CALIFORNIA, USA
SAMANTHA’S POV
“I’M SORRY, princess. Wala kasi puwedeng sumama sa kapatid mo para umuwi ng Pilipinas at um-attend ng kasal ng Ninong Doc niya. Alam mo naman ang kalagayan ko…”
Nakagat ko ang aking labi sa sinabi ng aking ama. Bilang masunuring anak, paano ba ako makakatanggi? At saka isa pa, paano ko ba bibiguin si Tatay kung alam kong walang kasiguruhan kung hanggang kailan na lang namin siya makakasama?
Six years ago nang ma-diagnose siya sa sakit na colon cancer. Nang dahil doon kaya napilitan ang parents ko na ibenta lahat ng properties namin sa Pinas, kasama na ang kumpanya na pinaghirapan nilang palaguin noon, at manirahan dito sa California para sa pagpapagamot niya. At tinapat na kami ng mga doctor niya. Na anytime daw ay puwede nang mawala sa amin si Tatay dahil kalat na ang cancer cells sa katawan niya.
Pero ang tanong:
Handa na nga ba akong bumalik sa Pilipinas at makita ang first love ko? At a-attend pa ng kasal niya?
“Kailangan po ba talaga na um-attend pa ng kasal ng Ninong niya si Samy, Tay?” nakatingin sa ibang direksiyon na tanong ko.
Hindi ko kasi kayang tingnan nang diretso si Tatay. Naninikip ang dibdib ko sa tuwing nakikita ko ang pamamayat niya. Malayong-malayo na sa ama ko noon na matipuno ang pangangatawan at palaging malakas. Lalong-lalo na kapag binubuhat niya ako at isinasakay sa balikat niya.
“Nakakahiya kay Doc kapag isa man lang sa pamilya natin ang hindi makakadalo sa kasal niya, anak. Alam mo na naman na matalik ko na siyang kaibigan at marami na siyang naitulong sa pamilya natin. Mula pa kay Junior, siya na ang nagpaanak sa Nanay mo.”
Matalik na kaibigan? Pero simula nang mag-migrate tayo rito, ni hindi niya naisipang dumalaw. O kahit kumustahin man lang ang kalagayan mo.
Ngunit hindi ko kayang saktan ang feelings ni Tatay kaya sinarili ko na lang ang hinanakit kong iyon sa taong… bata pa lang ako ay minahal ko na. Ang taong… bata pa lang din ako ay nagwasak na ng puso ko.
“Kung puwede nga lang akong b-um-iyahe pa. Ang sabi ko nga sa Nanay mo, siya na ang sumama kay Samy. Pero alam mo naman na hindi ako kayang iwanan no’n. Kahit may private nurse ako, mas gusto pa rin niya na siya ang nag-aalaga sa akin.”
Uminit ang mga mata ko nang maramdaman ko ang matinding lungkot sa boses ng aking ama. Ngunit pinigilan ko ang aking mga luha nang humarap ako sa kaniya. “Sorry po, Tatay. Hindi naman po sa ayaw ko. Hindi ko lang din talaga kayang umalis na ganito ang sitwasyon n’yo. And you know that.” Kasabay ng pagpiyok ng boses ko ay ang tuluyang pamamasa ng aking mga mata nang hawakan ko ang kamay niya. “Tay, the thought of leaving you is tearing me apart. I don’t want to waste a single second away from you. That’s why I don’t want to go.”
“Oh, princess.” Nanginginig ang isang kamay na sinapo ni Tatay ang aking kanang pisngi. “I remember when you were little. You would hold my hand and look up at me with those big, curious eyes. It’s hard for me to accept that you’re not my little girl anymore. But at the same time, gusto kong malaman mo na proud na proud sa’yo si Tatay. Bente dos ka pa lang pero may sarili ka ng business. At nakikita ko na kahit mawala man ako, hindi mahihirapan ang Nanay mo dahil katuwang ka niya sa lahat ng bagay. Sa financial, emotional… Lalong lalo na sa pag-aalaga at pagmamahal sa mga kapatid mo.” Ngumiti ang aking ama na hindi umabot sa kaniyang mga mata. “You’re growing up too fast, princess, and it’s making me feel old,” dagdag pa niya sa tonong nagbibiro ngunit sa halip na matawa ay lalo pang bumuhos ang aking mga luha.
Napailing ako. “No.” Hinalikan ko ang mga palad ng aking ama. “Please don’t say that, Tay. Hindi ka mawawala sa amin.”
“Hindi pa naman ngayon mawawala si Tatay. Hindi ko pa nga nakikilala ang lalaking magmamahal at mag-aalaga sa prinsesa ko, eh.”
“Kung gano’n, fifty years old na ako mag-aasawa,” biro ko sa gitna ng mga luhang namumuo sa gilid ng mga mata ko. “Kaya lumaban ka pa, ha?”
Tumawa lang siya bago niya ako niyakap nang mahigpit. “I love you, princess. Always remember that.”
“Mahal na mahal ko din po kayo, Tatay.”
SAMANTHA’S POV
“IKAW na ang bahala sa kapatid mo, anak, ha? Tumawag ka agad sa amin kapag nasa Pinas na kayo. Susunduin naman daw kayo ni Doc sa airport,” bilin ni Nanay bago kami umalis ni Samy.
Hindi madali sa akin ang bumalik sa nakaraan ko. Dahil hindi ako sigurado kung handa na ba talaga ako.
Pero mas mahirap at masakit sa akin na biguin ang mga magulang ko, lalong-lalo na si Tatay Sam.
Tumango ako. “Opo, Nanay. Kayo na rin po ang bahala kay Tatay, ha? Tatawag ako palagi.” Huminga ako nang malalim. “Kung puwede nga lang na umuwi agad kami. Pero I’m sure na magtatampo sina Tita Meryl at Momma kapag hindi ko po sila dinalaw.”
“Sigurado ‘yon, anak. At saka tumatanda na rin ang Momma mo. Nagiging matampuhin na. Akala niya, nakalimutan na natin siya. Kaya okay lang kahit isa o dalawang buwan kayong mag-stay sa Pinas. Wala pa namang pasok si Samy. At ako na rin muna ang bahala sa negosyo mo rito habang wala ka.”
Nakangiti na tumango lang ako kay Nanay.
“Let’s go, Ate?” Lumapit sa amin si Samuel Junior, ang kapatid ko na sumunod sa’kin. He’s turning eighteen years old and taking up Criminology. “Mukhang excited na si Samy na makita ang Ninong Doc niya, eh.”
“Of course, Kuya. Four years old pa lang ako no’ng last meeting namin ni Ninong Doc, eh. I miss him so much!”
“Eh, si Ate kaya?” nanunudyong baling sa akin ni Samuel Junior.
I glared at him. “Past is past!”
“But first love never—” Piningot ko ang kapatid ko kaya tumawa na lang siya. “Pikon! Tara na nga. Baka hindi mo pa ako ibigay kay Ninong Tristan ang pasalubong ko, eh.”
Pasakay na kami ng sasakyan nang pigilan ako ni Nanay Rebecca sa braso at nagpahabol siya. “Anak, alam kong hindi ito madali para sa’yo. At kung puwede lang na hindi ikaw ang sasama sa kapatid mo.”
Hindi man sinasabi ni Nanay ang ipinag-aalala niya, alam ko na iyon. And I just smiled at her.
“Nanay, past is past nga po, ‘di ba?"