Chapter 3
ISANG LINGGO na nga ang lumipas para kay Ricky Mendez sa pagsisimula ng pagtuturo niya sa Balugo National High School. Ngayon nga ay makikitang kasalukuyan siyang nakatingin sa kanyang salamin na nakasabit sa dingding sa loob ng bahay niya. Inaayos niya ang kwelyo ng kanyang suot na black polo-shirt na may puting disenyo sa gilid. Tinernohan niya rin ito ng kanyang blue na maong pants na medyo fit sa kanya, at ang suot niyang sapatos ay ang isa namang white snickers na may tsek sa gilid. Ito ay ang binili niya bago siya magpunta rito at ngayon lang niya ito masusuot dahil sa may biglaan siyang lakad sa bayan ng Mansalay sa araw na ito, Linggo.
Niyaya kasi siya ni Ma’am Katherine na mag-grocery. Tinanggap naman niya ito kaagad, dahil, tutal, kailangan na rin naman daw niyang bumili ng mga gamit niya sa bahay kagaya ng mga sabon at shampoo.
Ngumiti pa si Ricky sa salamin at maayos na sinuklay ang kanyang buhok na may kaunting wax. Marahan din niyang pinaangat ang unahan nito at hindi siya makapaniwala dahil ang kapal na ng mukha niya ngayon para sabihin sa kanyang sarili na siya ay pogi. Bigla kasi niyang naalala noong nag-aaral pa siya, hindi niya ito magawa at tamad din siyang tingnan ang kanyang sarili dahil para sa kanya ay hindi naman daw siya gwapo na ang tanging dahilan lang naman kaya niya iyon nasasabi ay sa dahil wala siyang girlfriend.
Pasimple tuloy siyang napatawa. “Nagbago ka na nga Ricky. Talagang may confidence ka na. Gwapong-gwapo ka sa sarili mo ah,” sabi niya sa sarili at kinuha na rin niya ang kanyang pabango na nasa gilid at marahang nag-spray sa ibaba ng kanyang palad at sa gilid ng kanyang leeg.
“Hindi ko naman siguro iniisip na magde-date kami ni Kath? Mago-grocery lang kami,” natatawa pa rin niyang winika sa kanyang sarili. Kung sabagay, ngayon lang din naman daw siya pupunta ng Poblacion ng bayan na ito para mamili, at nasanay rin siya na ganito ang pormahan kapag aalis siya noon bahay nila para maglakwatsa sa bayan ng Calapan.
Hinanap na nga niya ang kanyang wallet at kumuha sa kanyang taguan ng sapat na pera para sa pambili niya ng mga pangangailangan. Sandali pa nga siyang napatingin sa malayo nang sumagi bigla sa utak niya ang nangyari noong Biyernes. Kinausap na siya ng principal ng BNHS at mukhang sinabi na nga ni Sir Karlo Tuazon ang sinabi nito sa kanya noong nakaraan. Bilang isang baguhan sa paaralang iyon, wala na nga siyang nagawa kundi ang tanggapin iyon. Hindi pa ito alam ng mga players pero mukhang wala na siyang choice at sa sunod na Sabado ay mukhang magsisimula na sila ng preparations dahil sa July ay magsisimula na kaagad ang liga ng mga high schools dito sa bayan ng Mansalay.
“Coach Mendez… Ang baduy,” sabi niya at ayos na nga lahat. Hawak na rin niya ang kanyang phone matapos maisuot ang kanyang relo sa kanang braso. Pinagmasdan nga muna niya ang loob ng bahay at inisip kung may nakalimutan.
“Okay na…” Lumabas na nga siya at ini-lock ang kanyang tinutuluyang bahay. Eksakto namang lumabas na rin si Ma’am Kath sa kabilang bahay at natatawa na lang siya nang magkitaan silang dalawa.
“N-nahiya naman yata ako si-sir… este Ricky sa suot ko,” natatawang wika ng dalaga na nakasuot ng pink na shirt at pantalon na maong na medyo fit. Doll shoes naman ang kanyang suot sa paa at may maliit siyang bag pack na brown na dala.
“Mukha nga… Magpapalit na lang siguro ako ng damit,” pabiro ni Ricky at ngiting-ngiti naman ang dalagang kaharap niya na marahang pinamulahan nang maamoy ang binata.
“Huwag na… Ako na lang ang magpapalit. W-wait lang,” sabi ng dalaga at eksakto namang lumabas ang kanyang ate Lorna na abot-tainga ang ngiti nang sila ay makita.
“Aba, may date pala areng dalawa. Sir Ricky, ingatan mo iyang si Katherine… Sinasabi ko sa iyo ah!” wika kaagad nito at tawang-tawa nga ang binata dahil parang may pagbabanta iyon sa dulo, habang si Kath naman ay sinamaan ng tingin ang kanyang ate Lorna dahil doon. “At ano ga iyang suot mo Kath? Aba? Parang hindi lumaban ng pageant last year e.”
“O-okay lang Kath, ayos na iyang suot mo,” sabi ni Ricky at ang dalaga ay umiling.
“H-hindi Ricky. Hintayin mo ako, mabilis lang akong magbibihis,” nakangiting wika ng dalaga at si Ricky ay pasimpleng napatingin sa mapula nitong labi at wala na siyang nagawa kundi ang hayaan ito sa gusto nito.
Si Ate Lorna nga ay pinalo pa sa pwet ang dalaga na kaagad na ikinapula ng mukha ni Kath. “Ate naman,” ani ng dalaga na tinawanan naman ng kanyang ate-atehan sa bahay.
“Paano, parang hindi ikaw dalaga ay. May date pala kayo ni Sir Ricky...”
“H-hindi talaga ate date iyon… Mago-grocery lang kami.”
“Neknek mo… Pero mukhang magiging boto diyan ang tatay mo, dahil mabait naman si sir at mukhang hindi ka sasaktan…” sabi nga ni Ate Lorna sa likuran ng nakasarang pinto ng kwarto ng dalaga.
“Ate! Kung ano-ano ga ang sinasabi mo. Ang advance mong mag-isip…”
Napatawa naman si Ate Lorna. “Sus! Kurutin kita sa singit. Alam ko namang type na type mo si Sir. Nakikita kita minsan na nangiti mag-isa,” pang-aasar pa ng nito na ikinatawa ng dalaga sa loob dahil sa hiya.
Ilang minuto ang lumipas at lumabas na nga ng bahay si Katherine na bago na ang suot. Si Ricky naman noon ay kasalukuyang nakatingin sa kanyang phone na natatawang nagbabasa ng message sa GC ng kanilang basketball team noon sa CISA. Nag-send kasi si Larry Dizon ng picture ni Rommel Alfante na natutulog at nakanganga. Throwback picture daw.
“Sir!”
Napatunghay na nga lang si Ricky sa boses na pinagmulan noon at doon na nga tumambad ang isang babaeng nakauot ng gray blouse na semi-longsleeve na tinernohan ng black na fitted black pants na mukhang stretchable. Lumitaw tuloy ang kasexy-han ng dalaga dahil doon na bihirang mapansin kapag nakasuot ito ng uniform sa school. Binagayan din ito ng suot nitong white snickers at wala nang naging reaksyon si Ricky para sa dalaga kundi ang matulala rito. Kaagad nga rin siyang natawa dahil sa reaksyon niya.
“A-ako yata ma’am ang nahiya,” pabirong wika ni Ricky na bumuntong-hininga na lang dahil sa natunghayan niya.
“Ala si sir…” natatawang wika ng dalaga at lumabas na naman nga mula sa bahay si ate Lorna na ngiting-ngiti sa dalawa.
“Para kayong mga bata… Umalis na nga kayong dalawa. Hindi na kayo high school para magpa-charming-an diyan!”
Napatawa na nga ang dalawa nang marinig iyon at lumakad na nga si Ricky na sinundan ni Kath na parang may kaunti pa rin namang hiya na nararamdaman, paano ba naman, amoy na amoy niya ang pabango ng binatang nasa unahan niya.
“Mag-iingat kayong dalawa,” pahabol pa ni Ate Lorna at oo naman ang sagot ng dalawa.
May mga tricycle sa labasan, sa tapat ng school at doon na nga sila sumakay nang magkatabi sa loob. Pinagtinginan nga kaagad sila ng mga taga-roon dahil sa mga porma nilang dalawa. Si kuyang driver nga ay ngiting-ngiti nang sila ay makita.
“Mukhang may date po kayo ma’am at sir,” sabi nito na sinumulan nang paandarin ang kanyang tricycle na pormado ng kung ano-anong stickers na makukulay ang harapan.
“Mago-grocery lang kami kuya,” natatawa namang sagot ni Kath. Si Ricky naman ay napatahimik na lang dahil naamoy niya ang halimuyak ng kanyang katabi at napalunok na lang din siya ng laway dahil nagdidikit ang balat ng kanilang mga bisig sa pagsisimula ng pag-andar ng kanilang sinasakyan.
“First time mo ba sir mamimili sa bayan?” tanong naman ni Kath sa kanyang katabi. Kanina pa nga niyang pilit na pinapakalma ang kanyang dibdib dahil dito.
“Oo, lagi kasing doon sa malaking tindahan sa tapat ng school ako nabili ng gamit ko sa bahay. Bibili na rin ako ng mga bond papers at maraming gamit para sa school.”
“Ako nga rin, mas mura kasi sa bayan… Para hindi ako bili nang bili.”
Nagpatuloy ang kanilang byahe at pareho na silang nakatingin sa mga dinaraanan nilang mga palayan. Ang kalokohan pa nga ng kanilang driver ay nagpapatugtog ito ng love songs sa kanyang amplifier na kanina naman sa pagsakay nila rito ay puro nakakagising na tugtog ang naka-play. Pasimple na lang tuloy napatawa ang dalawa at ilang minuto pa nga ay narating na nila ang bayan. Tumagal din ng halos isang oras ang byahe dahil sa hindi sementado ang karamihan sa kalsada na kanilang dinaanan.
Pagka-abot ng dalawa kanilang bayad ay agad na nilibot ni Ricky ang kanyang tingin sa paligid. Nasa harapan na nga sila ng munting palengke at makikita rin naman sa paligid ang mga tao na nagtitinda ng mga kung ano-ano. Karamihan nga rin sa mga nakita niya ay mga katutubong Mangyan na nagtitinda ng mga uling, mga walis-tambo at kung ano-ano pang gawa nila. Sa tabi naman ng palengke ay makikita ang ilang mga hardwares at damitan.
Ibang-iba ito sa Calapan Poblacion at mas kahawig nga ito ng sentro sa Canubing 1. Pero hindi na siya dapat magulat dito kasi alam naman niya ang pagkakaiba ng isang city sa isang municipality.
“Ito ang Poblacion namin Ricky,” nakangiting wika ni Kath. “Iba sa Calapan, ‘di ba? Baka maghanap ka rito ng fast food, wala rito noon.” Nagbiro pa nga ang dalaga at napatawa naman ang binata nang bahagya. Nagsimula na nga rin silang maglakad.
“Ano ang una nating bibilhin?” tanong ni Ricky sa dalaga na parang naging normal na tao ang galawan sa pagdaan sa ilang masikip na daanan sa gilid ng palengke. Walang hiya sa katawan ito na walang pakialam kung masagi ng kung ano.
“Sa school supplies muna tayo.”
“Ang bilis mong maglakad, baka maligaw ako rito,” pabiro namang wika ni Ricky na nakasunod lang sa dalaga.
“Sira ka. Ang liit nitong bayan namin,” napatawa naman ang dalaga at narating na nga nila ang kabila ng palengke, at may bahagi nga roon na natatanaw nila ang dagat. Tumigil nga muna sila saglit dahil napansin ni Kath na nakatingin doon ang binata.
“Gusto mo ba munang pumunta sa tabing dagat bago tayo mamili?” tanong naman ni Kath at si Ricky naman ay napangiti. Gusto kasi niyang makita ang dagat dito at mukhang may magandang tambayan din doon sa ibaba.
“Sige,” sabi ng binata at nang magpunta na sila roon ay tila nawala sa sarili si Kath dahil hinawakan niya sa braso ang binatang nasa likuran niya.
Nabigla nga rin si Ricky at naramdaman niya ang mainit at malambot na palad ng dalaga na pinagpatay-malisya na lang niya. Narating na nga nila ang ibaba at may isang pier na maliit pa rito kung saan ay maraming nakadaong na mga bangka.
“Ito ang Fish Port dito, kita mo iyong mga malalaking batya na pinagkakaguluhan doon? Mga sariwang isda iyon na huli rito,” masayang wika ng dalaga at ngayon nga ay damang-dama nila ang pagtama ng malakas na hangin sa mukha nila. Magkahalong alat at lansa ang kanilang naaamoy na walang-wala naman kay Kath dahil sanay na siya sa ganito.
“Mangingisda Ricky ang tatay ko, at paborito kong sumamang pumalaot sa dagat…” sabi pa ni Kath na nagpaseryoso kay Ricky. “Kaya ganito ang kulay ko e.” Napatawa pa ang dalaga na ipinakita sa katabi niya ang kanyang braso na brown.
“T-talaga?” napangiting wika ni Ricky dahil may kaunti siyang nalaman sa dalaga. Lumaban daw ito ng pageant dito sa Mansalay last year, at isa pa, maganda itong babae. Pero kung paano ito matuwa sa mga bagay-bagay na narito ay tila isang magandang katangian na napansin niya rito.
Pasimple niyang sinulyapan si Kath na niyaya siyang lumapit sa mga mangingisda at mga mamimili sa fish port. Nakita niya kung paano nakipag-usap ang dalaga sa bawat isa roon na tila ba kakilala niya. O baka kakilala naman daw talaga.
Pasimple pang pinagmasdan ni Ricky si Kath na hindi man lang alintana kung matalsikan ang damit niya ng malansang tubig na nagmumula sa bawat batya. Hindi naman iyon natalsikan kung tutuusin.
Nabigla pa nga si Ricky nang iabot ng dalaga sa kanya ang phone nito.
“Ricky, picture-an mo ako!” masayang wika ni Kath na ikinabigla kaagad ni Ricky dahil ngayon nga ay may hawak na malaking isda ito na basta lang nito iniangat gamit ang isang kamay. Ngiting-ngiti nga ang mga naroon sa dalaga.
“Ay are pala ay ang anak ni Manong Boy na si Kath…” sabi naman ng isang matanda na nakasuot ng tipikal na itsura ng nagtitinda ng isda sa palengke na may lagayan ng barya sa harapan ng kanyang palda.
“Ay oo nga, akala ko kung sinong maganda,” sabi naman ng isang lalaking may hawak na sagwan na kasulukuyang nakatingin sa dalawa.
Naririnig ito ni Ricky at hindi niya alam kung mahihiya ba siya o hindi. Nang matapos nga niyang kuhanan ng picture si Kath ay pasimple pa siyang napatingin sa dalaga. Natutuwa siya sa nakikita niya. Iba ito sa nauna niyang impresyon sa dalaga.
May hugasan naman ng kamay sa gilid at naroon na nga ngayon ang dalawa. Pagkatapos ni Kath magpunas ng tuyong towel sa kamay ay napatingin siya kay Ricky na ngiting-ngiti ngayon sa kanya.
“B-bakit?”
“W-wala… Nagulat lang ako,” natatawang wika ni Ricky at si Kath naman ay parang nahiya.
“Hindi ko akalaing ganoon ka kasaya sa fish port. Tsaka hindi ka man lang nandiri sa mga isda na naroon,” dagdag pa ng binata.
“Imposible akong mandiri sa ganoon Ricky. Laking-dagat kasi ako, at nakaka-miss ang mangisda na kasama si tatay…”
“Gusto mo, nextime, sumama ka sa akin kapag umuwi? Isasama kitang pumalaot sa dagat… Masaya iyon!” sabi ni Kath at si Ricky ay napalunok na lang ng laway nang marinig iyon. Parang ibang-iba ngayon ang dalaga at parang siya pa ang mahihiya rito sa pagkakataong ito.
“Nakakatuwa. Kahit na maganda ka, at lumalaban sa pageants… Napaka-natural mo… Nagulat talaga ako,” sabi pa nga ng binata at doon na nga bumalik si Kath sa reyalidad ng pagkahiya niya sa binata. Nang marinig niya iyon ay kinabaduhan siya bigla. Dito niya naalala na si Ricky nga pala ay bagong kakilala niya at kung isasama niya ito sa kanila ay tiyak na isang bagay lang ang iisipin ng mga taga-roon sa kanya.
“H-huh? H-hindi!” Doon na nga nawalan ng sasabihin si Kath at nakita niya ang masayang mata ng binata na parang isang napakagandang tanawin sa kanya, bilang may crush dito.
Huminga siya nang malalim… “Ricky, hindi ba mahilig ka sa basketball? Sigurado ako, matutuwa ang mga pinsan ko sa iyo kapag sinabi ko na ikaw ay magaling na player sa Calapan. Karamihan ng lalaki kong pinsan ay iyan ang hilig kapag natatapos kaming pumalaot at mukhang magkakaintindihan kayo lalo roon,” ani ng dalaga at doon na natawa muli ang binata.
“Hindi ako magaling… Pero ikaw? Hindi mo ba trip ang basketball?” naitanong naman ni Ricky.
“Hindi e… hindi ako mahilig sa sports… H-hindi ko rin gusto ang basketball,” nahihiyang wika ni Kath.
“B-bakit naman?” natatawang tanong ni Ricky at parang may naalala si Kath na kung ano sa kanyang buhay estudyante.
“Paano, mga playboy daw kapag mga basketball player…” Nang marinig ito ni Ricky ay doon na siya natawa pero deep inside ay parang nahiya siya. Pero ang tanong niya sa kanyang sarili ay kung totoo nga ba raw iyon?
“Playboy ba ako noon?”