MABILIS lumipas ang isang buwan. Naging maayos ang pakikitungo ni Louie kay Mikaela. Pati na rin kina Lily at Ruth. Gustong-gusto din ng magulang ni Mikaela si Louie, dahil malinis ang hangarin ng binata sa kanilang anak. At pinatunayan lang ni Louie na kaya niya pinakikisamahan si Mikaela, hindi dahil sa magiging anak nila. Dahil na rin mahal niyang talaga ang dalaga. Naging matagumpay ang kanilang naging plano. Unti-unti na ring natutupad ni Louie ang kanyang pangarap na mabuo niya ang kanyang pamilya. Ayos na sa kanya ang sitwasyon nila, even though Mikaela doesn’t remember her anymore. Hindi na iyon mahalaga pa sa kanya dahil masaya na si Louie sa nangyayari sa kanila sa kasalukuyan. Tuluyan na niyang binura sa kanyang isipan ang pagnanais niyang maalala siya ni Mikaela nang gabing pinagsaluhan nila.
Totoong walang kaalam-alam si Mikaela na si Louie ang tunay na ama ng batang dinadala niya. Hindi man lang sumagi sa kanyang isipan o nagduda man lang. Marahil siguro, mas matimbang ang nararamdaman ng kanyang puso kaysa sa binubulong ng kanyang isipan. Maliwanag niyang nakikita at nararamdaman ang ipinapakita na pagmamahal at pag-aaruga ni Louie sa kanya. Umiibig na rin ang kanyang puso kay Louie. Napagtanto ni Mikaela, na kahit na anong nangyari sa kanya siya ay swerte pa rin. Ang hindi niya alam o ang hindi niya pansin, simula ng tanggapin niya ang bata sa kanyang sinapupunan ay tinatanggap na rin niya ang biyaya mula sa Diyos. Kaya siya pinagpapala na makasama ang lalaking tunay na ama ng kanyang anak. Kapag talaga kabutihan ang pinili ng isang tao, ang kapalit nito ay blessings.
Kaya naman sa tuwing babangon si Louie sa umaga, nakangiti kaagad ang kanyang mga labi. At siya ay nagpapasalamat sa Maykapal. Sa lahat ng biyaya at tahimik na buhay nila ni Mikaela. Sa kabila ng kanyang pag-iisa sa matagal na panahon, sa wakas, may makakasama na rin siya habang-buhay. Hindi muna siya naligo. Lumabas siya sa loob ng kanyang silid suot ang kanyang pantulog. Dumiretso siya sa kusina at gumawa siya ng kanyang kape sa coffee maker. Sa bawat kilos na kanyang ginagawa ay laging laman ng kanyang isipan ay si Mikaela. Nang handa na ang kanyang kape, binitbit niya ang tasa papunta sa isang area ng kanyang penthouse, kung saan naroon ang kanyang pribadong lugar.
Bago kasi siya lalabas ng kanyang penthouse para suriin ang kanyang mga iba pang negosyo, bubuksan muna niya ang kanyang laptop para makita ang mga emails at iba pang mga proposals sa kanya. Umupo muna siya sa upuan at sumandal. Humigop siya ng kape at nang ibaba niya ang tasa sa lamesa siya ay napangiti. Hindi na talaga mawala sa isipan niya si Mikaela, lalo na kabuwanan na nito. May mga mahahalagang senyales na rin silang nakikita kay Mikaela. Katulad ng, ang pagbaba na ng tiyan nito, ibig sabihin ay inihahanda na ng katawan ni Mikaela ang pagsilang. Ang madalas na paghilab ng kanyang tiyan. Nararamdaman na niya ang presyon hanggang sa kanyang likod at balakang. Madalang na lang ang paggalaw ng bata sa loob ng kanyang tiyan. Kaya sinisugarado ni Louie araw-araw na tulungan si Mikaela sa mga bagay na pwedeng gawin nito para maging maginhawa ang pakiramdam nito. Ang paglalakad nila sa parke, tama at sapat lang na pagkain, at ang importante ay ang pagpapahinga ng katawan ni Mikaela.
“Ano kaya ang ginagawa ni Mikaela?” bulong ng kanyang isipan habang nakatitig lang ang kanyang mga mata sa laptop. Sa hapon pa kasi niya madadalaw si Mikaela. Ang hindi alam ni Louie ay sumapit na ang araw na pinakahihintay nila ni Mikaela. First baby ito ni Mikaela, kaya kahit mayroon na due date na nakalagay, hindi pa rin masasabi kung ano ang eksaktong araw na manganganak siya. Ibig sabihin lamang nun, ang lahat ng senyales na kanyang nararamdaman ay hindi lamang false labor. Totoo na ang mga ito.
“Ma!” sigaw ni Mikaela sa kanyang ina. Hindi mawari ni Mikaela kung ano ang kanyang nararamdaman dahil sa sakit ng kanyang tiyan. Sa katunayan, nalilito si Mikaela kung ano ang masakit sa kanya? Ang kanyang tiyan ba? Ang kanyang puson ba? Ang kanyang balakang? O ang kanyang sikmura? Hanggang sa nag-panic na siya nang biglang may tumulong tubig sa kanyang paa na mula sa kanyang maselan na bahagi ng katawan.
“Ma! Ma!” sigaw nang sigaw si Mikaela. Paulit-ulit siya hanggang sa marinig ng kanyang ina. Nagmamadaling pumunta sa kanyang silid ang kanyang ina.
“Umagang-umaga sumisigaw ka, masama yan sa— “ hindi natuloy ng ina ni Mikaela ang kanyang sasabihin, nang bigla itong napasigaw.
“Diyos ko! Manganganak ka na, anak!” bulalas ng ginang nang makita niya ang tubig na umaagos sa binti ni Mikaela. Hindi malaman ng mga paa ng kanyang ina kung saan pupunta. Pati ang kaliwa at kanan na paa nito ay nataranta. Kung lalabas ba siyang muli sa loob ng kwarto? O lalapitan niya si Mikaela para alalayan na makatayo? Sobrang nataranta ang ina ni Mikaela. Sumasabay pa ang bugso ng damdamin nito. Kaba, tuwa, takot, at galak. Yakap-yakap naman ni Mikaela ang kanyang malaking tiyan.
“Ma!” malakas na sigaw ni Mikaela na nagbalik sa ulirat ng kanyang ina.
“Nestor! Nestor! Manganganak na ang ating anak!” sigaw ng ina ni Mikaela sa kanyang asawa na kararating lang din sa loob ng silid ni Mikaela. Lalabas na sana kasi ito papunta sana sa hardin para maglinis at diligan ang mga halaman at bulaklak, nang marinig niya ang tensyon sa loob ng kwarto ni Mikaela.
“Huminahon ka lang, Cecilia. Dalhin na natin sa ospital si Mikaela,” kaagad na sagot ng ama ni Mikaela. Binuhat niya ang kanyang anak papunta sa sasakyan. Nakalimutan na rin nitong may edad na siya, dahil nakayanan ng kanyang katawan na buhatin ang kanyang nag-iisa at pinakamamahal niyang anak. Talaga naman at siyang tunay na totoong gagawin lahat ng magulang para sa kanilang mga anak.
“A—ang sakit!” lumuluha ang mga mata ni Mikaela. Hindi niya alam kung maduduwal ba siya o natatae sa sobrang sakit na nararamdaman niya.
“Ano ang gagawin ko?” Natataranta talaga ang ina ni Mikaela dahil alam niya ang pakiramdam kung paano manganak. Kinakabahan siya dahil hindi ganun kadali ang mag-luwal ng bata sa sinapupunan. Ang isang paa ay nasa hukay. Tila ba ay nakikipaglaban ka kay kamatayan.
“Tawagan mo si Louie, pati na rin mga kaibigan ni Mikaela,” utos ng ama ni Mikaela. Alam na ng magulang ni Mikaela ang katotohanan na tungkol kay Louie. Sinunod ni Louie ang naging plano nila ng mga kaibigan ni Mikaela, na makipagkita si Louie sa magulang ni Mikaela at ipagtapat ang lahat.
Wala namang magawa ang magulang ni Mikaela, kundi ang tanggapin ang binata. Sino naman ang magulang na ayaw magkaroon ng asawa ang anak nila na nabuntis, lalo na kung ito pa ang tunay na ama ng anak nila. Mabait ang magulang ni Mikaela. Wala rin silang pakialam kung ano ang estado ng buhay ni Louie, mahirap man o mayaman, dahil ang importante sa kanila ay ang magkaroon ng isang buong pamilya si Mikaela. Kung nagkataon man na walang ari-arian si Louie, walang problema iyon kina Nestor at Cecilia. Tatanggapin at mamahalin pa rin nila ito, basta lang nasa tabi siya ng kanilang anak. Na hindi nito iiwan, lolokohin, at sasaktan si Mikaela. Naniniwala kasi ang mag-asawa na, kapag nagkaroon na ng mabigat na responsibilidad at obligasyon ang isang tao, ito ay kusang kikilos upang hanapin ang kaginhawaan sa buhay.
“Tama! Kailangan malaman kaagad ni Louie.” Subalit, walang bitbit na gamit si Cecilia dahil sa sobrang taranta.
“Hay naku! Bilisan mo na, kunin mo na ang mga gamit mo!” utos ni Nestor kay Cecilia. Maski ang ginang ay hindi na pinapansin ang kanyang mga nananakit na tuhod. Tumakbo siyang mabilis papasok ng loob ng kanilang bahay at nakasalubong niya ang kanilang katiwala. Bitbit na nito ang bag ni Cecilia. Kusa nang inayos ng kanyang kasambahay na tauhan din ni Louie ang dapat na dadalhin na gamit ni Cecilia.
“Naku, iha! Maraming salamat!” Saka hinablot ni Cecilia ang kanyang bag sa kamay ng dalaga. Tumakbo siyang muli sa labas. Kaagad din siyang sumakay sa loob ng sasakyan. Mabilis din niyang dinampot ang kanyang cellphone sa loob ng bag.
“Ma...” tanging bigkas ng bibig ni Mikaela. Nakaguhit sa mukha nita ang sakit na nararamdaman. Pati ang kanyang emosyon ay nakikita na rin. Sinakmal ni Cecilia ang kamay ni Mikaela.
“Anak, huminahon ka lang. Huminga ka nang malalim, lakasan mo ang loob mo. Diyos ko, malapit ko ng makita ang apo ko.” Naluluha na rin ang mga mata ng ina ni Mikaela. Halo-halo ang kanilang pakiramdam, katulad ng halo-halong sorbetes na maraming sahog.
“Nestor, ikaw na ang tumawag kay Louie,” wika ni Cecilia at inabot niya ang kanyang cellphone. Kaagad naman na tumanggi si Nestor. Lalo na, natataranta din siya sa pagpapa-andar ng kanilang sasakyan.
“Ano ka ba, Cecilia? Sa tingin mo matatawagan ko pa si Louie? Natataranta na rin ako kung paano ko simulan ang pagmamaneho,” pasigaw na sabi ng ama ni Mikaela.
“Huwag na kayong magtalo, Ma, Pa, please! Dalhin niyo na ako sa ospital, baka dito sa loob ng sasakyan lumabas ang baby ko,” reklamo ni Mikaela. Wala din tigil ang pagluha ng kanyang mga mata. Hindi niya akalain na sobrang sakit pala ng pagle-labor. Lalo na hindi siya kumportable sa loob ng sasakyan. Hindi siya kumportable sa kanyang pwesto. Iba ang paghilab ng kanyang tiyan, mas masakit pa kapag siya ay dinaratnan. Kahit naghanda siya sa kanyang panganganak, iba pa rin kapag actual na niyang naranasan ang sakit.
“Pumunta na muna tayo sa ospital, bilisan mo na!” pasigaw na rin nagsalita si Cecilia, habang hirap na hirap na rin si Mikaela. Huminga nang palabas si Mikaela. Parang agos ng ilog ang kanyang pawis, mula sa noo hanggang sa kanyang leeg. Sa wakas! Umandar na rin ang sasakyan nila. Nang mapindot na ni Nestor ang pedal, mabilis ang naging takbo ng kanilang sasakyan. Parang pagmamay-ari nito ang daan. Nabuysit pa si Nestor sa mga iba pang sasakyan na nakaharang sa kanilang harapan. Mga tricycle, jeep, taxi, at iba’t ibang klase ng sasakyan. Binuksan pa ni Nestor ang bintana ng kanilang sasakyan at wala siyang tigil sa pagpindot ng busina. Maraming nagalit at nainis sa kanya. Kaya naman, sinigaw niya ang kanyang mahalagang dahilan.
“Emergency! Parang awa niyo na tumabi muna kayo, manganganak ang anak ko!” Nang marinig iyon ng mga tao, pinakinggan siya ng mga motorista. Tumabi ang mga sasakyan na nasa kanilang unahan. Nakipag-tulungan ang lahat ng sasakyan na daraanan nila. Naintindihan ng mga tao ang sitwasyon nila. Kaya naman mabilis na muling nag-drive si Nestor, katulad ng isang ambulansya o isang fire truck. Wala nga lang tunog ang kanilang sasakyan. Ang gamit ni Nestor ay ang kanyang boses. Wala siyang pakialam kung mawalan man siya ng boses. Alang-ala sa kanyang anak. Nais nilang dalawa ni Cecilia na manganak ng ligtas at maayos si Mikaela.