Veronica's POV
ALAS-KUWATRO pa lang ng hapon ay nasa labas na ako ng boarding house habang naghihintay kay Lea. Eksaktong alas-singko ng hapon ang oras ng klase namin kaya ready-ing ready na ako.
"Lea, pakibilisan naman!" sigaw ko mula sa labas.
Nakakunot na ang noo ko nang muli kong lingunin ang kahoy na pinto ng boarding house namin.
"Sandali lang! I'm coming na!" balik sigaw naman nito sa akin.
Umiling na lang ako habang bumubuntong-hininga. Nang makalipas ang limang minuto na wala pa rin ito ay kinuha ko na ang cell phone ko at nagdesisyon na libangin ang sarili gamit ng internet.
Binalikan ko ang mga kuwentong aswang na nahanap ko kanina pagkatapos kumain ng tanghalian. Ayon dito, mga buntis nga at may malulubhang sakit lamang ang binibiktima ng mga aswang. Ngunit ayon naman kay Aling Puring, hindi raw buntis ang biktimang babae na natagpuan at mas lalong wala itong malubhang sakit.
Kaya napaisip din akong saglit, aswang nga ba talaga ang may gawa niyon? Paano kung tama si Lea? Na adik talaga ang kriminal at trip nilang ganoon ang gawin sa biktima nila para mabuntong sa aswang ang krimeng ginawa?
"Oo sabi! Kita na lang tayo mamaya. Va-bye!"
Lumingon ako nang marinig ang boses ni Lea mula sa likuran ko.
"Mabuti naman at natapos ka na. Akala ko, aabutin ka pa ng pasko," sarkastiko kong saad sa kaniya bago nag-umpisang lumakad.
Katahimikan lang ang namagitan sa amin habang binabaybay ang daan patungo sa eskuwelahan. Abala siya sa kakalikot sa kaniyang cell phone habang ako naman, wala talagang ganang magsalita.
Nang halos ilang hakbang na lang kami sa gate ng aming school ay saka lang ito kumibo. "Uy, Nica, may disco raw mamaya sa gym. Sama ka?" tanong nito.
Nilingon ko siya at nakitang nakataas ang kaniyang dalawang kilay at para bang sinasabi ng mga mata niya na sumama ako.
"Alam mo naman na ayaw ko sa mga ganiyan, 'di ba?"
"Yeah, pero kapag 'di ka sumama ngayong gabi, mag-isa mo lang na uuwi."
Mabilis ko siyang nilingon sa narinig. Oo nga pala! Malayo sa eskuwelahan ang gym, kasing layo ng boarding house namin. Puwede nang magkabilang mundo ang peg ng dalawa sa layo. Kung hindi ako sasama kay Lea at sa aming barkada, mag-isa ko lang talaga na uuwi mamayang gabi.
"Sh*t naman," mura ko nang maalalang ni isang bawang o kahit kaunting asin ay wala akong dala.
Mabilis akong huminto sa paglalakad at nilingon ang mahabang kalsadang binagtas namin. Malapit na rin kami sa eskuwelahan kaya mali-late na ako kung babalik pa ako sa boarding house.
"So, sasama ka na?" Nang lingunin kong muli si Lea ay nakangisi na ito na para bang isinisigaw ng pagmumukha niya ang salitang tagumpay!
Marahan akong umiling. "A-ayaw ko."
Nag-iwas agad ako ng tingin para itago ang takot na nararamdaman ko. Gustuhin ko mang sumama sa kanila, ganoon pa rin naman iyon. Gabi pa rin kaming uuwi at iyon ang ayaw kong mangyari. Halos ma-trauma na nga ako sa narinig kagabi, e.
"Nica, nag-aalala lang naman ako sa iyo. Mag-isa mo lang mamaya. Paano kung ikaw na ang sunod na aswangin?" may himig pagbibiro nitong tanong.
Mariin ko siyang tinitigan bago inirapan nang bonggang-bongga. "Akala ko ba hindi ka naniniwala sa aswang?"
Ngumiti ito. "But you do."
Huminto kami sa pag-uusap nang lapitan kami ng barkada namin. Sina Angel, Sam at ang boyfriend nilang dalawa na sina Anzo at Rico.
Napatitig ako kay Anzo, ang boyfriend ni Sam, nang bigla ako nitong lapitan.
"Namumutla ka. Ayos ka lang?"
Mabilis akong nag-iwas ng tingin nang mabaling sa amin ang atensyon ng lahat.
"Oo nga, Nica. Okay ka lang ba?" dinig ko naman na tanong ni Angel. May himig pag-aalala ang boses niya.
Bago pa man ako makasagot ay nagsalita na si Lea.
"Ayaw kasi sumama mamaya. Mag-isa niya lang na uuwi. Ayan, problemado," biro ni Lea sa akin.
Tinitigan ko lang ito nang masama para patahimikin ito. Ngumiti naman siya sa akin bago nag-peace sign.
"Nasaan si Rosa?" tanong ko na lang para maiba ang usapan.
"Nauna na sa diskohan. Alam mo naman iyon," si Rico ang sumagot, ang boyfriend ni Angel, at sinundan pa nito ng tawa ang sariling sinabi kaya napatawa na rin ang ilan sa amin.
Alam kasi namin na adik talaga sa disco ang kaibigan naming si Rosa. Ang totoo nga niyan, maliban sa pagiging adik nito sa disco ay pamangkin din ito ng mayor dito sa lugar namin kaya kapag may ganitong event ay lagi itong uma-absent sa school upang makatulong sa pagdedekorasyon o pag-aayos ng gagawing event. Kusa itong ginagawa ni Rosa dahil gusto niyang sumunod sa yapak ng kaniyang tito.
Bigla kong naramdaman ang presensya ni Anzo sa tabi ko habang naglalakad kaming lahat nang sabay-sabay. Nilingon ko sina Sam at ang iba, abala sila sa katatawa sa mga dirty jokes ni Rico, kaya hindi na ako umiwas pa.
"Ihahatid na kita mamaya," dinig kong bulong ni Anzo. Bahagya pa nitong nilapit ang sarili sa akin.
Umiling ako sa kaniya bago nagsalita, "Huwag na. Samahan mo na lang si Sam sa diskohan," walang emosyon kong tugon.
"Nica naman, napag-usapan na natin ito, `di ba? Anong kaartehan na naman ba iyan?"
Masama ang tinging ipinukol ko sa kaniya dahil sa mga narinig. Nagkatitigan kaming dalawa, pero nang hindi ko na makayanan ang nakapapaso niyang mga tingin ay inirapan ko siya matapos ng ilang segundo.
"Tama na, Anzo. Ayoko na," mariin kong bulong at binilisan lalo ang paglalakad para layuan ito.
"Nica!" narinig ko pa ang mahina pero mariin niyang pagtawag sa pangalan ko.
Sa sobrang inis ko ay hindi ko na siya pinansin pa at mas binilisan ang paglalakad patungo sa loob ng aming classroom.
Habang oras naman ng klase ay wala akong ibang inisip kundi ang sitwasiyon namin ni Anzo. Hindi ko na nabigyan ng pansin ang itinuturo ng titser namin sa harap, ni hindi na nga sumagi sa isip ko na mag-isa ko na lang na uuwi mamaya.
Dalawang klase lang ang mayroon kami sa loob ng isang araw; ang isa ay mag-uumpisa mula alas cinco sa hapon hanggang alas sais y medya ng gabi. At ang pangalawa at huli naman ay pagkatapos lamang ng unang klase namin na hanggang alas-otso na. Kaya nagreklamo pa ang ilan sa mga kaklase ko nang lagpas alas otso y medya kaming d-in-ismissed ng guro namin.
"Bad trip naman si Ma'am! Late na tayo sa disco, ah!" reklamo ni Rico habang naglalakad kami patungo sa nag-iisang gate ng eskuwelahan namin.
"Huwag ka ngang OA, baka nga hindi pa `yon nagsisimula, `no!" ani Lea rito at nagtawanan ang iba.
"Hoy, alas-otso ang umpisa ng program!" hirit naman ni Rico.
Hindi na ako sumali pa sa usapan ng mga ito dahil pinoproblema ko na ngayon ang pag-uwi nang mag-isa.
"Filipino time, Rico," dinig kong sabat ni Angel habang abala ito sa kakalikot ng sarili niyang cell phone.
Medyo dumistansiya na rin ako sa kanila dahil baka pilitin pa nila akong sumama sa diskohan. Nang maabot namin ang gate ay kailangan ko nang humiwalay kina Lea at sa barkada. Bandang kanan kasi ang daan patungong gym habang kaliwa naman ang papuntang boarding house namin.
Hahakbang na sana ako papalayo nang bigla akong matigilan nang marinig ang boses ni Anzo.
"Nica, ihahatid na kita."
Lumingon ako at nakita ang nag-aalalang mukha ni Anzo. Mariin siyang nakatitig sa akin, bagay na ikinahiya ko. Napansin ko rin ang paghinto ng usapan nina Lea at ng iba kaya nilingon ko ang mga ito.
Unang tumambad sa akin ang mukha ni Sam na hindi ko mawari kung nag-aalala ba o naiirita sa pagpresinta ng boyfriend niya na ihatid ako.
"Huwag na, Anzo. Kaya ko naman mag-isa. Isa pa, marami naman ang mga estudyanteng pauwi na, makikisabay na lang ako sa kanila," sabi ko na lang bago nag-iwas ng tingin.
"Nica naman kasi! Sumama ka na lang sa amin!" pagpipilit pa rin ni Lea.
"Oo nga," sang-ayon pa ng iba.
Muli akong umiling dahil hindi ko talaga bet ang mga diskohan. Isa pa, paniguradong may sayawan doon para sa mga magkatipan. Ayokong makita sina—
"Ayaw naman pala ni Nica. Huwag niyo na lang pilitin."
Nahinto ako sa aking iniisip nang sabihin iyon ni Sam sa amin. Agad naman sumabat si Angel na hindi ito papayag. Delikado na nga kasi sa gabi dahil may aswang nga raw na gumagala sa baranggay namin at may mga natatagpuan ng bangkay. Pero sa huli, wala pa rin silang nagawa nang mag-walkout na ako. Naririnig ko pa ang pagtawag nila sa pangalan ko, ngunit hindi ko na sila pinansin pa.
Dito talaga ako magaling, e. Sa pagwo-walkout. Alam naman na nila na kapag ginawa ko ito, ang ibig sabihin ay hindi na magbabago ang isip ko.
Kalahating oras . . .
Kalahating oras lang ang lalakarin ko, at pagkatapos ay nasa boarding house na ako. Laking pasalamat ko na lang dahil may mga poste ng ilaw sa daan, kung wala ay baka inatake na ako ng sakit sa puso dahil sa sobrang bilis ng t***k ng puso ko sa pinaghalong takot at kaba.
Habang naglalakad ay pilit kong inaalala ang mga anime series na napanood ko noon upang mawala sa isip ko ang tungkol sa aswang. Sabi kasi nila, malalaman daw ng aswang kung iniisip mo sila o hindi. Malakas kasi ang pandama nila.
Nang halos sampung minuto na akong naglalakad ay bigla akong natigilan sa napansin. Luminga-linga pa ako sa paligid dahil baka may nauuna o nahuhuli lang na mga estudyanteng naglalakad pero wala talaga akong makita.
Nag-iisa lang ako!
Ano `to? Lahat ba ng estudyante ay nasa diskohan ngayon? Ilang beses akong napalunok nang magsimulang mabuhay ang matinding kaba sa dibdib ko.
Kinuha ko ang cell phone ko at nagtungo sa music application, gusto ko sana mabawasan ang kaba na nararamdaman ko sa pamamagitan ng pagpapatugtug ng kanta, pero natigilan din ako nang biglang may naisip. Paniguradong makakakuha ako ng atensiyon kapag nagpatugtug ako sa gitna ng gubat. Oo, gubat dahil kahit sementado ang daan namin ay nasa gitna pa rin ito ng kagubatan. Sa takot na baka ang atensiyon pa ng aswang ang makuha ko ay mabilis kong ibinaba ang aking cell phone.
Muli akong nag-umpisang lumakad. Nang medyo matagal-tagal na rin akong naglalakad ay muli kong binuksan ang aking cell phone para sana makita kung anong oras na.
Pero nang magsabog yata ng kamalasan ang langit, nasa labas ako ng bahay at nagtatampisaw dahil bigla na lang namatay ang ilaw ng mga poste sa paligid.
"s**t! s**t! s**t!" pabulong kong mura.
Kasalanan ng Zamcelco ito! Brownout na naman! Nang sulyapan ko ang aking cell phone ay biglang nanlaki ang mga mata ko nang makitang alas nuwebe na pala ng gabi.
"s**t talaga," halos maluha ko nang pagmumura dahil ngayon lang ako nagsisi sa hindi pagpayag na sumama kina Lea.
Sana pala, tiniis ko na lang ang hirap ng nasa isang party, kaysa naman ganito! Baka maging hapunan pa ako ng aswang nito, e!
Binuksan ko na lamang ang flashlight ng cell phone ko at mas binilisan lalo ang paglalakad. Makalipas lang ang ilang segundo ay natigilan din ako ulit. Biglang umihip ang malakas na hangin sa paligid at pakiramdam ko, tumayo ang lahat ng mga balahibo ko sa katawan. Nararamdaman ko ang sarili na nanginginig nang dahil sa takot.
Hindi ko lang matantsa kung dahil sa takot na baka may aswang ba o multo sa paligid. I'm in the middle of the forest for goddamn's sake! Nag-iisa na nga, brownout pa! May mas imamalas pa ba ako?
Binilisan ko na lang lalo ang mga hakbang hanggang sa halos ay naging takbo na ang ginagawa ko. Nag-uumpisa na akong makaramdam ng pagod nang bigla na naman akong matigilan dahil sa narinig.
"Kikikikikik!"
Namilog ang mga mata ko nang marinig iyon. Mabilis na pumasok sa isip ko na baka aswang na iyon. At ang mas malala pa, mahina ang tunog na narinig ko; ang ibig sabihin, nasa malapit lang ito!
Ang alam ko kasi, kapag nag-ingay ang aswang, once na mahina ang ingay na maririnig mula sa kanila, ibig sabihin at nasa malapit lang sila. At kapag malakas naman ay nasa malayo ang mga ito. Sila ay mga mapanlinlang na nilalang sa kanilang mga binibiktima, paraan nila ito upang mas madali nilang makuha ang bibiktimahin nila.
Bigla akong kumaripas ng takbo dahil wala pa akong balak mamatay! At kung sakaling kukunin na ako ni Lord, ayokong maging kalunoslunos ang paraan ng pamamaalam ko! Ni ayoko ngang maging pagkain ng pating kaya never akong naligo sa dagat nang walang kasama. Ang maging pagkain pa kaya ng aswang!
Habang tumatakbo ay naramdaman ko na lang ang pamamasa ng gilid ng mga mata ko dahil sa takot na nararamdaman.
"Kikikikikik!"
Muli kong narinig ang tunog na iyon at sa pagkakataong ito, mas mahina pa iyon.
"Diyos ko, kung mamatay man po ako ay tatanggapin ko, pero huwag naman po sa ganitong paraan! Ayokong maging hapunan ng isang halimaw!" mahina kong usal habang naglalandas ang mga luha sa aking pisngi.
Kadiliman. Ito ang natatanaw ko, walang hanggang kadiliman. Kahit may dalang flashlight, ay ni hindi ko na magawang ayusin ang pagtutok nito sa aking dinaraanan dahil sa pagtakbo.
"Kikikikikikik!"
Sa pagkakataong ito, may pagaspas na ng malaking pakpak akong narinig matapos ang tunog na nililikha ng aswang. Bigla rin nagsitayuan ang mga balahibo ko sa batok nang may marinig akong tumatakbo mula sa likod ko.
Mariin akong umiling. "Diyos ko po, Diyos ko po! Tulungan n'yo po ako," mahina kong usal habang patuloy sa pagluha.
Pakiramdam ko, hinahabol ako ng kamatayan at anumang oras ay maaabutan na niya ako.
Ang kanina'y mahinang pagluha ay naging pag-iyak na nang may kasamang mga hikbi.
"Kikikikikikikik!"
Biglang lumakas ang tunog na iyon mula sa kanan ko kaya napalingon ako roon. Sisigaw na sana ako nang makitang gumalaw ang mga d**o nang bigla akong may maramdaman na malamig na kamay ang humawak sa aking braso.
Isang malakas na sigaw ang kumawala sa aking bibig bago nagawang takpan ng kamay na iyon ang bibig ko.
"Sshh! Nica, it's me!" mahinang bulong ng boses ng isang lalaki.
Tumigil ako sa pagpupumiglas nang mamukhaan ko ang boses nito.
"Anzo!" bulalas ko nang alisin nito ang kamay sa aking bibig. Mabilis akong yumakap sa kaniya dahil sa labis na pagkagulat at takot. At dahil na rin sa sobrang tuwa dahil siya ang nabungaran ko at hindi isang aswang o bangkay o engkanto, o nuno sa punso!
"Ssshh, tahan na," masuyo niyang hinagod ang likod ko habang patuloy ako sa pag-iyak. "Huwag mong papatayin ang flashlight ng cell phone mo. Tayo na."
Kumalas ako sa pagkakayakap sa kaniya nang marinig iyon at pilit na pinakalma ang sarili. Mahahalata sa kaniyang boses na maski siya ay nakararamdam na rin ng takot.
Mahigpit ang paghawak ko sa kamay ni Anzo habang mabilis kaming naglalakad. Nanginginig din ang mga kamay ko kaya hindi ko pa rin magawang ilawan nang maayos ang daan, kaya naman, kinuha na ni Anzo ang cell phone mula sa aking kamay at ito na ang nagdala niyon.
"A-Anzo . . ." mahina at nauutal kong tawag sa pangalan niya. Umungol lang siya bilang tugon sa akin. "M-May narinig ako kanina," pag-uumpisa ko. "B-Baka a-aswa—"
"Sshh. Oo, alam ko. Narinig ko rin `yon," anito na mas nagpalakas pa ng kabog sa dibdib ko.
Nanlalaki ang mga matang tinitigan ko siya, ngunit nabigo akong makita ang kaniyang mukha dahil sa madilim na paligid.
Hindi kalayuan mula sa amin ay natatanaw ko na ang ilang bahay na kaunting sindi ng ilaw.
"Kikikikik!"
Pero nang marinig muli ang tunog na iyon mula sa likuran namin ay hindi ko na napigilan ang sarili na tumakbo nang mas mabilis. Tumatakbo na rin si Anzo habang hawak pa rin nang mahigpit ang aking kamay.
Hanggang sa marating namin ang boarding house kung saan nag-uusap pa sa labas ng tindahan sina Aling Puring at ang kapit-bahay namin na si Aling Celia, ang kaibigan nito. May tindahan kasi si Aling Puring sa baba ng bahay nito kaya minsan inaabot sila ng alas nuwebe o higit pa sa pagtsi-chismis bago magsarado.
"O, anong nangyari sa inyo? Bakit parang namumutla kayong dalawa?" tanong sa amin ni Aling Puring nang makalapit kami sa kanila.
Pareho kami ni Anzo na habol ang sariling hininga kaya hindi namin nagawang sumagot agad sa kanilang tanong. Nakita kong tumango-tango ang katabi ni Aling Puring na parang alam na nito ang dahilan kung bakit kami humahangos sa pagtakbo.
"Puring, dito mo na patulugin ang binatang ito ngayon gabi," napalingon kaming pareho ni Anzo sa nagsalitang ginang na si Aling Celia.
Nagawang itaas nang bahagya ni Anzo ang kaniyang kamay at sumenyas na hindi na.
"O-okay lang ho. K-kahit hindi na," nauutal niyang saad.
"Kung aswang ang dahilan ng pagtakbo n'yo, ang ibig sabihin ay nakasunod na ito sa inyo," nagkatitigan kami ni Anzo sa narinig.
"Po?" kunot-noong tanong ni Anzo sa babae.
Pakiramdam ko ay tatalon na mula sa loob ng dibdib ko ang aking puso. Kung ganoon, alam na talaga ni Aling Cecilia ang dahilan ng pagtatakbo namin.
"Hala sige, pero binata sa sala ka lang, ha? Kababaihan lang ang nagb-boardi dine, e," baling naman ni Aling Puring kay Anzo.
"Gusto mo bang mamatay ngayong gabi, hijo?" namilog ang mga mata ko sa tanong na iyon ni Aling Celia.
Agad kong nilingon si Anzo at pinisil ang kamay nito para makuha ang kaniyang atensyon. Gusto ko itong sabihan na sa boarding house na lang matulog dahil malayo pa ang bahay nito. Nag-aalala ako para sa kaniya.
"P-pero baka hanapin po ako sa amin," aniya bago ako nilingon.
"Ang nilalang na humabol sa inyo, kapag may pinunterya itong pagkain at nakatakas iyon, hindi ito titigil hangga't hindi niya ito nakukuha," makahulugang sabi ni Aling Cecelia na nagpatayo sa lahat ng balahibo ko sa katawan.
"Sa madaling salita, susundan kayo ng aswang hanggang dito," sabat naman ni Aling Puring habang napapailing ito.
Ibubuka ko sana ang bibig ko para magsalita nang bigla kaming matigilan lahat dahil sa narinig.
"Kikikikikik!" At kasunod niyon ang isang malakas na pagaspas ng tila malaking pakpak.