Chapter 4
INABOT din ng ilang oras ang naging pamimili nina Ricky at Katherine sa Poblacion ng Mansalay. Huli nga nilang pinuntahan ay ang isang maliit ng bilihan ng grocery items doon. Bumili na sila ng mga kape, asukal, shampoo, sabong panligo at panlaba. Napadaan pa nga silang dalawa sa perfume section at naroon nga ang dalaga na si Kath na isa-isang tiningnan ang mga naroong display. Hindi naman ganoon karami ang brands na naroon. Si Ricky naman ay pasimple lang na pinagmamasdan ang dalaga na ngayon ay nag-spray nang kaunti sa ibaba ng palad nito para malaman ang amoy ng isang pabango roon gamit ang free tester sa tabi nito. Ang mga pinamili naman nga nilang dalawa ay nasa tabi na lang muna ng shelves dahil may kabigatan na iyon. Ang binata ang nagbubuhat nito at habang busy pa si Kath ay inilapag niya muna iyon.
“Wala iyong pabango kong gamit… Wala yata silang stocks,” sabi ng dalaga na napatingin kay Ricky pagkatapos. Parang nahiya tuloy siya nang makita ito.
“Naiinip ka ba Ricky? Sige, kukunin ko na ito,” nangingiting dagdag pa nito at napatawa na nga lang ang binata nang marinig iyon.
“Hindi ah. Sige lang, ganyan talaga ang mga babae. Matagal bumili ng mga anik-anik nila,” sabi ng binata na tila ba hindi nahihiyang sabihin iyon kay Kath.
Para tuloy lalong nahiya si Kath nang marinig iyon. Hindi niya alam kung okay pa ba na mamili siya ng gusto niyang pabango o okay na raw yata ang hawak niyang kulay green ang lalagyanan. Napalunok nga siya ng laway at marahang iginiya pa ang kanyang tingin sa mga pabangong nasa ibaba. May nakita siya sa ibaba ng lalagyanan, kaya nga napayuko siya nang kunin niya iyon. Nasa likuran nga niya si Ricky noon na kaagad na umiwas ng tingin dahil sa posisyon ng dalaga ngayon. Agad ngang umalis ang binata, kaso, nakita niya na ang ilang tauhang lalaki ng grocery ay pasimpleng tumitingin sa kasama niya na ngayon ay busy sa pagtingin ng mga pabango sa mababang bahagi ng lagayan.
Lalaki si Ricky at alam na niya ang gustong tingnan ng mga ito. Bumalik nga muli siya sa pwesto ni Kath para harangan ang dalaga mula sa paningin ng mga iyon. Nagkunwari na nga lang siya na nagtitingin ng mga display doon. Kaso, napapitlag na lang siya nang may malambot na bagay ang bumunggo sa kanyang hita. Umatras pala ang dalaga habang may tinitingnan sa ibaba. Dahilan tuloy iyon para masagi ng pwet nito ang binatang nasa tabi niya.
“Ay, sorry Ricky,” sabi ni Kath na kaagad na napatayo habang hawak ang isang kulay pink na lalagyanan na nakita niya sa ibaba. Okay na raw sa kanya ang amoy noon at doon na nga ito napangiti.
Patay-malisya naman si Ricky. Pinipilit na lang niyang iwaglit ang bagay na iyon. Hindi raw tama na mag-isip siya ng kung ano, isa pa, mabait si Kath at dapat maging mabait siya rito. Nagawa naman niya na alisin ang kung anong bagay na iyon sa kanyang utak at ngayon nga ay nakapila na sila sa may counter area ng grocery. Inilapag na nga ng binata ang mga pinamili nilang dalawa nang sila na ang magbabayad.
“Ipagbukod natin Ricky!” pahabol naman ng dalaga na nasa likuran niya.
“Pagsamahin na lang natin para mabilis, pag-uwi na lang natin hatiin,” sabi naman ni Ricky at tumango na lang nga si Kath nang marinig iyon. Habang iniisa-isa nga ng tindera ang mga pinamili nila ay siya namang pagdating ng isa pang babae sa may counter area. Tindera rin ito ng grocery store na iyon, at seryoso itong nakatingin kay Kath sa paglapit niya.
“Classmate? Katherine!” sabi ng babaeng iyon na medyo chubby na may suot na black shirt na may tatak ng tindahan nila.
Nang mapatingin naman si Kath dito ay kaagad niya itong nakilala, kaklase niya ito noong high school. Naroon nga ang kumustahan ng dalawa habang ngiting-ngiting pinapasimplehan ng tingin ng mga lalaking trabahador din sa tindahang iyon. Sino ba naman ang hindi mapapatingin sa babaeng kasama ni Ricky? Ang sexy nito sa suot na pants at litaw na litaw ang morena beauty nito.
“Sino iyang kasama mo? Syota mo ga iyan?” mahinang sabi ng babaeng iyon na pakinig naman ni Ricky na patay-malisya na nga lang habang iniaabot sa nakangiting kahera na kulot ang buhok ang mga items na binili nila ni Kath.
“Ala, hindi… Kaibigan ko iyan. Pareho kaming teacher sa Balugo,” nangingiting sabi naman ni Kath sa inakbayan niyang high school friend.
“Ayihhh! Ikaw ah… Invite mo ako sa kasal mo ah. Nang malangisan na ang labi ko,” sabi pa ng babae na may mahina pang paghagikhik dahil sa pagkurot sa kanya ni Kath na kung pagmamasdan ang dalawa ay parang tipikal na magkabarkada talaga dahil sa pasimpleng harutan.
“Sira ka… Hindi… Wala pa sa isip ko iyon. May mga gusto pa akong gawin para kina tatay,” nakangiting sabi ni Kath at napangiti ang kaibigan nito na nagngangalang Jolina.
“Pero type mo?” mahinang wika nito at si Kath ay napatawa na lang sabay lapit kay Ricky dahil bayaran na ng mga pinamili nilang dalawa.
“Katherine… bagay kayo ni Sir!” malakas na winika pa ng kaibigan ni Kath na ipinagpatay-malisya na lang ni Ricky kahit naririnig niya. Nang mapatingin nga ang binata sa dalaga ay makikitang parang namumula ito.
Nakakahon na ang pinamili nila at kinuha na ito ni Ricky para bitbitin. Nagpaalamanan na rin nga ang magkaibigan na may kasama pang kantyaw para kay Kath na ikinatingin na lang ng binata sa malayo. Kinuha na nga ni Kath ang pinahabilin nila na binili nila sa labas na mga school items at siya na raw ang magdadala dahil nakakahiya na raw kay Ricky. Papunta na nga sana sila ng sakayan pero dahil malapit na ring magtanghali nang oras na iyon, kaya naisipan ni Kath na yayaing kumain ang binata sa sikat na kainan dito sa Mansalay. Hindi ito kagaya ng sa Calapan, pero ito ang medyo dinarayo rito kung ikukumpara sa iba. Para lang itong normal na carinderia at sa pagpasok nila sa loob ay medyo matao nga rito. Makikita nga na may mga nakaparada pa na mga sasakyan sa labas nito na wari’y mga byaherong napahinto rito.
Ang unang hinanap ni Ricky ay ang mapupwestuhan at mukhang sinwerte silang dalawa nang may makita silang bakante sa gilid na dali-dali nilang pinuntahan upang hindi na sila maagawan. Maayos na inilapag nilang dalawa ang kanilang mga dala at tumayo ang binata para omorder sa unahan ng kanilang pagkain. Si Kath nga ay kaagad na humugot ng pera sa wallet niya at libre na raw niya. Kaagad naman itong tinanggihan ni Ricky at hindi naman pumayag ang dalaga na parang naging seryoso dahil nakakahiya raw sa kanya.
Walang nagawa ang binata. Pasimple nga muna siyang tumingin sa natatanaw niyang estante ng mga ulam at nakita niya ang mga naroon at may nakita nga siyang sisig na halos nangangalahati na ang laman sa tray nito kung ikukumpara sa ibang nandoon. Mukhang mabenta iyon, at base na rin sa obserbasyon niya sa mga kumakain dito.
“Ano’ng ulam mo? Okay ba sa iyo ang sisig?” nakangiting tanong ni Ricky kay Kath.
“Sisig?” Lumingon ang dalaga sa unahan at pinagmasdan ang mga ulam na naroon. “Adobong manok na lang ang sa akin Ricky… Hindi kasi ako kumakain ng sisig.”
Napangiti naman si Ricky. Balak niya sanang sabihing favorite niya iyon, kaso, nang marinig niya na hindi kumakain si Kath noon ay nagbago na ang isip niya.
Ilang sandali pa nga ay dinala na ni Ricky ang kanyang in-order. Tig-isang cup sila ng kanin at may extra rice ding order ang binata. May kasama ring softdrinks iyon at pag-upo niya ay napatingin siya sa kanyang order na sisig. Mukhang prito ang karneng gamit dito at agad nga niya itong pinigaan ng kalamansi. Napatingin pa nga siya kay Kath na ikinakalat na sa plato nito ang kanyang kanin.
“Bakit hindi ka kumakain ng sisig?” naitanong nga bigla ni Ricky matapos haluin ang kanyang ulam at itaktak ang kalahati noon sa kanyang kanin na nasa plato.
Nakapaglagay na rin si Kath ng ulam sa kanin niya at bago siya sumubo ay sumagot muna siya sa kaharap niya na mukhang takam na takam nang kumain. “Hindi ko kasi gusto ang lasa. Hindi ko alam kung bakit…” sabi ng dalaga at tumango na nga lang si Ricky. Nang matikman na niya ang kanyang ulam ay pasimple na lang siyang napangiti dahil hindi siya binigo ng luto nito. Malutong ang karne, sa parteng may taba, may maanghang, maasim at matamis na lasa rin ito na bumagay sa mainit na kanin na nasa bibig niya.
“Ang sarap ng sisig nila rito ah,” nasambit pa ng binata at ngiti na lang ang reaksyon ni Kath na hindi naman trip ang ulam niyang ito. Napatawa na nga lang nang bahagya si Ricky at nagpatuloy na kumain. Hindi maipaliwanag ng binata pero habang kumakain siya ay parang may kung anong alaala ang bigla na lang pumasok sa kanyang utak.
May kakilala siya na sisig din ang paboritong ulam. Hindi nga niya alam kung bakit niya iyon naalala. Parang kagaya kasi ng lasa ng ulam niya ang lasa noong nasa restaurant sa Calapan na may ganito ring putahe. Doon iyon sa lugar na may unli rice at hindi niya naiwasang maalala ang minsanang pagkain niya roon.
Nagpatuloy siya sa pagkain at alam naman niyang si Andrea ang kasama niya roon dati. Sisig din ang paborito ng dalaga at bigla rin nga niyang naalala na nag-message ito sa kanyang social media account noong nakaraan. Hindi niya nga lang ito binuksan o ni-reply-an. Alam naman niya sa kanyang sarili na wala na siyang nararamdaman sa dalaga. Matagal na rin naman niya itong hindi nakita at isa pa, ni isang balita ay wala na siyang narinig dito. Kahit pa nga kaibigan niya ang kapatid nito ay hindi naman na niya inalam kung okay na ba ito sa ibang bansa.
Wala na si Andrea sa buhay niya matapos itong umalis ng Pilipinas. Nag-fourth year siya at naka-graduate nang wala ito at isa pa, masaya na siya sa buhay niya ngayon. Pakiramdam niya ay ayaw na niyang bumalik sa buhay niya ang dalaga. Hindi dahil sa may hinanakit siya rito dahil sa nangyari sa kanila, pero dahil sa nasanay na siyang wala ito. Oo, naging mahalaga ito kung paano siya napunta sa basketball, pero para sa kanya ay hanggang doon na lang iyon. Kung ano man ang message ng dalaga ay hindi na niya ito nais pang mabasa pa. Tapos na ang lahat sa kanila at ngayon ay sa career na niya bilang adult siya magpo-focus.
Habang kumakain nga ay napansin bigla ni Kath na parang ang seryoso ni Ricky na nakatingin lang sa lamesa nang matapos ito sa pagkain. Pakiramdam niya ay ang lalim ng iniisip nito na tila ngayon lang niya nakita sa ilang linggo niyang kakilala ito.
“Ano kaya ang iniisip ni Ricky? D-dahil ba sa hindi ako kumakain ng sisig?”
“Naku… Sorry talaga. Kasalanan ito ng dila ko… Bakit ba kasi hindi ko gusto ang lasa niyan?”
“R-ricky? May problema ba?” lakas-loob ng winika ng dalaga na tapos na rin namang kumain. Doon na nga natauhan ang binata at napatawa.
“H-ha? Wala! Okay na ba? Uuwi na ba tayo? Tapos ka na palang kumain?” Parang sira-ulo si Ricky nang oras na iyon at parang natatawang-hindi naman si Kath sa reaksyon nito.
“D-dahil ba sa hindi ko pagkain ng sisig? S-sorry Ricky…” malungkot na winika ni Kath at doon na nga natawa si Ricky.
“H-hindi. Wala lang sa akin iyon. May kanya-kanya naman tayo ng trip na pagkain at mayroon ding hindi,” sabi ng binata at napatingin siya sa kanyang relo at nakita niyang tanghali na talaga. Napatingin nga siya kay Kath na napadighay pa. Pinamulahan tuloy ang dalaga na nanlaki ang mata nang makitang nakatingin siya rito.
“Alahh… Nakakahiya!”
“E-excuse me…” sabi ni Kath at napangiti naman si Ricky na kinuha na ang kahon na naglalaman ng groceries na pinamili nila. Lumabas na nga sila ng restaurant at nagpunta sa sakayan pabalik sa Balugo. Pagkatali ng mga pinamili nila sa likuran ng tricycle ay doon na nga sumakay ang dalawa sa loob. Sa pag-andar ng sasakyan ay kaagad namang nagpasalamat ang dalaga sa pagsama ng binata sa kanya.
“Wala iyon, ang mabuti pa ay sabay na lang tayong mamili kapag naubusan tayo ng stocks. Ikaw kasi ang kabisado ang Mansalay, dayo lang naman ako rito,” ani Ricky at napangiti ang dalaga nang marinig iyon.
“S-sige… Sige!” Tuwang-tuwa sa loob-loob si Kath na parang gustong sumigaw dahil ang saya niya. Palagi raw niyang masasamahan ni Ricky at lalo tuloy kumabog ang dibdib niya dahil doon.
Ilang saglit pa lang na umaandar ang tricycle na sinasakyan nila ay naramdaman na lang nga ni Ricky na may nagba-vibrate sa kanyang bulsa. Kinuha niya ang kanyang phone at nakita niyang tumatawag pala si Andrei sa kanya.
“Bakit kaya tumatawag ang isang ito?” tanong ni Ricky sa sarili na kaagad na sinagot iyon.
“Hello? Ricky?”
“Bakit pre?”
“Pauwi ka na ba? Nandito ako sa Balugo. Hindi ka yata nagbabasa ng chats ko ano?” natatawang wika ni Andrei sa kabilang linya. Si Ricky naman ay nagulat nang marinig iyon. Wala naman daw kasi silang usapan nito na magkikita.
“B-bakit ka nandiyan? Wala akong maalala na may usapan tayo?” ani Ricky at doon na sandaling natahimik ang kabilang linya na tila ba nagpakabog sa dibdib ng binata nang hindi inaasahan.
“A-ano kasi… M-may gustong makipagkita sa iyo pre…”
“H-huh? S-sino naman? Sina Mike? Si Roland? Andito ba sila?”
Lumunok ng laway sa kabilang linya si Andrei sabay tingin sa babaeng nakaupo sa likuran ng kanyang sasakyang nakaparada sa tapat ng Balugo National High School.
“S-si ate… Hindi mo ba nabasa ang chat niya?”
Si Andrea.