CHAPTER 2

1350 Words
   Arithrea’s Pov:  “Mano po, Tiyo Krado,” bati ko sa matanda at inabot ang kanyang nakalahad na kamay para magmano.   “Oh, akala ko ay si Arthur ang darating. Napakainit pa naman ngayon, bakit ikaw pa ang pinapunta rito?” tanong n’ya habang nakakunot ang noo.   “Naku Tiyo Krado, ayos lang naman po ako. Sanay na rin po ako sa ganitong mga gawain,” sagot ko na lang.   “Oh, s’ya sige. Pumasok ka muna at kukuha lang ako ng maaari mong mainom,” sabi n’ya pagkatapos ay binuksan ang entrada ng kanyang tahanan.   “Nabanggit nga po pala ni Tatay Nando na may ibibigay kayo sa amin. Ano nga po pala iyon, Tiyo?” tanong ko nang makapasok sa sala. Naupo ako sa pang-isahang upuan na gawa sa kawayan.   “Ah! Iyon ba? Sobra sa amin ang nakuha naming mansanas kaya naman ay naisip kong ibigay ito sa inyo. Hindi ko nga lamang maihatid dahil halos wala na akong pahinga,” saad ni Tiyo Krado. Lumapit s’ya sa akin hawak ang isang tasa. Iniabot n’ya ito sa akin.   “Maraming salamat po,” pasasalamat ko matapos tanggapin ang inihanda n’yang maiinom. Isa iyong malamig at matamis na tsaa. Sa tindi ng uhaw na nararamdaman ay kaagad ko iyong ininom at halos makalahatian ko ang laman ng tasa.   Habang isinasalansan ni Tiyo Krado ang mga mansanas ay masaya s’yang nagkukwento. Tahimik lamang akong nakikinig sa mga sinasabi n’ya.   Katulad ng pamilya ni Arthur, isa ring ordinaryong tao si Tiyo Krado. Wala s’yang natatanging abilidad katulad ng isang Magik. Iilan lamang kaming mga Magik na naninirahan dito sa Black Hollow. Sa pagkakaalam ko, ang karamihan ay lumipat na sa ibang bayan o kaya nama’y nakipagsapalaran sa kabisera ng Mageia.   Iniabot sa akin ni Tiyo ang isang supot na punung-puno ng mansanas. “May kabigatan ang supot na ito, makakaya mo bang bitbitin ito pauwi sa inyo?”     "Oo naman po! Kayang-kaya kong dalhin ito." Nakangiti pa ako nang tanggapin ko ang supot.   "Kung ganoon ay mabuti naman. Pasensya na hija at hindi kita maihahatid. Dumadalas na kasi ang pananakit ng mga kasu-kasuan ko.”   “Hindi na po kailangan. Malaking bagay na po ang ibinigay n’yo sa amin.” Pagkasabi niyon ay tumayo na ako para magpaalam. “Maraming salamat po muli sa mansanas at sa inumin. Magpapaalam na po ako, may usapan din po kami ni Arthur na magkita sa simbahan.”   "Sige. Mag-ingat ka sa daan, Treya," paalala ni Tiyo Krado nang maihatid ako sa labas ng bahay. Kumaway ako sa matanda bago mabilis ang mga hakbang na tinungo ang direksyong pinanggalingan ko kanina. Humihimig pa ako habang naglalakad. Busog na busog din ang mga mata ko sa mga tanawing nakikita ko sa daan.   "Kailangan kong magmadali dahil baka naghihintay na sa akin si Arthur," pagkausap ko sa sarili.   Mahigpit na niyakap ko ang supot ng mansanas at mas binilisan ang paglalakad. May kalayuan ang simbahan at nag-aalala akong baka abutan kami ni Arthur ng dilim sa daan.   Pagkaraan nang humigit-kumulang na tatlumpung minuto ay natanaw ko na ang simbahan. Malayo pa lang ay nakilala ko na ang mga pigura ng lalaki at babaeng nakatayo sa harapan ng kampanaryo ng simbahan. Habang papalapit ay nakumpirma kong ang lalaki ay walang iba kundi ang aking kasintahan at ang babaeng kausap n’ya ay si Esther. Masaya silang nagtatawanan na nakapagpasimangot sa akin. Maganda si Esther at bukod pa roon ay isa rin s’yang magaling na Magik. Maputi ang kulay ng kanyang kutis samantalang morena naman ang sa akin. Kahit paano ay nakakaramdam ako ng insekyuridad mula sa babae   "Arthur!" malakas na tawag ko sa kanya na agad naman n’yang ikinalingon. Masayang kinawayan ko ang kasintahan.   “Kumusta na, Treya?” kaagad na bati ni Esther nang tuluyan akong makalapit sa kanilang dalawa. Tipid akong ngumiti. “Maayos naman ako, ikaw ba?”     "Mabuti rin naman ako.” Matapos sabihin iyon ay matamis ang ngiting hinarap n’ya si Arthur. “Mauuna na ako, may kailangan pa kasi akong gawin.” Pagkatalikod ni Esther ay kaagad kong hinarap si Arthur. Napansin kong abot-tainga ang kanyang ngiti habang sinusundan ng tingin si Esther.   "Anong pinag-usapan n’yo?" tanong ko nang makalayo na si Esther.   Hindi s’ya nagsalita bagkus ay kinuha ang supot na dala ko. Nagsimula na rin s’yang maglakad kaya wala na akong nagawa kundi ang sumunod sa kanya.   "Anong pinag-sapan n’yo, Arthur?" muling tanong ko pagkaraan ng ilang minuto.   "Wala naman, nagkumustahan lang kami," sagot n’ya habang diretso ang tingin sa daan.  “Ah, ganoon ba?” Gusto ko mang malaman ay pinigilan ko ang sariling magtanong pang muli. May tiwala rin naman ako sa kanya at sigurado akong hindi s’ya magsisinungaling sa akin.   Matapos ang ilang pang minutong paglalakad ay nakarating na kami sa bahay. Ang mabango at nakakagutom na amoy ang kaagad na bumati sa amin. Nakaramdam ako ng pagkalam ng sikmura. Bahagya pang natawa si Arthur nang marinig ang pag-aalburuto ng tiyan ko. Nag-init ang mga pisngi ko dahil sa hiyang naramdaman.   Marahang hinawakan ni Arthur ang braso ko. “Mabuti pa’y kumain na tayo.” Ngunit bago pa kami makapasok sa kusina ay lumabas na mula roon ang mga magulang n’ya.   “Treya, magbihis ka na muna para maging komportable ang pakiramdam mo. Maghahain lamang ako para makakain na tayo,” pahayag ng nanay ni Arthur.     Nakangiting tumango ako at sinunod ang sinabi n’ya. Naging mabilis lang ang pagpapalit ko ng damit at kaagad akong bumalik sa kusina. Nang pumasok ako sa kusina ay napansin kong nakapagpalit na rin ng damit si Arthur. Ngayon ay abala na s’yang nagsasalansan ng mga mansanas sa lalagyan ng mga prutas.   Hindi ganoon kalaki ang bahay nina Arthur. Katulad ng iba pa, gawa rin ito sa kahoy at bato. Mayroon itong tatlong silid at isang palikuran.   Sampung taong gulang ako ng manirahan ako sa kanilang pamilya. Hindi na iba ang turing sa akin ng mga magulang ni Arthur at maging ng lalaki. Hindi naglaon ay nagkamabutihan kaming dalawa na sinuportahan ng mga magulang n’ya.     “Maupo ka na,” yaya sa akin ni Papa.   Kaagad akong tumalima at sinimulan na ni Papa ang pagdarasal. Matapos magdasal, masaya naming pinagsaluhan ang payak ngunit masarap na hapunan. Muli, habang kumakain ay nagkwentuhan kami na siyang kinasanayan na namin.     "Babalik po kami ni Arithrea bukas sa gubat para kumuha ng mga panggatong. Paubos na rin kasi ang imbak nating kahoy at malapit na ang taglamig," pahayag ni Arthur.   "Kagagaling n’yo lang doon. Ayaw n’yo bang magpahinga na muna?” tanong ng kanyang ama.   "Hindi po kasi namin nagawang dalhin lahat ng mga kailangan kaya ipagpapabukas namin iyon," segunda ko. Nag-aalala sila sa tuwing pumupunta kami sa kagubatan dahil na rin sa mga magical creatures na naninirahan doon.   "Kung ganoon ay mag-ingat na lang kayo. Huwag na huwag kayong magpapahapon dahil inimbitahan tayo ni Esther sa kaarawan ng kanyang ina,” imporma sa amin ni Mama.   Kaagad na bumaling ako kay Arthur. “Iyon ba ang dahilan kung bakit ka kinausap ni Esther kanina?”   “Ah… Oo, ‘yon na nga,” tila nauutal na sagot ni Arthur. Natapos ang hapunan namin na may kakaiba akong naramdaman sa dibdib. Nagsimulang magligpit ng pinagkainan ang Mama ni Arthur.   "Oh s’ya, liligpitin ko na muna ang pinagkainan natin. Sa sala na kayong dalawa mag-usap," pahayag ng ina ni Arthur at tumayo na.   "Ako na po ang maghuhugas ng mga pinggan." prisinta ko ngunit tinanggihan n’ya ako.   "Huwag na. Ako na rito at maaga pa kayong babangon bukas," pagtataboy pa sa akin ng ina ni Arthur paalis ng kusina. Wala akong nagawa kundi sundin ang gusto n’ya. Dumiretso na ako sa sala at nadatnan ko roon si Arthur na tahimik na naglilinis ng kanyang palakol.   "Anong oras ba tayo aalis bukas?" tanong ko sa kanya.   "Pagputok na lang ng araw. Ayos lang ba iyon sa ‘yo?" tanong n’ya at inilapag sa sahig ang palakol pagkatapos ay humarap sa akin.   "Oo naman, walang problema." Humikab ako. “Inaantok na ako, mauuna na akong matulog.”   Tumango si Arthur. “Sige, susunod na rin ako”.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD