Naalimpungatan ako para tumagalid sana pero hindi ko na ituloy. May mabigat kasing nakadagan sa aking may bandang bewang pababa sa may hita.
Iminulat ko ang aking mata para tingnan kung ano ba ang bagay na iyon.
Hindi naman pala bagay ang nakadagan sa akin kun'di tao, si Jessica, na mahimbing na natutulog habang nakasubsob sa aking may bandang bewang.
Mukhang hindi n'ya namalayan na nakatulog s'ya rito sa k'warto ko, lalo na sa katawan ko sa pagpapatulog sa akin.
Dahan-dahan akong tumihaya habang inaalalayan ng bahagya ang kan'yang ulo para hindi s'ya magising.
Bumangon ako paupo sa kama at bahagyang inayos ang p'westo n'ya para sa kama s'ya humiga. Sasakit ang katawan niya paggising niya pamihado dahil sa maling p'westo sa pagtulog.
Napatitig ako sa mukha n'ya pagkatapos ko s'yang ihiga nang maayos. Meron sa aking pakiramdam na gustong haplusin ang maamo niyang mukha pero pinigilan ko ang sarili ko.
"Anong meron sa'yo at pakiramdam ko unti-unti kang nakakapasok sa mundo ko na isinarado ko sa ibang tao?" mahinang bulong ko habang nakatingin sa mukha n'ya.
Para akong tanga ngayon na kumakausap sa isang taong tulog na tila ba sasagot s'ya sa tanong ko.
Huminga ako ng malalim bago ako humiga ulit sa kama para matulog. Inayos ko ang kumot para sa aming dalawa.
Hindi ko alam kung ilang minuto o oras na ba akong nakakatulog ulit nang may maramdaman ako na nagsusumiksik sa aking tiyan.
Inaantok na tiningnan ko iyon kung ano at doon ko nakita si Jessica, sa aking t'yan na nakasiksik habang yakap ako sa may bandang balakang.
Ang weird lang dahil wala akong masamang naging reaksyon sa pakiramdam ko sa p'westo namin.
Ayoko pa naman sa lahat ay ang mga intense na posisyon na ganito. Sobrang naiilang ako at nakakaramdam ng pandidiri kaya wala akong taong pinapayagan na makalapit sa akin ng ganito kaya nakapagtataka lang na sa halip mairita ako sa posisyon namin ngayon ay parang ang payapa ng pakiramdam ko.
Ilang minuto siguro ang lumipas mula ng titigan ko s'ya nang makita kong s'yang gumalaw. Agad akong pumikit at nagkunwari na tulog nang mapansin ko na nagmulat s'ya ng kan'yang mga mata.
"Luh! Bakit dito ako nakatulog?" bulong niya pero dinig ko pa rin, "Patay! Siix thirty na pala! Tanghali na, magluluto pa ako!"
Bababa na sana s'ya sa kama ng pigilan ko s'ya sa braso.
Nakita ko ang pagngiwi niya nang lumingon sa akin. "Ma'am, pasensya na po. Hindi ko po alam na nakatulog ako rito sa kama n'yo. Pasensya na po talaga! Hindi na po mauulit."
Gusto kong matawa dahil sa naging reaksyon niya at sa sunod-sunod na sinabi niya. Halatang-halata ang takot niya sa akin.
"Maligo ka na agad paglabas mo rito sa k'warto ko. Huwag ka ng magluto, sa labas na lang tayo mag-almusal," sa halip ay sagot ko.
Kita ko na natigilan s'ya sa mga sinabi ko. Hindi n'ya siguro akalain na iyon lang ang maririnig niya sa akin sa halip na sermon.
"Ano na? Maliligo ka ba sa k'warto mo o gusto mo rin dito sa k'warto ko maligo?" tanong ko para pukawin ang pansin niya.
Kita ko ang bahagyang pamumula ng pisngi niya dahil sa sinabi ko, kaya ito na naman ang ngiti na gustong sumilay sa labi ko pero agad ko rin namang pinigilan sa pamamagitan ng pagkagat sa aking ibabang labi.
"Sa k'warto ko na lang po Ma'am, baka po kasi maglaway agad kayo ng maaga kapag nakita n'yo akong bagong ligo," sagot niya sabay ngisi sa akin bago nagmamadaling bumaba ng kama at lumabas ng aking k'warto.
"Ano raw? Ako maglalaway sa katawan niya?" hindi makapaniwalang tanong ko sa sarili ko.
Napabangon tuloy ako bigla. Ang yabang! Ako maglalaway sa katawan n'yang iyon? It's a big NO! Sa sexy at ganda kong ito, baka s'ya pa ang maglaway.
Pumunta ako sa banyo at naligo ng mabilis. Tinuyo ko lang ng bahagya ang buhok gamit ang tuwalya bago lumabas ng banyo para magbihis.
Isang dilaw na sleeveless dress na may haba hanggang tuhod ang napili kong isuot. Lalong lumitaw ang kaputian kong taglay dahil sa kulay niyon tapos hapit na hapit pa sa katawan ko.
Naglagay lang ako ng light make up sa mukha bago tumayo para lumabas ng k'warto ko pero saglit akong tumigil muna sa harap ng human size na salamin.
Hindi ko maiwasan na hindi humanga sa taglay kong ganda. Artistahin talaga ang itsura ko dahil na rin sa ibang lahi na meron sa dugo ko. Mukha akong Hollywood actress. Papasa nga akong model kung mag-a-apply ako.
"Tara na," tawag ko sa pansin ni Jessica, na prenteng nakaupo sa couch na ngiting-ngiti habang gumagamit ng cellphone.
"Yes Ma'am," sabi niya pagkatapos ilagay sa bulsa ang cellphone bago lumingon sa akin.
Kita ko ang mga mata n'ya na pinasadahan ako ng tingin mula ulo hanggang paa at paa hanggang ulo.
Kung ibang tao s'ya baka kanina ko pa s'ya nasigawan o worst ipinakulong ko s'ya sa paraan ng pagtingin niya sa katawan ko pero dahil s'ya itong gumagawa ngayon sa akin nito hahayaan ko lang.
"Laway mo tumutulo," sabi ko.
Nagtaas s'ya ng kamay papunta sa kan'yang labi at sinalat ang laway na sinasabi ko.
Nilampasan ko s'ya na natatawa. Uto-uto rin talaga.
Lumabas na ako ng unit kasunod s'ya. "Wala naman po, Ma'am."
Hindi ako sumagot at deretso lang na naglakad papunta sa elevator. Tahimik kaming sumakay sa loob. Hindi na rin kasi s'ya nagsalita pagkatapos kong hindi sumagot sa sinabi niya.
Halos sabay kaming sumakay sa kotse at nagkabit ng seatbelt. Mabilis kong minaobra ang sasakyan palabas ng parking lot.
"Anong gusto mong kainin?" tanong ko makalipas ang ilang minuto namin sa b'yahe.
"Ikaw Ma'am," sagot niya na agad nakapagpalingon sa akin sa p'westo n'ya. "Ibig ko pong sabihin, ikaw na lang po mag-decide."
Inirapan ko s'ya dahil doon. Nakakainis! Hindi ko alam kung sinadya n'yang ganun ang isagot para tingnan ang reaksyon o talagang ako lang ang nagbigay ng hindi magandang kahulugan sa sinagot niya.
Nag-park ako sa isang fast food restaurant na nagse-serve ng breakfast.
"Kumakain din pala kayo sa ganito, Ma'am. Akala ko hindi n'yo alam ang mga ganito," aniya habang nag-aalis ng seatbelt.
"Palagay mo sa akin?" sagot ko at nag-alis din ng seatbelt. "Judgemental ka."
"Ay grabe ka Ma'am, maka-judgemental agad kayo sa akin," sabi n'ya. Papasok na kami sa loob ng past food. "Ibig ko lang naman po kasing sabihin, mayaman kayo akala ko mamahaling restaurant lang kayo kumakain."
"Whatever!" sagot ko. Naupo ako sa may dulong bahagi sa gilid kasunod siya.
"Ikaw na lang mag-order, isang fried rice, sunny side up eggs, at bacon lang sa akin," sabi ko, "samahan mo na rin pala ng kape."
Tumango s'ya sa sinabi ko. Kinuha ko ang wallet sa bag ko at inabutan s'ya ng one thousand pesos.
"Um-order ka ng kahit anong gusto mong kainin," sabi ko.
Tumango lang s'ya at agad na nagpunta sa counter para um-order. Wala namang pila kaya mabilis lang din s'yang nakabalik sa table namin.
Wala pa sigurong 15 minutes ay dumating na ang in-order niya para sa amin.
Agad kaming nagsimulang kumain ng walang imikan pero paminsan ay napapatingin ako sa kan'ya. Para kasing may sariling utak ang mga mata ko at palaging sa p'westo n'ya nagagawi.
"May sasabihin po ba kayo?" tanong niya.
"Wala. Bakit?" agad na sagot ko.
"Kanina ko pa po kasi kayo napapansin na tingin nang tingin sa akin," sabi niya.
"Huwag kang assuming, hindi kita tiningnan, baka ikaw ang tingin nang tingin sa akin kaya napapatingin ako sa'yo," sagot ko.
"Si Ma'am, tatanggi pa. Eh, kanina ko pa kayo nahuhuli. Crush n'yo na po ako?" sabi niya.
Hindi ako makapaniwala sa sinabi niya. Masyado na yatang makapal ang mukha niya ngayon. At nagagawa niya akong sabihan ng mga ganito.
"Alam mo, mag-iisang linggo ka palang sa akin pero kumakapal na agad masyado 'yang pagmumukha mo," sabi ko.
"Hindi po masamang umamin Ma'am. Naiintindihan ko naman po na sa kagandahan kong taglay hindi talaga maiiwasan mahulog ng mga babae at lalaki na tulad n'yo sa akin," sabi niya habang ngiting-ngiti. Masyado s'yang nag-e-enjoy sa kakapalan ng mukha niya.
"Ah, okay. Sana lang din maiintihahan mo na ngayon wala ka ng trabaho dahil sa kakapalan ng mukha mo!" seryosong sabi ko.
Wala naman akong balak na tanggalin talaga s'ya. Gusto ko lang syang takurin para tumahimik na s'ya sa mga pinagsasasabi niya.
"Si Ma'am naman hindi na mabiro. Nagbibiro lang naman po ako," sabi n'ya, "Sorry na po."
Natatawa ako sa kan'ya sa totoo lang. Daig pa niya ang isang maamong tupa ngayon. Nawala na ang kahanginan niyang taglay kanina lang.
Hindi ako sumagot at isinubo ang huling pagkain sa bibig ko. Pagkatapos ko iyong nguyain ay agad akong tumayo bitbit ang kape ko.
Tumayo na rin s'ya agad pagkakita sa akin. Ayos lang naman kasi tapos na rin s'yang kumain.
"Ma'am, sorry na!" sabi niya sa akin. Nagpunta s'ya sa unahan ko at naglakad ng patalikod para tingnan ako.
Kagat ko ang gilid ng pisngi ko sa loob para pigilan ang ngiti ko dahil sa kakulitan niya pero agad ko rin iyong nabitawan dahil may motorsiklo na mabilis na paparating sa gawi n'ya na hindi n'ya nakikita dahil sa akin s'ya nakaharap habang naglalakad.
Mabilis ko s'yang hinila sa braso para iiwas sa kapahamakan na papalapit sa kan'ya. Nabigla s'ya kaya naman bigay na bigay ang pagkakayakap niya sa akin na muntik ko pang ikatumba.
"Gusto mo na bang mamatay?!" sigaw ko sa kan'ya pagkatapos ko s'yang ilayo sa katawan ko. "Huwag na huwag mo ng uulitin iyon!"
Pagkatapos kong sabihin iyon ay naglakad na ako papunta sa kotse ko at iniwan s'yang natitigilan.
Pagpasok sa loob ng kotse ay sumobsob ako sa manobela. Panay ang hinga ko ng malalim para kalmahin kahit papaano ang sarili ko dahil sobrang bilis ng t***k ng puso ko sa nangyari.
Sobra-sobra ang kabang nararamdaman ko ngayon. Akala ko talaga ay makakakita na naman ako ng isang tao na bubuglata dahil sa isang aksidente tulad noon na halos ikabaliw ko.
Narinig ko ang pagbukas ng pintuan ng kotse ko pero hindi ako nag-abalang kumilos o tingnan man lang ang taong nagbukas niyon dahil alam ko naman na si Jessica lang iyon lalo pa nga at naramdaman ko ang paggalaw ng kotse dahil sa pag-upo niya sa loob.
"Ma'am...sorry po," sabi niya bago ko naramdaman ang bahagyang paghaplos n'ya sa aking likuran. "Ayos lang po ba kayo?"
Kung kanina ay kabado lang ako at takot ngayon ay bigla na lang akong naiyak. Hindi ko alam kung bakit basta na lang bumagsak ang luha ko ng haplusin n'ya ako sa aking likuran at tanungin kung ayos lang ba ako.
"Ma'am..." nag-aalala ang tono ng boses niya, "Nasaktan po ba kayo?"
Hindi ako sumagot at ipinagpatuloy lang ang pag-iyak. Sobrang sakit ng nararamdaman ko ngayon dahil naalala ko na naman ang isang malagim na pangyayari noon sa buhay ko.
Muli kong naalala ang mga taong namatay dahil sa isang malagim na aksidente. Kitang-kita ko ang mga katawan nilang puno ng dugo at meron isa na basag pa ang bungo sa lakas ng impact ng aksidente.
Ang mahinang paghikbi ko kanina ay napalitan ng hagulhol. At ang kamay n'ya na humahaplos sa aking likuran kanina ay ngayon ay nasa braso ko na.
Dahan-dahan n'yang iniangat ang karawan ko sa manobela. Iniharap niya ako sa kan'ya at pinunasan ang luha ko gamit ang dalawang palad niya bago ako dahan-dahan na kinabig palapit sa katawan niya para yakapin.
Hinayaan ko lang s'yang yakapin ako dahil alam ko na any moment ay kakalma rin ako sa mga bisig n'ya tulad noong mga nakaraang araw, noong halos hindi na ako magising sa bangungot na paulit-ulit kong napapanaginipan.
"Ayos ka na po ba?" tanong niya nang tumigil na ako sa pag-iyak. Ramdam ko ang pamumugto ng mata ko dahil sa sobrang pag-iyak ko kanina.
Tumango ako sa kan'ya bilang sagot. Nakasandal na ako sa katawan n'ya habang yakap niya ako mula sa likuran.
"Kung kailangan n'yo po ng kausap, nandito lang ako, handa po akong makinig sa lahat ng k'wento n'yo," aniya na tinanguan ko lang din.
Saka na. Saka na ako magkukwento kapag handa na ako o kapag napatawad ko na siguro ang mga taong may gawa ng mga bangungot ko. Sana lang din mapatawad ko rin ang sarili ko sa lahat ng nangyari, baka sakaling bumalik na rin ako kung paano ako dati. Dating ako na puno ng ngiti at saya ang buhay na nasira dahil sa mga taong wala kaluluwa!