Nakatitig lang ako sa sarili sa salamin. Tapos na akong mag-ayos. Suot ko na ang maiksing damit at ang de-takong na sapatos sa paa. Kontodo make-up na rin ako. Sinadya kong kapalan para maitago ko mamaya ang pamumula o pamumutla ng mukha ko. Nakaayos na rin ang mahabang buhok ko. Pinlatsa ko lang at inilugay para hindi masyadong effortless tingnan. Overdo na kung pati buhok ko ay ikukulot ko pa.
Ipikinit ko ang mga mata at huminga nang malalim. Nanlalamig ang mga kamay ko sa sobrang kaba. Ganito siguro ang pakiramdam ng mga baboy na kinakatay. Helpless. Walang magagawa para baguhin ang kapalaran. Ang kaibahan ko lang sa kanila ay pinili ko ito. Walang pumilit sa akin. Kusa akong naglakad patungo sa kumunoy at inilublob ang sarili.
Wala na ba talaga akong choice? Baka may iba pang alternative? Baka may busilak pa ang puso diyan na biglang susulpot at hahatakin ako palayo rito para tulungan ako.
Napatawa na lang ako ng bahaw sa itinatakbo ng isip ko.
“Ano ba, Rune. Checkmate na. Last resort mo na ito. At isa pa, wala ng prince charming at knight in shining armour sa panahon ngayon. Mga lobo na lang at uwak ang natira,” pagkausap ko sa sarili.
Tiningnan ko ang oras sa mumurahin kong relo. 5:45 p.m. na. Baka maya-maya pa ay darating na si Cordata. Tumayo ako at pumasok sa banyo. Naiihi na naman ako dahil sa sobrang nerbiyos. Paglabas ko ay inayos ko lang ang hiniram na make-up kit mula sa kaibigan at inilagay sa gilid ng vanity mirror nito. Lumabas ako sa sala at umupo ako sa sofa at inilibot ang tingin sa medyo may kalakihan na apartment nito.
Ayaw kong husgahan ang trabahong ginagawa nito pero hindi ko maiwasang isipin kung paano napunta sa industriyang ito ang kaibigan. Kung hindi ko pa nga aksidenteng nakita ang kaniyang social media account na mutual friend ng isang kaklase ko ay hindi ko malalaman na ganito na pala ang kaniyang buhay ngayon. Dati kong matalik na kababata at kabigan si Cordata na nakatira sa kabilang kanto ng barangay namin. Eleven years old kami nang umalis ang pamilya ng kaibigan sa lugar namin at lumipat sa kabilang barangay. Doon na nahinto ang komunikasyon naming dalawa. Nitong huli nga lang kami nagkita uli dahil kinontact ko siya kung may kilala ba itong pwede kong pasukan ng trabaho o taong pwedeng utangan. Hindi naman niya ako binigo at sinabi sa akin ang ginagawa nito. Doon na ako nakapagpasya na subukan ang sinasabi nitong pagiging sugar baby.
Nag-angat ako ng tingin nang bumukas ang pinto at pumasok si Cordata na agad tumutok sa akin ang mata. Pinasadahan niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa saka kontentong tumango.
“Kung hindi lang kita kilala, aakalain kong may naligaw na artista dito sa apartment ko.”
Nilampasan niya ako at nagpunta sa maliit nitong ref para kumuha nang malamig na tubig saka binalikan ako.
“Ready ka na? Tayo na?”
Humugot ako nang malalim na hininga saka tumayo. “Tara na para matapos na ito.”
Sa labas ay naghihintay ang isang magarang sasakyan. Nilingon ko si Cordata na balewalang pinagbuksan ako ng pinto at sinenyasana akong pumasok. Tumalima naman ako.
“Kanino ‘to?” mahina kong tanong dito nang umandar na ang kotse.
“Sa kliyente mo. Siya mismo ang nag-offer sa akin na gamitin ito para sa pagsundo sa iyo. Swerte mo. Mukhang galante talaga ang nataon sa iyo ngayon.”
Imbes na maging masaya ako sa sinabi nito ay mas lalo lang akong kinabahan. Ganito na nga kagalante ang lalaking kikitain ko kahit hindi pa kami naghaharap, paano pa kaya kung sakaling alukin niya ako ng iba pa. Baka tuluyan ko na talagang maiahon ang pamilya sa hirap. Kinagat ko ang dila dahil sa mga naiisip. Nakakatukso ang mga posibilidad at ayokong palawigin pa iyon dahil baka tuluyan na nga akong masilaw.
“Cordata, kilala na ba niya ako o tulad din siya sa akin na walang clue sa itsura niya?”
Pumalatak ito sa tanong ko. “Ano ka ba. Kliyente namin iyon kaya natural lang na makita na niya beforehand kung sino ang makakasama niya sa gabing ito. Malaki ang binabayad nila kaya ano ba iyong makita nila ang mukha ng babae ‘di ba?”
Nagulat ako sa sinabi nito pero naiintindihan ko naman ang ibig nitong sabihin.
“Hindi ka naman humingi sa akin ng picture ko. Ano ang ibinigay mo sa kaniya?”
“Hindi ka mahirap hanapan ng pictures. Nangalkal lang ako sa f*******: mo at may nakuha na akong mga litrato mo. Wag kang mag-alala. Sinigurado ko mismo na exclusive lang sa kliyente ang viewing sa photos mo. Sinabi ko na sa iyong privacy ang pinakaimportanteng parte ng trabahong ito kaya makakaasa kang walang ibang makakaalam. May pinirmahan tayong kontrata kaya protektado ka.”
Nakahinga ako nang maluwag. “Mabuti naman. Cordata, kung nakita na niya ang mukha ko, pwede ko na rin siyang makita ‘di ba? Meron ka bang picture niya diyan? Gusto ko lang talaga na magkaroon ng ideya tungkol sa itsura niya para naman ma-i-prepare ko ang sarili.”
Bumuntung-hininga ito. “Rune, ano ba talaga? Gagawin mo ba ito o hindi? Kasi kung hanggang ngayon ay nagdadalawang-isip ka pa ay pwede ka pa talagang mag-back out. Tatawagan ko na lang ang papalit sa iyo at sasabihan ko ang kliyente mo ngayon na may emergency ka lang. Bilisan mong mag-decide habang may oras pa.”
“Pasensiya na. Kinakabahan lang talaga ako pero hindi naman ako mag-ba-back out. Itutuloy ko ito dahil matindi ang pangangailangan ko.”
Kinuha ni Cordata ang kamay ko at mahigpit na hinawakan. “Alam ko kung paano maging desperadang tao, Rune. Nanggaling na ako diyan kaya alam ko ang nangyayari sa iyo ngayon. Pero kung ito ang makakapagpagaan sa iyo ay gagawin ko. Hindi kita ipapahamak, okay? Hindi ka pipilitin doon. Walang sapilitan, naiintindihan mo? Isipin mo lang na andoon ako sa labas ng silid at nakabantay sa iyo. Hindi kita pababayaan kaya mag-relax ka na. May aaliwin ka pang matandang hukluban sa gabing ito.”