Chapter 2

2811 Words
Chapter 2 IKALAWANG araw ni Ricky sa pagtuturo sa Balugo National High School. Natutuwa nga siya dahil naging maayos ang pagtuturo niya sa una niyang subject sa kanyang advisory class dahil mukhang may epekto yata ang kanyang ginawa kahapon kina Andrew. Dahil yata sa bagay na iyon kaya naging masunurin nang bahagya ang kanyang mga estudyante sa kanya. Ito nga ay sa pangunguna rin ni Faye na siyang president ng kanyang klase at dahil nga may pagka-bossy ito ay nagawa nitong masabihan ang mga makukulit niyang kaklase. Kaso, may balita nga lang din sa kanya na pagdating sa ibang mga guro nila kahapon ay gumugulo pa rin sila lalo na raw sa mga matatanda. Ito ay base rin sa sumbong sa kanya ni Faye. Mamayang alas-diyes na uli ang kanyang klase sa ibang section at ngayon nga ay nagche-check na lang muna siya ng records sa kanyang lamesa. Binabasa rin niya isa-isa ang pangalan ng mga estudyante sa apat na sections ng 4th year na kung saan siya ay nagtuturo ng Trigonometry. Habang wala pa ang sunod na teacher ng klase niya ay napatingin nga siya kina Andrew na ngayon ay naka-ub-ob lang sa kani-kanilang mga desk. Ramdam nga niya ang pagkailang nito sa kanya at baka dahil ito sa pagkatalo niya rito kahapon sa basketball. Isama na rin ang pagkikita nila kaninang umaga nang pareho pala silang nagja-jogging. “Ayos ang ginagawa niya kung gusto talaga niyang mas maging magaling na player,” napapangiting winika na nga lang ni Ricky sa kanyang isip na hindi napansin na ang isa pala niyang kamay ay parang may imaginary ball na hawak nang sandaling iyon. Nagdi-dribble kasi siya sa hangin at ang masama ay nakatingin pala dito sa Faye na nagtapon ng kalat niya sa gilid ng pinto kung nasaan ang trash bin ng room. Napangiti na nga lang siya sa babaeng estudyante niya at agad na ipinatong sa ibabaw ng mesa ang kanyang isang kamay. Naalala kasi niya ang paglalaro niya kahapon sa court na ito. Parang dahil doon ay bigla niyang na-miss ang maglaro ng basketball. “Makakapaglaro pa naman siguro ako, pero sa ngayon, focus muna ako sa bago kong career,” sabi niya sa sarili at nang mapatingin siya sa pinto ay isang mahinang hangin ang biglang sumimoy mula sa labas. Kasabay nga rin nito ay ang pagtatagpo nila ng mata ng dumating na cute na teacher sa kanyang room. Nag-peace sign si Ma’am Katherine sa kanya sabay bati, “Good morning sir, medyo na-late ako. Sorry.” Tumingin pa nga ang dalaga sa relo niyang suot at ang mga estudyante naman ni Mendez ay napangiti sa tinginan nilang dalawang iyon na hindi nila namamalayan. “Hanep, mukhang lugi na tayo kung si sir ang kalaban natin kay ma’am Ilagan,” mahinang sabi ng isang lalaking estudyante sa katabi niya na nakanganga lang na nakatingin sa teacher nila sa Filipino. Halos lahat ng mga lalaking estudyante ni Ricky ay may crush kay Katherine, lalo na kahapon na ang sasaya ng mga ito habang nagpapakilala sa kanila ang dalagang guro na ito. “O-okay lang ma’am…” “Class! Andiyan na si ma’am Ilagan, behave na kayo,” sabi pa nga ni Ricky sa klase niya habang nakatayo na pasimple namang nginitian ni Katherine na dumiretso na sa unahan para magsimula ng klase. Ang sumunod ngang nangyari ay ang pagkantyaw ng mga babae niyang estudyante na ikinapula ng pisngi ng bagong dating na guro. “Sir, ma’am… parang bagay kayo,” pabirong wika ni Faye na kunyare ay hindi narinig ng dalawa at si Ricky ay napabiro na nga lang sa klase niya. “May boyfriend na si ma’am… Huwag kayong magulo,” natatawang wika ni Ricky at si Katherine ay napabiro rin bigla nang hindi niya inaasahan. “Paano ako magkaka-boyfriend sir? Hindi ka naman nanliligaw,” lakas-loob na biro nito at doon na nga kumawala ang kinikilig na ingay ng buong klase ni Mendez. Si Ricky ay napatingin kay Katherine na tawang-tawa sa birong iyon. “Sir! Kumilos ka na kasi!” sabi ng mga babae niyang estudyante na ngiting-ngiti sa kanya. “Class… Joke lang iyon ah. Para hindi kayo ma-bored sa klase natin… Start na tayo. Ilabas na ninyo ang mga books ninyo. Magpokus na tayo sa klase ko,” masayang wika pa ni ma’am Ilagan na nagsimula na ring buklatin ang kanyang dalang libro at lesson plan habang nakaupo sa harapan ng mesa sa unahan. Ang totoo, masayang magturo si Katherine sa mga estudyante niya. Napansin din ito ni Ricky na tila iba sa pagkakakilala niya rito na parang mahiyain kapag nasa bahay siya. Pero naisip din niya na makwento rin naman ito kagabi noong medyo naging tipsy ito. Pasimple na nga lang si Ricky na sumulyap sa guro habang nakatalikod ito habang nagsusulat sa pisara ng mga lessons. Napa-iling na nga lang siya sa kanyang sarili at nagpokus na lang sa kanyang mga lessons na ituturo mamaya sa ibang section. Lumipas ang oras at natapos na nga ang klase ni Ricky sa kabilang section. Habang pabalik nga siya sa kanyang room ay isang teacher ang nakasalubong niya na nagpahinto sa kanyang paglalakad. Tinigilan kasi siya nito at binati. “Sir Mendez, kumusta naman ang attitude ngayon nina Andrew?” Ito nga ang tanong sa kanya ng guro na iyon na bigotilyo at nasa edad na trenta siguro sa tantiya niya. Si Sir Karlo Tuazon ito at sa pagkakaalam niya ay isa itong MAPEH teacher at siya rin ang coach ng varsity team ng Balugo National High School. “O-okay naman po sir. Medyo naging behave sila… as of now,” natatawang wika naman ni Ricky at napatabi muna silang dalawa sa daanan upang hindi makasagabal sa mga dumaraan. “Mahirap talaga silang pasunurin… Lalo na sa mga laro namin sa Mansalay League of High School. May mga coaching strat akong pinapagawa sa kanila, pero lagi nilang sinusuway. Nitong nakaraang taon, 4th placer lang kami… Nasa amin nga ang best player, kaso, laglag talaga kami kapag team play,” natatawang wika ni sir Tuazon kay Ricky na medyo nakukuha na rin ng binata. Talagang kapag walang teamwork ang isang koponan ay mahirap talagang manalo, at alam na alam niya ito. “May gusto nga sana akong mangyari sa darating na MLHS ngayong darating na July, anim na school lang ang kasama doon… Ire-request ko sana sa principal na baka pwedeng ikaw ang mag-coach sa kanila?” nakangiting wika ni Sir Tuazon at si Ricky ay parang napalunok ng laway sa narinig niyang iyon. Ano ba raw ang alam niya sa pagko-coach? “S-sir, w-wala akong experience sa coaching,” natatawang wika ni Ricky at tapik sa balikat naman ang tugon ni sir Tuazon. “Pero kung sa iyo susunod ang ace player ng school natin na si Andrew Salome, baka may mas magandang mangyari. Palagay mo? Isa pa, member ka na rin ng Balugo NHS, kasi dito ka nagtuturo. Karangalan ito para sa school natin na namumukod tanging malayo sa Poblacion,” sabi pa ni Sir Tuazon na parang ang laki ng tiwala kay Ricky nang oras na iyon. Si Mendez nga ay hindi malaman kung paano magre-react. Baka raw gusto lang ni sir na hindi sumakit ang ulo sa mga iyon, o baka gusto talaga nitong maging maganda ang maging resulta nila sa darating na July? Isang mabilisang liga lang naman daw iyon ng mga secondary schools dito na hindi tatagal ng isang buwan dahil hindi naman ito katulad ng Calapan City na marami ng mga paaralan na naglalaban-laban. “E-eh… H-hindi ko sir sure,” natatawa pang wika ni Ricky na tila ba obligado na siyang gawin iyon lalo pa’t isa siyang baguhan sa faculty. Mukhang ang pagtanggi sa mas matagal na katrabaho ay isang bagay na hindi madaling gawin ng tulad niya. “Sure na iyan Mr. Mendez, sasabihin ko na sa principal para every Saturday ay makapag-practice na kayo,” sabi pa ni Sir Tuazon na ngiting-ngiti pa sa kanya. “Isa pa, napanood ko ang isa mong laro noon. Alam kong magaling kang basketball player. Basketball fan din ako at sigurado akong mas magaling ka sa akin, kahit pa mas matanda ako sa iyo.” Hindi nga malaman ni Ricky kung papuri ba iyon o baka dahil lang sa kailangan lang iyon para hindi na siya tumanggi. Kinahapunan nga ay ito ang tumatakbo sa isip niya. Sa pagdating niya sa kanyang tinutuluyan ay ang iniisip niya ay kung paano ba maging coach? Inalala tuloy niya si Coach Erik niya noon sa CISA na may mga plays na pinapagawa sa kanila, kaso ang karamihan ay puro tungkol din sa emosyon nila sa laro ang nasasabi noong nasa team pa siya. Sa mga nalaman nga niya ay halos dalawang linggo lang ang itinatagal ng MLHS na iyon. Parang yearly event na ito rito sa Mansalay na limang taon na nang magsimula. Nagtimpla nga muna siya ng kape at pasimpleng nag-open ng kanyang social media account. Active na active pa rin nga ang GC nila sa CISA Flamers na karamihan nga sa mga narito ay may kanya-kanya na ring trabaho. Sina Reynan ay pulis na at susunod na rito si Rommel. Si Macky naman ay nagta-trabaho sa isang IT Company sa Manila at bihira na ring bumalik dito sa Mindoro at parang ganoon din si Kier. Ang balita naman niya kay Larry ay ito ay ang pagnenegosyo ang pinasok lalo na’t mayaman naman ito. Sa pagkakaalam niya ay nagpa-franchise din ito ng mga fastfood sa Calapan dahil dumarami na lalo ang mga establishments dito sa lumipas na mga taon. Sina kuya Baron at Martin naman niya ay sa pagkakatanda niya ay nagtatrabaho na kay Mover Flores, bukod din sa pagiging player nila sa Calapan Team. Halos lahat ng mga naging kaibigan niya sa basketball ay may kanya-kanya nang buhay. Natatawa na nga lang siya kapag naaalala ang mga nakalipas, dahil puro pagba-basketball lang ang nasa isip niya. Ngayon, heto siya at isa nang adult na kailangan na ring kumita ng pera. Isang bagong career na kailangan niyang pagbutihin para magkaroon din siya ng magandang future. Sina Andrei, Roland at Mike ay may kanya-kanya na ring tinatahak na career pagka-graduate nila. Tanging si Andrei nga lang ang narito sa Mindoro dahil sa government agency ito nagtatrabaho ngayon. Ayaw rin kasi nitong umalis ng Calapan dahil mas maganda raw rito kaysa lumayo pa. Madalas pa rin silang nagkakausap-usap online at may mga plano na rin sila kung kailan magkikita-kita. Si Roland nga ay baka ikasal na sa susunod na mga buwan dahil nabuntis nito ang kanyang girlfriend, at mukhang iyon ang araw na magkikita-kita uli silang magkakaibigan. Ang dami na nga raw talagang nangyari. Pakiramdam nga lalo ni Ricky ay matanda na talaga siya dahil ngayon ay ang iisipin na niya pag-uwi ay ang paggawa ng mga reports at paper works sa school. Hindi tulad noon na pagkalabas ng school ay pwede pa siyang mamasyal. Walang ibang isipin kundi ang projects at assignments na hindi naman araw-araw gagawin sa bahay. Bukas din nga ang pinto ng bahay niya nang hapon na iyon nang bigla na lang may kumatok dito. Si Katherine ito at may dala itong pagkain. Pasimple pa nga siyang napatingin sa suot nito at agad na umiwas. Kitang-kita na naman daw ang hita nito sa maikling white shorts nito na hindi naman sobrang ikli. Nagkataon lang talaga na siya ay may mga alaalang panlalaki na hindi rin niya maiialis. “Sir… May dala ako dineng puto, pinadala ni inay. Gusto ko sanang ma-share sa iyo,” nakangiting wika ng dalaga na nakasuot pa ng pink shirt na medyo bakat ang kurba ng katawan. Si Ricky naman ay napatayo at pasimpleng pinagsisipa patabi ang mga kalat na kung ano-ano sa loob. “P-pasok ka ma’am,” sabi ni Ricky at binigyan niya ng mauupuan ang dalaga na ngiting-ngiti sa pagpasok nito sa loob. Inilapag nga nito sa kanyang lamesa ang baunan na dala nito at binuksan. “Putong-bigas ito, kumakain ka ba nito?” tanong ng dalaga na pasimpleng nakatingin kay Ricky na kumuha ng tasa sa may lababo sabay alok ng kape. “S-sige…” sagot ng dalaga. Nakangiting iniabot ni Ricky ang mainit na kape kay Katherine at kumuha na rin siya ng puto na kulay puti na kaagad niyang kinagatan. Nginuya ito ng binata at natutuwa siya dahil hindi ito ganoon kalagkit sa bibig. Saktong-sakto rin ang lasa nito para sa kanya. “Ang sarap nito ma’am,” sabi ni Ricky na ikinangiti ng dalaga matapos humigop ng kape. “Nagtitinda kasi ang inay ng kakanin sa poblacion,” sagot pa ng dalaga at sinabi nga rin ng binata na nagtitinda rin ang kanyang nanay noon kaya lalong natuwa ito sa kanya. Nang hapong iyon, sa oras na iyon ay makikitang masaya silang nagmemeryenda matapos ang isang araw na naman ng nakakapagod pero masayang pagtuturo. Nagkumustahan pa nga sila sa mga nangyari sa kanila sa school at nakwento nga rin ni Ricky ang alok sa kanya na mag-coach ng team ng Balugo sa MLHS sa sunod na buwan. “Tatanggapin mo ba? Sa tingin ko, kaya mo iyon. Hindi ba, basketball ang sports mo?” ani pa ng dalaga matapos muling uminom ng kape. “Hindi ko sigurado. Wala pa naman akong experience sa coaching. Bahala na,” sabi ni Ricky na gandang-ganda sa ngiti ni ma’am ngayon. Napalunok pa nga siya ng laway dahil parang kumalat sa loob ng bahay niya ang amoy ng pabango nito. Babaeng-babae talaga at pilit na nga lang niyang iniwawaksi ang mga kung ano-ano sa kanyang isip. “Suportahan kita sir, alam kong kayang-kaya mo iyon. Ikaw pa ga?” nakangiting wika ni Katherine at nang matapos na sila sa pagmemeryenda ay nagpaalam na rin ang dalaga sa kanya dahil gagawa na raw ito ng lesson plans niya. “I-if kailangan mo ng tulong sa mga paper works ma’am, magsabi ka lang sa ‘kin,” ani pa ni Ricky at nagpasalamat din siya sa masarap na puto nitong dinala. “P-parang nakakahiya naman sa iyo sir… May ginagawa ka rin naman, hindi ga?” “Willing to help naman ako, tsaka, sino pa ba magtutulungan? P-pareho naman tayong bago dito sa Balugo,” patawa-tawa pang sabi ni Ricky na parang nasisiraan ng ulo kasi parang gusto niyang bawiin ang kanyang sinasabi sa dalaga. “S-sige sir… P-pwede naman,” sabi pa ng dalaga at bago nga ito umalis sa may pintuan ay may pahabol pang winika si Ricky. “Wait, pwede rin ba akong mag-request?” “A-ano iyon sir?” Napalunok ng laway na nga lang ang dalaga at kinabahang tumingin kay Ricky na ngayon ay naka-sando at shorts lamang. Dati pa niya itong napapansin magmula nang kanyang makilala ito. “Ang macho ng katawan ni Sir Mendez,” sabi niya sa sarili at pilit niyang iniwawaksi iyon sa pamamagitan ng pagtingin sa ibang direksyon. “Pwede bang Ricky na lang itawag mo sa akin kapag wala tayo sa school? Para normal lang?” ani Ricky at tumango na lang ang dalaga sa kanya na parang namumula ang pisngi. “Si-sige, ako rin sana. H-huwag mo na rin akong i-ma’am.” “Sige K-kath… Salamat uli…” ani Ricky at si Katherine ay parang gustong tumili sa narinig niyang iyon. Ang totoo kasi ay crush niya si Ricky noong unang makita niya ito rito dahil para sa kanya ay napakabait nito. “Si-sige sir--- Este Ricky,” sabi ng dalaga at nagkangitian pa silang dalawa bago siya tuluyang pumunta sa kabilang bahay na agad na pumasok sa loob. Tatakbo sana siya nang mabilis kaso andoon na pala si Ate Lorna niya na kasalukuyang nanonood ng TV. Baka raw mahalatang kinikilig siya. Normal na lakad nga lang ang ginawa niya. Kasunod nga noon, pagpasok niya sa kanyang kwarto ay agad siyang dumapa sa kanyang kama at parang nakikiliting itinaas-baba ang kanyang mga paa nang paulit-ulit. “Sir Mendez… Huwag kang ganyan… Lalo kitang nagiging crush,” sabi niya sa kanyang sarili at pag-ikot niya para humiga nang maayos ay napahawak siya sa kanyang dibdib, sa tapat ng kanyang puso. Ang lakas ng t***k noon. Si Ricky naman matapos iyon ay nakatingin na nga lang sa malayo na may malalim na iniisip. “Pwede na naman siguro akong mag-lovelife? Nakamove-on na naman ako…” sabi ni Ricky sa kanyang sarili na napapa-iling na nga lang. “Naalala ko may mga paper works pa pala akong dapat tapusin,” nasabi na nga lang niya at amoy na amoy pa rin niya ang naiwang halimuyak ng dalagang kasama niya kanina rito. Kinagabihan, bago siya matulog ay napaseryoso na nga lang siya nang may makita siyang message request sa kanyang inbox. Nang buksan niya ito ay lalo siyang sumeryoso nang mabasa niya ang pangalan ng sender noon. Isang message request mula kay Andrea Cervantes.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD