KINBEN 4!
Chapter 1
ANG UNANG araw ng pagtuturo ni Ricky bilang isang teacher ay masasabi niyang memorable para sa kanya. Umagang-umaga pa lamang naman kasi noon ay napalaban kaagad siya ng basketball sa isa sa mga magiging estudyante niya sa kanyang advisory class. Siya ay si Andrew Salome, ang 6-footer na star player ng school varsity sa paaralang iyon. Itinuturing nga ang estudyanteng ito na isa sa mga sakit sa ulo ng ibang mga guro sa paaralang iyon at kung hindi lang talaga dahil sa magaling itong maglaro ng basketball, bukod pa sa anak ito ng isang konsehal ng bayan, ay malamang, matagal na itong wala sa eskwelahang ito.
Mahirap pasunurin ang batang ito, pero magkaganoon man ay nakakapasa pa rin naman ito kahit papaano sa mga subjects nito. Hindi rin naman kasi nila pwedeng basta ibagsak ito dahil malaki na rin nga ang naitulong ng tatay nito sa kanilang school lalo na sa pagpapalakad ng mga papeles nila at mga donasyon na kailangan nila mula sa munisipyo ng Mansalay.
Umaga na naman nga para kay Ricky, ang ikalawang araw niya bilang guro. Kahit nga medyo napa-inom siya kagabi ay hindi pa rin niya inaalis sa sarili niya ang kanyang nakasanayang routine. Habang siya nga ay tumatakbo sa kalsada sa barangay na iyon ay malinaw pa rin sa ala-ala niya ang maliit na oras na inilaro niya sa court ng paaralan. Pakiramdam niya ay medyo humina siya sa paglalaro dahil matagal siyang natigil dito. Sa laban kasi nila ng batang si Andrew ay nagmimintis din naman siya sa mga jumpshots niya, ang lamang nga lang talaga niya rito ay ang kanyang depensa na ni minsan ay hindi niya maiaalis sa kanyang paglalaro.
Sa paghinto niya sa pagtakbo ay pasimple muna siyang nagtatalon, at ngayon nga ay nasa paligid niya ang malawak na palayan sa barangay bago marating ang kabahayan sa may paaralan. Napakaganda rito at mabuti na nga lamang at kahit medyo paliblib ito ay may mga street lights na ring nakalagay sa gilid nito. Mababait din ang tao rito kaya hindi na siya kinabahang magtatakbo sa umaga rito kahit alas-kwatro o alas-singko pa lang ang oras. Iniikot niya nga rin ang kanyang tingin sa paligid at lumanghap ng sariwa na medyo malamig-lamig na hangin nang umagang iyon.
Napatingin siya sa kanyang palad at tila may nakita siyang bola rito. Tumalon nga siya at nag-imagine na titira siya ng bola papunta sa isang imbisibol na ring. Napangiti siya matapos iyon at nabigla na lang siya nang may marinig siyang talbog ng bola na parang papalapit sa kanya. Sa hindi nga kalayuan ay may naaninag siyang tumatakbo sa kalsada at may nakasunod ditong motor na medyo nakasilaw sa mata niya ang ilaw nito.
Ngayon nga niya naalala na ngayon lang siya medyo lumayo-layo ng pagja-jogging sa umaga. Tila yata may gumagawa rin nito tuwing umaga rito at parang gusto niyang makilala ito. Tumayo nga lang siya at sa paglapit ng isang lalaki na 6-footer na may pinapatalbog na bola ay napaseryoso siya dahil nakilala niya ito.
“Andrew?” bulalas ni Ricky at ang kanyang estudyante ay napahinto naman at nagulat nang siya ay nakita.
“S-sir?” nangingiting tanong ng binata at ang motor na kasabay niya ay napahinto rin nga at tumabi.
“Kilala mo siya Andrew?” tanong ng nagmamaneho ng motor na isang babaeng hanggang balikat ang buhok. Nakasuot ito ng pantulog at napatingin siya sa lalaking kausap ni Andrew.
“Oo ate, t-teacher ko iyan sa school, si sir Mendez,” parang nahihiyang wika ni Andrew dahil parang nailang siya sa kanyang guro. Ano ba raw ang ginagawa nito rito sa lugar na ito?
“Ah? I see! Si sir ang nakalaban mo ng one-on-one kahapon? Siya pala ang reason kaya gusto mong magpalakas uli?” natatawang wika ng babaeng iyon na kapatid ni Andrew.
“A-ate… Ang ingay mo!” inis na wika ni Andrew at si Ricky ay parang natatawa sa ekspresyon na nakikita niya ngayon sa kanyang maangas na estudyante kahapon.
Bumaba nga ang dalagang iyon at lumapit sa kanyang kapatid. Inakbayan niya ito at ginulo ang buhok habang nakatingin kay Ricky.
“Sir! Pasensyahan na ninyo ang kapatid kong ito, napakatigas kasi ng ulo nito. Ang hirap pasunurin,” pagsisiwalat pa ng dalaga na nakangiting nakatingin kay Ricky.
Pasimpleng napatingin si Ricky sa ate ni Andrew at may itsura rin ito. Mabilog ang mata nito at medyo siopao ang pisngi.
“W-wala iyon ma’am, ganyan talaga ang mga teenagers,” pabiro ni Ricky at si Andrew ay hindi makatingin sa kanya nang sandaling iyon. Napatingin din siya sa ate nito na biglang humakbang palapit sa kanya na tila may kakaibang ngiti nang sandaling iyon.
“So, sir… Ibig-sabihin, magaling ka palang mag-basketball?” nakangiti nitong winika at napa-atras si Ricky nang makita ang magandang ngiti nito sa kanya.
“By the way sir, I’m Andrew’s sister. Jeraldine!” sabi ng dalaga at iniangat nito ang kanyang kamay sa harapan ni Ricky.
“R-ricky… Ricky Mendez,” sabi ng binata at doon na nga lalo napangiti ang dalaga nang marinig iyon. Nang kamayan siya nito ay nabigla si Ricky nang humigpit ang hawak ng kamay ng dalaga sa kanya.
“M-ma’am, w-wait,” sabi ni Ricky at ang dalaga ay napatawa lalo at binitawan na siya. Si Andrew nga ay napatingin sa ate niya na parang nababaliw na naman daw. Ni hindi niya malaman kung lumalandi ba ito o hindi.
“Ate, hindi ka pa nagmumumog ng bibig,” sabi ni Andrew at si Jeraldine ay napa-atras sa sinabing iyon ng kanyang kapatid. Si Ricky naman nga ay napangiti na lamang sa nakita niya sa dalawa. Kinurot kasi nang madiin ng dalaga ang kanyang kapatid sa tagiliran at habang pinagmamasdan niya ang mga ito ay may naalala rin siyang magkapatid na parang ganito rin.
“Bastos ka Andrew! Ipapahiya mo pa talaga ako sa sir mo. Required bang sabihin mo iyon?” pasungit na wika pa ng dalaga at si Andrew ay parang sumasayaw sa pag-iwas niya sa kanyang ate. Si Ricky nga ay hindi makapaniwalang ganito ang kanyang estudyanteng ito. Ibang-iba kasi ang dating nito nang makita niya ito kahapon kumpara ngayong oras na ito.
“Tumatawa ka sir?” bigla namang baling ng tingin ng dalaga sa kanya na parang nagsusungit ang tingin.
“H-hindi…” parang kinabahang sagot ni Ricky at si Jeraldine ay ngumiti at sinabing joke lang daw.
“By the way sir, I know who you are. Sa Calapan ako nag-college at hindi ako pwedeng magkamali na hindi ikaw ang taong iyon…” pagsisiwalat ni Jeraldine at napatingin nga si Andrew sa ate niya at sa kanyang teacher. Naikwento nga sa kanya nito kagabi ang nangyari sa kanya sa school, kung paano siya inilampaso ng bagong teacher sa Balugo. Nang sabihin nga niya ang pangalan ng kanyang guro ay agad na napangiti ang ate niya at nagtanong pa nang nagtanong sa kanya. Dito na nga sinabi sa kanya ng kapatid niya na kilala nito ito.
Pasimpleng napatingin si Andrew sa kanyang sir Mendez, at base sa kwento ng ate niya kagabi ay magaling nga talaga itong maglaro ng basketball kasi noong nag-aaral pa raw ito ay nagawa nitong mapagkampeon ang kanilang paaralan sa isang sikat na liga ng college basketball sa Calapan City.
“Winless team noon ang CISA, pero when this 5’6 guy came… Nagbago ang tingin ng lahat ng mga manonood sa team na iyon for two years na kanyang inilaro sa school na iyon.”
“T-talaga ba ate? M-magaling maglaro si sir Mendez?” tanong pa niya kagabi sa kapatid niya na proud na proud na nagkukwento sa kanya. Kagaya niya, ang kanyang ate ay mahilig din sa basketball at kahit hindi ito naglalaro ay fan na fan ito ng sports na ito.
“Yap, but in his last year sa CISA, hindi na siya naglaro pa. I remembered, pati sa Calapan Team. Alam ko kasi, he was recruited by Mover Flores on the year na nag-champion sila sa CISA… Then after noon, nawala na si Ricky Mendez sa kahit anong liga sa Calapan.”
“Ki-kilala mo ako ma’am?” tanong ni Ricky sa babaeng nasa harapan niya ngayon. Hindi niya alam kung paano magre-react dito tapos, nakatingin pa sa kanya si Andrew na parang iba ang dating kumpara kahapon.
“Ricky Mendez! CISA Flamers best player nang mag-champion kayo sa unang pagkakataon. Am I right sir?” Isang masayang ngiti ang sumilay sa labi ni Jeraldine at ang binatang nasa kanyang harapan ay napangiti na rin lamang nang marinig iyon.
“S-saan ka ba pumasok?” tanong na lang ni Ricky.
“Sa CU!” sagot ni Jeraldine at napatango na nga lang si Mendez. Napatingin siya sa magkapatid at napatingin din siya sa oras sa kanyang phone.
“Kaya pala… By the way, kailangan ko nang bumalik,” sabi ni Ricky at napatingin siya kay Andrew na parang nahihiya sa kanya nang oras na iyon. “See you sa school, Andrew.”
“O-opo sir,” sabi na nga lang nga estudyante niya at pagkatapos noon ay tumakbo na pabalik si Ricky. Magluluto pa raw ito ng agahan at gusto rin daw niyang maagang makarating sa school dahil nakakahiya raw kung siya pa ang male-late. Nag-jogging siya pabalik at pasimple lang itong pinagmasdan ni Jeraldine na ngiting-ngiti sa titser ng kanyang kapatid.
“Ate, crush mo ba si sir?” biglang sabi ni Andrew at si Jeraldine ay nawala ang ngiti sa labi pagkarinig noon.
“Sira! Anong crush? Tumakbo ka na! Kita mo si sir mo… Alam mo na kung bakit siya mabilis kumilos,” sabi ng dalaga at sumakay muli siya sa kanyang motor at doon na nga niya muling pinatakbo ang kapatid niya. Habang sila ay tumatakbo ay may isang bagay na naitanong ang binata sa kanyang ate.
“Ate, pwede kaya natin siyang isali sa Mansalay Team? Sa Provincial League?”
Ang tanong na iyon ni Andrew ay ang nagpaseryoso sa mga mata ni Jeraldine at bigla niyang naisip na what if maglaro si Ricky Mendez sa team ng kanilang bayan sa darating na ligang iyon sa Nobyembre?
“Naitanong mo na ba kay Papa? I’m sure, magagawan niya iyan ng paraan. Kung makakasali siya… Hindi na ako makapaghintay Andrew na mapanood uli siyang maglaro. Baka siya ang sagot para makilala ang bayan natin sa ligang iyon. Kagaya lang ng ginawa niya sa CISA? Ang saya noon,” masayang wika ni Jeraldine na muntikan nang magdiretso ang motor sa palayan dahil nawalan siya ng kontrol. Mabuti na lang at nakapreno siya kaagad at nahawakan ni Andrew ang sasakyan nito.
Tili na lamang ang nagawa ng dalaga at hindi niya alam kung matatawa siya o hindi sa muntikan na niyang pagdiresto sa palayan.
“Ate, ano’ng nangyayari sa iyo? Lagot ka kay Papa kapag dumiretso iyan sa palayan!” bulalas ni Andrew at ang dalaga ay napabuntong-hininga na lamang. Parang nawala kasi siya sa sarili habang iniisip ang mga posibilidad na si Mendez ay magsuot ng uniporme ng Mansalay sa ligang iyon.
“Wala! Itanong natin kay Papa kung pwedeng sumali si sir mo sa team! Sure akong gagawan niya iyon ng paraan. Tapos magiging kakampi mo ang titser mo,” sabi pa ng dalaga at si Andrew ay parang kinabahan. Nasa isip pa rin kasi niya ang laro ng kanyang sir Mendez kahapon.
“Hmm… Hindi ako ate magpapasapaw kay sir! Baka agawan ako ng position sa team kapag nakasali siya,” wika ni Andrew at tumakbo na nga muli siya at iniwanan ang kanyang ate na nag-aayos ng motor.