Chapter One

2273 Words
Veronica's POV KINAUMAGAHAN ay nanginginig pa rin ako sa takot habang nakaupo sa harap ng hapagkainan. Nang lingunin ko si Lea sa kanan ko ay walang pakialam itong lumalamon ng agahan. Matagal ko itong tinitigan nang masama. "Ano?" tumaas ang isang kilay nito nang itanong iyon. Abala ito sa pagnguya ng kaniyang bread with peanut butter habang nakatingin sa akin na para bang walang nangyari. Inirapan ko ito ng dahil sa inis. Bakit parang sa aming dalawa, ako lang ang apektado sa nangyari kagabi? "Imahinasyon lang ba namin iyon?" tanong ng isang bahagi ng utak ko. Mariin akong umiling. Imposible! Napaka-imposible talaga kung imagination lang iyon. Para kasing totoong-totoo, e. Ang ungol ng babae, ang malakas niyang sigaw na para bang humihingi ng tulong . . . at ang pagaspas ng malaking pakpak. Nasa ganoon akong pag-iisip nang biglang pumasok sa loob ng kusina si Aling Puring, ang landlady ng inuupahan naming boarding house. "Nako! Nakakatakot na talaga ang panahon ngayon!" pahayag nito at kumuha ng isang babasaging baso saka nagtimpla ng kape. Nakaharap ang babae sa lababo at nakatalikod sa amin. "Bakit po, Aling Puring?" usisa naman ni Lea na nagpahinto sa ginang. Nilingon nito ang nakabukas na bintana sa may kusina na katabi lang ng pinto at para bang may tinitingnan o hinahanap ito sa labas bago tuluyang itinuon ang atensyon sa amin. Humakbang ito palapit sa amin at inilapit lalo ang mukha tanda ng may ibubulong. "Kagabi, may pinatay na naman," umiiling nitong saad bagay na nagpabilog sa singkit kong mga mata. Mababakas din sa mukha nito ang pinaghalong pag-aalala, takot at galit, kaya masasabi kong hindi ito nagbibiro sa sinabi niya. Ilang segundo kaming nagkatitigan ni Lea. Walang nagsalita sa amin dalawa kaya nagpatuloy sa sinasabi nito si Aling Puring. "Ang hinala pa nga'y ginahasa muna iyong kawawang babae bago kinain!" Biglang naubo si Lea habang iniinom nito ang sariling kape. Napansin ko sa pagmumukha nito na parang anumang oras ay matatawa na ito kaya naman kumunot ang noo ko habang nakatitig dito nang mariin. Huli ko nang napagtanto ang salitang ginamit ni Aling Puring—kinain. Siya nga naman, nalimutan kong pilyo nga pala itong si Lea. Malamang ibang kinain ang nasa isip nito. "Nako! Kaawa-awa iyong babae! Ang daming kalmot sa mukha at wakwak ang tiyan at ang dibdib. Wala na raw itong laman-loob nang matagpuan kaninang umaga sa may tabing-dagat," mahabang paliwanag ng babae na nagpakunot sa noo ko. "Sa tabing-dagat po?" nagtataka kong tanong dahil sa pagkakaalam ko, sa gubat namin narinig ang malakas na sigaw ng babae kagabi. Naramdaman ko naman ang palihim na pagsiko sa akin ni Lea. Nang lingunin ko ito ay bahagya itong umiling. "Oo! At ang mas nakakatakot pa, hindi naman buntis at wala namang malubhang sakit ang babae para aswangin! Aba'y sa pagkakaalam ko, buntis o may sakit lang ang mga inaaswang ng mga salot na iyan!" mababakas ang matinding pagkamuhi sa boses ni Aling Puring. Hindi na lang kami sumagot ni Lea sa mga sinabi nito dahil sa totoo lang, natatakot pa rin ako. Idagdag pang nakakadiri ang pinag-uusapan namin habang kumakain. Matapos mag-agahan ay nagpaalam ako kina Aling Puring at Lea na lalabas na muna. Ang hindi ko alam ay sinundan pala ako ng magaling kong kaibigan sa paglabas ko. "Saan ka pupunta? Baka makasalubong mo ang aswang," nakangisi nitong biro nang makalapit sa akin habang itinataas pa ang kamay sa harap ko na para bang nananakot pa. "Lea, ano ba? Hindi magandang biro iyan!" Inirapan ko ito bago binilisan ang paglalakad. Humabol naman ito sa akin. "Ikaw naman, `di na mabiro. Saan ka ba kasi pupunta, ha?" takang tanong nito at sinabayan ang paglalakad ko. "Sa palengke," maikli kong tugon bago nagbaba ng tingin. "And what are you going to do there?" Huminga ako nang malalim bago sinagot ang kaniyang tanong, "Bibili ng bawang, kalamansi at asin." "Samahan mo na rin kaya ng sibuyas at karne para may pangtanghalian na tayo," biro nito bago ako inirapan. "Naniniwala ka talaga ro'n, ha?" Huminto ako sa paglalakad at hinarap siya. "Sino naman ang hindi maniniwala, Lea? Wakwak daw ang dibdib at tiyan no'ng babae!" kusa akong huminto sa pagsasalita bago luminga sa paligid. Nang makitang walang pakialam ang iilang tao sa paligid namin ay saka lang ako nagpatuloy sa pagsasalita. "Aswang ang may gawa no'n, Lea, at malamang, iyong babaeng narinig natin na sumisigaw kagabi ang naging biktima!" Muli itong umirap bago ako tinapik-tapik sa balikat. "Aswangs are not real, Nica. Mga adik lang siguro ang may kagagawan niyon! Huwag kang paranoid." Sa pagkakataong ito ay ako naman ang umirap sa kaniya. "Ang sabihin mo, hindi ka lang talaga naniniwala sa aswang." "Exactly!" anito at nagkibit-balikat pa bago nagpatuloy sa paglalakad. "Ikaw, umamin ka nga sa akin. Galing kang Maynila, pero nagpapaniwala ka sa mga aswang. Why?" Hindi ako sumagot sa tanong niya, sa halip ay dinukot ko sa aking bulsa ang cell phone ko at tumuloy sa internet browser. Maya-maya ay naramdaman ko na lamang si Lea na sinisiko ako. "Ano ba," mahina kong saway sa kaniya habang abala sa pag-g-google. Nagri-research kasi ako sa internet ng tungkol sa mga aswang. Ang totoo niyan ay hilig ko na talaga noon pa ang mga hindi pangkaraniwang nilalang gaya ng mga aswang, manananggal, multo, engkanto at marami pang iba. Kaya naniniwala talaga ako na nag-e-exist sila kahit hindi pa ako nakakikita o nakakikilala ng isa. "Hey, tingnan mo," bulong ni Lea sa tainga ko. Nag-angat naman ako ng mukha para tingnan ang kung anumang bagay na tinutukoy nito. Isang lalaking matangkad na naka-black hoodie ang nakita kong naglalakad patungo sa gawi namin. Nakasaklob ang hood nito sa kaniyang mukha kaya hindi ko magawang makita ang hitsura niya. Nakatindig ito nang tuwid habang nakapamulsa. Malalapad din ang balikat nito at idagdag pa ang kaniyang tangkad kaya masasabi ko talagang— "Ang gwapo niya, Nica!" kinikilig na usal ni Lea. Nang lingunin ko ito ay nangunot ang noo ko nang makitang kulang na lang ay mag-hugis puso ang mga mata nito habang nakatitig sa lalaki. Muli kong ibinalik ang tingin sa lalaki nang lagpasan kami nito. Hindi ko maiwasang hindi makaramdam ng kakaibang panlalamig sa katawan kaya pinakatitigan ko itong mabuti. "He's so cool talaga, Nica," muling bulong ni Lea. Kunot-noong tinitigan ko ang papalayong lalaki. "Nakita mo na ba ang mukha no'n?" Umiling si Lea habang nakangiti nang malapad. "Hindi pa," wala sa sarili nitong tugon. Napairap na lang ako sa naging sagot niya. "So, how can you say that he's guwapo? You haven't even seen his face yet!" "I just know," agad nitong sagot bago muling humarap sa akin at hinawakan ako sa magkabilang braso. "Huli ka na naman sa balita," dagdag pa nito. Mas lalong kumunot ang noo ko. "Anong balita?" "Well, well, well, siya lang naman ang most famous senior student sa campus natin! Matalino na, magaling pa sa mga sports at napakayaman!" Tumaas ang kilay ko. Mayaman my ass! "Mayaman? Kung mayaman talaga siya, e `di sana sa city na siya nag-aral! Hindi sa liblib na lugar na katulad nito," umiirap kong wika bago tinalikuran si Lea at muli na sanang hahakbang, pero mabilis ako nitong pinigilan sa braso. "Oops! May isa pa," ngumiti siya at hinila ako paharap sa kaniya. "Alam mo ba na kakaunting tao pa lang sa school natin ang nakakikita sa mukha niya?" Kumunot bigla ang noo ko sa sinabi ni Lea. At dahil sa nilamon na rin ako ng curiosity ko ay hindi ko na napigilan ang sarili na magtanong kung bakit. "Actually, I don't know the exact reason, e, or when it all started, basta ang alam ko lang, nag-umpisa siyang magsuot ng hoodie noong junior na siya. Biglaan na lang daw, hindi na siya sumali sa basketball or sa any sports na kinailangan niyang magtanggal ng jacket. Ayun, ngayon wala nang nakakikita sa mukha niya," mahabang salaysay nito. Umawang ang bibig ko habang mas lalong kumukunot ang noo. Ako lang ba? O ang weird naman yata ng lalaking iyon? "Hindi kaya, aswang siya?" mabilis kong tanong kay Lea at unti-unting gumuhit ang isang ngiti sa mga labi ko. Sa hindi ko malamang dahilan, bigla akong hinampas ni Lea sa braso. "Tumahimik ka nga riyan, Nica! Hindi aswang si Chronos!" "Chronos!" bulalas ko. Halos kapangalan kasi nito ang favorite anime character ko, si Chrono sa Chrono Crusade. Agad naman tinakpan ni Lea ang bibig ko gamit ng kaniyang kamay bago luminga sa paligid. "You're so loud, Veronica!" asik nito sa akin na ikinatawa ko lang. Matapos ng naging pag-uusap namin ay bumalik na si Lea sa boarding house. Actually, nagalit ito sa akin dahil hindi ko tinigilan ang pagsasabing aswang ang crush niya. Sino naman kasi ang normal na taong itatago ang mukha sa buong university kung saan siya nag-aaral, hindi ba? At isa pa, sa panahon ngayon, nag-evolved na rin ang mga aswang. Katulad ng mga normal na tao, nag-level up na rin sila! Malay ko ba na ang iba pala sa kanila ay nasa eskuwelahan na rin na nakakasama at nakasasalamuha ko or baka magiging boss ko pa sa trabaho sa hinaharap? Nang marating ang palengke ay agad na akong bumili ng pagkarami-raming bawang at asin. Sabi kasi sa isang site na nabasa ko sa internet ay takot daw ang aswang sa mga ito. Kaya naman kumuha na rin ako ng kalamansi dahil ayon din doon, para malaman kung karneng tao ang pagkaing inihain sa iyo, budburan mo raw ito ng kalamansi. Maghintay ka lang ng ilang minuto at lalabas ang tunay nitong hitsura. Makikita na ang mga buhok, eyeballs o kuko kung sakaling karne ng tao ito. Kadiri iyon. Mabuti na lang dahil hindi ako mahilig makikain sa mga bahay ng kung sinu-sino. Mabuti siguro kung payuhan ko na rin sina Lea at ang iba pa, okay lang maging matakaw at lumamon, pero piliin ang mga pagkaing kinakain. Mahirap na. Karamihan pa naman sa kabarkada ko ay matatakaw. Nang pauwi naman ako at tinatahak na ang daan kung saan namin narinig ni Lea ang sigaw ng babae kagabi, hindi ko maiwasan ang hindi makaramdam ng pangingilabot. Mabuti na lang dahil may mga tao akong nakasalubong na pawang mga nakaitim. Namatayan yata. Nang tingnan ko ang larawan na hawak ng isang matandang babae habang umiiyak ito, larawan ng babae ang naroon. Ito siguro ang pamilya ng biktimang babae na natagpuan kanina. Kawawa naman dahil halata sa hitsura ng mga ito ang hirap na pinagdaraanan nila. "Heto, kunin ninyo ito," dinig kong saad ng isang matandang lalaki nang magtagpo ang daan namin ng mga ito. Pakiwari ko ay isang taong-grasa ang matanda dahil sa hitsura nitong marumi ang suot na damit at halos punit-punit na. "Salamat, Tata San," ani ng isang lalaking kasama ng mga nagluluksa. "Basta kapag kumulo ang langis na nasa loob niyan, ang ibig sabihin ay malapit lang ang aswang." Namilog ang mga mata ko sa narinig mula sa matandang lalaki. Ang langis na kumukulo! Nabasa ko rin iyon sa internet! Ang tagal ko na ngang naghahanap ng ganoon kaso wala talagang nagbibenta ng gaya niyon sa mga tindahan. Siyempre, asa naman ako na may mahahanap akong ganoong bagay sa malalaking tindahan. Binagalan ko ang paglalakad ko dahil gusto ko sanang makausap iyong matanda. Kung papayag ito ay magpapagawa rin ako ng ganoon para madali ko lang malaman kung may aswang na malapit sa akin. "Chronos!" Nakuha ang atensyon ko nang makarinig ng sigaw ng isang lalaki hindi kalayuan mula sa akin. Nang mag-angat ako ng mukha ay nakita ko ang isang binatilyo habang tumatakbo ito patungo sa gawi ko. Tumigil ito sa mismong harap ko habang habol ang sariling hininga at tumitig sa akin. "Ikaw," anito at dinuro pa ako. Tinitigan ko naman ito nang masama. "May nakita ka bang lalaki na dumaan dito kanina? Naka-hoodie siya." Umiling ako rito bilang tugon. "Imposible iyon! Nakasunod lang ako sa kaniya kanina. Umihi lang ako sandali," sabi nito na ikinairap ko. "Wala nga," walang gana kong sabi. "Tarantado iyon, ah. Dumaan na naman siguro iyon sa gubat," anito habang lumilinga-linga pa sa paligid namin. Bale, magubat talaga kasi rito sa aming lugar. Kung sa isang daang pursiyento pa, ang eighty percent ng lugar namin ay gubat habang twenty percent lang ang sementado. Iyong kalsada lang yata at ang nag-iisang eskuwelahan para sa mga kolehiyo at hayskul ang sementado. "Mag-iingat kayo," halos mapaigtad ako sa gulat nang may magsalita sa likuran ko. Pareho kaming napalingon ng lalaking nagtanong sa akin, sa kinaroroonan ng boses. Bumungad sa amin ang matandang lalaki na nagbigay ng langis kanina sa lalaking nagdadalamhati. Nang lingunin ko ang pamilyang iyon ay saka ko napagtanto na kaming tatlo na lang pala ang naririto sa daan. Magkakalayo rin kasi ang mga bahay rito kaya wala halos tao ang makikita sa gitna ng kalsada. Maliban na lamang kung araw ng piyesta. Nagkatinginan kami ng lalaki sa sinabi ng matanda. "Huwag kayong papasok sa gubat. Iwasan n'yo rin ang gumala nang nag-iisa," anito bago nag-umpisang humakbang at nilagpasan kami. "Thunders beliefs," dinig ko namang saad ng kasama kong lalaki bago ako nito muling tinuunan ng pansin at sinabing, "Hi, I'm Arnel, by the way." Tinitigan ko ang inilahad nitong kamay sa harap ko bago sinulyapan ang nakangiti nitong mukha, pero hindi ko iyon tinanggap. Walang salita akong naglakad palayo rito. "Wow! Yabang miss, ah. Feeling maganda?" narinig ko pang pang-iinsulto nito, pero hindi ko na iyon pinansin at nagpatuloy lang sa paglalakad.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD