Chapter 2

1024 Words
Tulala ako sa daan habang pauwi. Nililimi ko sa sarili kung tama ba ang naging desisyon ko na tanggapin ang trabahong iyon pero sa tuwing naiisip ko ang pwedeng mangyari sa ama ko ay parang nagkakaroon ako ng tapang. Usap lang naman iyon. No things beyond that. Kahit ilang libong salita pa ang kailangan kong sabihin ay gagawin ko para sa ama. Kahit pa siguro mapunit na ang labi ko sa kakangiti para lang masiyahan ang magiging kliyente ko ay walang reklamo kong gagawin basta maipagamot ko lang ang ama at gumaling ito. Umukilkil sa utak ko ang sinabi ni mama sa akin noong nabubuhay pa ito. Family first. ‘Wag na ‘wag ko raw pababayaan ang mga kapatid ko. Nanlalabo man noon ang mga mata ko sa labis na sakit at pagdadalamhati pero nagawa ko pa ring tumango. Bago tuluyang pumikit ang kaniyang mga mata ay ipinangako ko rito na ako na ang bahala sa pamilyang ilang taon din niyang inalagaan. Baligtad ang roles nila mama at papa sa pamilya. Si mama ang naghahanapbuhay samantalang si papa ang naiiwan sa bahay para alagaan kaming tatlong magkakapatid. Isang bank teller si mama sa malapit na bangko na isang sakay lang mula sa bahay namin. Ito na mismo ang kumumbinsi kay papa na sa bahay na lang mamalagi dahil sakitin ito. Kaya naman nang mamatay si mama dahil sa isang freak car accident ay iniatang ko na sa mga balikat ang pagtatrabaho para sa pamilya. Nagbukas si papa ng isang maliit na sari-sari store na magkatuwang namin na pinatatakbo. Ang mga nakababatang kapatid ko naman na mga lalaki ay suma-sideline din sa pagtatrabaho habang nag-aaral. Gaya ko ay pinipilit naming lahat na manatiling buo ang pamilya kahit wala na si mama. Kaya nang malagay sa alanganin ang buhay ng aming ama, gagawin ko ang lahat kesehodang ibenta ang sarili para madugtungan pa ang buhay nito. Hindi ko kakayanin kung mawawala pa sa amin ang natitirang magulang ko. Malalim pa rin ang iniisip na bumaba ako sa jeep at binaybay ang makipot na daan papasok sa payak na barangay namin kung saan nakatirik ang munti naming tahanan. Pagkarating ko ng bahay ay agad akong naghanap nang maaring suotin bukas. Naghalungkat ako sa luma ko ng cabinet at inilabas ang mga dresses na ipinangrarampa ko dati sa mga pageants. Swerte ko naman at may naiwan pa palang little red dress na hindi masyadong revealing ang cut sa leeg. Kinuha ko rin ang nag-iisang high-heeled shoes na mayroon ako na maingat ko pang itinago sa plastic bag at itinabi kasama ang dress sa kama. Ang problema ko na lang ay ang kung paano ko aayusan ang sarili. Wala ako ni isang make-up na pagmamay-ari dahil hindi naman ako mahilig sa mga ganiyan at wala naman akong paggagamitan. Ang lahat ng mga ginagamit ko sa mga pagrampa ay courtesy sa mga baklang nagha-handle sa akin. Kinuha ko ang backpack at inilagay ang mga damit sa loob pagkatapos ay lumabas ako sa maliit na silid para dumiretso sa kusina. Magluluto ako ng hapunan para sa mga kapatid na nagbabantay kay papa sa ospital. Patapos na ako sa ginagawa nang bumukas ang pinto at iniluwa si Kendrick, ang 18 years old na sumunod sa akin. “O, Ken. Tamang-tama, patapos na ako. Kumain ka na muna bago mo sila hatiran ng pagkain.” Tumango lang ang kapatid ko saka walang kibo na nagpunta sa silid nito na pinaghahatian nila ng isa ko pang kapatid na si Dendrick. Naghain na ako sa mesa at hinintay ang paglabas ng kapatid. Hindi na ako nagulat nang makitang pula ang mga mata nito. Ilang araw ko na siyang nakikitang ganiyan pero hindi ko na lang pinapansin. Baka maiyak na naman kasi ako gaya ng mga unang araw simula nang malaman ko ang kondisyon ng ama. Ayokong makita nila na unti-unti na akong natitibag. Dapat akong maging matapang sa paningin nila. Ako ang sandalan ng lahat ngayon kaya dapat matatag ako. Tahimik kaming kumain. Paminsan-minsan ay nagkukuwentuhan kami pero iniiwasan kong mapunta sa kasalukuyang sitwasyon ni papa ngayon ang usapan. Baka kasi bigla akong mapabunghalit ng iyak. “Ate, makakaligtas pa ba si papa?” Natigilan ako sa tanong ni Ken. Bahagyang nanginig ang kamay ko na may hawak ng kutsara. Pinayapa ko muna ang nagririgodon na emosyon saka parang balewala na tumango. “Ken, ano bang klaseng tanong iyan? Oo naman. Makakaligtas si papa. Magiging maayos ang operasyon niya.” Hindi nagbago ang emosyon sa mukha nito. “Ate, ni wala nga tayong pampaopera kay papa. Paano iyon?” Bahagyang humina ang tinig nito pagkasabi niyon. “Ano ka ba? Akala mo ba hindi ko iyan alam? Wag kang mag-alala. Dumidiskarte na ako. Mapapaopera natin si papa bago matapos ang buwan na ito.” Mabilis itong nag-angat ng tingin sa akin saka tumigas ang mukha. “Ate, wag na wag kang gumawa ng mali, ha. Hindi kita hahayaan.” Muntikan na akong maiyak sa sinasabi nito. Damang-dama ko ang protectiveness sa boses nito. “Huy Kendrick, alisin mo nga iyang nasa isip mo. Maglo-loan ako. Mangungutang sa kahit sinong bombay diyan para makaipon. Lahat nang marangal na trabaho ay papasukin ko para sa inyo.” Muntik ko nang palakpakan ang sarili dahil naitawid ko ang mga mga linyang iyon nang hindi ako nasusunog. Papasa na akong artisa nito kapag nagkataon. “Mabuti naman. Hindi ko hahayaan na mapahamak ang kaisa-isang babae sa amin,” saad nito sa determinadong tinig. “Wala akong maihaharap na mukha sa mga magulang natin kapag hindi kita naprotektahan.” “Tumigil ka na nga, Ken. Matanda na ako. Alam ko na kung ano ang tama sa mali. Dapat ako nga ang nagpoprotekta sa inyo, hindi kayo. Wala akong gagawin na ikakapahamak ng sarili ko, okay? Tiwala lang. Lahat gagawin ko para sa ikabubuti ng lahat. Sige na, bilisan mo na ang pagkain para mahatdan mo na sila Denrick at papa. Hinanda ko na rin ang mga babaunin mong mga damit para sa inyong tatlo. Baka sa susunod na araw pa ako makakadalaw dahil aasikasuhin ko ang mga kukunin ko na loans.” Mahina itong tumango. “Opo, ate.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD