking likod sa isang kanto ng kotse.
Halos mawalan na ako ng malay sa malakas na paghampas na iyon, hanggang sa tuluyan nang tumigil sa pag-ikot ang kotse.
Ramdam kong umuusok ang sasakyan. Nais ko mang lumabas mula sa loob nito, ngunit hindi ko na maigalaw ang aking katawan dahil sa sakit. Nilibot ko ang aking paningin at nakita ang walang malay kong kaibigan. Pinilit ko siyang abutin gamit ang nanghihina ko nang kamay ngunit hindi na kinaya ng aking katawan.
Unti-unti na ring bumibigay ang talukap ng aking mga mata at tila nais na itong pumikit.
Nagsimulang umapoy ang kotse at nararamdaman ko na ang mainit na apoy na dumidila sa aking balat.
"Mis! Mis!"
Sunod-sunod ang sigaw na naririnig ko mula sa labas. Dahil wala na akong lakas, tuluyan na lang akong nawalan ng malay at sinuko ang aking katawan sa kung ano man ang aking kahahantungan.