Unang tilaok pa lang ng mga manok at gising na si Fara. Humikab siya at ini-stretch mga kamay. Umupo siya at bumaba ng papag.
"Bel, Bel, gising na. Alas singko na." Niyugyog niya ang kapatid na himbing na himbing pa sa pagtulog.
Simple at gawa sa kahoy lang ang kanilang bahay. Hanggang first floor lang din iyon pero maaliwalas naman. May tatlong maliliit na kwarto. Isa sa magulang niya, isa sa mga kapatid niyang lalaki at isa sa kanila ng kapatid niyang babae.
Lahat ng iyon ay dahil lang sa pagsasaka. Maganda naman kasi talaga ang sweldo sa mga Legaspi. Pero gusto niya sanang maging semento na ang mga iyon at sana ay malagyan ng second floor. May mga kapatid pa siyang nag-aaral kaya hindi pa maasikaso ng mga magulang nila ang bahay.
Bumuntong-hininga siya.
"Bel, sige na. Wag nang magpagising. Bilis na. Magpa-pack ka pa ng mga ulam. Tutulungan ko pa si nanay. Sige na," aniya at tinapos ang p*******i ng buhok. Lumabas siya ng kwarto at dumiretso sa labas kung saan naroon ang kanilang lutuan.
Nandoon na ang mga kapatid niya at nagsisibak. Ang tatay niya nagkakape sa may maliit na lamesa sa gilid ng kanilang pintuan. Naghihiwa naman ng mga sangkap ang nanay niya sa lamesang nasa gitna. May dalawang malalaking kaldero na nakasalang sa tatlong batong nakapormang tatsulok. Iyon ang nagsisilbi nilang stove. Ang pang-apoy naman nila ay mga panggatong na kahoy.
"Ako na po, nay," sabi niya sa nanay niya.
"Ah mabuti pa Fara at nang maasikaso ko ang tinola." Ibinibay nito sa kanya ang kutsilyo at siya na ang nagpatuloy sa paghiwa ng okra.
Ganito ang ginagawa nila sa tuwing wala silang klase. Ngayong bakasyon na ay ito na lang ang pagkakaabalahan nilang magkakapatid.
Binilisan niya ang paghiwa at muling tinawag ang kapatid niyang tulog pa yata.
"Bel, ano ba! Gising na ang mga manok ni Mang Karding!" sigaw niya rito.
Nagtawanan naman ang mga kapatid niya.
"Hay nako, Fara, ewan ko diyan sa kapatid mo." Napailing na lang siya sa sinabi ng ina.
"O, ako na lang ang gigising doon," sabi ng tatay niya at tumayo na.
Tulong tulong silang nagluto para sa paninda ng nanay nila sa bayan. Iyong mga sobra naman ay inilagay ni Fara sa mga tupperware para dalhin nila sa bukid. Bandang alas-sais ng umaga nang pumanhik siya kasama ang tatay at dalawang kapatid papunta sa bukid. Naiwan kasama ang nanay niya si Bel at ang bunsonnilang si John. Nagpa-pack pa kasi ang mga ito para dalhin sa bayan. May suki na rin naman silang tricycle na maghahatid sa mga iyon kaya walang problema.
Marami ng tao nang makarating sila sa bukid. Dumiretso si Fara sa kamalig na nasa gitna. Naabutan niya roon ang iilang mga dalaga at dalagita na nakatambay lang din.
"Magandang umaga, Ate Fara!" bati ng isang dalagang nakatirintas ang buhok. Matamis itong nngumiti sa kanya.
"Magandang umaga rin, Rosie." Nginitian niya ito at inilapag ang dalang eco bag sa papag na nasa gitna. Umupo rin siya katabi noon.
"O ang aga naman yata nitong si Landy." Napalingon siya nang marinig iyon sa ama.
"Nako, Mang Kael, grabe ang sipag niyan," sabat ng isang kasamahan nila.
Napatitig tuloy siya kay Landy na nagbubungkal ng lupa sa di kalayuan. Nakatalikod ito sa kanila kaya hindi niya kita ang mukha nito. Lumunok siya at agad ding nag-iwas ng tingin.
"Fara, mabuti pa at ilatag mo na iyang dala natin at may ibang hindi pa nakakakain." Dinig niyang sabi ng ama habang nag-aayos ito ng pang-araro.
Bumuntong-hininga siya bumaba ng papag.
Isa- isa niyang kinuha ang mga tupperware sa bag at binuksan ang mga iyon.
"Kung gusto niyong kumain, may pagkain dito, ha," anunsyo niya sa mga kasamahang malapit sa kanila.
"The best ka talaga Fara!" Natawa at nailing na lang siya sa narinig kay Carlo.
'Kahit kailan talaga.'
Umupo siya sa isang maliit na upuang gawa sa kahoy na katabi ng mahabang kahoy na inuupuan ng mga dalagita.
"Uy, Fara ang gwapo niyang bago nating magsasaka ano? Tapos close pa kay Sir Drago! Yiee!" Parang kiti-kiting binudburan ng asin na humagikhik ang babaeng naka ponytail na katabi ni Rosie.
Napairap na lang siya.
"E ano ngayon? Tumigil ka nga diyan, Susie," saway niya rito. Paano ang bata bata pa ng iba nilang kasama kung ano ano ang pinagsasabi nito.
"Ay jusko naman Fara, ga-graduate ka na! Ayaw mo pa ring mag-boyfriend?" Maarte nitong hinawi ang buhok na para bang nasa commercial ito ng shampoo. Bumuntong-hininga si Fara.
"Wala sa isip ko," sagot niya. Ngumiwi naman si Susie.
"Ay ewan ko sa'yo, Farabelle. Basta ako magpapaganda para kay Landy!" maarteng sabi nito at humagikhik ulit. Nakisabay pa ang mga iba nitong kasamang dalaga at dalagita.
Napailing na lang siya.
Naghintay lang siya roon hanggang sa mag-alas siyete at isa isa nang pumunta sa kamalig ang mga kasamahan nila para sabay silang mag-agahan.
Napapangiwi na lang siya nang makitang parang hari iyong Landy na sinasamba ng mga babae.
Todo asikaso kasi ang mga kababaihan dito. Pati nga iyong mga may edad na ay nakisali na rin. Siya lang yata ang hindi sumali. Hindi rin naman kasi siya interesado. Bumuntong-hininga at umiling na lang siya saka ipinokus ang atensyon sa pagkain.
Pagkatapos kumain ay sinamahan siya ng mga kasamang dalaga sa sandayong para maghugas ng mga pinagkainan nila. Ilang minutong lakad lang naman iyon mula sa kamalig. Hindi pa rin magkamayaw ang mga ito sa pagkukwentuhan kung gaano kagwapo ang bagong magsasaka.
Medyo naiirita na nga siya lalo pa noong pagkarating sa sandayong ay parang siya lang ang naghuhugas ng mga pinagkainan at panay ang kwentuhan ng mga kasama.
Umismid siya.
"Uy dalian niyo naman diyan. Di naman tutulong iyang pinag-uusapan niyo sa hugasin," medyo inis niyang sabi. Agad na bumaling sa kanya si Susie at nginisihan siya.
"Asus! Tingnan natin, Farabelle ha! Baka mamaya ikaw ang mahulog doon kay Landy. Yiee!" Sumunod pa sa kantyawan ang mga kasama nila. Umirap siya.
"Tumigil na nga kayo! Maghugas na lang kayo! Tas o, patuyuin niyo roon!" Mas lalo lang nagtawanan ang mga kasama niya.
'Ang galing. Ako pa ngayon ang napagtrip-an. Tss.'
"Sige Fara una na kami!" sabay na sabi ng mga ito at dinala ang mga tapos ng hugasan. Umirap lang ulit siya. Mas mabuti na rin sigurong siya na lang mag-isa kaysa mabingi siya sa kaingayan ng mga iyon.
Ipinagpatuloy niya na lang ang paghuhugas. Binabanlawan niya na ang mga tupperware at iilang plato nang may narinig siyang yapak na paparating.
Tiningala niya ito sa pag-aakalang bumalik sina Susie pero laking gulat niya nang bumungad sa kanya ang papalapit na si Landy.
Huminto ito sa kanyang harapan at nagbanlaw ng mga paa mula sa malaking tabay sa tabi niya. Para siyang natulala rito. Hindi niya alam kung bakit bigla siya nataranta na nandoon ito.
Napalunok siya at nagmamadaling tumayo at nagligpit pero dahil sa mga lumot sa sahig ay nadulas ang isa niyang paa. Akala niya ay babagsak siya nang tuluyan pero laking gulat niya nang mahawakan siya ni Landy sa bewang.
Nanlaki ang mga mata niya at agad na lumayo.
Kumunot naman ang noo ng lalaki sa kanya.
"Okay ka lang miss?" Natulala na naman siya. First time niya itong marinig na magsalita!
"Miss?"
"Ah oo!" Agad siyang nag-iwas ng tingin at napakagat ng labi.
'Ano ba iyan Farabelle! Ba't ka natutulala?!'
"Tss. Nagu-gwapuhan ka sa akin?"
Halos malaglag ang kanyang mga panga at gulat na gulat na binalingan ito ng tingin. Nakangisi ito sa kanya. Umawang ang kanyang labi at hindi makapaniwalang napatitig dito. Nag-init ang kanyang pisngi at bumilis ang kanyang paghinga
"Kapal mo!"
Humalakhak ito na mas lalong nakapagpaawang ng labi niya. She gritted he teeth and eyed him intensely.
"Hambog!" sigaw niya at tinulak ito sa dibdib.