"Jessica!"
"Ay palaka!" nagulat na sabi ko pagkarinig sa sigaw na tumawag sa pangalan ko.
Dali-dali akong lumapit sa aking boss na si Megan, mula sa ginagawa kong pagkuha ng kape para sa kan'ya.
"Po? B-bakit po?" kinakabahan na tanong ko. Iniisip ko kung ano na naman bang kasalanan ko ngayon at high blood na naman siya.
Padalawang araw ko pa lang dito pero ilang beses na akong nasisigawan sa konting pagkakamali ko.
Ngayon napatunayan ko na lahat ng nabasa ko tungkol sa kan'ya ay totoo. Palagi s'yang sumisigaw kapag galit. Hindi man lang s'ya marunong ngumiti na akala mo palaging may mabigat na dinadala sa buhay.
Hay! Dito yata ako magkakaroon ng sakit sa puso. Ikaw ba naman ang sigawan bigla kahit nasa malapit ka lang.
Noon, sobrang tuwa ang nararamdaman ko nang matanggap ako agad sa trabahong ito.
Flashback
"You're hired, Ms. Mendoza!" sabi sa akin ni Ms. Alvarado, pagkatapos n'yang basahin ang resume ko na hawak niya.
"Talaga po? Agad-agad?!" ngiting-ngiti na paninigurado ko. Baka kasi nagbibiro lang s'ya o ano. Tanggap na kasi daw ako eh, hindi man lang nga n'ya ako in-interview.
Nakangiti rin s'yang tumango sa akin. "Yes, and gusto ko sana na bukas mismo ay magsimula ka na bilang PA ni Ms. Heard."
"Sige po, magsisimula na ako bukas," masiglang sagot ko, "Ahmm, 'yung salary po ba na nakasulat sa labas, totoo po ba iyon?"
"Yes, totoo iyon. Iyon talaga ang sasahudin mo sa kan'ya," sagot niya, "Oh! Nakalimutan ko pa lang sabihin na stay in pala ang trabaho na ito, and every Sunday ang day off mo sa kan'ya. Lahat naman ng gagamitin mo ay libre mula sa hygienes, mga pagkain, at higit sa lahat makakatanggap ka pa ng allowance every week bukod sa monthly salary mo."
Wow! Ang ganda talaga ng offer ng trabaho na ito kaso nga lang stay in. Paano si Tita? Wala s'yang makakasama sa bahay.
"Ganun po ba? P'wede ko po kayang ikonsulta muna sa bahay? Hindi ko po kasi alam na stay in pala ang kailangan n'yo," sabi ko. Tatanungin ko muna si Tita, bago ko tanggapin ang trabaho na ito.
"Sige. Wala naman problema roon," nakangiti na sagot niya sa akin bago may kinuha sa loob ng drawer. "Here's my number, tawagan mo agad ako kung ano ang desisyon mo para incase makahanap kami agad ng iba kapag ayaw mo."
"Sige po," sagot ko at kinuha ang card na ibinibigay n'ya sa akin. "Aalis na po ako. Salamat po."
Nakangiti na tumango lang s'ya sa akin. Lumabas na ako ng opisina niya at naglakad palabas ng kompanya na iyon habang nag-iisip kung papasok ba ako sa trabaho na iyon o hindi.
Pumara ako ng tricycle para umuwi na ng bahay. Alas tres na nang hapon pasado at mamaya pa ang dating ni Tita, galing sa trabaho.
Pagdating sa bahay ay nagpalit lang ako ng damit bago pumunta ng kusina.
Binuksan ko ang refrigerator para tingnan kung ano ang p'wedeng lutuin na ulam namin para sa hapunan mamaya. Kaso wala ng laman iyon kun'di tubig. Wala na pala kaming stock na p'wedeng ulamin. Hindi pa nakakapag-grocery si Tita.
Bumalik ako sa k'warto at kinuha ang wallet ko sa bulsa ng bag ko. Tiningnan ko iyon, meron pang eight hundred na buo na tira sa one thousand na ibinigay ni Tita, sa akin kanina.
Bitbit ang wallet ay lumabas ako ng bahay. Pupunta ako sa talipapa para bumili ng uulamin namin mamaya.
Hapon na pero madami pa ring tao rito sa talipapa para mamili tulad ko. Panay ang linga ko sa bawat tindahan na madadaanan ko. Naghahanap ako ng p'wedeng bilhin ulam.
May nakita akong tilapia na ang lalaki at buhay pa. Sariwang-sariwa talaga.
"Ate, magkano ang kilo ng tilapia n'yo?" tanong ko sa tindera na hindi naman katandaan. Tingin ko mas matanda lang s'ya sa akin ng dalawa o tatlong taon.
"One hundred twenty, darling," malambing na sagot niya, "isang kilo ba?"
"Sige, bigyan mo ako ng isang kilo. Iyong sariwa ha? Kasing sariwa mo," nakangiti na sabi ko. "Tapos bigyan mo ako ng madaming hiling."
"Oo, ako bahala sa'yo, kung gusto mo pati sarili ko ay ihiling ko na sa binili mo," sagot niya sa akin habang nanghuhuli ng tilapia sa aquarium nila.
Natawa ako sa sinabi niya. Napaka-jolly ng tindera na ito. Game na game sa mga biruan.
"Sige Ate, pakibalot na ng sarili mo," nakangiti na sabi ko, "Ano kayang masarap na luto sa'yo?"
Tumingin siya sa akin at tumigil sa ginagawang pagkakaliskis ng isda. "Mas masarap ako kapag kinain mo ng hilaw."
Natawa ako habang namumula ang pisngi.
Na-imagine ko kasi ang kahalayang sinabi niya.
"Namumula ka ah! Inosenti pa ang bata," natatawa na sabi niya. "Oh, eto na ang isda mo, saka ko na lang ihihiling ang sarili ko kapag may experience ka na. Baka langawin lang ako sa bahay n'yo."
Lalong nag-init ang pisngi ko sa sinabi niya. Hindi na ako nakasagot at nakangiti na lang na inabot ang bayad ko sa kan'ya.
"Salamat virgin!" sigaw niya nang naglalakad na ako paalis.
Napapikit ako ng mariin at nagyuko ng ulo. Ramdam ko 'yung mga mata ng tao na alam ko na nakatingin sa akin dahil sa isinigaw ng babae na 'yun.
Hayst! Bakit kasi kailangan ipagsigawan? Masama na bang maging virgin ngayon?!
Pagdating sa bahay iniisip ko naman kung anong luto sa isda ang gagawin ko. Inabot din yata ako ng ilang minuto bago nakapag-isip ng masarap na luto sa binili ko.
Kumuha ako ng sibuyas at kamatis at ginayat ko iyon ng maliliit. Pagkatapos ay hinugasan ko ang isda bago ko ipinasok sa loob ang mga sibuyas at kamatis na ginayat ko kanina. Pagkatapos ay binalot ko iyon sa aluminum foil.
Inihaw ang gagawin ko sa tilapia. Tapos mamaya ay gagawa ako ng sawsawan para mas masarap.
Tiyak matutuwa si Tita kapag nakita ang niluto ko. Iniisip ko rin bumili ng alak sa tindahan, masarap kasing pampulutan ang isdang inihaw.
Naligo ako pagkatapos kong maghanda ng hapunan namin. Nakapagsaing na din naman ako kanina habang nag-iihaw sa labas ng bahay, rice cooker naman kasi ang ginamit ko sa pagsasaing.
Nagbibihis ako nang madinig ko ang pagbukas ng pintuan ng bahay namin. Napatingin ako sa orasan na nasa dingding ng k'warto ko, ala sais na ng gabi. Mukhang walang overtime si Tita ngayon.
Nagsuklay lang ako ng buhok ako bago lumabas ng k'warto.
"Tita, kape o kakain na tayo?" tanong ko. Nakaupo si Tita sa sofa habang nakatingala nang lumabas ako sa k'warto.
"Kakain na beh, gutom na ako," sagot niya at naupo ng ayos. "Anong ulam natin?"
"Hulaan mo po Tita," nakangiti na sagot ko.
"Pagod na ako tas pag-iisipin mo pa ako!" nakanguso na sabi niya at inirapan ako. "Maghain ka na nang makita ko ang ulam at nang hindi mo na ako pag-isipin pa. Magbibihis lang ako."
Natatawa na nakasunod lang ako ng tingin sa tiyahin ko na naglalakad para pumunta sa kan'yang k'warto.
Nagpunta na ako sa kusina at nagsimulang maghain. Inilagay ko na lahat ng kailangan namin sa lamesa para hindi na tindig nang tindig mamaya. Nakakawalang gana kasi kapag ganun.
"Wow! Inihaw, sarap!" ngiting-ngiti si Tita, pagkakita ng ulam na nasa lamesa. "Kaya pala may pahula ka pang nalalaman."
Tumawa lang ako at umupo na rin sa katapat niyang upuan. Naglagay ako ng kanin sa plato ko bago ko inabot iyon kay Tita.
"Kamusta pala ang lakad mo? May nahanap ka ba?" tanong niya sa kalagitnaan nang pagkain namin.
Uminom muna ako ng tubig. "Meron po Tita, kaso stay in po ang gusto."
"Oh? Eh, anong problema?" nakakunot na sabi niya.
"Wala po kayong makakasama dito sa bahay kapag pumasok ako roon. Sunday lang po ang rest day ko kapag tinanggap ko ang trabaho," sabi ko.
"Ano ka ba? Kaya ko namang mag-isa rito, at saka lagi din naman akong may pasok sa pabrika," sagot ni Tita, "Magkano ba ang sahod mo roon kapag pumasok ka?"
"Thirty thousand po a month, tapos bukod pa daw ang allowance every week," sagot ko.
Napabagsak ang kutsara niya bigla. "Ang laki naman! Anong trabaho naman iyan? Baka naman pagpuputa na iyan, ha?!"
Natawa ako sa reaksyon ni Tita at pati sa sinabi niya. Napaka-judgemental naman kasi.
"OA mo po," sabi ko, "Personal assistant po ang trabaho ko or mas tamang sabihin na personal na alalay o maid, ganern pero hindi po pokpok."
"Matino naman palang trabaho, eh, 'di pumasok ka. Minsan lang makakuha ng trabaho na ang laki ng sweldo, mas malaki pa nga iyan sa sinasahod ko kahit mag-over time ako ng mag-over time," sabi ni Tita, "Go, pumasok ka. Huwag mo akong alalahanin at kaya ko ang sarili ko."
Pinagmamasdan ko si Tita, kung nagsasabi ba s'ya ng totoo o ganito lang s'ya para hindi ko s'ya alalahanin. At mukha naman seryoso talaga siya.
"Sige po Tita, papasok po ako pero kapag kailangan n'yo ako rito sa bahay ay tawagan n'yo po ako kaagad," sabi ko.
Tumango siya habang ngumunguya. "Oo, don't worry. Kailan ka ba magsisimula?"
"Bukas na po agad," sagot ko.
"Bukas na pala agad. S'ya, matulog ka nang maaaga mamaya at nang maaga kang makapunta sa kanila," sabi niya. Uminom na s'ya ng tubig, mukhang tapos na s'yang kumain.
"Mag-inom muna tayo Tita, bibili ako ng soju," nakangiti na sabi ko pero agad din akong napahawak sa noo ko nang makatanggap ako ng hampas ng kutsara.
"Inom ka d'yan! May trabaho tayo bukas kaya matulog ka na pagkatapos mo d'yan," sabi niya bago tumayo at iniwan ako sa kusina.
Nakanguso na ipinagpatuloy ko na ang pagkain ko.
End of Flashback
"Tingnan mo nga iyang plato! May mata ka ba?" namumula sa galit na sabi niya sa akin. "Hindi mo inaayos ang paghuhugas mo ng plato!"
Kinuha ko ang plato at tiningnan. May konti lang as in sobrang konti, na halos kasing laki lang ng apanas na langgam na bakas nang kapit ng kanin ang nandoon tapos ganito na s'ya magalit. Napaka-OA ng timawang babae na 'to.
"Ikukuha ko na lang po kayo ng bagong plato, Ma'am," sabi ko.
Hindi s'ya sumagot sa akin kaya tumalikod na ako at kumuha ng panibagong plato. Bago ko iyon iabot sa kan'ya ay sinigurado ko muna na walang kahit anong bahid ng kung ano roon. Mahirap na at baka ibato na n'ya sa akin ang plato at iyon pa ang ikamatay ko.
Inilagay ko sa harapan niya ang plato ng walang imik. Tapos tumalikod na ako at muling kinuha ang kape na isasalin ko sana kanina, inilagay ko rin iyon sa harapan niya.
Nagsimula na s'yang kumain na hindi man lang ako inaalok na akala mo ay wala s'yang kasama.
Pinagmamasdan ko s'ya sa pagkain niya. Napakayumi ng pagnguya n'ya pati sa pagsubo ng pagkain. Para s'yang iyong mga tao sa palabas na may dugong bughaw na sobrang hihinhin kumilos. Hindi mo aakalain na may malatigre na nakatago sa loob ng hinhin niyang iyon.
"Maghanap ka ng ibang gagawin bukod sa pagtitig sa akin. Nakakailang ang ginagawa mo!" mataray na sabi niya habang nakataas ang isang kilay na nakatingin sa akin.
"Sorry po," sabi ko at agad tumalikod sa gawi niya.
Ano ba naman kasing gagawin ko? Nakakatamad kayang kumilos ng kumakalam ang sikmura. Kung bakit naman kasi hindi n'ya pa ako isabay sa pagkain o kaya pakainin n'ya ako doon sa kusina sa lutuan nang makakain na rin ako at hindi iyong kailangan n'ya pang matapos kumain bago ako kumain. Sa bagal niya palaging kumain baka magka-ulcer na ako ng dahil sa kan'ya.
"Maliligo na ako," dinig kong sabi niya kaya humarap na ako sa gawi niya.
Tumayo na s'ya at naglakad paalis dito sa dining area.
Dali-dali akong naupo sa hapag-kainan at nagsimulang kumain gamit ang plato niya. Sobrang gutom ko na kaya ayos na iyon, wala naman iyon germs siguro sa sobrang selan niya sa gamit at katawan.
"Success!" mahinang sigaw na bulong ko habang himas ang aking tiyan na busog na busog. Satisfied na naman ang mga bulati ko sa bituka.
Perfect na sana ang trabaho ko na 'to kung hindi lang sana ganun kasungit ang amo ko. Pero sabagay wala naman talagang perfect na kahit ano, mapabagay man o tao.
Kakayanin ko ito para sa malaking sweldo na naghihintay sa akin. Aja! Kailangan magtiis pala sa trenta mil.