KABANATA 6:

1531 Words
Kabanata 6: Kung ano man ang gustong sabihin sa akin nitong si Morris, sigurado akong napakaimportante dahil maka-ilang beses pa muna siyang napabuntong-hininga. “Talaga bang hindi mo na ako maalala?” Mabilis na nangunot ang noo ko sa tanong niya. Mula sa galit na ekspresyon sa kaniyang mukha, napalitan iyon ng para bang umaasa. Umaasa na sana ay naaalala ko. “Bakit? Nagkakilala na ba tayo dati?” tanong ko pabalik. Sa totoo lang kung nagkakilala man kami noon ni sa hinagap, hindi ko na siya matandaan. Pero hindi iyon maaari dahil hindi pa naman ako nag-uulyanin at isa pa ay wala naman akong naging kaibigan noon dahil ilag nga ako sa mga tao. Tumango siya at saka yumuko, tila hindi nagustuhan ang isinagot ko. Hindi ko siya maintindihan e, kung nagkakilala man kami noon sana ay sinasabi na niya. Hindi 'yong nanghuhula pa ako. "Bakit hindi mo na lang sabihin sa akin kung nagkakilala man tayo noon?" tanong ko sa kaniya. Nag-angat siya ng tingin sa akin at saka nagkibit-balikat. “Basta, hindi pwedeng pagtrabahuin mo rito iyong lalaki na 'yon,” aniya. Nag-iwas siya ng tingin sa akin at saka ako tinalikuran. Padabog na sinara niya ang pinto na para bang ako pa ang mali na hindi niya ipinaliwanag sa aki ang mga sinabi niya. Tama ba namang pagdabugan ang sarili mong amo? Pero kasi, totoo bang may kakilala akong Morris Peña noon na hindi ko na matandaan? Nahilot ko ang sentido ko. Pero sabagay tama naman talaga siya, hindi ko dapat tinanggap si Cyrus lalo na at alam kong pwedeng mapahamak kami sa taong 'yon. Bakit ba kasi nagiging maaawain na ako nitong mga nakaraang araw? Dagdag sa isipin ko pa itong sinabi sa akin ni Morris tungkol sa magkakilala kami pero hindi ko naman maalala. Bakit ba kasi hindi na lang niya ipaliwanag sa akin? Imbes na isipin nang isipin iyong mga sinabi ni Morris, minabuti ko na lang na silipin si Rayven sa CCTV na nakakonekta sa cellphone ko. Napailing na lamang ako nang bumukas na ang CCTV at bumungad sa akin si Rayven na abala sa pagwawalis sa bakuran. Isa pa 'to, dapat talaga hindi ko na siya tinanggap dahil alam kong pwede kaming mapahamak. Na pwedeng sobrang laki ng maging problema sa oras na lumabas ang tunay na kulay ng taong ito. Nangunot kaagad ang noo ko nang matapos siyang magwalis sa bakuran, nakita ko si Rayven na paakyat ng hagdan. Dali-dali kong inilipat sa CCTV na nasa itaas at nakita kong umakyat nga! Sinong nagpahintulot sa kaniya na umakyat doon?! Pakiramdam ko pa’y namutla ako nang sinubukan niyang pihitin ang seradura ng unang pinto mula sa hagdan. Pero naka-lock iyon! Sa kaba ko, nagmadali akong tumayo at lumabas ng opisina. Nagulat ang mga costumers sa bigla kong paglabas maging sila Bella. “Ikaw na muna rito, Bella. Tatawagan kita mamaya dahil may emergency!” Hindi pa man nakakasagot si Bella, patakbo na akong lumabas ng Bakery. Para akong tangang lakad-takbo bitbit ang cellphone ko. Ilang beses kong tinawagan si Ate Sol pero hindi ito sumasagot. Kabadong-kabado na ako. Paano kung pinatay niya na pala si Ate Sol?! Ito na nga ba ang sinasabi ko e! Ang tanga ko para tanggapin si Rayven at mas tanga ako para hindi hingiin ang cellphone number ng taong 'yon! Dahil malapit lang ang bahay na tinitirhan ko at sa Bakery, narating ko kaagad ang bahay. Nanginginig na kinuha ko ang susi ng gate sa bulsa ko at halos hindi ko pa 'yon mapasok sa padlock. Mangiyak ngiyak akong pumasok sa loob. “Ate Sol! Ate Sol!” sigaw ko. Hinihingal na binuksan ko ang main door at naabutan ko roon si Ate Sol, nakatayo at nagtatakang nakatingin sa akin. “O? Bakit?” gulat na tanong niya. Pinigilan ko ang panginginig ng labi ko. Nagpasalamat ako na buhay si Ate Sol at walang nangyaring masama. “Tawag ka nang tawag sa akin kanina, pasensya na hindi ko nasagot kasi nagluluto ako ng tanghalian. Anong problema?” Pumikit ako nang mariin at pilit na pinakalma ko ang sarili. “Nasaan si Rayven?” tanong ko. “A, siya ba? Nasa taas nagbanyo siya roon. Sira kasi ang gripo dito sa baba kaya pinaakyat ko na sa taas. Ano bng nangyayari sa ’yo?” Inis na hinagod ko ang buhok ko. Bwiset, kinabahan ako nang wala sa lugar! Mayamaya pa’y bumaba si Rayven, pawis na pawis ito. Nagulat siya nang makita ako. “Ma’am! Ang aga n’yo yatang umuwi?” Kaagad kong pinansin ang itim na demonyo sa kaniyang likuran. Mukha itong galit habang nakakapit ang magkabilang kamay sa mga balikat ni Rayven. “G-gusto ko lang magtanghalian dito,” palusot ko. Tumango siya 'tsaka ngumiti. Marahan niyang inalis ang pagkakapusod ng shoulder length niyang buhok at saka iyon inayos. “Sige po ma’am, sa labas na lang po ako kakain,” aniya. Umiling ako. Gusto kong malaman ang iniisip ng mapangahas sa kaniyang likuran. “Hindi, sumabay ka na sa amin.” Sabay nga kaming kumain. Para akong timang na pinakikinggan kung anong sasabihin ng demonyo niya. Pero maging ito’y tahimik. Nararamdaman ko ang tensyon. Sigurado akong may binabalak itong tao na 'to. “Dapat talaga tinext mo na lang ako kanina para ako na ang nagdala ng pagkain sa Bakery. Ikaw talaga, ang init init kaya sa labas.” Ani Ate Sol habang nagsasandok ng kanin. “Okay lang Ate, para naman magkakulay ang balat ko,” sagot ko. Natawa si Rayven sa tabi ni Ate Sol kaya kaagad ko siyang binalingan ng tingin. Kaagad naman siyang nanahimik at pinigilan ang tawa. Ngumiti na lamang siya at tumuloy na ulit sa pag-kain. Ngayong mas malapit siya, mas napansin ko ang peklat sa kaniyang mukha. . . “Pasensya na Rayven. Pero saan mo nakuha 'yang malaking peklat sa mukha mo?” hindi ko napigilang tanong. Nag-angat siya ng tingin sa akin. “Ah ito ba ma’am?” Hinawakan niya ang peklat sa mukha. Mula sa kaniyang kaliwang kilay hanggang kanang labi. “Noong bata pa po ako, laging lasing ang tatay ko. Kapag lasing siya at hindi ko nasunod ang gusto niya, hinahampas niya ako ng latigo. Tumama sa mukha ko at hindi ko naiwasan.” Naitikom ko ang bibig ko. Ngumiti lang siya pagkatapos niyang i-kwento ang masalimuot niyang pagkabata. Parang iyong alaalang 'yon, sanay na siyang alalahanin. Sana balang-araw matutunan ko ring i-let go ang masasalimuot na araw ng buhay ko noon. “Kawawa ka naman, Rayven," ani Ate Sol. Bahagyang natawa si Rayven. “Ma’am, huwag mo naman po akong tingnan na parang awang awa ka sa akin. Hindi n’yo po ako dapat kaawaan.” Ngumisi ito. Kung hindi niya pa iyon sinabi, hindi ko pa ma-re-realize na masama nga pala siyang tao. Baka hindi totoo ang sinabi niya. . . pero. . . “Ngitian mo lang. . . kailangan mong makapagnakaw para sa tuition ng kapatid mo,” bulong ng demonyo sa kaniyang likuran. Lumunok ako at saka yumuko para tingnan ang pagkain na nakahain sa harapan ko. Tuition ng kapatid niya? Iyon ba ang dahilan kung bakit binabalak niyang magnakaw? Nang muli akong nag-angat ng tingin sa kaniya, desidido akong sabihing, “gusto mo ba ng advance payment? B-baka kailangan mo ng panggastos.” - Hindi tumanggi si Rayven sa ibinigay ko sa kaniyang advance na bayad. Sinabi kong bumalik siya rito sa bahay ko bukas at hiningi ko rin ang number niya. Alam kong masamang tao si Rayven, pero hindi ko mawari kung bakit naaawa ako nang ganito sa kaniya. Kasi baka. . . baka naman may mainam na dahilan kung bakit nagkaroon siya ng ganoon kalaking demonyo? Hindi ko alam. . . gusto kong malaman. Hindi ako kailanman nakaramdam ng ganitong awa para sa ibang tao, as in ngayon lang talaga. Muli kong tiningnan ang nilalang na nasa likuran ko mula sa salamin. Mula sa berdeng-berdeng kulay ng demonyong nasa likuran ko, nag-fade na ito ngayon, translucent na. Hindi ko na naririnig ang mga bulong nito sa akin. . . “Mainggit ka lang!” “Kawawa ka naman, hindi ka normal!” “Hindi ka na mabubuhay nang normal gaya nila! Habambuhay ka ng ganyan!” Ngumiti ako at bahagyang natawa sa sarili. Habang tumatawa, tumulo ang mga luha mula sa aking mga mata. Sino nga ba ang niloloko ko? Naririnig ko pa rin. . . Nawala ang tawa ko at nanginig ang mga labi. Tuloy-tuloy nang tumulo ang mga luha ko nang mula sa translucent na kulay nito, unti-unti na namang bumabalik sa matingkad na kulay berde. . . Hindi na yata talaga 'to aalis. Baka habambuhay na akong maiinggit sa mga taong may normal na buhay. Buong akala ko ay mawawala na nang tuluyan pero baka hindi na talaga. Sa tuwing may nakakasalubong akong mga taong maayos ang buhay, maayos ang pamilya, mga walang alalahanin sa buhay kung hindi ang patuloy lang na lumaban. Naiinggit ako. Dahil ako, ito at patuloy na kinakaharap ang isang sumpang hindi ko naman kailanman ginusto. Isang kakayahang kailanman hindi ko maintindihan kung bakit sa akin pa dumapo. Kung sino pa ang may masalimuot na nakaraan, siya pa ang nakatanggap ng nakakatakot na kakayahang gaya ng sa akin. At ang hirap tanggapin lalo na at wala akong choice. Wala akong choice kung hindi ang tanggapin na lang na habambuhay, ang mga demonyo sa likod ng mga tao ay makikita ko na at makakasama magpakailanman.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD