"MAY gumugulo ba sa isipan mo, Hija?" Napakislot si Micah nang marinig niya ang boses na iyon ng kaniyang Mama Salud. Nasa hardin siya ng mga sandaling iyon at nakaupo sa swing habang malayo ang tingin. May dalawang linggo na rin simula nang makauwi siya mula sa business conference niya sa Singapore. At sa loob ng dalawang linggong iyon ay halos araw-araw pinagsisisihan ni Micah kung bakit hindi agad siya umuwi nang araw na iyon. Hindi sana nangyari ang isang gabing pagkakamali niyang iyon. Isang gabi ngunit mukhang habang buhay niyang pagsisisihan. Pinagsisisihan mo nga ba o pinanghihinayangan dahil umalis ka na hindi man lang nakilala ang lalaking iyon, Micah? tanong ng kabilang parte ng isip niya. "Alam ko na hindi madali ang nangyari sa inyo ni Andres, Hija. Pero gusto kong malam